Paghahayag ng Pangalan ni Jehova sa Buong Lupa
1 Nang utusan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na maging mga saksi “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa,” siya’y nakapagbigay na ng halimbawa upang kanilang tularan. (Gawa 1:8) Kailanman at saanman siya makasumpong ng mga tao, ipinakikipag-usap niya ang hinggil sa layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Bilang pagtulad kay Jesus, ang uring tapat na alipin ay gumagamit ng maraming pamamaraan upang ang pangalan ni Jehova ay ‘maihayag sa buong lupa.’—Isa. 12:4, 5.
2 Kung ano ang Nagawa sa Nagdaang Panahon: Sa nagdaang mga taon, ang mga sermon ay inilathala sa mga pahayagan; ang “Photo-Drama of Creation” ay ginawa at ipinalabas sa milyun-milyon; at lubusang ginamit ang ponograpo at, sa ilang panahon, ang radyo—lahat ay upang maipangaral ang mabuting balita. Sabihin pa, ang pangunahing pagdiriin ay laging inilalagay sa paggawa ng personal na pakikipag-ugnayan sa mga tao upang malinang ang nasumpungang interes. Dahil dito, ang ministeryo sa bahay-bahay ay napatunayang isang napakabisang paraan ng paghahayag ng pangalan ni Jehova sa lahat ng dako.—Gawa 5:42.
3 Kung ano ang Isinasagawa sa Ating Panahon: Sa pagbabago ng mga panahon ang takbo ng mga bagay-bagay sa daigdig ay lalong bumibilis, at sa maraming lugar ang mga tao ay bihirang masumpungan sa tahanan. Iilan lamang ang may hilig na gumugol ng panahon sa pagbabasa at pagbubulay-bulay sa espirituwal na mga bagay. Kung gayo’y dapat nating ibagay ang ating ministeryo alinsunod dito. Bilang karagdagan sa patuloy na pagkubre sa teritoryo sa bahay-bahay, tayo ay pinasisiglang magtungo kung saan naroroon ang mga tao at maging “laging handa” na gumawa ng pagtatanggol para sa pag-asang nasa atin. (1 Ped. 3:15) Ito’y nangangahulugan ng pagsisikap na mangaral sa mga kamanggagawa, sa mga kamag-aral, sa mga tao sa lansangan at sa parke o sa paradahan, sa mga tindahan, at saanman maaaring masumpungan ang mga tao. Sa pag-alalay ni Jehova, ang ating mga pagsisikap ay magiging matagumpay. Kayo ba’y nagkakaroon ng bahagi sa pag-abot sa mga tao saanman sila naroroon?
4 Nawa’y subukan ng bawat isa sa atin ang lahat ng posibleng paraan hinggil sa paghahayag ng pangalan ni Jehova sa ating teritoryo. Tayo’y makasusumpong ng malaking kasiyahan sa lubusang pagsasagawa ng ating ministeryo, habang tayo’y umaasa kay Jehova na akayin ang mga taong matuwid ang puso.—Juan 6:44.