Ang Pagpapala ni Jehova ay Nagpapayaman sa Atin
1 Ang tagumpay ng isang tao ay kadalasang sinusukat sa laki ng kaniyang suweldo. Kaya minamalas ng maraming tao ang mga may pera bilang siyang pinakamaliligaya at ganap na nasisiyahan. Gayunman, ang mga tao na nakadarama na mabibili ng salapi ang kaligayahan ay lubos na nagkakamali. (Ecles. 5:12) Walang namamalaging kagalakan para doon sa mga “determinadong maging mayaman” sa materyal na paraan. (1 Tim. 6:9) Sa kabaligtaran, ang mga lingkod ni Jehova ang tunay na maliligaya at siyang pinakamayayamang tao sa daigdig. (Kaw. 10:22; Apoc. 2:9) Sa paanong paraan?
2 Patotoo ng Ating Kayamanan: Tayo ay nagtataglay ng mayamang espirituwal na unawa sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sa pamamagitan ng kaniyang makalupang organisasyon, tayo ay patuloy na tinuturuan ni Jehova hinggil sa kaniyang sarili at sa kaniyang Anak, ukol sa ating namamalaging kapakinabangan. Nagiging posible para sa atin na mapalapit kay Jehova at tamasahin ang matalik na kaugnayan sa kaniya sa pamamagitan ng tumpak na unawa. (Sant. 4:8) Ang pagkaunawa kung ano ang pagkakaiba ng mabuti sa masama at ang pagsunod sa mga batas ng Diyos ay nagsasanggalang sa atin mula sa ilang sakit at mga panganib. Taglay natin ang pagtitiwala na si Jehova ay maglalaan sa atin, na magdudulot ng makadiyos na pagkakontento at kapayapaan ng isipan.—Mat. 6:33.
3 Tinatamasa natin ang kapayapaan at pagkakaisa sa loob ng ating espirituwal na kapatiran sapagkat nililinang natin ang mga bunga ng espiritu ng Diyos. Palibhasa’y pinagkakaisa ng isang matibay na bigkis ng pag-ibig, hindi natin kailangang madama kailanman na tayo’y pinabayaan ng Diyos o ng ating mga kapatid kapag tayo’y napapaharap sa kalamidad.—Gal. 6:10.
4 Ang ating mga buhay ay may tunay na kahulugan at layunin. Itinuturing nating isang kamangha-manghang pribilehiyo na makibahagi sa pangglobong pangangaral ng mabuting balita. Ito’y nagdudulot ng namamalaging kagalakan habang tinutulungan natin ang iba na magkaroon ng isang mabuting kaugnayan sa Diyos at may pagkakaisang maglingkod na kasama natin sa dalisay na pagsamba. Ang di-matutumbasang kayamanan natin sa ministeryo ay nagdudulot ng karangalan kay Jehova at nagbibigay sa atin ng kasiyahan ng pagkakaroon ng bahagi sa pagpapabanal sa kaniyang pangalan. Napananatili natin ang isang positibong kalagayan ng isip, sa pagkaalam na ang ating pag-asa sa hinaharap ay malapit nang matamo.
5 Ipakita ang Ating Pagpapahalaga: Tayo nawa’y laging magpahalaga sa mga pagpapala ni Jehova, na nagpapangyari sa atin na maging tunay na pinakamayayamang tao sa lupa. (Kaw. 22:4) Ang paggamit ng panahon sa bawat araw upang bulay-bulayin kung ano ang taglay natin ay nagpapakilos sa atin upang pasalamatan si Jehova sa kaniyang bukas-palad na pag-ibig at upang patuloy na ibigay sa kaniya ang ating bukod-tanging debosyon.