IKALABINTATLONG KABANATA
Kung Malapit Nang Mapatid ang Tali ng Pag-aasawa
1, 2. Kapag nanganganib na ang pag-aasawa, ano ang dapat itanong?
NOONG 1988 gayon na lamang ang panlulumo ng isang Italyanang nagngangalang Lucia.a Pagkalipas ng sampung taon ay magwawakas na ang kaniyang buhay may-asawa. Maraming ulit na sinikap niyang makipagkasundo sa kaniyang asawa, subalit ito’y bigo. Kaya humiwalay siya dahil hindi sila magkasundo at ngayon ay napapaharap siyang mag-isa sa pagpapalaki sa dalawang anak na babae. Sa pagbabalik-alaala ng panahong iyon, nagunita ni Lucia: “Natiyak ko noon na wala nang magagawa pa upang mailigtas ang aming pagsasama.”
2 Kung may suliranin ka sa pag-aasawa, mauunawaan mo ang damdamin ni Lucia. Baka punung-puno ng problema ang iyong pag-aasawa at marahil iniisip mo kung maaari pa kaya itong mailigtas. Kung ganiyan ang kalagayan, masusumpungan mong makatutulong sa iyo ang tanong na ito: Nasunod ko na ba ang lahat ng mabubuting payo na ibinigay ng Diyos sa Bibliya bilang tulong sa ikapagtatagumpay ng pag-aasawa?—Awit 119:105.
3. Bagaman naging popular na ang diborsiyo, ano ang napaulat na naging reaksiyon ng maraming diborsiyado’t diborsiyada at ng kani-kanilang pamilya?
3 Kapag ang tensiyon sa pagitan ng mag-asawa ay napakatindi, ang pagwawakas sa pagsasama bilang mag-asawa ang waring siyang pinakamadaling hakbangin. Subalit, bagaman maraming bansa ang nakaranas ng nakatatakot na pagdami ng mga wasak na pamilya, ang kamakailang pagsusuri ay nagpapahiwatig na pinagsisisihan ng malaking porsiyento ng mga diborsiyado’t diborsiyada ang paghihiwalay. Marami ang dumaranas ng higit na suliranin sa kalusugan, kapuwa sa pisikal at mental, kaysa roon sa mga nananatiling magkasama. Ang pagkalito at kawalan ng kaligayahan ng mga anak ng mga nagdidiborsiyo ay madalas na tumatagal nang mga taon. Nagdurusa rin ang mga magulang at mga kaibigan ng mga wasak na pamilya. At kumusta naman ang pangmalas ng Diyos, ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa, sa situwasyon?
4. Papaano dapat harapin ang mga suliranin sa pag-aasawa?
4 Gaya ng binanggit sa nakaraang mga kabanata, nilayon ng Diyos na ang pag-aasawa ay maging isang panghabang-buhay na buklod. (Genesis 2:24) Kung gayon, bakit napakaraming mag-asawa ang naghihiwalay? Maaaring hindi ito nangyayari sa isang magdamag. Karaniwan nang mayroon munang mga babalang tanda. Ang maliliit na suliranin ng mag-asawa ay baka lumaki nang lumaki hanggang sa wari’y wala nang kalutasan ang mga ito. Ngunit kung ang mga suliraning ito ay kagyat na nilulutas sa tulong ng Bibliya, maaaring maiwasan ang maraming paghihiwalay ng mag-asawa.
MAGING MAKATOTOHANAN
5. Anong makatotohanang situwasyon ang dapat harapin sa alinmang pag-aasawa?
5 Ang isang elementong umaakay kung minsan sa mga suliranin ay maaaring ang pagiging labis na mapaghanap ng isa o ng mag-asawa. Ang mga nobela tungkol sa romansa, mga popular na magasin, mga programa sa telebisyon, at mga pelikula ay maaaring lumikha ng mga inaasahan at mga pangarap na napakalayong mangyari sa tunay na buhay. Kapag hindi nagkatotoo ang mga pangarap na ito, baka madama ng isang tao na siya’y nadaya, nabigo, nasaktan pa nga. Sa kabila nito, papaano maaaring makasumpong ng kaligayahan sa pag-aasawa ang dalawang di-sakdal na tao? Nangangailangan ng pagsisikap upang matamo ang matagumpay na ugnayan.
6. (a) Anong timbang na pangmalas sa pag-aasawa ang ibinibigay ng Bibliya? (b) Ano ang ilang dahilan ng di-pagkakasundo ng mag-asawa?
6 Praktikal ang Bibliya. Kinikilala nito ang kagalakang dulot ng pag-aasawa, ngunit nagbababala rin ito na yaong nag-aasawa ay “magkakaroon ng kapighatian sa kanilang laman.” (1 Corinto 7:28) Gaya ng nabanggit na, ang magkabiyak ay kapuwa di-sakdal at nakahilig sa pagkakasala. Ang bawat isa ay may magkaibang mental at emosyonal na kayarian at kinalakihan. Ang mag-asawa kung minsan ay hindi nagkakasundo sa pera, sa mga anak, at sa mga biyenan. Ang kakulangan ng panahon sa paggawang magkasama at ang mga suliranin sa sekso ay maaari ring maging dahilan ng alitan.b Nangangailangan ng panahon upang maharap ang gayong mga bagay, ngunit huwag kang mawawalan ng pag-asa! Nakayanan ng karamihan sa mga mag-asawa ang gayong mga suliranin at nakagawa ng mga solusyong napagkasunduan nila.
PAG-USAPAN ANG MGA DI-PAGKAKAUNAWAAN
Harapin agad ang mga problema. Huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay nasa kalagayang pukáw sa galit
7, 8. Kung may samaan ng loob o mga di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mag-asawa, ano ang maka-Kasulatang paraan ng pagharap dito?
7 Marami ang nahihirapang magpakahinahon kapag pinag-uusapan na ang samaan ng loob, di-pagkakaunawaan, o mga personal na pagkukulang. Sa halip na tuwirang sabihing: “Hindi naman ako naiintindihan eh,” ang isang kabiyak ay baka magdamdam at palakihin ang problema. Marami ay magsasabi: “Sarili mo lang kasi ang iniintindi mo,” o, “Hindi mo na kasi ako mahal.” Palibhasa’y ayaw na ng gulo, baka hindi na lamang kumibo ang kabila.
8 Ang mas mabuting gawin ay ang sundin ang payo ng Bibliya: “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay nasa kalagayang pukáw sa galit.” (Efeso 4:26) Isang maligayang mag-asawa, sa pagsapit nila sa kanilang ika-60 anibersaryo ng kasal, ang tinanong hinggil sa lihim ng kanilang matagumpay na pagsasama. Sabi ng asawang lalaki: “Natutuhan naming huwag matulog hangga’t hindi namin naaayos ang di-pagkakaunawaan, gaano man ito kaliit.”
9. (a) Ano ang binanggit sa Kasulatan na mahalagang bahagi ng pag-uusap? (b) Ano ang madalas na kailangang gawin ng mag-asawa, mangailangan man ito ng tibay ng loob at kapakumbabaan?
9 Kapag hindi nagkasundo ang mag-asawa, bawat isa ay kailangang “maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Pagkatapos makinig na mabuti, baka makita nila kapuwa ang pangangailangang humingi ng tawad. (Santiago 5:16) Ang taos-pusong pagsasabi ng, “Pasensiya ka na kung nasaktan man kita,” ay nangangailangan ng pagpapakumbaba at tibay ng loob. Ngunit ang ganitong paraan ng pagharap sa mga di-pagkakaunawaan ay malaki ang magagawa upang tulungan ang mag-asawa hindi lamang sa paglutas ng kanilang mga suliranin kundi maging sa pagpapaunlad ng init at pagpapalagayang-loob na magdudulot sa kanila ng higit na kasiyahan sa kanilang pagsasama.
IBIGAY ANG NAUUKOL SA ASAWA
10. Anong proteksiyon na inirekomenda ni Pablo sa mga Kristiyanong taga-Corinto ang maaaring ikapit sa mga Kristiyano ngayon?
10 Nang sulatan ni apostol Pablo ang mga taga-Corinto, inirekomenda niya ang pag-aasawa ‘dahil sa pagiging laganap ng pakikiapid.’ (1 Corinto 7:2) Ang daigdig sa ngayon ay kasinsama, o mas malubha pa nga, sa sinaunang Corinto. Ang mga imoral na paksang tahasang pinag-uusapan ng mga tao ng sanlibutan, ang masagwa nilang paraan ng pananamit, at ang mahahalay na kuwentong itinatampok sa mga magasin at sa mga aklat, sa TV, at sa pelikula, ay pawang pumupukaw ng ipinagbabawal na pagnanasa sa sekso. Sa mga taga-Corinto na namumuhay sa katulad na kapaligiran, sinabi ni apostol Pablo: “Lalong mabuti ang mag-asawa kaysa magningas sa pagnanasa.”—1 Corinto 7:9.
11, 12. (a) Ano ang dapat iukol ng mag-asawa sa isa’t isa, at sa anong espiritu iyon dapat ibigay? (b) Papaano dapat harapin ang situwasyon kung ang nauukol sa asawa ay kailangang pansamantalang ipagkait?
11 Kung gayon, pinag-uutusan ng Bibliya ang mga Kristiyanong may-asawa: “Ibigay ng asawang lalaki sa kaniyang asawang babae ang kaniyang kaukulan; ngunit gawin din ng asawang babae ang gayundin sa kaniyang asawang lalaki.” (1 Corinto 7:3) Pansinin na ang idiniriin ay ang pagbibigay—hindi ang paghiling ng karapatan. Ang pagiging matalik sa pisikal bilang mag-asawa ay tunay na magiging kasiya-siya lamang kung ang bawat isa ay nagmamalasakit sa kabutihan ng isa’t isa. Halimbawa, pinag-uutusan ng Bibliya ang mga asawang lalaki na pakitunguhan ang kani-kanilang asawa “alinsunod sa kaalaman.” (1 Pedro 3:7) Ito’y lalo nang totoo sa pagbibigay at pagtanggap ng nauukol sa asawa. Kung ang asawang babae ay hindi pinakikitunguhan nang may pagmamahal, baka maging mahirap para sa kaniya na masiyahan sa pitak na ito ng pag-aasawa.
12 May mga pagkakataong ipinagkakait ng mag-asawa ang nauukol sa isa’t isa. Maaaring totoo ito sa mga asawang babae sa isang tiyak na panahon bawat buwan o kung siya’y pagod na pagod. (Ihambing ang Levitico 18:19.) Maaaring totoo rin ito sa asawang lalaki kapag siya’y may kinakaharap na malubhang problema sa trabaho at siya’y nasasagad na. Ang ganitong pansamantalang pagkakait ng nauukol sa asawa ay mapananagumpayan kung prangkahang pag-uusapan ng mag-asawa ang situwasyon at magkakaroon ng “pagsang-ayon ng bawat isa.” (1 Corinto 7:5) Maiiwasan nito ang pagkakaroon ng maling konklusyon ng sinuman sa dalawa. Gayunman, kung ang asawang babae ay kusang nagkakait sa kaniyang asawa o sinasadya naman ng asawang lalaki na huwag ibigay ang nauukol sa asawa sa maibiging paraan, ang kabiyak niya ay maaaring mahantad sa tukso. Sa ganitong situwasyon, maaaring lumitaw ang mga problema sa pag-aasawa.
13. Ano ang magagawa ng mga Kristiyano upang mapanatiling malinis ang kanilang pag-iisip?
13 Gaya ng lahat ng Kristiyano, ang mga may-asawang lingkod ng Diyos ay dapat umiwas sa pornograpya, na maaaring pagsimulan ng marurumi at di-likas na mga pagnanasa. (Colosas 3:5) Dapat din nilang ingatan ang kanilang isip at gawi kapag nakikitungo sa lahat ng miyembro ng di-kasekso. Nagbabala si Jesus: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nakagawa na ng pangangalunya sa kaniya sa kaniyang puso.” (Mateo 5:28) Sa pamamagitan ng pagkakapit ng payo ng Bibliya hinggil sa sekso, ang mga mag-asawa’y makaiiwas na mapadala sa tukso at magkasala ng pangangalunya. Makapagpapatuloy sila sa pagtatamasa ng kasiya-siyang matalik na pagsasama bilang mag-asawa anupat pinakaiingat-ingatan ang sekso bilang isang marangal na kaloob mula sa Tagapagpasimula ng pag-aasawa, si Jehova.—Kawikaan 5:15-19.
ANG SALIGAN NG BIBLIYA SA PAGDIDIBORSIYO
14. Anong nakalulungkot na situwasyon ang kung minsa’y bumabangon? Bakit?
14 Nakatutuwa naman, sa karamihan ng Kristiyanong mga pag-aasawa, anumang problemang bumabangon ay maaaring malutas. Gayunman, kung minsan ay hindi naman ganito. Sapagkat ang mga tao’y di-sakdal at namumuhay sa makasalanang sanlibutan na nasa ilalim ng kontrol ni Satanas, talagang humahantong ang ilang mag-asawa sa punto ng paghihiwalay. (1 Juan 5:19) Papaano dapat harapin ng mga Kristiyano ang ganitong mahirap na kalagayan?
15. (a) Ano ang tanging maka-Kasulatang saligan sa pagdidiborsiyo na may posibilidad na muling makapag-asawa? (b) Bakit ang ilan ay nagpasiyang huwag diborsiyuhin ang di-tapat na kabiyak?
15 Gaya ng binanggit sa Kabanata 2 ng aklat na ito, ang pakikiapid ang tanging maka-Kasulatang saligan sa pagdidiborsiyo na may posibilidad na muling makapag-asawa.c (Mateo 19:9) Kung mayroon kang tiyak na katibayan na nagtataksil ang iyong kabiyak, kung gayon ay napapaharap ka sa isang napakahirap na pagpapasiya. Ipagpapatuloy mo ba ang pakikisama o didiborsiyuhin mo siya? Walang mga alituntunin. May ilang Kristiyano ang lubusang nagpatawad na sa isang taimtim na nagsisising kapareha, at ang naingatang pagsasama’y napabuti naman. Ang iba nama’y nagpasiyang huwag makipagdiborsiyo alang-alang sa mga anak.
16. (a) Ano ang ilang salik na nag-udyok sa ilan upang diborsiyuhin ang kani-kanilang nagkasalang kabiyak? (b) Kapag ang pinagkasanlang asawa ay nagpasiyang makipagdiborsiyo o hindi, bakit hindi dapat pintasan ng sinuman ang kaniyang desisyon?
16 Sa kabilang dako naman, ang makasalanang gawa ay baka nagbunga ng pagdadalang-tao o mga sakit na nakuha sa pagtatalik. O baka kailangang ipagsanggalang ang mga anak sa isang magulang na mapang-abuso sa sekso. Maliwanag, napakaraming dapat isaalang-alang bago magpasiya. Subalit, kung sakaling natuklasan mo ang pagtataksil ng iyong kabiyak at pagkatapos nito’y muli kang nakipagtalik sa kaniya, kung gayon ay ipinahihiwatig mong pinatawad mo na ang iyong kabiyak at nais mo pa ring ipagpatuloy ang inyong pagsasama. Ang saligan sa pagdidiborsiyo na may maka-Kasulatang posibilidad na muling makapag-asawa ay hindi na kapit. Walang sinuman ang dapat makialam at magsikap na maimpluwensiyahan ang iyong pasiya, ni dapat pintasan ng sinuman ang iyong ginawang desisyon. Ikaw ang apektado sa anumang kahihinatnan ng iyong pasiya. “Sapagkat ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.”—Galacia 6:5.
MGA SALIGAN SA PAGHIHIWALAY
17. Kung walang pakikiapid, anong limitasyon ang inilalagay ng Kasulatan sa paghihiwalay o diborsiyo?
17 May mga situwasyon bang maaaring magbigay-katuwiran sa paghihiwalay o sa posibleng pakikipagdiborsiyo sa isang kabiyak kahit na ang isang iyon ay hindi naman nagkasala ng pakikiapid? Oo, ngunit sa kasong ito, hindi malaya ang isang Kristiyano na humanap ng isa pa upang pakasalan muli. (Mateo 5:32) Ang Bibliya, bagaman nagpapahintulot sa gayong paghihiwalay, ay nagbibigay ng kondisyon na ang humiwalay ay dapat “manatili siyang walang asawa o kaya ay makipagkasundong muli.” (1 Corinto 7:11) Ano ang ilang malulubhang situwasyon na doo’y maaaring waring nararapat ang paghihiwalay?
18, 19. Ano ang ilang sukdulang situwasyon na maaaring umakay sa isang kabiyak na pagtimbang-timbangin kung nararapat nga ba ang legal na paghihiwalay o diborsiyo, mangahulugan man ito na hindi na siya maaaring mag-asawang muli?
18 Buweno, baka naghihikahos ang pamilya dahil sa labis na katamaran at sa kasamaan ng pag-uugali ng asawang lalaki.d Baka ipinatatalo niya sa sugal ang kinikita ng pamilya o ginagastos ito sa pagsuporta sa kaniyang pagkasugapa sa droga o sa alak. Sabi ng Bibliya: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para . . . sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, ay itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong malala kaysa sa taong walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Kung tatangging baguhin ng ganitong lalaki ang kaniyang paggawi, na marahil ay kinukuha pa nga ang perang kinikita ng kaniyang asawa upang may maitustos sa kaniyang mga bisyo, maaaring marapatin pa ng asawang babae na protektahan ang kaniyang kapakanan at ang sa kaniyang mga anak sa pamamagitan ng pagkuha ng legal na paghihiwalay.
19 Ang gayong legal na aksiyon ay maaari ring isaalang-alang kung ang isang kabiyak ay labis na marahas sa kaniyang asawa, anupat marahil ay paulit-ulit siyang binubugbog hanggang sa mapalagay na sa panganib ang kaniyang kalusugan at maging ang kaniyang buhay. Karagdagan pa, kung sa tuwi-tuwina’y pinupuwersa ng kabiyak ang kaniyang asawa na labagin ang mga utos ng Diyos sa isang partikular na paraan, maaari ring makaisip na humiwalay ang pinagbabantaang asawa, lalo na kung umabot na sa puntong nanganganib na ang espirituwal na buhay. Maaaring magpasiya ang nanganganib na asawa na ang tanging paraan upang “sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao” ay ang pagkuha ng legal na paghihiwalay.—Gawa 5:29.
20. (a) Sa kaso ng pagkakawatak-watak ng pamilya, ano ang maiaalok ng maygulang na mga kaibigan at matatanda, at ano ang hindi nila dapat ialok? (b) Hindi dapat gamitin ng mga may-asawa ang mga pagtukoy ng Bibliya hinggil sa paghihiwalay at diborsiyo bilang dahilan upang gawin ang ano?
20 Sa lahat ng kaso ng sukdulang pagmamalabis ng isang kabiyak, hindi dapat igiit ng sinuman kung ang isang pinagkasanlang asawa ay hihiwalay o mananatiling nakikisama sa kaniyang kabiyak. Bagaman makapag-aalok ng suporta at salig-sa-Bibliyang payo ang mga maygulang na kaibigan at matatanda, hindi alam ng mga ito ang lahat ng detalye ng nangyayari sa pagitan ng mag-asawa. Si Jehova lamang ang nakakakita nito. Mangyari pa, ang isang Kristiyanong asawang babae ay hindi nagpaparangal sa kaayusan ng Diyos sa pag-aasawa kapag gumamit siya ng mabababaw na dahilan upang makakalas sa tali ng pag-aasawa. Ngunit kung ang mapanganib na kalagayan ay patuloy na sumisidhi, hindi siya dapat pintasan ng sinuman kung marapatin man niyang makipaghiwalay. Ganitung-ganito rin ang masasabi sa isang Kristiyanong asawang lalaki na nagnanais makipaghiwalay. “Tayong lahat ay tatayo sa harapan ng luklukan ng paghatol ng Diyos.”—Roma 14:10.
KUNG PAPAANO NAILIGTAS ANG NAWASAK NA PAG-AASAWA
21. Anong karanasan ang nagpapakita na ang payo ng Bibliya sa pag-aasawa ay maaasahan?
21 Tatlong buwan pagkatapos na si Lucia, nabanggit kanina, ay humiwalay sa kaniyang asawa, nakakilala siya ng mga Saksi ni Jehova at nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa kanila. “Hindi ko akalain,” paliwanag niya, “ang Bibliya’y nagbigay ng praktikal na mga solusyon sa aking problema. Pagkalipas lamang ng isang linggong pag-aaral, agad kong hinangad na makipagbalikan sa aking asawa. Ngayon ay masasabi kong alam ni Jehova kung papaano maililigtas sa krisis ang pag-aasawa sapagkat ang mga turo niya’y tumutulong sa mga mag-asawa na matutong magpahalaga sa isa’t isa. Hindi totoo, gaya ng iginigiit ng iba, na pinaghihiwalay ng mga Saksi ni Jehova ang mga pamilya. Sa naging kaso ko, kabaligtaran ang nangyari.” Natutuhan ni Lucia na ikapit sa kaniyang buhay ang mga simulain ng Bibliya.
22. Saan dapat magtiwala ang lahat ng mag-asawa?
22 Hindi eksepsiyon si Lucia. Ang pag-aasawa ay dapat na maging isang pagpapala, hindi pabigat. Sa layuning iyan, si Jehova ay naglaan ng pinakamainam na mapagkukunan ng payo sa pag-aasawa na kailanma’y napasulat—ang kaniyang pinakatatangi-tanging Salita. Pinapangyayari ng Bibliya na “maging marunong ang isa na walang-karanasan.” (Awit 19:7-11) Nailigtas nito ang maraming pag-aasawa na malapit nang gumuho at napabuti ang marami pang iba na nagkaroon ng malulubhang problema. Harinawang magtiwalang lubos ang lahat ng mag-asawa sa mga payong ibinibigay ng Diyos na Jehova hinggil sa pag-aasawa. Ito’y tunay na maaasahan!
a Pinalitan ang pangalan.
b Ang ilan sa mga pitak na ito ay tinalakay sa mga nakaraang kabanata.
c Kabilang sa termino sa Bibliya na isinaling “pakikiapid” ang pangangalunya, homoseksuwalidad, pakikipagtalik sa hayop, at iba pang sinasadyang bawal na mga gawang nagsasangkot sa paggamit ng maseselang na bahagi ng katawan.
d Hindi kasali rito ang mga situwasyon na doon ang asawang lalaki, bagaman may mabuting intensiyon, ay di-kayang paglaanan ang kaniyang pamilya sa mga kadahilanang di-maiiwasan, gaya ng pagkakasakit o kawalan ng mapapasukang trabaho.