Mapagpakumbaba Siyang Naglingkod kay Jehova
“HINDI gaanong mahalaga kung saan ka naglilingkod bagkus ang totoong mahalaga ay kung kanino ka naglilingkod.” Palaging sinasabi ni John Booth ang mga salitang iyan, at namuhay siya na kaayon ng mga ito. Ang kaniyang landasin ng buhay sa lupa, na natapos noong Lunes, Enero 8, 1996, ay walang alinlangang nagpakita kung sino ang pinili niyang paglingkuran.
Bilang isang kabataan noong 1921, si John Booth ay naghahanap ng layunin sa buhay. Nagturo siya sa Sunday school ng Dutch Reformed Church, ngunit tinanggihan niya ang idea na magsanay upang maging isang ministro sapagkat para sa kaniya ay mapag-imbot ang paraan ng pamumuhay ng mga klerigo. Nang makita niya ang isang anunsiyo para sa pahayag na pinamagatang “Angaw-angaw na Ngayo’y Nabubuhay Ay Hindi Na Mamamatay,” hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon anupat humiling ukol sa literatura na inianunsiyo nito. Palibhasa’y naakit sa kaniyang nabasa, di-nagtagal ay nagbibisikleta na siya ng 24 na kilometro patungo sa mga pulong ng mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova. Nabautismuhan siya noong 1923 at nagpasimulang mangaral sa bahay-bahay sa rehiyon ng Wallkill, New York, kung saan naroon ang bakahan ng kaniyang pamilya.
Pumasok si Brother Booth sa buong-panahong ministeryo noong Abril 1928. Nangaral siya sa lugar na kaniyang sinilangan at sa mga lalawigan sa gawing Timog, anupat nagpapasakamay ng literatura sa Bibliya kapalit ng pagkain at tirahan. Kinailangan niyang harapin ang mga panganib na gaya ng de-baril na mga may-ari ng ilegal na mga distileriya, na ang isa sa mga ito ay bumaril at sumugat sa isa sa mga kapareha ni John Booth sa pagpapayunir. Noong 1935, nahirang si Brother Booth bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa at nagsimulang dumalaw sa mga kongregasyon at maliliit na grupo sa palibot ng bansa. Nagsaayos siya ng mga asamblea at tinulungan ang mga kapatid na magtiyaga sa kabila ng pagsalansang. Ang pagharap sa galít na mga mang-uumog, pagtayo sa hukuman, at pagkabilanggo ay naging karaniwan na lamang kay Brother Booth. “Makabubuo ng isang aklat kung idedetalye ang kapana-panabik na mga panahong iyon,” ang minsang isinulat niya.
Noong 1941, inatasan ni Joseph F. Rutherford, ang presidente noon ng Samahang Watch Tower, si Brother Booth na magtrabaho sa Kingdom Farm, malapit sa Ithaca, New York. Siya ay tapat na naglingkod doon sa loob ng 28 taon. Palibhasa’y di-nagmaliw ang kaniyang pag-ibig sa ministeryo, tuwang-tuwa siyang nakisama nang maraming taon sa libu-libong estudyante ng Watchtower Bible School of Gilead para sa pagsasanay ng mga misyonero, na naroroon sa Kingdom Farm hanggang noong 1961. Noong 1970, inanyayahan si Brother Booth na maglingkod sa Watchtower Farms sa Wallkill, New York, at dahil dito ay nabalik siya sa dating lugar kung saan siya nagsimulang magpayunir mga 45 taon na ang nakararaan.
Noong 1974, nahirang si Brother Booth bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Siya ay tapat na naglingkod sa tungkuling iyan hanggang noong kaniyang kamatayan sa gulang na 93. Si John Booth ay napamahal dahil sa kaniyang totoong mapagpakumbaba at mabait na Kristiyanong personalidad. Hangga’t ipinahihintulot ng kaniyang kalusugan at lakas, siya ay tapat na nangangaral sa bahay-bahay at sa mga lansangan ng lunsod.
Bagaman ipinagdadalamhati ng mga naglingkod na kasama niya ang kaniyang pagpanaw, nakasusumpong sila ng kaaliwan sa pangako ng Bibliya may kaugnayan sa gayong mga pinahirang Kristiyano, na sila ay binubuhay-muli tungo sa makalangit na buhay at na “ang mga bagay na ginawa nila ay sumasama mismo sa kanila.” (Apocalipsis 14:13; 1 Corinto 15:51-54) Tiyak na isang bagong kapaligiran, subalit isa na magpapangyari kay John Booth na makapaglingkod kay Jehova magpakailanman!
[Larawan sa pahina 32]
John Booth 1902-1996
[Larawan sa pahina 32]
HERALD-AMERICAN, ANDOVER 1234
76 Jehovites Jailed in Joliet
[Credit Line]
Chicago Herald-American