Magtiwala kay Jehova Ukol sa Kalakasan
1 Sa maraming kadahilanan, kailangan tayong magtiwala kay Jehova. Ang pangangaral ng mabuting balita “sa buong tinatahanang lupa” ay isang mapanghamong atas. (Mat. 24:14) Palagi tayong nakikipagbaka sa ating di-sakdal na laman. (Roma 7:21-23) Bukod dito, “tayo ay may pakikipagbuno . . . laban sa mga [nakahihigit sa tao na] tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito.” (Efe. 6:11, 12) Maliwanag, tayo ay nangangailangan ng tulong. Paano natin matatamo ang kalakasan mula kay Jehova?
2 Sa Pamamagitan ng Panalangin: Si Jehova ay malayang nagbibigay ng makapangyarihan niyang banal na espiritu sa kaniyang mga lingkod na humihiling nito. (Luc. 11:13) Kulang ka ba ng pagtitiwala sa iyong kakayahang magpatotoo sa bahay-bahay, sa lansangan, o sa telepono? Kimi ka ba sa pagpapatotoo sa di-pormal na paraan? Nababawasan ba ang iyong sigasig dahil sa kawalan ng interes ng mga tao sa teritoryo? Kumusta kung ikaw ay ginigipit na ikompromiso ang iyong pananampalataya o integridad? Magtiwala kay Jehova. Manalangin ukol sa kalakasan.—Fil. 4:13.
3 Sa Pamamagitan ng Personal na Pag-aaral: Kung paanong nagkakaroon tayo ng kalakasan sa pamamagitan ng pagkain ng pisikal na pagkain, tayo ay napalalakas din sa espirituwal sa pamamagitan nang regular na pagkain sa Salita ng Diyos at sa mga publikasyon ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 4:4; 24:45) Nang tanungin kung ano ang nagbigay sa kaniya ng kalakasan upang mapagtiisan ang mga taon ng pagkakabartolina sa Tsina nang walang Bibliya, sinabi ni Stanley Jones: “Maaari tayong makatayong matatag sa pananampalataya. Sabihin pa, kailangan muna tayong mag-aral. Wala tayong panloob na kalakasan kung hindi tayo mag-aaral.”
4 Sa Pamamagitan ng Pagdalo sa mga Pulong: Sa isang pagpupulong na Kristiyano noong unang siglo, ‘pinatibay-loob nina [Hudas at Silas] ang mga kapatid sa pamamagitan ng maraming diskurso at pinalakas sila.’ (Gawa 15:32) Gayundin sa ngayon, ang ating naririnig sa mga pulong ay nagpapatindi ng ating pagpapahalaga kay Jehova, nagpapatibay ng ating pananampalataya, at nagpapasigla sa atin para sa ministeryo. Ang mga pulong ay nagpapangyaring makasama natin nang palagian ang “mga kamanggagawa para sa kaharian ng Diyos,” na siyang “tulong na nagpapalakas” sa atin.—Col. 4:11.
5 Tayo ay nangangailangan ng tulong sa “mga panahong [ito na] mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Tim. 3:1) Hinggil doon sa mga kumukuha ng kalakasan mula kay Jehova, tinitiyak sa atin: “Sila ay paiilanlang na may mga pakpak na gaya ng mga agila. Sila ay tatakbo at hindi manlulupaypay; sila ay lalakad at hindi mapapagod.”—Isa. 40:31.