-
‘Maging Handa Kayo’Ministeryo sa Kaharian—2003 | Nobyembre
-
-
‘Maging Handa Kayo’
1 Sa kaniyang kapansin-pansing hula hinggil sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, nagbabala si Jesus laban sa pagiging labis na abala sa pangkaraniwang mga álalahanín sa buhay. (Mat. 24:36-39; Luc. 21:34, 35) Yamang maaaring sumiklab ang malaking kapighatian anumang oras, napakahalaga na sundin natin ang payo ni Jesus: “Maging handa . . . kayo, sapagkat sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.” (Mat. 24:44) Ano ang makatutulong sa atin hinggil dito?
2 Pagdaig sa mga Kabalisahan at mga Pang-abala: Ang isa sa espirituwal na mga patibong na dapat nating bantayan ay ang “mga kabalisahan sa buhay.” (Luc. 21:34) Sa ilang lupain, ang karalitaan, kawalan ng trabaho, at mataas na halaga ng bilihin ay nagpapahirap sa pagtatamo ng mga pangangailangan sa buhay. Sa ibang lupain naman, pangkaraniwan na ang pagtatamo ng materyal na mga ari-arian. Kapag nangingibabaw na sa ating isip ang pagkabahala sa materyal na mga bagay, nanganganib na mailihis ang ating pansin sa mga katunayan ng Kaharian. (Mat. 6:19-24, 31-33) Tinutulungan tayo ng Kristiyanong mga pagpupulong upang mapanatili nating nakapako ang ating pansin sa bagay na iyan. Ginagawa mo bang tunguhin na madaluhan ang bawat pagpupulong?—Heb. 10:24, 25.
3 Ang daigdig sa ngayon ay punung-puno ng mga pang-abala na madaling makaagaw sa ating mahalagang panahon. Ang paggamit ng computer ay maaaring maging silo kung gumugugol ang isa ng labis-labis na panahon sa pagtingin-tingin sa Internet, pagbabasa at pagpapadala ng E-mail, o paglalaro sa computer. Maaaring masayang ang napakaraming oras sa telebisyon, pelikula, libangan, pagbabasa ng sekular na materyal, at isport, anupat kakaunti na lamang ang ating panahon o lakas para sa espirituwal na mga gawain. Bagaman ang paglilibang at pagrerelaks ay makapagbibigay ng pansamantalang kaginhawahan, ang personal at pampamilyang pag-aaral ng Bibliya ay nagdudulot ng walang-hanggang mga kapakinabangan. (1 Tim. 4:7, 8) Binibili mo ba ang panahon para mabulay-bulay ang Salita ng Diyos araw-araw?—Efe. 5:15-17.
4 Laking pasasalamat natin na ang organisasyon ni Jehova ay nagsaayos ng programa ng espirituwal na pagtuturo upang tulungan tayong “magtagumpay . . . sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na . . . nakatalagang maganap, at sa pagtayo sa harap ng Anak ng tao”! (Luc. 21:36) Nawa’y lubusan nating samantalahin ang mga paglalaang ito at ‘maging handa tayo’ upang ang ating pananampalataya ay maging “dahilan ukol sa kapurihan at kaluwalhatian at karangalan sa pagkakasiwalat kay Jesu-Kristo.”—1 Ped. 1:7.
-
-
Nakagiginhawa ang KomendasyonMinisteryo sa Kaharian—2003 | Nobyembre
-
-
Nakagiginhawa ang Komendasyon
1 “Hindi ba ako naging mabait ngayong araw na ito?” ang hikbi ng batang babae nang matutulog na ito. Nabigla ang kaniyang nanay sa tanong na iyon. Bagaman napansin niyang nagsikap nang mabuti na magpakabait ang kaniyang anak na babae nang araw na iyon, nakalimutan niyang papurihan man lamang ito. Ang mga luha ng batang babaing iyon ay dapat maging paalaala na tayong lahat—bata at matanda—ay nangangailangan ng komendasyon. Nakapagbibigay ba tayo ng kaginhawahan sa mga kasama natin sa pamamagitan ng pagpapahayag ng pagpapahalaga sa mabuting nagawa nila?—Kaw. 25:11.
2 Ang mga kapuwa Kristiyano ay nagbibigay sa atin ng maraming mabubuting dahilan upang bigyan sila ng komendasyon. Ang matatanda, mga ministeryal na lingkod, at mga payunir ay nagpapagal sa pagtupad sa kanilang mga pananagutan. (1 Tim. 4:10; 5:17) Ginagawa ng mga magulang na may takot sa Diyos ang kanilang buong makakaya upang palakihin ang kanilang mga anak sa mga daan ni Jehova. (Efe. 6:4) Ang mga kabataang Kristiyano ay puspusang nakikipagpunyagi upang labanan “ang espiritu ng sanlibutan.” (1 Cor. 2:12; Efe. 2:1-3) Ang iba naman ay buong-katapatang naglilingkod kay Jehova sa kabila ng pagtanda, problema sa kalusugan, o iba pang mga pagsubok. (2 Cor. 12:7) Ang lahat ng mga ito ay nararapat sa komendasyon. Pinasasalamatan ba natin ang kanilang kapuri-puring mga pagsisikap?
3 Personal at Espesipiko: Totoong pinahahalagahan nating lahat na makarinig ng komendasyon mula sa plataporma. Gayunman, ang komendasyon ay higit na nakagiginhawa kung ito ay personal na sasabihin sa atin. Halimbawa, sa kabanata 16 ng kaniyang liham sa mga taga-Roma, bumanggit si Pablo ng espesipikong mga kapahayagan ng pagpapahalaga may kaugnayan kina Febe, Prisca at Aquila, Trifena at Trifosa, at Persis, bukod sa iba pa. (Roma 16:1-4, 12) Tunay ngang nakagiginhawa ang kaniyang mga pananalita sa tapat na mga indibiduwal na iyon! Ang gayong papuri ay nagbibigay-katiyakan sa ating mga kapatid na sila ay kailangan at nakatutulong upang lalo tayong mapalapít sa kanila. Nakapagbigay ka ba ng espesipiko at personal na komendasyon kamakailan?—Efe. 4:29.
4 Mula sa Puso: Upang maging tunay na nakagiginhawa, dapat ay taimtim ang komendasyon. Mahahalata ng mga tao kung mula sa puso ang ating sinasabi o tayo’y ‘labis lamang na mapamuri sa pamamagitan ng ating dila.’ (Kaw. 28:23) Habang sinasanay natin ang ating sarili na mapansin ang mabuti sa iba, mapakikilos ang ating puso na magbigay ng komendasyon. Maging bukas-palad nawa tayo sa pagbibigay ng tunay na komendasyon, sa pagkaalam na “ang salita sa tamang panahon, O anong buti!”—Kaw. 15:23.
-