IKALABING-ANIM NA KABANATA
Tiyakin ang Isang Namamalaging Kinabukasan Para sa Iyong Pamilya
1. Ano ang layunin ni Jehova sa kaayusan ng pamilya?
NANG pagbuklurin ni Jehova sina Adan at Eva bilang mag-asawa, ipinahayag ni Adan ang kaniyang kagalakan sa pamamagitan ng pagsambit sa kauna-unahang napaulat na tula sa Hebreo. (Genesis 2:22, 23) Gayunman, mayroon pang nasasaisip ang Maylalang kaysa sa pagdudulot lamang ng kaluguran sa kaniyang mga anak na tao. Ibig niyang gawin ng mga mag-asawa at mga pamilya ang kaniyang kalooban. Sinabihan niya ang unang mag-asawa: “Maging mabunga kayo at magpakarami at punuin ang lupa at supilin iyon, at magkaroon kayo ng pananakop sa isda sa dagat at sa lumilipad na mga nilalang sa mga langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 1:28) Anong pagkadakila’t kasiya-siyang atas iyan! Naging napakaligaya sana nila at ng kanilang magiging mga anak kung lubusang sinunod nina Adan at Eva ang kalooban ni Jehova!
2, 3. Papaano makasusumpong ng pinakadakilang kaligayahan ang mga pamilya ngayon?
2 Gayundin sa ngayon, mas maliligaya ang mga pamilya kapag sila’y nagkakaisa sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Sumulat si apostol Pablo: “Ang maka-Diyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng mga bagay, yamang hawak nito ang pangako sa buhay ngayon at yaong darating.” (1 Timoteo 4:8) Ang isang pamilya na namumuhay nang may maka-Diyos na debosyon at sumusunod sa patnubay ni Jehova na nasa Bibliya ay makasusumpong ng kaligayahan sa “buhay ngayon.” (Awit 1:1-3; 119:105; 2 Timoteo 3:16) Kahit iisa lamang sa miyembro ng pamilya ang nagkakapit ng mga simulain ng Bibliya, mas mabuti ang kalagayan kaysa kung wala.
3 Ang aklat na ito ay tumalakay na ng maraming simulain ng Bibliya na nagdaragdag ng kaligayahan sa pamilya. Marahil ay napansin mong ang ilan sa mga ito ay paulit-ulit na lumitaw sa buong aklat. Bakit? Sapagkat ang mga ito’y naglalaman ng makapangyarihang katotohanan na gumagawa sa ikabubuti ng lahat sa iba’t ibang pitak ng buhay pampamilya. Nasusumpungan ng pamilyang nagsisikap magkapit sa mga simulaing ito ng Bibliya na ang maka-Diyos na debosyon ay tunay ngang may ‘hawak ng pangako sa buhay ngayon.’ Tingnan nating muli ang apat sa mahahalagang simulaing iyon.
ANG KAHALAGAHAN NG PAGPIPIGIL-SA-SARILI
4. Bakit kailangang-kailangan sa pag-aasawa ang pagpipigil-sa-sarili?
4 Sabi ni Haring Solomon: “Gaya ng isang lunsod na wasak, na walang pader, ay ang tao na walang pagpipigil sa kaniyang espiritu.” (Kawikaan 25:28; 29:11) Ang ‘pagpipigil sa espiritu ng isa,’ na nagpipigil sa sarili, ay kailangang-kailangan para sa mga nagnanais ng isang maligayang pag-aasawa. Ang pagpapadala sa nakapipinsalang emosyon, gaya ng matinding galit o imoral na kamunduhan, ay magdudulot ng pinsala na nangangailangan ng mga taon bago maayos—kung ito’y maaayos pa.
5. Papaano malilinang ng isang di-sakdal na tao ang pagpipigil- sa-sarili, at may anong kapakinabangan?
5 Mangyari pa, walang inapo ni Adan ang lubusang makapipigil sa kaniyang di-sakdal na laman. (Roma 7:21, 22) Magkagayon man, ang pagpipigil-sa-sarili ay isang bunga ng espiritu. (Galacia 5:22, 23) Samakatuwid, ang espiritu ng Diyos ay magbubunga sa atin ng pagpipigil-sa-sarili kung ipananalangin natin ang katangiang ito, kung ikakapit natin ang angkop na payo na masusumpungan sa Kasulatan, at kung makikisama tayo sa iba na nagpapamalas nito at iniiwasan naman yaong wala nito. (Awit 119:100, 101, 130; Kawikaan 13:20; 1 Pedro 4:7) Ang gayong hakbangin ay tutulong sa atin na “tumakas mula sa pakikiapid,” kahit na kung tayo’y tinutukso. (1 Corinto 6:18) Tatanggihan natin ang karahasan at iiwasan o paglalabanan ang alkoholismo. At haharapin natin nang may higit na kahinahunan ang mga nakagagalit at mahihirap na situwasyon. Harinawang lahat—kasali na ang mga bata—ay matutong maglinang ng napakahalagang bungang ito ng espiritu.—Awit 119:1, 2.
ANG WASTONG PANGMALAS SA PAGKAULO
6. (a) Ano ang itinatag na kaayusan ng Diyos sa pagkaulo? (b) Ano ang dapat tandaan ng isang lalaki upang ang kaniyang pagkaulo ay magdulot ng kaligayahan sa kaniyang pamilya?
6 Ang ikalawang mahalagang simulain ay ang pagkilala sa pagkaulo. Ipinakita ni Pablo ang wastong pagkakasunud-sunod ng mga bagay nang sabihin niya: “Nais kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.” (1 Corinto 11:3) Nangangahulugan ito na ang lalaki ang nangunguna sa pamilya, ang kaniyang asawa ay tapat na umaalalay, at ang mga anak ay sumusunod sa kanilang mga magulang. (Efeso 5:22-25, 28-33; 6:1-4) Gayunman, pansinin na ang pagkaulo ay umaakay sa kaligayahan tangi lamang kung ito’y isinasagawa sa tamang paraan. Ang mga asawang lalaki na namumuhay nang may maka-Diyos na debosyon ay nakaaalam na ang pagkaulo ay hindi ang pagkadiktador. Tinutularan nila si Jesus, ang kanilang Ulo. Bagaman si Jesus ay itinakdang maging “ulo sa ibabaw ng lahat ng mga bagay,” siya’y “dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod.” (Efeso 1:22; Mateo 20:28) Sa katulad na paraan, nagsasagawa ng pagkaulo ang isang lalaking Kristiyano, hindi upang makinabang ang sarili, kundi upang pangalagaan ang kapakanan ng kaniyang asawa at mga anak.—1 Corinto 13:4, 5.
7. Anong maka-Kasulatang mga simulain ang tutulong sa asawang babae na matupad ang ipinasiya ng Diyos na papel niya sa pamilya?
7 Sa bahagi naman niya, ang asawang babae na namumuhay nang may maka-Diyos na debosyon ay hindi nakikipagpaligsahan o naghahangad na dominahan ang kaniyang asawa. Siya’y maligaya sa pag-alalay sa kaniya at pakikipagtulungan sa kaniya. Kung minsan ay binabanggit ng Bibliya na ang asawang babae ay ‘pag-aari’ ng kaniyang asawa, na maliwanag na nagpapakitang siya ang kaniyang ulo. (Genesis 20:3) Sa pag-aasawa siya’y napasasailalim sa “batas ng kaniyang asawang lalaki.” (Roma 7:2) Kasabay nito, tinatawag siya ng Bibliya na “katulong” at isang “kapupunan.” (Genesis 2:20) Siya ang nagpupunô ng mga katangian at mga kakayahang wala sa kaniyang asawang lalaki, at binibigyan niya siya ng kinakailangang suporta. (Kawikaan 31:10-31) Sinasabi rin ng Bibliya na ang asawang babae ay isang “kapareha,” isa na gumagawang kaagapay ng kaniyang asawa. (Malakias 2:14) Ang maka-Kasulatang mga simulaing ito ay tumutulong sa mag-asawa na maunawaan ang kalagayan ng isa’t isa at pakitunguhan ang isa’t isa nang may wastong paggalang at dignidad.
“MAGING MATULIN SA PAKIKINIG”
8, 9. Ipaliwanag ang ilang simulain na tutulong sa lahat sa pamilya upang mapasulong ang kanilang kakayahang makipag-usap.
8 Sa aklat na ito ay madalas na itinatampok ang pangangailangang makipag-usap. Bakit? Sapagkat mas maganda ang nagiging resulta kapag ang mga tao’y nakikipag-usap at talagang nakikinig sa isa’t isa. Paulit-ulit na idiniin na ang pag-uusap ay parang isang kalye na may dalawang pátunguhán. Ganito ang pagkakasabi ng alagad na si Santiago: “Ang bawat tao ay dapat na maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.”—Santiago 1:19.
9 Mahalaga rin na maging maingat kung papaano tayo magsasalita. Ang pabigla-bigla, palatalo, o labis na mapamintas na mga salita ay hindi nagbubunga ng matagumpay na pag-uusap. (Kawikaan 15:1; 21:9; 29:11, 20) Kahit na tama naman ang ating sinasabi, kung ito’y sinambit sa mabagsik, mapagmataas, o walang-pakundangang paraan, malamang na ang ibunga nito’y mas masama kaysa sa mabuti. Dapat na maging malasa ang ating pangungusap, anupat “tinimplahan ng asin.” (Colosas 4:6) Ang ating mga pananalita ay dapat na maging gaya ng “mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak.” (Kawikaan 25:11) Ang mga pamilyang natututong makipag-usap na mabuti ay nakagawa ng isang malaking hakbang tungo sa pagkakamit ng kaligayahan.
ANG NAPAKAHALAGANG PAPEL NG PAG-IBIG
10. Anong uri ng pag-ibig ang mahalaga sa pag-aasawa?
10 Ang salitang “pag-ibig” ay lumitaw nang paulit-ulit sa buong aklat na ito. Naaalaala mo ba ang uri ng pag-ibig na pangunahing tinutukoy rito? Totoo na ang romantikong pag-ibig (Griego, eʹros) ay gumaganap ng mahalagang bahagi sa pag-aasawa, at sa matagumpay na mga pag-aasawa, ang matinding pagmamahalan at pagkakaibigan (Griego, phi·liʹa) ay lumalago sa pagitan ng mag-asawa. Ngunit ang higit pang mahalaga ay ang pag-ibig na ipinakikilala ng Griegong salita na a·gaʹpe. Ito ang pag-ibig na ating pinagyayaman para kay Jehova, kay Jesus, at sa ating kapuwa. (Mateo 22:37-39) Ito ang pag-ibig na ipinadama ni Jehova sa sangkatauhan. (Juan 3:16) Talaga ngang kahanga-hanga na maaari nating ipakita sa ating kabiyak at mga anak ang gayunding uri ng pag-ibig!—1 Juan 4:19.
11. Papaano nagkakabisa ang pag-ibig para sa ikabubuti ng pag-aasawa?
11 Sa pag-aasawa ang mataas na uring pag-ibig na ito ay tunay na “isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Colosas 3:14) Pinagbubuklod nito ang mag-asawa at nagpapangyari sa kanila na gawin ang pinakamabuti sa isa’t isa at sa kanilang mga anak. Kapag napapasuong sa mahihirap na kalagayan ang mga pamilya, ang pag-ibig ay tumutulong upang may-pagkakaisang maharap ang mga bagay-bagay. Habang tumatanda ang mag-asawa, ang pag-ibig ay tumutulong sa kanila upang suportahan at patuloy na pahalagahan ang isa’t isa. “Ang pag-ibig ay . . . hindi naghahanap ng sariling mga kapakanan nito. . . . Tinitiis nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, binabata ang lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.”—1 Corinto 13:4-8.
12. Bakit ang pag-ibig sa Diyos sa bahagi ng mag-asawa ay nakapagpapatatag sa kanilang pagsasama?
12 Ang pag-iisang-dibdib ay lalo nang tumatatag kapag ito’y matibay na pinagbuklod hindi lamang ng pag-ibig sa pagitan ng mag-asawa kundi una sa lahat ay ng pag-ibig kay Jehova. (Eclesiastes 4:9-12) Bakit? Buweno, sumulat si apostol Juan: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga kautusan.” (1 Juan 5:3) Kung gayon, kailangang sanayin ng mag-asawa ang kanilang mga anak sa maka-Diyos na debosyon hindi lamang dahil sa mahal na mahal nila ang kanilang mga anak kundi dahil sa ito ang utos ni Jehova. (Deuteronomio 6:6, 7) Dapat nilang iwaksi ang imoralidad hindi lamang dahil sa mahal nila ang isa’t isa kundi higit sa lahat ay dahil sa mahal nila si Jehova, na ‘hahatol sa mga mapakiapid at mga mangangalunya.’ (Hebreo 13:4) Kahit na ang isang kabiyak ay nagdudulot ng malulubhang problema sa pag-aasawa, ang pag-ibig kay Jehova ay magpapakilos sa asawa nito upang patuloy na sundin ang mga simulain ng Bibliya. Tunay na maliligaya ang mga pamilya na ang pag-ibig sa isa’t isa ay pinagbuklod ng pag-ibig kay Jehova!
ANG PAMILYANG GUMAGAWA NG KALOOBAN NG DIYOS
13. Papaanong ang determinasyon na gawin ang kalooban ng Diyos ay tutulong sa mga indibiduwal upang ipako ang paningin sa tunay na mahahalagang bagay?
13 Ang buong buhay ng isang Kristiyano ay nakasentro sa paggawa ng kalooban ng Diyos. (Awit 143:10) Ito ang talagang kahulugan ng maka-Diyos na debosyon. Ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay tutulong sa mga pamilya na ipako ang paningin sa tunay na mahahalagang bagay. (Filipos 1:9, 10) Halimbawa, nagbabala si Jesus: “Ako ay dumating upang magpangyari ng pagkakabaha-bahagi, ng lalaki laban sa kaniyang ama, at ng anak na babae laban sa kaniyang ina, at ng kabataang asawang babae laban sa kaniyang biyenang-babae. Tunay nga, ang magiging mga kaaway ng tao ay mga tao ng kaniyang sariling sambahayan.” (Mateo 10:35, 36) Bilang katunayan ng babala ni Jesus, marami sa kaniyang mga tagasunod ang pinag-usig ng mga miyembro ng pamilya. Kaysaklap at kaysakit na kalagayan! Magkagayon man, ang pagsasamahan ng pamilya ay hindi dapat na humigit sa ating pag-ibig sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. (Mateo 10:37-39) Kung ang isa’y magbabata sa kabila ng pagsalansang ng pamilya, ang mga mananalansang ay baka magbago kapag nakita nila ang mabubuting epekto ng maka-Diyos na debosyon. (1 Corinto 7:12-16; 1 Pedro 3:1, 2) Hindi man ito mangyari, walang namamalaging kabutihan ang idudulot ng paghinto sa paglilingkod sa Diyos dahil sa pagsalansang.
14. Papaanong ang pagnanais na gawin ang kalooban ng Diyos ay tutulong sa mga magulang na gumawa ng pinakamabuti para sa kapakanan ng kanilang mga anak?
14 Ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay tutulong sa mga magulang na makagawa ng mga tamang pasiya. Halimbawa, sa ilang komunidad ay itinuturing ng mga magulang ang mga anak bilang puhunan, at sila’y umaasa sa kanilang mga anak na sila’y alagaan kapag sila’y matatanda na. Bagaman tama naman at wasto para sa nagsilaki nang mga anak na alagaan ang kanilang tumatanda nang mga magulang, ang gayong bagay ay hindi dapat mag-udyok sa mga magulang upang itulak ang kanilang mga anak sa materyalistikong paraan ng pamumuhay. Hindi natutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak kung ang ipamumulat sa kanila ay ang pagpapahalaga sa materyal na mga tinatangkilik kaysa sa espirituwal na mga bagay.—1 Timoteo 6:9.
15. Papaanong ang ina ni Timoteo, si Eunice, ay naging isang napakahusay na halimbawa ng isang magulang na gumawa ng kalooban ng Diyos?
15 Ang isang mainam na halimbawa sa bagay na ito ay si Eunice, ang ina ng batang kaibigan ni Pablo na si Timoteo. (2 Timoteo 1:5) Bagaman di-sumasampalataya ang kaniyang naging asawa, si Eunice, kasama ng lola ni Timoteo na si Loida, ay matagumpay na nagpalaki kay Timoteo upang magtaguyod ng maka-Diyos na debosyon. (2 Timoteo 3:14, 15) Nang nasa edad na si Timoteo, pinayagan siya ni Eunice na lisanin ang tahanan at gampanan ang gawaing pangangaral ng Kaharian bilang kasama ni Pablo sa pagmimisyonero. (Gawa 16:1-5) Kaylaking katuwaan ang malamáng na nadama niya nang ang kaniyang anak ay maging isang katangi-tanging misyonero! Ang kaniyang maka-Diyos na debosyon nang siya’y lumaki ang siyang mainam na resulta ng ginawang pagsasanay sa kaniya noong siya’y bata pa. Walang-alinlangan, nakasusumpong si Eunice ng kasiyahan at kagalakan kapag naririnig niya ang mga ulat ng tapat na pagmiministeryo ni Timoteo, bagaman marahil ay hinahanap-hanap din niyang makapiling siya.—Filipos 2:19, 20.
ANG PAMILYA AT ANG IYONG KINABUKASAN
16. Bilang isang anak, anong wastong pagmamalasakit ang ipinakita ni Jesus, ngunit ano ang kaniyang pangunahing layunin?
16 Si Jesus ay namulat sa isang maka-Diyos na pamilya at, nang siya’y lumaki, nagpakita siya ng wastong pagmamalasakit ng isang anak sa kaniyang ina. (Lucas 2:51, 52; Juan 19:26) Gayunman, ang pangunahing tunguhin ni Jesus ay ang ganapin ang kalooban ng Diyos, at para sa kaniya ay kasali rito ang pagbubukas ng daan para sa mga tao upang magtamasa ng walang-hanggang buhay. Ito’y ginawa niya nang ihandog niya ang kaniyang sakdal na buhay-tao bilang pantubos sa makasalanang sangkatauhan.—Marcos 10:45; Juan 5:28, 29.
17. Anong maluwalhating pag-asa ang binuksan ng tapat na hakbangin ni Jesus para sa mga gumagawa ng kalooban ng Diyos?
17 Pagkamatay ni Jesus, ibinangon siya ni Jehova sa makalangit na buhay at binigyan siya ng dakilang awtoridad, at nang dakong huli ay inilagay siya bilang Hari sa makalangit na Kaharian. (Mateo 28:18; Roma 14:9; Apocalipsis 11:15) Ang hain ni Jesus ang nagpaging posible para sa ilan na mapili upang mamahalang kasama niya sa Kahariang iyon. Nagbukas din ito ng daan para sa iba pang tapat-pusong mga tao na magtamasa ng sakdal na buhay sa isang lupa na isinauli sa mala-paraisong kalagayan. (Apocalipsis 5:9, 10; 14:1, 4; 21:3-5; 22:1-4) Ang isa sa pinakadakilang pribilehiyo natin sa ngayon ay ang sabihin ang maluwalhating mabuting balitang ito sa ating mga kapuwa-tao—Mateo 24:14.
18. Anong paalaala at anong pagpapatibay-loob ang ibinibigay kapuwa sa mga pamilya at sa mga indibiduwal?
18 Gaya ng ipinakita ni apostol Pablo, ang pamumuhay na may maka-Diyos na debosyon ay nagbibigay ng pangako na maaaring manahin ng mga tao ang mga pagpapalang iyon sa buhay ‘na darating.’ Walang-alinlangan, ito ang pinakamabuting paraan upang masumpungan ang kaligayahan! Tandaan, “ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Kung gayon, ikaw man ay isang bata o isang magulang, isang asawang lalaki o isang asawang babae, o isang nagsosolong tao na may mga anak o walang anak, pagsikapan na gawin ang kalooban ng Diyos. Ikaw man ay nasa kagipitan o napapaharap sa sukdulang mga suliranin, huwag kailanman kalilimutan na ikaw ay isang lingkod ng buháy na Diyos. Kung gayon, harinawang ang iyong mga kilos ay magdulot ng kagalakan kay Jehova. (Kawikaan 27:11) At harinawang ang iyong mga gawi ay magbunga ng kaligayahan sa iyo ngayon at ng walang-hanggang buhay sa bagong sanlibutan na darating!