-
Mga Tanong Mula sa mga MambabasaAng Bantayan—1992 | Agosto 1
-
-
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ang dapat bang unawa natin sa Job 1:8 ay na sa panahon na nabuhay si Job, siya lamang ang taong tapat kay Jehova?
Hindi. Ang ganiyang konklusyon ay hindi pinatutunayan ng Job 1:8, na nagsasabi:
“At sinabi ni Jehova kay Satanas: ‘Iyo bang pinagbuhusan ng pansin ang aking lingkod na si Job, na walang gaya niya sa lupa, isang lalaking walang kapintasan at matuwid, na natatakot sa Diyos at humihiwalay sa kasamaan?’ ” May nahahawig na diwa ang sinabi ng Diyos sa Job 2:3, nang tanungin si Satanas: “Iyo bang pinansin ang aking lingkod na si Job, sapagkat walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalaki, natatakot sa Diyos at humihiwalay sa kasamaan?”
Ipinakikita ng aklat ni Job mismo na hindi si Job lamang ang taong nabuhay na tinanggap ng Diyos bilang tapat. Pasimula sa kabanata 32, ating mababasa ang tungkol kay Elihu. Bagaman isang lalaking nakababata, itinuwid ni Elihu ang maling pagkakilala ni Job at kaniyang dinakila ang tunay na Diyos.—Job 32:6–33:6, 31-33; 35:1–36:2.
Kaya naman, ang sinabi ng Diyos na ‘walang gaya ni Job sa lupa’ ay maaaring mangahulugan na si Job lalung-lalo na ang kilala bilang isang taong matuwid. Malamang na si Job ay nabuhay noong pagitan ng panahon ng pagkamatay ni Jose sa Ehipto at ng pasimula ng paglilingkod ni Moises bilang propeta ng Diyos. Nang panahong iyon maraming Israelita ang naninirahan sa Ehipto. Walang dahilang isipin na lahat sila ay di-tapat at hindi tinatanggap ng Diyos; marahil marami sa kanila ang nagtiwala kay Jehova. (Exodo 2:1-10; Hebreo 11:23) Datapuwat, wala sa kanila ang gumanap ng isang prominenteng bahagi, gaya ni Jose, ni ang mga mananamba mang iyon ay natatangi kung tungkol sa tunay na pagsamba, tulad ni Moises nang pangunahan ang bansang Israel sa paglabas sa Ehipto.
Datapuwat, sa ibang dako ay may isang tao na namumukod ang katapatan. “Nagkataon na may isang lalaki sa lupain ng Uz na Job ang pangalan; at ang lalaking iyon ay napatunayang walang kapintasan at natatakot sa Diyos at humihiwalay sa masama.”—Job 1:1.
Sa ganoon ay maaaring banggitin ni Jehova si Job bilang isang litaw o kapuna-punang halimbawa ng pananampalataya at debosyon. Sa katulad na paraan, si Job ay binanggit ng mga manunulat ng Bibliya na sina Ezekiel at Santiago bilang isang halimbawa ng pagkamatuwid at pagtitiis.—Ezekiel 14:14; Santiago 5:11.
-
-
Taunang Pulong—Oktubre 3, 1992Ang Bantayan—1992 | Agosto 1
-
-
Taunang Pulong—Oktubre 3, 1992
ANG TAUNANG PULONG ng mga miyembro ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania ay gaganapin sa Oktubre 3, 1992, sa Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova, 2932 Kennedy Boulevard, Jersey City, New Jersey. Isang paunang pulong ng mga miyembro lamang ang magtitipon sa ganap na alas 9:30 n.u., na susundan ng pangkalahatang taunang pulong sa ganap na alas 10:00 n.u.
Ang mga miyembro ng Korporasyon ay magpapatalastas sa Tanggapan ng Kalihim ngayon ng anumang pagbabago sa kanilang direksiyong pinagdadalhan ng kanilang mga sulat noong lumipas na taon upang ang regular na mga liham ng notisya at ng mga kakatawan sa kanila (proxies) ay makarating agad sa kanila pagkaraan ng Agosto 1.
Ang mga proxy, na ipadadala sa mga miyembro kasama ng notisya ng taunang pulong, ay ibabalik upang makarating sa Tanggapan ng Kalihim ng Samahan hindi lalampas ang Agosto 15. Dapat makumpleto at ibalik agad ng bawat miyembro ang kaniyang proxy, na sinasabi kung siya’y dadalo sa pulong nang personal o hindi. Ang impormasyon na nakasulat sa bawat proxy ay dapat na tiyakan sa puntong ito, yamang ito ang pagbabatayan sa pag-alam kung sino ang personal na makadadalo.
Inaasahan na ang buong sesyon, kasali na ang pormal na business meeting at mga report, ay matatapos hindi lalampas ang ala-1:00 n.h. o kahit lampas nang kaunti. Hindi magkakaroon ng sesyon sa hapon. Dahilan sa limitadong espasyo, ang mga may tiket lamang ang tatanggapin. Walang kaayusan na ang taunang pulong na ito ay ikatnig sa iba pang auditoryum sa pamamagitan ng mga linya ng telepono.
-