Kung Paano Nakarating sa Atin ang Bibliya—Unang Bahagi
Ang mga Bahagi 2 at 3 ay magkasunod na lalabas sa mga isyu ng Setyembre 15 at Oktubre 15.
SA ISANG maliit na talyer, isang manlilimbag at ang kaniyang kabataang mga aprendis ang paulit-ulit na nagpapaandar ng kanilang palimbagang yari sa balangkas na kahoy, anupat maingat na inilalagay ang blangkong mga pilyego ng papel sa ibabaw ng tipo. Habang inaalis nila ang mga ito, tinitingnan nila kung tama ang nalimbag na teksto. Sa mga pisi na nakasabit mula sa isang dingding hanggang sa kabilang dingding, isinampay nila ang nakatuping mga pahina upang matuyo.
Walang anu-ano, may bumabayo nang malakas sa pintuan. Palibhasa’y natakot, binuksan ng manlilimbag ang trangka ng pintuan, at isang pangkat ng mga armadong sundalo ang basta na lamang pumasok. Sinimulan nilang hanapin ang lubhang hinatulang uri ng ilegal na literatura—ang Bibliya sa wika ng pangkaraniwang mga tao!
Huli na ang pagdating nila. Palibhasa’y nabigyang-babala tungkol sa panganib, ang tagapagsalin at isang katulong ay humangos na sa talyer, hinakot ang mga pahina, at ngayon ay tumatakas na patawid sa Rhine River. Kahit paano ay nailigtas nila ang isang bahagi ng kanilang gawa.
Ang tagapagsalin sa pangyayaring ito ay si William Tyndale, na nagsisikap ilabas ang kaniyang ipinagbabawal na Ingles na “Bagong Tipan” sa Cologne, Alemanya, noong 1525. Ang kaniyang karanasan ay pangkaraniwan na. Sa halos 1,900 taon mula nang matapos ang pagsulat ng Bibliya, maraming lalaki at babae ang nagsapanganib ng lahat upang maisalin at maipamahagi ang Salita ng Diyos. Nakikinabang pa rin tayo ngayon mula sa kanilang gawa. Ano ba ang ginawa nila? Paano nakarating sa atin ang mga Bibliya na hawak natin ngayon?
Pagkopya at Pagsasalin ng Bibliya Noon
Laging mataas ang pagpapahalaga ng mga lingkod ng Diyos sa kaniyang Salita. Inamin ng New Catholic Encyclopedia: “Tulad ng kanilang mga Judiong ninuno, mahalaga sa mga unang Kristiyano ang pagbabasa ng mga Sagradong Aklat. Bilang pagsunod sa halimbawa ni Jesus (Mat 4.4; 5.18; Luc 24.44; Ju 5.39), pamilyar ang mga Apostol sa L[umang] T[ipan] na nagpapahiwatig ng mahaba at maingat na pagbabasa at pag-aaral, at ipinayo ito sa kanilang mga alagad (Rom 15.4; 2 Tim 3.15-17).”
Dahil dito, kinailangang gumawa ng mga kopya ng Bibliya. Bago ng panahong Kristiyano, ang malaking bahagi ng gawaing ito ay ginampanan ng lubhang propesyonal na ‘bihasang mga tagakopya’ na takot na takot magkamali. (Ezra 7:6, 11, 12) Yamang nagsisikap na makagawa ng perpektong mga kopya, nagtakda sila ng mataas na pamantayan para sa lahat ng magiging tagakopya ng Bibliya sa bandang huli.
Subalit noong ikaapat na siglo B.C.E., bumangon ang isang hamon. Ibig ni Alejandrong Dakila na ang mga tao sa buong daigdig ay matuto ng Griegong kultura. Ang kaniyang mga tagumpay ay nagpatibay sa pangkaraniwang Griego, o Koine, bilang ang pangkaraniwang wika sa buong Gitnang Silangan. Bunga nito, maraming Judio ang lumaki nang hindi kailanman natutong bumasa ng Hebreo at sa gayo’y hindi makabasa ng Kasulatan. Kaya naman, noong mga 280 B.C.E., tinipon sa Alejandria, Ehipto, ang isang grupo ng mga Hebreong iskolar upang isalin ang Bibliyang Hebreo sa popular na Koine. Nakilala ang kanilang salin bilang ang Septuagint, ang Latin para sa “Pitumpu,” na tumutukoy sa humigit-kumulang na bilang ng mga tagapagsalin na pinaniniwalaang nasangkot. Iyon ay natapos noong mga 150 B.C.E.
Noong panahon ni Jesus, ginagamit pa rin ang Hebreo sa Palestina. Subalit ang Koine ay mas popular doon at sa nalalabing bahagi ng malalayong lalawigan ng sanlibutang Romano. Kaya ginamit ng mga Kristiyanong manunulat ng Bibliya ang karaniwang anyong ito ng Griego upang maabot ang pinakamaraming tao sa mga bansa hangga’t maaari. Gayundin, malaya silang sumipi mula sa Septuagint at gumamit ng marami sa mga termino nito.
Yamang masisigasig na misyonero ang mga unang Kristiyano, agad silang nasanay sa paggamit ng Septuagint upang patunayan na si Jesus ang matagal-nang-hinihintay na Mesiyas. Ito ay nakapukaw sa mga Judio at nag-udyok sa kanila na gumawa ng ilang bagong salin sa Griego, na dinisenyo upang pagkaitan ang mga Kristiyano ng kanilang mga argumento sa pamamagitan ng pagbago sa kanilang paboritong patotoong mga teksto. Halimbawa, sa Isaias 7:14 ay ginamit ng Septuagint ang isang salitang Griego na nangangahulugang “birhen,” na makahulang tumutukoy sa ina ng Mesiyas. Ang mga bagong salin ay gumamit ng isang naiibang salitang Griego, na nangangahulugang “kabataang babae.” Ang patuloy na paggamit ng mga Kristiyano sa Septuagint ay sa wakas nagpakilos sa mga Judio na ganap nang talikdan ang kanilang pamamaraan at itaguyod ang pagbabalik sa Hebreo. Sa dakong huli, ang pagkilos na ito ay naging isang pagpapala sa kalaunang pagsasalin ng Bibliya sapagkat nakatulong ito na mapanatiling buháy ang wikang Hebreo.
Ang Unang Kristiyanong mga Tagapaglathala ng Aklat
Sinimulan ng mga unang Kristiyano na gumawa ng maraming kopya ng Bibliya na makakaya nilang gawin, na pawang kinopya sa pamamagitan ng kamay. Pinasimulan din nila ang paggamit ng codex, na may mga pahina tulad sa isang modernong aklat, sa halip na patuloy na gumamit ng mga balumbon. Bukod sa pagiging mas kombinyente sa mabilis na paghanap ng mga kasulatan, ang isang codex ay makapaglalaman ng mahigit sa isang tomo kaysa sa maisusulat sa isang balumbon—halimbawa, ang buong Griegong Kasulatan o maging ang buong Bibliya.
Nakumpleto ang kanon ng Kristiyanong Griegong Kasulatan noong mga 98 C.E. sa pamamagitan ng mga aklat ng pinakahuling nabuhay na apostol, si Juan. May umiiral pang isang bahagi ng kopya ng Ebanghelyo ni Juan, na tinatawag na Rylands Papyrus 457 (P52), na ang petsa ay hindi lalampas sa 125 C.E. Sing-aga ng 150 hanggang 170 C.E., ginawa ni Tatian, isang estudyante ni Justin Martyr, ang Diatessaron, isang kabuuang salaysay ng buhay ni Jesus na isinaayos mula rin sa apat na Ebanghelyo na masusumpungan sa ating kasalukuyang mga Bibliya.a Ipinakikita nito na tanging ang mga Ebanghelyong iyon ang itinuturing niya na mapananaligan at na ang mga iyon ay inililibot na. Noong mga 170 C.E., ang pinakaunang kilalang katalogo ng mga aklat ng “Bagong Tipan,” na tinatawag na Muratorian Fragment, ay nabuo. Itinala nito ang karamihan sa mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.
Di-nagtagal at ang paglaganap ng mga Kristiyanong paniniwala ay lumikha ng pangangailangan para sa mga tagapagsalin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan gayundin ng Hebreong Kasulatan. Maraming bersiyon sa mga wika tulad ng Armenian, Coptic, Georgian, at Syriac ang ginawa nang kalaunan. Malimit na kinailangang bumuo ng mga alpabeto para lamang sa layuning ito. Halimbawa, si Ulfilas, isang ikaapat-na-siglong obispo ng Simbahang Romano, ay sinasabing nag-imbento ng alpabetong Gothic upang maisalin ang Bibliya. Ngunit hindi niya isinali ang mga aklat ng Mga Hari dahil inakala niyang ang mga ito ay pupukaw sa hilig ng mga Goth sa pakikidigma. Gayunman, hindi nahadlangan ng pagkilos na ito ang pandarambong sa Roma noong 410 C.E. ng “nakumberte sa Kristiyanismo” na mga Goth!
Mga Bibliyang Latin at Slavonic
Samantala, naging mahalaga ang Latin, at lumitaw ang ilang bersiyon ng Lumang Latin. Ngunit nagkakaiba ang mga ito sa istilo at kawastuan. Kaya noong 382 C.E., inatasan ni Papa Damasus ang kaniyang kalihim, si Jerome, na maghanda ng isang opisyal na Bibliyang Latin.
Nagsimula si Jerome sa pamamagitan ng pagbabago sa mga bersiyong Latin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Subalit sa mga Hebreong Kasulatan, iginiit niya ang pagsasalin mula sa orihinal na Hebreo. Kaya naman, noong 386 C.E., lumipat siya sa Betlehem upang pag-aralan ang Hebreo at humanap ng tulong ng isang rabbi. Dahil dito, pumukaw siya ng isang malaking kontrobersiya sa mga miyembro ng simbahan. Ang ilan, kasali na ang kapanahon ni Jerome na si Augustine, ay naniniwalang kinasihan ang Septuagint, at inakusahan nila si Jerome ng “pagpanig sa mga Judio.” Palibhasa’y nagpatuloy, nakumpleto ni Jerome ang kaniyang gawain noong mga 400 C.E. Sa pamamagitan ng pagtalunton sa pinagmulan ng orihinal na mga wika at mga dokumento at pagsasalin sa mga ito sa buháy na wika ng panahong iyon, nauna nang isang libong taon si Jerome sa modernong pamamaraan sa pagsasalin. Ang ginawa niya ay nakilala bilang ang Vulgate, o Karaniwang Bersiyon, at nakinabang dito ang mga tao sa loob ng mga siglo.
Sa silanganing Sangkakristiyanuhan ay marami pa rin ang nakababasa ng Septuagint at ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Subalit nang maglaon, ang Matandang Slavonic, ang pinagmulan ng mga wikang Slavic sa ngayon, ang naging pangunahing wika ng hilagang-silangang Europa. Noong 863 C.E., dalawang magkapatid na nagsasalita ng Griego, sina Cyril at Methodius, ang naparoon sa Moravia, na ngayo’y Czech Republic. Sinimulan nilang isalin ang Bibliya sa Matandang Slavonic. Upang magawa ito, bumuo sila ng alpabetong Glagolitic, na sa kalaunan ay hinalinhan ng alpabetong Cyrillic, na isinunod sa pangalan ni Cyril. Ito ang pinagmulan ng kasalukuyang-panahong Ruso, Ukrainiano, Serbiano, at Bulgariano na mga alpabeto. Nagamit ng mga tao sa lugar na iyan ang Bibliyang Slavonic sa loob ng maraming salinlahi. Subalit dumating ang panahon, yamang nagbago ang mga wika, hindi na ito maintindihan ng pangkaraniwang tao.
Nanatili ang Bibliyang Hebreo
Sa panahong ito, mula noong mga ikaanim hanggang ikasampung siglo C.E., isang grupo ng mga Judio na nakilala bilang mga Masoret ang bumuo ng sistematikong pamamaraan sa pagkopya upang maingatan ang teksto ng Hebreong Kasulatan. Umabot pa nga sila sa punto na binibilang ang lahat ng linya at maging ang bawat titik, anupat tinitingnan ang mga pagkakaiba sa mga manuskrito, pawang sa pagsisikap na maingatan ang tunay na teksto. Hindi nasayang ang kanilang pagsisikap. Bilang isang halimbawa, ang paghahambing ng modernong mga tekstong Masoretiko sa Dead Sea Scrolls, na isinulat sa pagitan ng 250 B.C.E. at 50 C.E., ay nagpakita na walang pagbabago sa doktrina sa loob ng mahigit na 1,000 taon.b
Ang Edad Medya sa Europa ay karaniwan nang tinutukoy bilang Panahon ng Kadiliman. Hindi gaanong nakababasa at natututo ang mga tao. Nang dakong huli, maging ang klero, sa kalakhang bahagi, ay hindi nakababasa ng Latin ng simbahan at malimit na hindi man lamang nakababasa ng kanilang sariling wika. Ito rin ang panahon sa Europa nang ang mga Judio ay tinitipon sa mga ghetto. Sa isang banda dahil sa pagbubukod na ito, napanatili ang pag-aaral sa Biblikal na Hebreo. Ngunit dahil sa pagtatangi at kawalang-tiwala, ang kaalamang Judio ay malimit na hindi makukuha sa labas ng ghetto. Sa kanlurang Europa, humihina rin ang kaalaman sa Griego. Lumala pa ang situwasyon dahil sa paggalang ng Kanluraning Simbahan sa Latin Vulgate ni Jerome. Ito ay karaniwan nang itinuturing na tanging awtorisadong bersiyon, bagaman sa pagtatapos ng panahong Masoretiko, naging isang patay na wika na ang Latin. Kaya, nang ang pagnanais na unti-unting alamin ang Bibliya ay nagsimulang lumago, ito ay nagbigay-daan sa malaking pagkakasalungatan.
Sinalansang ang Pagsasalin ng Bibliya
Noong 1079, nagpalabas si Papa Gregory VII ng una sa maraming utos ng simbahan noong edad medya na nagbabawal sa paggawa at kung minsan ay maging sa pagmamay-ari ng mga bersiyon sa katutubong mga wika. Binawi niya ang permiso sa pagdaraos ng Misa sa wikang Slavonic sa dahilang mangangailangan ito ng pagsasalin sa mga bahagi ng Banal na Kasulatan. Palibhasa’y lubusang salungat sa paninindigan ng mga naunang Kristiyano, sumulat siya: “Ito [ay] nakalugod sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na ang banal na kasulatan ay dapat na maging lihim sa ilang lugar.” Dahil sa ito ang opisyal na paninindigan ng simbahan, itinuring na mapanganib ang mga tagapagtaguyod ng pagbabasa ng Bibliya.
Sa kabila ng di-kanais-nais na kalagayan, nagpatuloy ang pagkopya at pagsasalin ng Bibliya sa pangkaraniwang mga wika. Nailibot nang palihim sa Europa ang mga bersiyon sa maraming wika. Ang mga ito ay pawang kinopya sa pamamagitan ng kamay, yamang hindi pa naiimbento sa Europa ang naililipat na uri ng paglilimbag hanggang noong kalagitnaang mga taon ng 1400. Ngunit yamang may kamahalan at limitado ang bilang ng mga kopya, maituturing ng isang pangkaraniwang mamamayan ang kaniyang sarili na maligaya sa pagmamay-ari ng isa lamang bahagi ng isang aklat sa Bibliya o ng ilan lamang pahina. Ang ilan ay nagsaulo ng malalaking bahagi, maging ng buong Kristiyanong Griegong Kasulatan!
Subalit dumating ang panahon na bumangon ang malawakang mga kilusan para sa pagbabago ng simbahan. Sa isang banda ang mga ito ay bunsod ng panibagong kamalayan sa kahalagahan ng Salita ng Diyos sa pang-araw-araw na buhay. Paanong ang mga kilusang ito at ang pagsulong ng paglilimbag ay nakaapekto sa Bibliya? At ano ang nangyari kay William Tyndale at sa kaniyang salin, na nabanggit sa pasimula? Susubaybayan natin ang kawili-wiling kasaysayang ito hanggang sa ating kapanahunan sa mga susunod na isyu.
[Mga talababa]
a Ang aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., ay isang modernong halimbawa ng pagkakasuwato ng apat na Ebanghelyo.
b Tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 315, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Chart sa pahina 8, 9]
Mga Pangunahing Petsa sa Pagsasalin ng Bibliya
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
BEFORE COMMON ERA (B.C.E.)
Nakumpleto ang Hebreong Kasulatan c. 443 B.C.E.
400 C.E.
Alejandrong Dakila (d. 323 B.C.E.)
300 C.E.
Nagsimula ang Septuagint c.280 B.C.E.
200 B.C.E.
100 B.C.E. Karamihan sa Dead Sea Scrolls c. 100 B.C.E. hanggang 68 C.E.
COMMON ERA (C.E.)
Winasak ang Jerusalem 70 C.E.
Nakumpleto ang Griegong Kasulatan 98 C.E.
100 B.C.E.
Rylands Papyrus ng Juan (b. 125 C.E.)
200 C.E.
300 B.C.E.
400 C.E. Latin Vulgate ni Jerome 400 B.C.E.
500 C.E.
600 C.E.
Inihanda ang Tekstong Masoretiko
700 C.E.
800 C.E.
Si Cyril sa Moravia 863 C.E.
900 C.E.
1000 C.E.
Utos laban sa Bibliya sa katutubong wika 1079 C.E.
1100 C.E.
1200 C.E.
1300 C.E.
[Larawan sa pahina 9]
Pinasimulan ng mga unang Kristiyano ang paggamit ng codex
[Larawan sa pahina 10]
Naparoon si Jerome sa Betlehem upang pag-aralan ang Hebreo