IKALABING-APAT NA KABANATA
Magkasama Hanggang sa Pagtanda
1, 2. (a) Anu-anong pagbabago ang nagaganap habang tumatanda? (b) Papaano nakasumpong ng kasiyahan sa pagtanda ang maka-Diyos na mga lalaki noong panahon ng Bibliya?
MARAMING pagbabago ang nagaganap habang tayo’y tumatanda. Iginugupo ng kahinaan ng katawan ang ating lakas. Natatambad sa salamin ang mga panibagong kulubot at ang unti-unting pagdami ng puting buhok—panlalagas pa nga mismo ng buhok. Baka nagiging malilimutin na tayo. Nabubuo ang panibagong mga ugnayan kapag nag-asawa na ang mga anak, at muli kapag nagkaroon na ng mga apo. Para sa ilan, ang pagreretiro sa sekular na trabaho ay nagbubunga ng naiibang rutin sa buhay.
2 Ang totoo, maaaring mahirap nga ang tumanda. (Eclesiastes 12:1-8) Magkagayon man, isaalang-alang ang mga lingkod ng Diyos noong panahon ng Bibliya. Bagaman sa bandang huli ay namatay rin sila, natamo naman nila ang kapuwa karunungan at kaunawaan, na nagdulot sa kanila ng malaking kasiyahan sa panahon ng katandaan. (Genesis 25:8; 35:29; Job 12:12; 42:17) Papaano nila nagawang maging maligaya ang pagtanda? Tiyak na iyo’y dahil sa pamumuhay na kaayon ng mga simulain na nasumpungan nating nakaulat ngayon sa Bibliya.—Awit 119:105; 2 Timoteo 3:16, 17.
3. Anong payo ang ibinigay ni Pablo para sa matatanda nang lalaki at babae?
3 Sa kaniyang liham kay Tito, nagbigay si apostol Pablo ng mahusay na patnubay sa mga tumatanda na. Isinulat niya: “Ang matatandang lalaki ay maging katamtaman sa mga kinaugalian, seryoso, matino sa pag-iisip, malusog sa pananampalataya, sa pag-ibig, sa pagbabata. Gayundin ang matatandang babae ay maging mapagpitagan sa paggawi, hindi mapanirang-puri, ni hindi napaaalipin sa maraming alak, mga guro ng kabutihan.” (Tito 2:2, 3) Ang pagtalima sa mga salitang ito ay makatutulong sa iyo upang harapin ang mga hamon ng pagtanda.
MAKIBAGAY SA PAGSASARILI NG IYONG MGA ANAK
4, 5. Ano ang nagiging reaksiyon ng maraming magulang kapag umaalis na sa tahanan ang kanilang mga anak, at papaano nakikibagay ang ilan sa bagong situwasyon?
4 Ang pagbabago ng papel ay nangangailangan ng pakikibagay. Gaano ngang katotoo ito kapag nilisan na ng mga anak ang tahanan at nag-asawa na! Para sa maraming mga magulang ito ang unang paalaala na sila’y tumatanda na. Bagaman natutuwang makita na ang kanilang mga anak ay malalaki na, madalas na nababahala ang mga magulang kung nagawa na nga kaya nila ang lahat upang maihanda ang mga anak sa pagsasarili. At baka hanap-hanapin nila sila sa bahay.
5 Natural lamang, patuloy na nagmamalasakit ang mga magulang sa kapakanan ng kanilang mga anak, kahit wala na sa tahanan ang mga anak. “Kung dadalas sana ang pagtanggap ko ng balita mula sa kanila, upang matiyak kong sila’y nasa mabuting kalagayan—masaya na ako,” sabi ng isang ina. Ganito naman ang sabi ng isang ama: “Nang umalis na sa tahanan ang aming anak na babae, naging napakahirap ang panahong iyon. Nag-iwan iyon ng isang malaking puwang sa aming pamilya sapagkat palagi kaming magkakasama noon anuman ang aming ginagawa.” Papaano nakayanan ng mga magulang na ito ang pagkawala ng kanilang mga anak? Sa ilang kalagayan, ito’y sa pamamagitan ng pagmamalasakit at pagtulong sa iba.
6. Ano ang tumutulong upang mapanatiling nasa wastong pagkatimbang ang mga ugnayan ng pamilya?
6 Kapag nag-asawa na ang mga anak, nababago ang papel ng mga magulang. Sabi ng Genesis 2:24: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at dapat siyang pumisan sa kaniyang asawa at sila’y dapat na maging isang laman.” Ang pagkilala sa maka-Diyos na mga simulain ng pagkaulo at ng pagiging maayos ay tutulong sa mga magulang na mapanatili ang wastong pagkatimbang sa mga bagay-bagay.—1 Corinto 11:3; 14:33, 40.
7. Anong mainam na saloobin ang pinagyaman ng isang ama nang umalis na sa tahanan ang kaniyang mga anak na babae upang mag-asawa?
7 Pagkatapos na makasal at umalis na sa tahanan ang dalawang anak na babae ng mag-asawa, nadama ng mag-asawa na may kulang sa kanilang buhay. Noong una, naghinanakit ang asawang lalaki sa kaniyang mga manugang. Ngunit habang napag-iisip-isip niya ang simulain ng pagkaulo, napagtanto niya na ang napangasawa ng kaniyang mga anak ang siyang may responsibilidad ngayon sa kani-kanilang sambahayan. Kung gayon, kapag humihingi ng payo ang kaniyang mga anak, tinatanong niya sila kung ano ang palagay ng kani-kanilang asawa, at pagkatapos ay pinagsisikapan niyang suportahan ito. Ang pangmalas ngayon sa kaniya ng kaniyang mga manugang ay bilang isang kaibigan at tinatanggap nila ang kaniyang payo.
8, 9. Papaano nakibagay ang ilang magulang sa pagsasarili ng kanilang malalaki nang mga anak?
8 Kumusta naman kung ang bagong kasal, bagaman walang ginagawang anuman na di-maka-Kasulatan, ay hindi sumunod sa inaakala ng mga magulang na pinakamabuting gawin? “Palagi namin silang tinutulungan na makita ang pangmalas ni Jehova,” ang paliwanag ng mag-asawang may mga anak na may-asawa, “ngunit kung hindi man kami sang-ayon sa kanilang desisyon, tinatanggap namin iyon at ibinibigay sa kanila ang aming suporta at pampatibay-loob.”
9 Sa ilang lupain sa Asia, nasusumpungan ng ilang ina na lalo nang mahirap tanggapin ang pagsasarili ng kanilang mga anak na lalaki. Magkagayon man, kapag iginagalang nila ang Kristiyanong kaayusan at pagkaulo, nasusumpungan nilang nababawasan ang hidwaan nila ng kanilang mga manugang. Napatunayan ng isang Kristiyanong babae na ang pag-alis ng kaniyang mga anak na lalaki sa tahanan ng pamilya ay naging isang “pinagmumulan ng higit at higit na pasasalamat.” Tuwang-tuwa siyang makita ang kakayahan nilang mangasiwa ng kani-kanilang bagong sambahayan. Nangangahulugan naman ito na gumagaan ang pisikal at mental na pasang dapat nilang dalhing mag-asawa habang sila’y tumatanda.
MULING-PASIGLAHIN ANG BUKLOD NG PAG-AASAWA
Habang kayo ay tumatanda, muling pagtibayin ang inyong pag-iibigan sa isa’t isa
10, 11. Anong maka-Kasulatang payo ang tutulong sa mga tao na maiwasan ang ilang silo ng pagiging nasa katanghaliang-gulang?
10 Iba’t iba ang nagiging reaksiyon ng mga tao kapag umabot na sila sa katanghaliang-gulang. Nababago ang pananamit ng ilang lalaki sa pagtatangkang magmukha silang bata. Nababahala naman ang maraming babae sa mga pagbabagong idinudulot ng menopause. Nakalulungkot sabihin, pinapaghihinanakit at pinapagseselos ng mga nasa katanghaliang-gulang na mga tao ang kani-kanilang asawa sa pamamagitan ng pakikipagligaw-biro sa mga nakababatang miyembro ng di-kasekso. Gayunman, ang maka-Diyos na matatanda nang lalaki ay “matino sa pag-iisip,” anupat pinipigil ang mga maling pagnanasa. (1 Pedro 4:7) Ang mga maygulang na babae rin naman ay nagsisikap na mapanatili ang katatagan ng kanilang pag-aasawa, dahil sa pag-ibig sa kanilang mga asawa at sa hangaring paluguran si Jehova.
11 Sa ilalim ng pagkasi, iniulat ni Haring Lemuel ang papuri sa “may-kakayahang asawang babae” na ginagantimpalaan ang kaniyang asawa “ng mabuti, at hindi ng masama, lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.” Hindi kaliligtaan ng isang Kristiyanong asawang lalaki na pahalagahan ang pagsisikap ng kaniyang asawa na makayanan ang anumang emosyonal na kabalisahang dinaranas niya sa panahon ng kaniyang katanghaliang-gulang. Ang kaniyang pag-ibig ang mag-uudyok sa kaniya upang ‘purihin siya.’—Kawikaan 31:10, 12, 28.
12. Papaano lalo nang magkakalapit ang mag-asawa sa paglipas ng mga taon?
12 Sa abalang mga taon ng pagpapalaki sa mga anak, kayo kapuwa ay natutuwang isaisantabi muna ang inyong personal na hangarin upang maasikaso ang mga pangangailangan ng inyong mga anak. Kapag wala na sila, panahon na ito upang muling bigyang-pansin ang inyong buhay may-asawa. “Nang umalis na sa tahanan ang aking mga anak na babae,” sabi ng isang asawang lalaki, “sinimulan kong ligawang muli ang aking asawa.” Isa pang asawang lalaki ang nagsabi: “Binabantayan namin ang kalusugan ng isa’t isa at pinaaalalahanan ang isa’t isa na kailangan ang ehersisyo.” Upang hindi malungkot, siya at ang kaniyang asawa ay nagpapakita ng pagkamapagpatuloy sa ibang miyembro ng kongregasyon. Oo, ang pagmamalasakit sa iba ay nagdudulot ng mga pagpapala. Isa pa, napaluluguran nito si Jehova.—Filipos 2:4; Hebreo 13:2, 16.
13. Anong papel ang ginagampanan ng pagiging bukás at tapat habang magkasamang tumatanda ang mag-asawa?
13 Huwag hayaang magkaroon ng puwang ang pag-uusap ninyong mag-asawa. Gawing malaya ang inyong pag-uusap. (Kawikaan 17:27) “Napalalalim namin ang aming pag-uunawaan sa isa’t isa dahil sa pagmamahal at pagiging makonsiderasyon,” komento ng isang asawang lalaki. Sumang-ayon ang kaniyang asawa, na ang sabi: “Habang kami’y patuloy na tumatanda, nagiging kasiya-siya sa amin na kami’y magkasamang umiinom ng tsa, nagkukuwentuhan, at nagtutulungan sa isa’t isa.” Ang iyong pagiging bukás at tapat ay makatutulong sa pagpapatibay ng inyong buklod ng pag-aasawa, na binibigyan ito ng lakas na bibigo sa mga pag-atake ni Satanas, ang tagapagwasak ng pag-aasawa.
MAALIW SA IYONG MGA APO
14. Anong bahagi ang maliwanag na ginampanan ng lola ni Timoteo sa kaniyang paglaki bilang isang Kristiyano?
14 Ang mga apo ang “korona” ng matatanda. (Kawikaan 17:6) Ang pagiging kapiling ng mga apo ay maaaring maging tunay na kagalakan—nakapagpapasigla at nakapagpapanariwa. Pinuri ng Bibliya si Loida, isang lola, kasama ng kaniyang anak na si Eunice, na nagbahagi ng kaniyang mga paniniwala sa kaniyang sanggol na apong si Timoteo. Kinalakihan ng batang ito na kapuwa ang kaniyang nanay at ang kaniyang lola ay nagpapahalaga sa katotohanan ng Bibliya.—2 Timoteo 1:5; 3:14, 15.
15. May kinalaman sa mga apo, anong mahalagang tulong ang magagawa ng mga lolo’t lola, ngunit ano ang dapat nilang iwasan?
15 Kung gayon, dito sa tanging bahaging ito makapagbibigay ng mahalagang tulong ang mga lolo’t lola. Mga lolo’t lola, naibahagi na ninyo sa inyong mga anak ang inyong kaalaman tungkol sa mga layunin ni Jehova. Ngayon ay magagawa rin ninyo ito sa susunod pang henerasyon! Maraming maliliit na bata ang nasasabik na marinig ang pagsasalaysay ng kanilang mga lolo’t lola ng mga kuwento sa Bibliya. Mangyari pa, hindi mo aagawan ng pananagutan ang ama sa pagkikintal ng mga katotohanan sa Bibliya sa kaniyang mga anak. (Deuteronomio 6:7) Sa halip, tutulong ka lamang dito. Harinawang ang iyong panalangin ay maging gaya ng sa salmista: “Maging hanggang sa katandaan at pagiging may-uban, O Diyos, huwag mo akong iwan, hanggang masabi ko ang tungkol sa iyong bisig sa salinlahi, sa lahat ng darating, ang tungkol sa iyong kalakasan.”—Awit 71:18; 78:5, 6.
16. Papaano maiiwasan ng mga lolo’t lola na maging dahilan ng pagkakaroon ng tensiyon sa kanilang pamilya?
16 Nakalulungkot sabihin, ang ilang lolo’t lola ay labis na nagpapasunod sa maliliit na batang ito anupat nagkakaroon ng tensiyon sa pagitan ng mga lolo’t lola at ng kanilang malalaki nang anak. Gayunman, dahil sa iyong taimtim na kabaitan ay maaaring maging madali para sa iyong mga apo na sa iyo magtapat kapag sa pakiramdam nila’y ayaw nilang isiwalat ang mga bagay-bagay sa kanilang mga magulang. Kung minsan ay inaasahan ng mga bata na aayunan sila ng kanilang mapagpalayaw na mga lolo’t lola laban sa kanilang mga magulang. Ano ngayon? Ipakita ang karunungan at himukin ang iyong mga apo na maging bukás sa kanilang mga magulang. Maaari mong ipaliwanag na ito’y nakalulugod kay Jehova. (Efeso 6:1-3) Kung kailangan, maaari kang magboluntaryo na patiunang kausapin ang mga magulang ng mga bata bago lumapit ang mga ito sa kanila. Maging prangka sa iyong mga apo hinggil sa iyong natutuhan sa nagdaang mga taon. Maaari silang makinabang sa iyong pagiging matapat at prangka.
MAKIBAGAY HABANG IKAW AY TUMATANDA
17. Anong determinasyon ng salmista ang dapat tularan ng tumatandang mga Kristiyano?
17 Sa paglipas ng mga taon, masusumpungan mong hindi mo na magagawa ang lahat ng iyong ginagawa noon o ang lahat ng gusto mong gawin. Papaano maaaring tanggapin at harapin ng isa ang pagtanda? Sa isip mo ay baka pakiramdam mo’y 30 taon ka lamang, ngunit ang pagsulyap sa salamin ay nagsisiwalat ng ibang katotohanan. Huwag kang panghihinaan ng loob. Nagsumamo ang salmista kay Jehova: “Huwag mo akong itakwil sa panahon ng katandaan; kapag ang aking lakas ay nanlulupaypay, huwag mo akong iiwan.” Ipasiya mong tularan ang determinasyon ng salmista. Sabi niya: “Ako’y palaging maghihintay, at pupurihin kita nang higit at higit.”—Awit 71:9, 14.
18. Papaano magagawang kapaki-pakinabang ng isang maygulang na Kristiyano ang pagreretiro?
18 Marami ang patiuna nang naghanda na pag-iibayuhin ang kanilang pagpuri kay Jehova pagkatapos na magretiro sa sekular na trabaho. “Patiuna na akong nagplano ng aking gagawin kapag tapos na sa pag-aaral ang aking anak,” paliwanag ng isang ama na ngayo’y retirado na. “Ipinasiya kong pasimulan ang buong-panahong pangangaral sa ministeryo, at ipinagbili ko ang aking negosyo upang maging malaya sa lubusang paglilingkod kay Jehova. Nanalangin ako na sana’y patnubayan ako ng Diyos.” Kung ikaw ay malapit nang sumapit sa edad ng pagreretiro, maaliw ka sa pagpapahayag ng ating Dakilang Maylalang: “Maging sa katandaan ako pa rin ang Isang iyon; at sa pagiging may-uban ng isa ako mismo ang patuloy na magdadala.”—Isaias 46:4.
19. Anong payo ang ibinibigay sa mga tumatanda na?
19 Ang pakikibagay kapag nagretiro na sa sekular na trabaho ay maaaring hindi madali. Pinayuhan ni apostol Pablo ang matatandang lalaki na maging “katamtaman sa mga kinaugalian.” Ito’y nangangailangan ng pangkalahatang pagpipigil, anupat hindi napadadala sa hilig na magpasarap sa buhay. Baka mas kailangan ngayon kaysa noon ang isang rutin at pagdisiplina sa sarili pagkatapos ng pagreretiro. Kung gayon, maging abala na, “laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon, sa pagkaalam na ang inyong pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan.” (1 Corinto 15:58) Palawakin ang inyong gawain upang makatulong sa iba. (2 Corinto 6:13) Ginagawa ito ng maraming Kristiyano sa pamamagitan ng masigasig na pangangaral ng mabuting balita ayon sa kanilang kakayahan. Habang ikaw ay patuloy na tumatanda, maging “malusog sa pananampalataya, sa pag-ibig, sa pagbabata.”—Tito 2:2.
PAGHARAP SA PAGKAWALA NG IYONG KABIYAK
20, 21. (a) Sa kasalukuyang sistema ng mga bagay, ano ang sa bandang huli’y magpapahiwaláy sa mag-asawa? (b) Papaano naglaan ng isang mainam na halimbawa si Ana para sa mga naulilang kabiyak?
20 Nakalulungkot sabihin ngunit totoo na sa kasalukuyang sistema ng mga bagay, dumarating ang panahon na ang mag-asawa’y pinapaghihiwalay ng kamatayan. Ang naulilang mga kristiyanong kabiyak ay nakaaalam na ang kani-kanilang mahal sa buhay ay natutulog na ngayon, at sila’y umaasang makikita silang muli. (Juan 11:11, 25) Subalit ang pagkawala ay nakapipighati pa rin. Papaano ito mahaharap ng naiwan?a
21 Ang pagsasaisip sa ginawa ng isang tauhan sa Bibliya ay makatutulong. Si Ana ay nabiyuda pagkalipas lamang ng pitong taóng pagsasama, at nang mabasa natin ang tungkol sa kaniya, siya’y 84 na taóng gulang. Matitiyak nating siya’y namighati nang mawala ang kaniyang kabiyak. Papaano niya ito nakayanan? Nag-ukol siya sa Diyos na Jehova ng sagradong paglilingkod sa templo gabi’t araw. (Lucas 2:36-38) Ang buong-buhay na paglilingkod ni Ana kasabay ng panalangin ay walang-pagsalang isang mabisang panlunas sa dalamhati at pangungulilang nadama niya sa pagiging biyuda.
22. Papaano nakayanan ng ilang biyuda’t biyudo ang pangungulila?
22 “Ang pinakamalaking hamon para sa akin ay ang kawalan ng kapisang makakausap,” ang paliwanag ng isang 72-anyos na babae na sampung taon nang biyuda. “Magaling makinig ang aking asawa. Madalas naming pinag-uusapan noon ang tungkol sa kongregasyon at sa aming pakikibahagi sa Kristiyanong ministeryo.” Sabi naman ng isa pang biyuda: “Bagaman nakagagaling ang panahon, natuklasan kong mas wastong sabihin na ang tumutulong sa iyo upang gumaling ay kung ano ang iyong ginagawa sa iyong panahon. Nasa mas mabuting kalagayan ka upang makatulong sa iba.” Sang-ayon ang isang 67-taóng-gulang na biyudo, na nagsasabi: “Ang isang kahanga-hangang paraan upang makayanan ang pangungulila ay ang pagbibigay ng sarili upang aliwin ang iba.”
MAHALAGA SA DIYOS HANGGANG SA PAGTANDA
23, 24. Anong malaking kaaliwan ang ibinibigay ng Bibliya sa mga matatanda na, lalo na yaong mga nabiyuda’t nabiyudo?
23 Bagaman inihihiwalay ng kamatayan ang isang mahal na kabiyak, si Jehova ay patuloy na laging tapat, laging maaasahan. “Isang bagay ang hinihiling ko kay Jehova,” ang awit ni Haring David noong unang panahon, “ito ang aking hinahanap, na ako’y makatahan sa bahay ni Jehova sa lahat ng mga araw ng aking buhay, upang masdan ang kagandahan ni Jehova at upang tingnang may pagpapahalaga ang kaniyang templo.”—Awit 27:4.
24 “Parangalan mo ang mga babaing balo na talagang mga babaing balo,” ang paghimok ni apostol Pablo. (1 Timoteo 5:3) Ang payo na kasunod ng tagubiling ito ay nagpapahiwatig na ang karapat-dapat na mga biyuda na walang malapit na kamag-anak ay baka kailangang suportahan ng kongregasyon sa materyal. Gayunman, kasali sa ibig sabihin ng tagubilin na “parangalan” ay ang idea na pahalagahan sila. Anong laking kaaliwan ang maaaring matamo ng maka-Diyos na mga biyuda’t biyudo sa pagkaalam na pinahahalagahan sila ni Jehova at sila’y aalalayan!—Santiago 1:27.
25. Anong tunguhin ang nananatili pa rin para sa matatanda na?
25 “Ang karilagan ng matatandang lalaki ay ang kanilang ulong may-uban,” ang ipinahayag ng kinasihang Salita ng Diyos. Iyon ay “isang korona ng kagandahan kapag nasumpungan sa daan ng katuwiran.” (Kawikaan 16:31; 20:29) Kung gayon, ipagpatuloy mo, may asawa ka man o wala nang asawa, na unahin muna sa iyong buhay ang paglilingkod kay Jehova. Sa gayo’y magkakaroon ka ngayon ng mabuting pangalan sa Diyos at ng pag-asa ng walang-hanggang buhay sa isang sanlibutan na doo’y hindi na muling madarama pa ang kirot ng pagtanda.—Awit 37:3-5; Isaias 65:20.
a Para sa mas detalyadong pagtalakay sa paksang ito, tingnan ang brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal, lathala ng Watch Tower Bible and Tract Society of New York, Inc.