Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ang Buhay-Pampamilya na Nakalulugod sa Diyos
    Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?
    • Aralin 8

      Ang Buhay-Pampamilya na Nakalulugod sa Diyos

      Ano ba ang posisyon ng asawang lalaki sa pamilya? (1)

      Papaano dapat pakitunguhan ng asawang lalaki ang kaniyang kabiyak? (2)

      Anong mga responsibilidad ang taglay ng isang ama? (3)

      Ano ang papel ng asawang babae sa pamilya? (4)

      Ano ang hinihiling ng Diyos sa mga magulang at sa mga anak? (5)

      Ano ang pangmalas ng Bibliya hinggil sa paghihiwalay at sa diborsiyo? (6, 7)

      1. Ang Bibliya ay nagsasabi na ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang pamilya. (1 Corinto 11:3) Ang isang asawang lalaki ay dapat na magkaroon lamang ng isang kabiyak. Sila’y dapat na angkop na ikinasal ayon sa batas.​—1 Timoteo 3:2; Tito 3:1.

      2. Nararapat lamang na mahalin ng asawang lalaki ang kaniyang kabiyak na gaya ng pagmamahal niya sa kaniyang sarili. Dapat na pakitunguhan niya ito ayon sa paraan ng pakikitungo ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod. (Efeso 5:25, 28, 29) Hindi niya ito dapat saktan o maltratuhin sa anumang paraan. Sa halip, dapat niya itong pagpakitaan ng karangalan at paggalang.​—Colosas 3:19; 1 Pedro 3:7.

      3. Ang isang ama ay dapat magtrabahong mabuti upang mapangalagaan ang kaniyang pamilya. Dapat siyang maglaan ng pagkain, damit, at tirahan sa kaniyang asawa at mga anak. Dapat ding paglaanan ng ama ang kaniyang pamilya ng espirituwal na mga pangangailangan. (1 Timoteo 5:8) Nangunguna siya sa pagtulong sa kaniyang pamilya na matutuhan ang tungkol sa Diyos at sa Kaniyang mga layunin.​—Deuteronomio 6:4-9; Efeso 6:4.

      4. Ang asawang babae ay dapat na maging isang mabuting katulong para sa kaniyang kabiyak. (Genesis 2:18) Dapat siyang tumulong sa kaniyang asawa sa pagtuturo at pagsasanay sa kanilang mga anak. (Kawikaan 1:8) Hinihilingan ni Jehova ang asawang babae na maibiging pangalagaan ang kaniyang pamilya. (Kawikaan 31:10, 15, 26, 27; Tito 2:4, 5) Siya’y dapat magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.​—Efeso 5:22, 23, 33.

      5. Hinihilingan ng Diyos ang mga anak na sundin ang kanilang mga magulang. (Efeso 6:1-3) Inaasahan niyang ang mga magulang ay magtuturo at magwawasto sa kanilang mga anak. Ang mga magulang ay kailangang gumugol ng panahon sa kanilang mga anak at mag-aral ng Bibliya kasama nila, na nangangalaga sa kanilang espirituwal at emosyonal na mga pangangailangan. (Deuteronomio 11:18, 19; Kawikaan 22:6, 15) Kailanman ay hindi dapat disiplinahin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa isang mabagsik o malupit na paraan.​—Colosas 3:21.

      6. Kapag nagkakaproblema ang mag-asawa sa kanilang pagsasama, dapat nilang pagsikapang ikapit ang payo ng Bibliya. Hinihimok tayo ng Bibliya na magpakita ng pag-ibig at maging mapagpatawad. (Colosas 3:12-14) Hindi iminumungkahi ng Bibliya ang paghihiwalay bilang paraan ng paglutas sa maliliit na problema. Ngunit maaaring matamisin pa ng isang asawang babae na iwan ang kaniyang kabiyak kung (1) buong-pagmamatigas na tumatanggi siyang suportahan ang kaniyang pamilya, (2) napakalupit nito anupat nanganganib ang kaniyang kalusugan at buhay, o (3) ang labis-labis na pagsalansang nito ay nagpapaging imposible para sa kaniya na sumamba kay Jehova.​—1 Corinto 7:12, 13.

      7. Ang mag-asawa ay dapat na maging tapat sa isa’t isa. Ang pangangalunya ay kasalanan sa Diyos at sa kaniyang kabiyak. (Hebreo 13:4) Ang pakikipagtalik sa di-asawa ang tanging maka-Kasulatang saligan para sa diborsiyo na nagpapahintulot sa muling pag-aasawa. (Mateo 19:6-9; Roma 7:2, 3) Napopoot si Jehova kapag ang mga tao’y nagdidiborsiyo nang walang maka-Kasulatang saligan at nagpapakasal sa iba.​—Malakias 2:14-16.

      [Mga larawan sa pahina 16, 17]

      Ang isang maibiging ama ay naglalaan para sa kaniyang pamilya sa materyal at espirituwal

      [Larawan sa pahina 17]

      Inaasahan ng Diyos na ang mga magulang ay magtuturo sa kanilang mga anak at magwawasto sa kanila

  • Dapat na Maging Malinis ang mga Lingkod ng Diyos
    Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?
    • Aralin 9

      Dapat na Maging Malinis ang mga Lingkod ng Diyos

      Bakit tayo dapat na maging malinis sa lahat ng paraan? (1)

      Ano ang ibig sabihin ng pagiging malinis sa espirituwal? (2)

      sa moral? (3) sa mental? (4) sa pisikal? (5)

      Anu-anong uri ng maruruming salita ang dapat nating iwasan? (6)

      1. Ang Diyos na Jehova ay malinis at banal. Inaasahan niya na ang kaniyang mga mananamba ay mananatiling malinis​—sa espirituwal, sa moral, sa mental, at sa pisikal. (1 Pedro 1:16) Nangangailangan ng dibdibang pagsisikap upang makapanatiling malinis sa paningin ng Diyos. Tayo’y nabubuhay sa isang maruming sanlibutan. Mayroon din tayong pakikipagpunyagi sa ating sariling mga hilig na gumawa ng mali. Ngunit hindi tayo dapat manghimagod.

      2. Espirituwal na Kalinisan: Kung ibig nating paglingkuran si Jehova, hindi tayo maaaring manghawakan sa anumang turo o kaugalian ng huwad na relihiyon. Dapat tayong lumabas sa huwad na relihiyon at huwag sumuporta rito sa anumang paraan. (2 Corinto 6:14-18; Apocalipsis 18:4) Kapag natutuhan na natin ang katotohanan tungkol sa Diyos, dapat na maging maingat tayo na huwag mailigaw ng mga taong nagtuturo ng kabulaanan.​—2 Juan 10, 11.

      3. Moral na Kalinisan: Ibig ni Jehova na ang kaniyang mga mananamba ay gumawi bilang tunay na mga Kristiyano sa lahat ng pagkakataon. (1 Pedro 2:12) Nakikita niya ang lahat ng ating ginagawa, maging sa lihim. (Hebreo 4:13) Dapat nating iwasan ang seksuwal na imoralidad at iba pang maruruming gawain ng sanlibutang ito.​—1 Corinto 6:9-11.

      4. Mental na Kalinisan: Kung pinupunô natin ang ating isip ng malilinis, dalisay na mga bagay, ang ating paggawi ay magiging malinis din. (Filipos 4:8) Ngunit kung laging nakatutok ang ating isip sa maruruming bagay, ito’y magbubunga ng balakyot na mga gawa. (Mateo 15:18-20) Dapat nating iwasan ang mga uri ng libangan na magpaparumi sa ating mga isipan. Maaari nating punuin ang ating isip ng malilinis na bagay sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos.

      5. Pisikal na Kalinisan: Dahil sa kumakatawan sila sa Diyos, dapat na panatilihing malinis ng mga Kristiyano ang kanilang katawan at pananamit. Dapat tayong maghugas ng kamay pagkatapos gumamit ng palikuran, at dapat na hugasan ang mga ito bago kumain o humawak ng pagkain. Kung wala kayong poso negro, ang mga dumi ay dapat ibaón. (Deuteronomio 23:12, 13) Ang pananatiling malinis sa pisikal ay malaking tulong sa mabuting kalusugan. Ang tahanan ng isang Kristiyano ay dapat na maging maimis at malinis kapuwa sa loob at labas. Dapat na ito’y litaw na litaw sa pamayanan bilang isang mabuting halimbawa.

      6. Malinis na Pananalita: Ang mga lingkod ng Diyos ay dapat na palaging nagsasabi ng katotohanan. Hindi makapapasok sa Kaharian ng Diyos ang mga sinungaling. (Efeso 4:25; Apocalipsis 21:8) Hindi gumagamit ang mga Kristiyano ng mahahalay na salita. Hindi sila nakikinig o nagsasabi ng mahahalay na biro o maruruming istorya. Dahil sa kanilang malinis na pananalita, kitang-kita ang kanilang pagkakaiba sa dako ng trabaho o sa paaralan at sa pamayanan.​—Efeso 4:29, 31; 5:3.

      [Mga larawan sa pahina 18, 19]

      Ang mga lingkod ng Diyos ay dapat na maging malinis sa lahat ng bagay

  • Mga Gawaing Kinamumuhian ng Diyos
    Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?
    • Aralin 10

      Mga Gawaing Kinamumuhian ng Diyos

      Ano ang dapat mong madama hinggil sa mga bagay na sinasabi ng Diyos na masama? (1)

      Anong mga uri ng seksuwal na paggawi ang mali? (2)

      Papaano dapat malasin ng isang Kristiyano ang pagsisinungaling? (3) ang pagsusugal? (3) ang pagnanakaw? (3) ang karahasan? (4) ang espiritismo? (5) ang paglalasing? (6)

      Papaano makakakalas ang isang tao sa masasamang gawain? (7)

      1. Iniibig ng mga lingkod ng Diyos kung ano ang mabuti. Ngunit dapat din nilang matutuhang kamuhian kung ano ang masama. (Awit 97:10) Iyan ay nangangahulugan ng pag-iwas sa ilang gawain na kinamumuhian ng Diyos. Ano ang ilan sa mga gawaing iyon?

      2. Pakikiapid: Ang pakikipagtalik bago ikasal, pangangalunya, pagsiping sa hayop, insesto, at homoseksuwalidad ay pawang malulubhang pagkakasala sa Diyos. (Levitico 18:6; Roma 1:26, 27; 1 Corinto 6:9, 10) Kung ang dalawa ay hindi kasal ngunit nagsasama, dapat silang maghiwalay o kaya’y legal na magpakasal.​—Hebreo 13:4.

      3. Pagsisinungaling, Pagsusugal, Pagnanakaw: Hindi makapagsisinungaling ang Diyos na Jehova. (Tito 1:2) Ang mga taong nagnanais ng kaniyang pagsang-ayon ay dapat umiwas sa pagsisinungaling. (Kawikaan 6:16-19; Colosas 3:9, 10) Anumang anyo ng pagsusugal ay may bahid ng kasakiman. Kaya ang mga Kristiyano ay hindi nakikibahagi sa anumang uri ng sugal, gaya ng loterya, karera ng kabayo, at binggo. (Efeso 5:3-5) At ang mga Kristiyano ay hindi nagnanakaw. Hindi nila binibili ang alam nilang nakaw na ari-arian o kumukuha ng mga bagay-bagay nang walang pahintulot.​—Exodo 20:15; Efeso 4:28.

      4. Silakbo ng Galit, Karahasan: Ang di-mapigil na galit ay maaaring umakay sa mga gawang karahasan. (Genesis 4:5-8) Ang isang marahas na tao ay hindi maaaring maging kaibigan ng Diyos. (Awit 11:5; Kawikaan 22:24, 25) Isang kamalian na maghiganti o gumanti ng masama sa masasamang bagay na maaaring gawin ng iba sa atin.​—Kawikaan 24:29; Roma 12:17-21.

      5. Mga Panggagaway at Espiritismo: Ang ilang tao ay tumatawag sa kapangyarihan ng mga espiritu upang subuking pagalingin ang mga sakit. Kinukulam naman ng iba ang kanilang mga kaaway upang ang mga ito’y magkasakit o mamatay pa nga. Ang kapangyarihang nasa likod ng lahat ng gawaing ito ay si Satanas. Kaya hindi dapat makibahagi ang mga Kristiyano sa alinman sa mga ito. (Deuteronomio 18:9-13) Ang pananatiling malapit kay Jehova ang pinakamabuting proteksiyon sa mga panggagaway na maaaring ipaminsala sa atin ng iba.​—Kawikaan 18:10.

      6. Paglalasing: Hindi naman masamang uminom ng kaunting alak, serbesa, o iba pang inuming de-alkohol. (Awit 104:15; 1 Timoteo 5:23) Ngunit ang labis na pag-inom at paglalasing ay masama sa paningin ng Diyos. (1 Corinto 5:11-13; 1 Timoteo 3:8) Ang sobrang pag-inom ay makasisira ng iyong kalusugan at wawasak sa iyong pamilya. Magiging dahilan din ito upang madali kang madaig ng iba pang mga tukso.​—Kawikaan 23:20, 21, 29-35.

      7. Ang mga taong nagsasagawa ng mga bagay na sinasabi ng Diyos na masama ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (Galacia 5:19-21) Kung talagang iniibig mo ang Diyos at nais siyang paluguran, maaari kang kumalas sa mga gawaing ito. (1 Juan 5:3) Pag-aralan mong kamuhian ang mga bagay na sinasabi ng Diyos na masama. (Roma 12:9) Makisama sa mga taong may maka-Diyos na mga asal. (Kawikaan 13:20) Ang maygulang na mga kasamahang Kristiyano ay maaaring pagmulan ng tulong. (Santiago 5:14) Higit sa lahat, umasa sa tulong ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin.​—Filipos 4:6, 7, 13.

      [Mga larawan sa pahina 20, 21]

      Kinamumuhian ng Diyos ang paglalasing, pagnanakaw, pagsusugal, at mga gawang karahasan

  • Mga Paniniwala at Kaugaliang Di-Nakalulugod sa Diyos
    Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?
    • Aralin 11

      Mga Paniniwala at Kaugaliang Di-Nakalulugod sa Diyos

      Anong uri ng paniniwala at kaugalian ang mali? (1)

      Dapat bang maniwala ang mga Kristiyano na ang Diyos ay isang Trinidad? (2)

      Bakit hindi ipinagdiriwang ng tunay na mga Kristiyano ang Pasko, Linggo ng Pagkabuhay, o kapanganakan? (3, 4)

      Maaari bang pinsalain ng mga patay ang mga buháy? (5) Namatay ba si Jesus sa isang krus? (6) Gaano kahalaga ang mapaluguran ang Diyos? (7)

      1. Hindi lahat ng paniniwala at kaugalian ay masama. Ngunit hindi ito sinasang-ayunan ng Diyos kapag ang mga ito’y nagmumula sa huwad na relihiyon o kaya’y labag sa mga turo ng Bibliya.​—Mateo 15:6.

      2. Trinidad: Si Jehova ba ay isang Trinidad​—tatlong persona sa iisang Diyos? Hindi! Si Jehova, ang Ama, “ang tanging tunay na Diyos.” (Juan 17:3; Marcos 12:29) Si Jesus ang Kaniyang panganay na Anak, at siya’y sakop ng Diyos. (1 Corinto 11:3) Ang Ama ay mas dakila sa Anak. (Juan 14:28) Ang banal na espiritu ay hindi isang persona; iyon ang aktibong puwersa ng Diyos.​—Genesis 1:2; Gawa 2:18.

      3. Pasko at Linggo ng Pagkabuhay: Si Jesus ay hindi ipinanganak noong Disyembre 25. Siya’y ipinanganak noong mga Oktubre 1, sa isang panahon ng santaon na ang mga pastol ay nasa labas at nagbabantay sa gabi sa kanilang mga kawan. (Lucas 2:8-12) Hindi kailanman iniutos ni Jesus sa mga Kristiyano na ipagdiwang ang kaniyang kapanganakan. Sa halip, sinabihan niya ang kaniyang mga alagad na alalahanin, o gunitain, ang kaniyang kamatayan. (Lucas 22:19, 20) Ang Pasko at ang mga kaugalian nito ay nagmula sa mga sinaunang huwad na relihiyon. Totoo rin ito sa mga kaugalian ng Linggo ng Pagkabuhay, gaya ng paggamit ng mga itlog at kuneho. Ang mga sinaunang Kristiyano ay hindi nagdiwang ng Pasko o Linggo ng Pagkabuhay, ni ginagawa man ng mga tunay na Kristiyano sa ngayon.

      4. Kapanganakan: Ang dalawa lamang na pagdiriwang ng kapanganakan na binanggit sa Bibliya ay isinagawa ng mga taong hindi sumasamba kay Jehova. (Genesis 40:20-22; Marcos 6:21, 22, 24-27) Ang mga sinaunang Kristiyano ay hindi nagdiwang ng kapanganakan. Ang kaugalian ng pagdiriwang ng kapanganakan ay nagmula sa mga sinaunang huwad na relihiyon. Ang tunay na mga Kristiyano ay nagbibigayan ng regalo at sama-samang nagkakasayahan sa ibang panahon ng santaon.

      5. Pagkatakot sa mga Patay: Ang mga patay ay hindi nakagagawa ng anuman o nakadarama ng anuman. Hindi natin sila matutulungan, at hindi sila makapananakit sa atin. (Awit 146:4; Eclesiastes 9:5, 10) Ang kaluluwa ay namamatay; hindi iyon nagpapatuloy pagkamatay. (Ezekiel 18:4) Ngunit kung minsan ang balakyot na mga anghel, na kung tawagin ay mga demonyo, ay nagkukunwaring mga espiritu ng namatay. Anumang kaugaliang may kinalaman sa pagkatakot o pagsamba sa mga patay ay mali.​—Isaias 8:19.

      6. Krus: Si Jesus ay hindi namatay sa isang krus. Siya’y namatay sa isang haligi, o isang tulos. Ang Griegong salita na isinaling “krus” sa maraming Bibliya ay tumutukoy sa isa lamang piraso ng kahoy. Ang sagisag ng krus ay nagmula sa mga sinaunang huwad na relihiyon. Ang krus ay hindi ginamit o sinamba ng sinaunang mga Kristiyano. Kung gayon, sa palagay mo kaya’y tama na gumamit ng krus sa pagsamba?​—Deuteronomio 7:26; 1 Corinto 10:14.

      7. Maaaring napakahirap iwan ang ilan sa mga paniniwala at kaugaliang ito. Baka kumbinsihin ka ng mga kamag-anak at mga kaibigan na huwag magpalit ng paniniwala. Ngunit ang pagpapalugod sa Diyos ay higit na mahalaga kaysa sa pagpapalugod sa mga tao.​—Kawikaan 29:25; Mateo 10:36, 37.

      [Larawan sa pahina 22]

      Ang Diyos ay hindi isang Trinidad

      [Larawan sa pahina 23]

      Ang Pasko at Linggo ng Pagkabuhay ay nagmula sa mga sinaunang huwad na relihiyon

      [Larawan sa pahina 23]

      Walang dahilan upang sambahin ang mga patay o matakot sa kanila

  • Pagpapakita ng Paggalang sa Buhay at Dugo
    Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?
    • Aralin 12

      Pagpapakita ng Paggalang sa Buhay at Dugo

      Papaano natin dapat malasin ang buhay? (1) ang aborsiyon? (1)

      Papaano naipakikita ng mga Kristiyano na sila’y palaging nag-iingat? (2)

      Masama bang pumatay ng mga hayop? (3)

      Ano ang ilang paggawi na hindi nagpapakita ng paggalang sa buhay? (4)

      Ano ang batas ng Diyos sa dugo? (5)

      Kasali ba rito ang pagsasalin ng dugo? (6)

      1. Si Jehova ang Bukal ng buhay. Ang buhay ng lahat ng bagay na nabubuhay ay utang nila sa Diyos. (Awit 36:9) Ang buhay ay sagrado sa Diyos. Maging ang buhay ng isang di pa naisisilang na sanggol sa tiyan ng kaniyang ina ay napakahalaga kay Jehova. Ang kusang pagpatay sa nabubuong sanggol na ito ay mali sa paningin ng Diyos.​—Exodo 21:22, 23; Awit 127:3.

      2. Ang tunay na mga Kristiyano ay palaging nag-iingat. Tinitiyak nilang ligtas sa panganib ang kanilang mga sasakyan at tahanan. (Deuteronomio 22:8) Hindi ipinagsasapalaran ng mga lingkod ng Diyos ang kanilang buhay sa di-kinakailangang panganib dahil lamang sa kaluguran o katuwaan. Kaya hindi sila nakikibahagi sa mararahas na isport na kusang nananakit ng ibang tao. Iniiwasan nila ang mga libangang nagbubuyo sa karahasan.​—Awit 11:5; Juan 13:35.

      3. Ang buhay ng hayop ay sagrado rin sa Maylalang. Maaaring pumatay ng mga hayop ang isang Kristiyano upang gawing pagkain at damit o upang ingatan ang sarili sa sakit at panganib. (Genesis 3:21; 9:3; Exodo 21:28) Ngunit maling maltratuhin ang mga hayop o patayin ang mga ito dahil lamang sa isport o kaluguran.​—Kawikaan 12:10.

      4. Ang paninigarilyo, pagngangà, at pagdodroga dahil sa kaluguran ay hindi para sa mga Kristiyano. Ang mga paggawing ito ay mali dahil (1) ginagawa tayong mga alipin ng mga ito, (2) pinipinsala ng mga ito ang ating katawan, at (3) marurumi ang mga ito. (Roma 6:19; 12:1; 2 Corinto 7:1) Maaaring napakahirap alisin ang mga bisyong ito. Ngunit dapat natin itong gawin upang mapaluguran si Jehova.

      5. Ang dugo ay sagrado rin sa paningin ng Diyos. Sinasabi ng Diyos na ang kaluluwa, o buhay, ay nasa dugo. Kaya maling kumain ng dugo. Mali ring kumain ng laman ng hayop na hindi wastong napatigis ang dugo. Kung ang hayop ay nabigti o namatay sa isang bitag, hindi ito dapat kanin. Kung ito’y pinanà o binaril, dapat na ito’y patigisin agad kung ito’y kakanin.​—Genesis 9:3, 4; Levitico 17:13, 14; Gawa 15:28, 29.

      6. Mali bang magpasalin ng dugo? Tandaan natin, hinihilingan tayo ni Jehova na umiwas sa dugo. Ito’y nangangahulugang hindi natin dapat isalin sa ating katawan sa anumang paraan ang dugo ng ibang tao o maging ang sarili nating dugo na inimbak. (Gawa 21:25) Kaya ang tunay na mga Kristiyano ay hindi papayag na magpasalin ng dugo. Tatanggapin nila ang ibang uri ng panggagamot, gaya ng pagsasalin ng mga produktong walang dugo. Gusto nilang mabuhay, ngunit hindi nila susubuking iligtas ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pagsuway sa batas ng Diyos.​—Mateo 16:25.

      [Mga larawan sa pahina 25]

      Upang mapaluguran ang Diyos, dapat tayong umiwas sa pagsasalin ng dugo, maruruming paggawi, at di-kinakailangang panganib

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share