Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 9/22 p. 18-20
  • Paano Ko Maitutuon ang Aking Isip sa mga Bagay-Bagay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Maitutuon ang Aking Isip sa mga Bagay-Bagay?
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maging Interesado
  • Nababagot at Nakababagot na mga Guro
  • Pagbibigay ng “Higit Kaysa Karaniwang Pansin”
  • Kung Paano Makikinabang Nang Higit Mula sa mga Pulong
  • “Magbigay ng Higit Kaysa sa Karaniwang Pansin”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Bakit Dapat Dumalo sa mga Kristiyanong Pagpupulong?
    Gumising!—2012
  • ‘Bigyang-Pansin Kung Paano Ka Nakikinig’
    Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
  • Kung Paano Tayo Inaakay ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 9/22 p. 18-20

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Maitutuon ang Aking Isip sa mga Bagay-Bagay?

“Maraming taon na akong dumadalo sa mga pulong at hindi nakikinabang mula sa mga ito. Basta na lamang lumilipad ang aking isip.”​—Matthew.

NARANASAN mo na bang maupo sa isang silid-aralan o sa isang Kristiyanong pagpupulong at pagkatapos ay bigla mong natanto na wala ka palang anumang ideya kung ano ang pinag-uusapan? Buweno, kung ang iyong isip ay may hilig na gumala kung minsan, hindi ka nag-iisa. Tulad ng ipinakita ng isang naunang artikulo, ang maiikling oras ng pagtutuon ng pansin ay pangkaraniwan sa mga kabataan.a Gayunman, sa pamamagitan ng kaunting pagsisikap at ilang pagbabago sa iyong saloobin, maaari mong matutuhan kung paano pasusulungin ang iyong kakayahang magtuon ng isip.

Maging Interesado

Pag-isipan ang isang sanay na atleta. “Ang bawat tao na nakikibahagi sa isang pakikipaglaban ay nagsasagawa ng pagpipigil-sa-sarili sa lahat ng bagay,” ang sabi ni apostol Pablo. Kung hahayaan ng isang atleta na malingat siya nang kahit isang saglit, maaaring mangahulugan iyon ng kaniyang pagkatalo sa paligsahan. Upang manalo, kailangang matutuhan niyang magtuon ng isip​—winawalang-bahala ang hiyaw ng karamihan, hindi pinapansin ang nararamdaman niyang kirot at pagkapagod, at inaalis sa isip ang mismong ideya ng pagkatalo. Ngunit ano ba talaga ang gumaganyak sa mga atleta upang magbuhos ng gayong higit-sa-pangkaraniwan na pagsisikap? Ayon kay apostol Pablo, kanilang ginagawa iyon upang “tumanggap sila ng isang koronang nasisira”​—ang mga tropeo at mga parangal na ibinibigay sa mga nagwagi.​—1 Corinto 9:25.

Sa katulad na paraan, kailangang maganyak ka na magtuon ng isip! Ang aklat ni William H. Armstrong na Study Is Hard Work, ay nagsasabi: “Pananagutan ng estudyante na maging interesado. Walang sinuman ang maaaring maging interesado para sa iyo, at walang sinuman ang maaaring makapagpasidhi ng iyong interes maliban sa gustuhin mo ito.” Ang kaalaman ang susi sa pag-unawa sa daigdig na ginagalawan mo. Kung mas marami ang iyong nalalaman, mas marami rin ang maaari mong matutuhan. “Sa isang may-unawa ang kaalaman ay isang bagay na madali,” ang sabi sa Kawikaan 14:6. Baka hindi mo nga matandaan ang lahat ng bagay na natututuhan mo sa paaralan, ngunit kahit paano, tinutulungan ka ng paaralan na pasulungin at linangin ang iyong kakayahang mag-isip. (Ihambing ang Kawikaan 1:4.) Habang-buhay kang makikinabang sa pagkakaroon mo ng disiplina sa isip at ng kakayahang magtuon ng isip.

Nababagot at Nakababagot na mga Guro

Gayunman, nagrereklamo ang ilang tin-edyer na kahit ang kanilang mga guro ay waring walang interes. Ang isang kabataang nagngangalang Jesse ay nagsabi: “Tatayo ang mga guro sa harapan ninyo, tatalakay ng ilang bagay, magbibigay sa inyo ng inyong takdang-aralin, at pagkatapos ay pauuwiin na niya kayo. Sa palagay ko, sila’y nagpapabaya. Gumagawi ang mga guro na para bang hindi na iyon mahalaga, kaya hindi na namin makita kung bakit pa kailangang magbigay-pansin.”

Dapat mo bang sabihin, kung gayon, na pag-aaksaya lamang ng panahon ang magbigay ng pansin? Hindi naman. Maraming guro ang baka nasadlak lamang sa isang di-magandang rutin. Ang isang tin-edyer na nagngangalang Collin ay nagpaliwanag: “Walang sinuman ang nagbibigay-pansin sa mga guro, kaya iniisip ng mga guro na walang sinuman ang nagnanais matuto. Kaya naman, hindi na sila puspusang nag-uukol ng lakas at sigla sa pagtuturo.”

Sa maniwala ka man o hindi, maaari kang makatulong na mahinto ang kinagawiang ito. Paano? Simple lamang​—sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin. Baka isang interesadong estudyante lamang ang kailangan ng isang nababagot na guro para muling mabuhay ang interes niya sa kaniyang trabaho. Totoo, may ilang guro na talagang walang abilidad na pukawin at panatilihin ang interes ng isang klase. Ngunit bago ka mangarap nang gising, tanungin ang iyong sarili, ‘Alam ba niya ang kaniyang sinasabi?’ Kung oo, magpasiyang matuto mula sa kaniya. Makinig nang mabuti​—magtuon ng iyong isip! Makibahagi sa mga talakayan sa klase. Magbangon ng mga tanong na kaugnay ng pinag-uusapan. Ang aklat na How to Study in High School ay may ganitong sinabi: “Natuklasan ng maraming estudyante na nakatutulong ang pagtatala ng mga dayagram, pananalita, tsart, katuturan, at pangunahing mga ideya na isinusulat ng guro sa pisara o di kaya’y idiniriin.”

Pagbibigay ng “Higit Kaysa Karaniwang Pansin”

Gayunman, mas malaki ang nakataya pagdating sa pakikinig sa Kristiyanong mga pulong. Inamin ni Jesse: “Kung minsan, hindi nagbibigay-pansin ang mga kabataan sa mga bagay tulad ng mga pulong dahil hindi nila natatanto kung gaano kahalaga ang mga pulong.” Sa Hebreo 2:1, tayo ay inutusan na “magbigay ng higit sa karaniwang pansin sa mga bagay na narinig natin, upang hindi tayo kailanman maanod palayo.” Pagkagaling sa isang pulong ng kongregasyon, may natatandaan ka ba sa bawat presentasyon? O kung minsan ay natutuklasan mong ni hindi mo matandaan kung sinu-sino ang gumanap ng mga bahagi?

Muli, ito’y may kaugnayan sa pagkatanto mo sa kahalagahan ng iyong pinag-aaralan. Aba, ang iyo mismong buhay ang nasasangkot! (Juan 17:3) Isa pang punto na dapat pag-isipan ay ito: Kapag nag-aaral ka hinggil sa Bibliya, natututo kang mag-isip na katulad ng Diyos mismo! (Isaias 55:8, 9) At kapag ikinakapit mo ang iyong natututuhan, iyong isinusuot ang tinatawag ng Bibliya na “bagong personalidad.” (Colosas 3:9, 10) Sa kabilang dako, kung hindi ka magbibigay-pansin, maaaring hindi ka makagawa ng kinakailangang pagpapasulong sa iyong buhay; mahahadlangan mo ang iyong espirituwal na paglaki. Alam ni Jehova na lahat tayo’y may hilig na hayaang malingat ang ating mga isip. Kaya nga, nakikiusap siya: “Makinig kayong mabuti sa akin . . . Ikiling ninyo ang inyong pandinig at pumarito kayo sa akin. Makinig kayo, at ang inyong kaluluwa ay mananatiling buhay.”​—Isaias 55:2, 3.

Kung Paano Makikinabang Nang Higit Mula sa mga Pulong

Magkagayon man, ang pagbibigay ng matamang pansin sa mga pulong ay baka mahirap sa simula. Ngunit sinasabi ng mga mananaliksik na habang lalo tayong nagsasanay sa pagtutuon ng isip, lalo ring nagiging bihasa ang ating utak sa gayong gawain. Napagtagumpayan ni Matthew, na sinipi sa pasimula, ang hilig ng kaniyang isip na gumala samantalang nagpupulong. Kaniyang sinabi: “Natuklasan ko na kailangan kong disiplinahin ang aking sarili upang makapagbigay-pansin. Pagkaraan lamang ng ilang panahon ay sumusulong ito, at kaya mo nang magbigay-pansin sa loob ng mas mahabang panahon.” Idiniin din ni Matthew ang nag-iisang pinakamahalagang salik para maging kasiya-siya ang mga pulong para sa kaniya. “Nag-aaral ako nang patiuna,” ang kaniyang sinabi. Sa katulad na paraan, isang kabataang nagngangalang Charese ay nagsabi: “Kapag ako’y nakapaghanda, nadarama ko na lalo akong kabahagi sa pulong. Tila lalong kawili-wili at makahulugan ang mga pahayag para sa akin.”

Ang di-pagpansin sa nakagagambalang mga kaisipan ay mahalaga rin. Totoo, baka makatuwiran naman ang ilang bagay na gumugulo sa iyong isipan: ang pagsusulit sa susunod na linggo, isang di-pagkakaunawaan na bunga ng pagkakaiba ng personalidad na nagpapaigting sa iyo, ilang panghinaharap na gastusin na kailangan mong balikatin. Ngunit nagbigay si Jesus ng ganitong payo: “Sino sa inyo sa pagiging balisa ang makapagdaragdag ng isang siko sa haba ng kaniyang buhay? Kaya, huwag kayong mabalisa kailanman tungkol sa susunod na araw, sapagkat ang susunod na araw ay magtataglay ng sarili nitong mga kabalisahan. Sapat na para sa bawat araw ang sarili nitong kasamaan.” (Mateo 6:27, 34) Ang pagpapako ng isipan sa mga pulong ng kongregasyon ay hindi makapag-aalis ng iyong mga suliranin, subalit makatutulong ito na mapanariwa ka sa espirituwal na paraan, upang mapakitunguhan mo ang mga suliranin nang may higit na kahusayan.​—Ihambing ang 2 Corinto 4:16.

Ang matamang pakikinig ay makatutulong din sa iyo na manatiling nakapako ang pansin. Ang sabi ni Matthew: “Sinisikap kong hulaan ang patitingkaring punto ng tagapagsalita samantalang siya’y nagpapahayag at pagkatapos ay tinitingnan ko kung paano niya gagawin iyon.” Tanungin ang iyong sarili, ‘Ano ang mga pangunahing punto na tinatalakay? Paano ko magagamit ang itinuturo?’ Ang pag-aabang sa kung ano ang susunod na sasabihin ng tagapagsalita ay maaari ring makatulong sa iyo na manatiling nakapako ang iyong isip. Sikaping sundan ang kaniyang ugnay-ugnay na pangangatuwiran. Pansinin ang maka-Kasulatang mga argumento na kaniyang ginagamit. Pag-isipang mabuti at itala ang kaniyang pangunahing mga punto. Magtala ng maikli at makabuluhang mga nota. Kapag kinakailangan ang partisipasyon ng mga tagapakinig sa isang bahagi, makibahagi! Ang paggawa ng gayon ay makatutulong sa iyong isip na manatiling nakapako at huwag gumala-gala.

Totoo naman, maaaring isang hamon ang pakikinig kung kulang sa sigla o walang buhay ang pagpapahayag ng isang tagapagsalita. Alalahanin ang sinabi ng ilang unang-siglong Kristiyano hinggil sa kanilang palagay sa kakayahan ni apostol Pablo sa pagsasalita: “Ang kaniyang pagkanaririto sa pisikal ay mahina at ang kaniyang pananalita ay napakahamak.” (2 Corinto 10:10) Ngunit tumugon si Pablo sa gayong pagpuna sa pagsasabing: “Kung ako man ay di-bihasa sa pananalita, tiyak namang hindi ako gayon sa kaalaman.” (2 Corinto 11:6) Oo, kung nagtuon sana ng pansin ang mga tagapakinig ni Pablo sa diwa ng kaniyang sinabi at hindi lamang sa kaniyang kakayahang magsalita, natutuhan sana nila ang marami sa “malalalim na bagay ng Diyos.” (1 Corinto 2:10) Sa katulad na paraan, maaari kang matuto, kahit pa mula sa isang “nakaiinip” na tagapagsalita, kung magtutuon ka ng isip at makikinig. Anong malay mo? Baka talakayin niya ang ibang kahulugan ng isang teksto o kaya’y ikapit niya ito sa paraan na hindi mo pa naisip noon.

Sa kaniyang mga pananalita sa Lucas 8:18, may kahusayang binuod ni Jesus ang mga bagay-bagay: “Bigyang pansin ninyo kung paano kayo nakikinig.” Sabihin pa, ang pagkatuto na magbigay-pansin​—at hindi gumala ang isip​—ay nangangailangan ng pagsisikap at pagsasanay. Ngunit pagdating ng panahon, aanihin mo ang mga kapakinabangan. Ang pagkatutong magtuon ng isip ay maaaring mangahulugan ng mas mahusay na mga marka, at, higit sa lahat, espirituwal na pagsulong!

[Mga talababa]

a Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Hindi Ako Makapagtuon ng Isip?,” na lumabas sa aming Hulyo 22, 1998, na isyu.

[Larawan sa pahina 20]

Ang paglinang ng interes sa iyong naririnig ang susi sa pagbibigay-pansin

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share