Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 9/1 p. 25-28
  • Nag-uumapaw ang Aking Puso sa Pasasalamat

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nag-uumapaw ang Aking Puso sa Pasasalamat
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagpapasalamat sa Maiinam na Halimbawa
  • Ang Aking Paninindigan sa Katotohanan
  • Nagpapasalamat Dahil sa Aking Ministeryo
  • Pagkakaroon ng Tapat na Kasama
  • Nagpapasalamat Dahil sa Aming Buhay na Magkasama
  • Pitumpung-Taóng Pagtangan sa Laylayan ng Isang Judio
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Pananatiling Malapit sa Organisasyon ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Ang Tapat na Halimbawa ng Aking Ama
    Gumising!—1993
  • Nagbunga ng Habambuhay na mga Pagpapala ang Tamang mga Pasiya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 9/1 p. 25-28

Nag-uumapaw ang Aking Puso sa Pasasalamat

AYON SA PAGKALAHAD NI JOHN WYNN

Napakadalas na ayaw kong dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova! Magkukunwari akong masakit ang tiyan o ang ulo​—kahit ano upang hindi makadalo. Subalit ang katatagan ng aking ina ang laging madaling pumapawi sa mga sakit na iyon, at nasusumpungan ko na lamang ang aking sarili na kasama niyang naglalakad nang tatlong kilometro patungo sa Kingdom Hall, anupat nakikinig habang ipinakikipag-usap niya ang Salita ng Diyos sa isang nakatatandang kasama.

NAGTURO ito sa akin ng mahalagang aral: Ang mga magulang ay hindi dapat huminto sa pagiging matatag, sa isang maibiging paraan, tungkol sa kung ano ang tama sa paningin ng Diyos. (Kawikaan 29:15, 17) Hindi nila dapat kaligtaan ang utos ng Diyos na ‘huwag pabayaan ang ating pagtitipon.’ (Hebreo 10:25) Habang ginugunita ko ang aking naging buhay, laking pasasalamat ko na naipagawa sa akin ng aking ina ang pinakamabuti para sa akin!

Nagpapasalamat sa Maiinam na Halimbawa

Bagaman di-mananampalataya ang aking ama, mapagparaya siya sa paniniwala ni Inay nang ito ay maging isang Estudyante ng Bibliya, gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova. Noong 1913 ay umalis siya upang pakinggan ang pahayag na “Sa Dako Pa Roon ng Libingan,” na ibinigay ni Charles T. Russell, ang unang presidente ng Samahang Watch Tower. Subalit nahuli siya sa pagdating, at okupado na ang lahat ng upuan. Kaya siya ay inanyayahang maupo malapit sa entablado kasama ng ibang nahuli, sa tabi mismo ni Pastor Russell. Hangang-hanga siya sa pahayag na iyon. Inilathala ito kinabukasan sa lokal na pahayagan, at kumuha siya ng isang kopya nito at binasa ito nang paulit-ulit.

Pagkatapos ng pulong ay nagbigay si Inay ng isang piraso ng papel na doo’y nakasulat ang kaniyang pangalan, at di-nagtagal ay pinuntahan siya ng isang Estudyante ng Bibliya. Nang maglaon, nagsimula siyang magbigay ng mga tract sa Bibliya sa bahay-bahay sa aming tinubuang-bayan ng Gloucester, Inglatera. Mula nang bata pa kami ng aking dalawang kapatid na babae, sumasama na kami kay Inay sa gawaing pangangaral.

Nang lumipat sa Gloucester si Harry Francis, isang masigasig na Estudyante ng Bibliya, malugod na tinanggap siya ni Inay. Di-nagtagal, nagkaroon siya ng personal na interes sa akin, at ang kaniyang pampatibay-loob ay isang pangunahing salik sa aking pagiging payunir nang dakong huli, gaya ng tawag sa mga buong-panahong ministro. Nagturo sa akin ng mahalagang aral ang halimbawa ni Brother Francis: Ang mga may-edad ay dapat na laging humanap ng paraan upang mapatibay-loob ang mga kabataan.

Nang maging isang Estudyante ng Bibliya ang aking ina, ang iba sa Gloucester ay tumulad sa kaniya. Gayunman, ang ilang matanda sa kongregasyon ay nagsimulang mag-isip nang matayog tungkol sa kanilang sarili, at ang mga miyembro ng klase​—gaya ng tawag noon sa kongregasyon​—ay nagsimulang sumunod sa mga indibiduwal. Sa isang pulong, ang ilan ay patuloy na sumusundot sa likod ni Inay, anupat inuudyukan siyang itaas ang kaniyang kamay bilang suporta sa ilang matanda. Subalit batid ni Inay na hindi sila nagpapakita ng mabuting halimbawa, at hindi siya natakot. Nang panahong iyon, noong huling mga taon ng dekada ng 1920, marami ang tumiwalag at hindi na lumakad sa daan ng katotohanan. (2 Pedro 2:2) Gayunman, si Inay ay hindi kailanman lumihis sa matapat na pagsuporta sa organisasyon, anupat nagpakita ng isang mainam na halimbawa sa akin.

Ang Aking Paninindigan sa Katotohanan

Sa wakas, noong Hunyo 1939, nang ako ay 18 taong gulang, binautismuhan ako sa Ilog Severn. Nang taong iyon ay hinirang din ako bilang lingkod sa sound. Noong panahong iyon ay gumagamit kami ng malaking transcription machine upang ipaalingawngaw sa mga pampublikong lugar ang mensaheng “Ang Relihiyon ay Isang Silo at Pangungulimbat.” Ang idiniriin noong panahong iyon ay ang paglalantad sa pagpapaimbabaw at huwad na mga turo ng Sangkakristiyanuhan.

Minsan ay nasa unahan ako ng isang prusisyon habang dala-dala ang isang bandila na ang isang mukha nito ay nagpapahayag ng “Ang Relihiyon ay Isang Silo at Pangungulimbat” at ang kabilang mukha naman ay “Maglingkod sa Diyos at kay Kristong Hari.” Nakasunod naman ang isang buriko na may malalaking karatula sa magkabila ng likod nito na nag-aanunsiyo sa pahayag pangmadla. Tunay na isang tanawin ang prusisyon na iyon sa napakarelihiyosong lunsod ng Gloucester!

Sa kabila ng kahirapan sa pananalapi sa tahanan, pinasigla akong magpayunir ni Inay. Kaya, noong Setyembre 1939, sa pasimula ng Digmaang Pandaigdig II, dumating ako sa aking unang atas bilang payunir sa Leamington, isang maliit na bayan sa Warwickshire. Ang bayan ay lugar ng ilang retiradong klerigo.

Gumamit kami ng magaang ponograpo sa aming ministeryo sa bahay-bahay, anupat pinatutugtog ang mga pahayag ni Joseph F. Rutherford, ang presidente noon ng Watch Tower Bible and Tract Society. Sa kabilang banda, mas mabigat ang aming transcription machine (na maaaring gamitin sa mas maraming tagapakinig), at isinasakay namin ito sa isang pram, o karuwahe para sa sanggol. Kung minsan ay pinaaalis kami ng mga klerigo sa kanilang bakuran, palibhasa’y nayayamot sa mensahe na naglalantad sa huwad na relihiyon. Subalit hindi kami nasisiraan ng loob. Pinagpala ni Jehova ang aming gawain, at ngayon ay masusumpungan sa Leamington ang isang kongregasyon na may mahigit sa sandaang Saksi.

Noong 1941, habang nasa kainitan ang Digmaang Pandaigdig II, lumipat ako sa Wales, na doo’y nagpayunir ako sa mga bayan ng Haverfordwest, Carmarthen, at Wrexham. Bilang isang buong-panahong ministro, nakalibre ako mula sa serbisyo militar, subalit hindi naunawaan ng mga tao ang ating neutral na katayuan. Kaya naman, kami ng aking kapareha ay tinuligsa bilang mga espiya o mga kapanalig ng kaaway. Isang gabi, pinaligiran ng pulis ang aming trailer. Ang aking kapareha, na kauuwi lamang buhat sa kaniyang trabahong pagpapala ng uling, ay sumungaw upang makita kung sino ang naroroon. Puno ng uling ang kaniyang mukha, at para sa mga pulis ay wari bang handa siya para sa makamilitar na pagsalakay. Kinailangan naming magpaliwanag!

Kami ay saganang pinagpala sa aming mga atas. Minsan, samantalang kami ay nasa Carmarthen, gumawa ng nakapagpapatibay-loob na pagdalaw sa amin si John Barr na mula sa tanggapang pansangay sa London (ngayon ay isa nang miyembro ng Lupong Tagapamahala). Nang panahong iyon, dalawa lamang ang mamamahayag sa Carmarthen; sa kasalukuyan ay mayroon nang mahigit sa sandaan. Sa ngayon ay may tatlong kongregasyon sa Wrexham, at kamakailan ay nagkapribilehiyo ako na ialay ang isang magandang Kingdom Hall sa Haverfordwest.​—1 Corinto 3:6.

Nagpapasalamat Dahil sa Aking Ministeryo

Samantalang kami ay nasa Swansea, South Wales, hindi pinayagang makalibre sa serbisyo militar ang aking kapareha, si Don Rendell. Siya ay ibinilanggo sa kabila ng pagpapaliwanag na hindi mapahihintulutan ng kaniyang budhi na siya ay makipagdigma sa mga kapuwa Kristiyano sa ibang lupain. (Isaias 2:2-4; Juan 13:34, 35) Upang siya ay mapatibay-loob, at makapagpatotoo rin sa mga kapit-bahay, inilagay ko sa di-kalayuan ang transcription machine at pinatugtog ang mga pahayag sa Bibliya.

Subalit hindi ito nagustuhan ng mga kababaihan sa lugar na iyon at nangolekta sila ng salapi upang ibayad sa mga sundalo upang bugbugin kami ng aking kasama. Lumisan kami, anupat tumakbo nang napakabilis​—itinutulak ko rin ang pram na kinalalagyan ng transcription machine​—para manganlong sa Kingdom Hall. Ngunit nang makarating kami roon, ito ay nakakandado! Tamang-tama naman at nakialam ang mga pulis, kung kaya nakaligtas kami sa matinding pambubugbog.

Maliwanag na napabalita ang pangyayari. Pagkalipas ng ilang panahon, nang ako ay nangangaral sa isang lalawigan malapit sa Swansea, may-pagsang-ayon na sinabi sa akin ng isang lalaki: “Kristiyanismo ang inyong ipinaglalaban, gaya ng kabataang lalaki sa Swansea na buong-tapang na nagpahayag ng kaniyang paniniwala at kinailangang tumakbo upang manganlong.” Laking gulat niya nang malaman na ako ang kabataang lalaking iyon!

Hindi madali ang pagpapayunir noong mga taóng iyon ng digmaan. Hindi sagana ang aming makasanlibutang pag-aari, subalit nagpapahalaga at nasisiyahan kami sa kung ano ang taglay namin. Lagi kaming tumatanggap ng regular na suplay ng espirituwal na pagkain, at hindi kami nakaliban kailanman ng isang pulong, puwera na lamang kapag maysakit kami. Bumili ako ng isang lumang bisikleta, at kinabitan namin ito ng malalaking basket upang magkarga sa ponograpo at saka sa literatura sa Bibliya. Kung minsan ay naglalakbay ako ng 80 kilometro sa isang araw nang nakabisikleta! Nagpayunir ako ng mga pitong taon at natutuwang alalahanin ang mga araw na iyon.

Noong 1946, pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, inanyayahan akong magtrabaho sa Bethel, gaya ng tawag sa pangunahing mga pasilidad ng mga Saksi ni Jehova sa kani-kanilang bansa. Ang Bethel namin noon ay matatagpuan sa 34 Craven Terrace, katabi ng London Tabernacle. Nasiyahan akong nakisama sa mga nakatatanda roon, tulad ni Alice Hart, na ang ama, si Tom Hart, ay pinaniniwalaang siyang unang Saksi sa Inglatera.

Pagkakaroon ng Tapat na Kasama

Noong 1956, umalis ako sa Bethel upang pakasalan si Etty, isang payunir na nakilala ko nang siya ay dumating galing ng Netherlands upang dalawin ang kaniyang ate na naninirahan noon sa London. Hanggang sa katapusan ng digmaan, nagturo si Etty ng pagmamakinilya at takigrapiya sa isang kolehiyong pangkomersiyo sa Tilburg, timugang Netherlands. Isang araw ay nag-alok ang isang guro na makisabay sa kaniya sa pagbibisikleta pauwi upang matiyak na ligtas siyang makararating. Siya ay isang Romano Katoliko. Nang sila’y dumating, nagkaroon ng pakikipagtalakayan sa Protestanteng mga magulang ni Etty. Nabuo ang pagkakaibigan, at ang guro ay madalas na nagiging bisita sa kanilang tahanan.

Di-nagtagal pagkatapos ng digmaan, ang gurong ito ay dumating sa tahanan ni Etty, na sumisigaw, “Natagpuan ko na ang katotohanan!”

“Akala ko’y sinabi mong taglay mo na ang katotohanan nang ikaw ay isang Romano Katoliko!” ang sabi ng ama ni Etty.

“Hindi!” ang masiglang tugon niya. “Ang mga Saksi ni Jehova ang nagtataglay ng katotohanan!”

Ang gabing iyon at ang maraming sumunod pa ay ginugol sa puspusang pagtalakay sa Bibliya. Di-nagtagal at naging payunir si Etty. Sa kaniyang ministeryo ay nakaranas din siya ng matinding pagsalansang, na sa Netherlands ay nagmumula sa Simbahang Romano Katoliko. Ang mga batang sinulsulan ng mga pari ay nanggugulo sa kaniyang pakikipag-usap kapag siya ay nagbabahay-bahay, at minsan ay sinira nila ang kaniyang bisikleta. Dinala niya ang kaniyang bisikleta sa isang tagapagkumpuni na dati nang tumanggap ng isang buklet mula sa kaniya. “Tingnan mo ang ginawa ng mga bata!” ang naluluhang sinabi niya.

“O, huwag kang susuko,” ang mabait na tugon ng lalaki. “Mabuti ang ginagawa mo. Aayusin ko nang libre ang iyong bisikleta.” At ginawa nga niya.

Nasumpungan ni Etty na hindi gaanong interesado ang mga pari sa kanilang mga kawan maliban na lamang kapag sinimulan niyang makipag-aral ng Bibliya sa kanila. Pagkatapos ang mga pari at madre ay darating upang sirain ang pananampalataya ng mga tao kapuwa sa Bibliya at kay Jehova. Sa kabila nito, nagtamasa pa rin siya ng maraming mabubungang pag-aaral sa Bibliya.

Nagpapasalamat Dahil sa Aming Buhay na Magkasama

Pagkatapos ng aming kasal, kami ni Etty ay naatasan sa gawaing paglalakbay sa Inglatera, at sa halos limang taon, dinadalaw namin ang mga kongregasyon upang palakasin sila sa espirituwal. Pagkatapos ay nakatanggap ako ng isang paanyaya upang mag-aral sa ika-36 na klase ng Gilead, na ginanap sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Ang sampung-buwan na kurso, na natapos noong Nobyembre 1961, ay pantanging dinisenyo upang sanayin ang mga lalaki sa pangangasiwa ng gawain sa mga tanggapang-pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Samantalang ako ay wala, nanatili si Etty sa Inglatera doon sa Bethel sa London. Nang magtapos ako, kami ay magkasamang inatasan doon.

Sa sumunod na 16 na taon, nagtrabaho ako sa service desk, anupat nag-aasikaso ng mga bagay na may kinalaman sa mga gawain ng kongregasyon. Pagkatapos, noong 1978, pagkamatay ng tagapangasiwa ng Tahanang Bethel na si Pryce Hughes, ako ay hinirang na kapalit niya. Ang pangangalaga sa kapakanan ng mga miyembro ng aming lumalaking pamilya sa Bethel​—may mahigit na 260 na kami ngayon sa pamilya​—ay isang kasiya-siyang atas sa loob ng maraming taóng ito na nagdaan.

Noong 1971 ay namatay ang mahal kong ina sa gulang na 85. Umuwi kami ni Etty sa Gloucester para sa libing, na doo’y mahusay na tinalakay ng isang kapatid ang makalangit na pag-asa na taglay ni Inay. (Filipos 3:14) Nagpapasalamat ako sa maibiging pag-aaruga ng aking mga kapatid na sina Doris at Grace kay Inay sa panahon ng kaniyang katandaan, anupat nagpangyari sa amin ni Etty na makapagpatuloy sa buong-panahong ministeryo.

Madalas naming gunitain ni Etty ang aming mga magulang at kung paano nila kami pinalaki sa gayong maibigin at matatag na paraan. Kay laki ng utang namin sa kanila! Ang aking ina lalo na ay nagpakita ng kahanga-hangang halimbawa sa akin at sa aking mga kapatid, anupat pinatibay ang aming pagpapahalaga kay Jehova at sa kaniyang organisasyon.

Tunay, ang aming puso ay nag-uumapaw sa pasasalamat habang dinidili-dili namin ang bawat bagong araw ng paglilingkod sa ating makalangit na Ama, si Jehova. Tunay na kahanga-hanga at maibiging Diyos siya! Ipinahayag ng salmista sa Bibliya ang aming nadarama nang isulat niya: “Ibubunyi kita, O Diyos ko na Hari, at pupurihin ko ang iyong pangalan hanggang sa panahong walang takda, samakatuwid nga ay magpakailanman. Buong araw ay pupurihin kita, at pupurihin ko ang iyong pangalan hanggang sa panahong walang takda, samakatuwid nga ay magpakailanman.”​—Awit 145:1, 2.

[Larawan sa pahina 26]

Kasama ang aking asawa, si Etty

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share