Tanong
◼ Kailangan ba nating banggitin sa may-bahay ang kaayusan sa donasyon tuwing dadalaw tayo sa kaniya?
Hindi. Kailangang gumamit ng mabuting pagpapasiya hinggil sa bagay na ito. Nais nating maging malinaw sa isipan ng mga tao na ang gawain natin ay talagang pagtuturo sa Bibliya at hindi negosyo. Hindi tayo nangingilak ng donasyon.
Kapag nag-iiwan tayo ng literatura sa mga taong interesado sa unang pagkakataon, karaniwan nang makabubuti na ipaliwanag nang malinaw kung paano sinusuportahan ng boluntaryong mga donasyon ang ating gawain. Yamang nag-iiwan tayo ng literatura sa mga nagpapakita lamang ng interes o sa mga nagnanais magbasa ng ating literatura, karaniwan nang masisiyahan ang gayong mga indibiduwal na mag-abuloy.
Marami sa gayong interesadong mga tao ang nagkukusang magbigay ng boluntaryong mga donasyon sa susunod na mga pagdalaw. Maaari namang nagtatanong ang ilan kung magkano ang literatura. Maaari nating banggitin sa maikli na hindi negosyo ang ating gawain, anupat ipinaliliwanag na iniaalok natin ang ating mga literatura nang walang bayad, subalit ang sinumang nagnanais sumuporta sa pambuong-daigdig na gawain ay maaaring magbigay ng katamtamang boluntaryong donasyon. Kung naaangkop, maaari nating banggitin paminsan-minsan sa taong dinadalaw natin ang may kinalaman sa pagsuporta sa pambuong-daigdig na gawain kung hindi niya ito ginagawa.
Dapat nating tandaan na bagaman iniaalok natin nang walang bayad ang ating literatura, malaking salapi ang nasasangkot sa paglalathala at pamamahagi ng ating literatura. Mag-abuloy man o hindi ang may-bahay para rito, dapat madama ng lahat ng mamamahayag at payunir ang pananagutang suportahan ang pambuong-daigdig na gawain sa abot ng kanilang makakaya. Maaaring ipasiya ng ilan na gawin ito sa tuwing kukuha sila ng literatura o maaaring magbigay sila ng donasyon na may tiyak na halaga bawat linggo o bawat buwan. Sa tuwing ginagawa ito, dapat ibigay ang gayong mga donasyon sa maayos at regular na paraan alinsunod sa kasaganaan ng nagbibigay.—1 Cor. 16:2.
Nagtitiwala tayo na pakikilusin ng espiritu ng Diyos ang kaniyang mga lingkod at ang mga taong interesado sa larangan na magbigay ng boluntaryong mga donasyon upang matustusan ang mga gastusin sa lahat ng aspekto ng ating pambuong-daigdig na gawain.