-
Tunay na Kristiyanong Pagkakaisa—Paano?Ministeryo sa Kaharian—2003 | Disyembre
-
-
Tunay na Kristiyanong Pagkakaisa—Paano?
1 Ano ang makapagkakaisa sa mahigit na anim na milyong tao mula sa 234 na lupain at mga 380 grupo ng wika? Tanging ang pagsamba lamang sa Diyos na Jehova. (Mik. 2:12; 4:1-3) Alam ng mga Saksi ni Jehova mula sa sariling karanasan na ang tunay na Kristiyanong pagkakaisa ay isang realidad sa ngayon. Bilang “isang kawan” sa ilalim ng “isang pastol,” determinado tayong labanan ang espiritu ng sanlibutang ito na lumilikha ng pagkakabaha-bahagi.—Juan 10:16; Efe. 2:2.
2 Ang di-mabibigong layunin ng Diyos ay ang magkaisa ang buong matalinong sangnilalang sa tunay na pagsamba. (Apoc. 5:13) Dahil batid niya ang kahalagahan nito, marubdob na ipinanalangin ni Jesus ang pagkakaisa ng kaniyang mga tagasunod. (Juan 17:20, 21) Paano maitataguyod ng bawat isa sa atin ang pagkakaisa ng kongregasyong Kristiyano?
3 Kung Paano Natatamo ang Pagkakaisa: Kung wala ang Salita at espiritu ng Diyos, hindi makakamit ang Kristiyanong pagkakaisa. Sa pamamagitan ng pagkakapit sa ating nababasa sa Bibliya, malaya nating pinadadaloy ang espiritu ng Diyos sa ating buhay. Ito ang tumutulong sa atin na “ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan.” (Efe. 4:3) Inuudyukan tayo nito na pagtiisan ang isa’t isa sa pag-ibig. (Col. 3:13, 14; 1 Ped. 4:8) Itinataguyod mo ba ang pagkakaisa sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos araw-araw?
4 Nagkakaisa rin tayo dahil sa atas nating mangaral at gumawa ng mga alagad. Kapag gumagawa tayong kasama ng iba sa ministeryong Kristiyano, anupat “nagpupunyaging magkakaagapay para sa pananampalataya sa mabuting balita,” tayo ay nagiging “mga kamanggagawa sa katotohanan.” (Fil. 1:27; 3 Juan 8) Habang ginagawa natin ito, tumitibay ang nagbubuklod na bigkis ng pag-ibig sa loob ng kongregasyon. Bakit hindi mo anyayahang samahan ka sa ministeryo sa larangan sa linggong ito ng isang matagal-tagal mo nang hindi nakakasama sa paglilingkod?
5 Kaylaking pribilehiyo nga natin na maging bahagi ng tanging tunay na internasyonal na kapatiran sa lupa sa ngayon! (1 Ped. 5:9) Sa Disyembre at unang bahagi ng Enero, nararanasan mismo ng libu-libo sa Pilipinas ang pangglobong pagkakaisang ito sa “Magbigay ng Kaluwalhatian sa Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon. Itaguyod nawa ng bawat isa sa atin ang napakahalagang pagkakaisa na ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng Salita ng Diyos araw-araw, sa pamamagitan ng paglutas sa mga di-pagkakaunawaan sa maibiging paraan, at sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita nang ‘may pagkakaisa.’—Roma 15:6.
-
-
Paghanap sa mga Karapat-dapatMinisteryo sa Kaharian—2003 | Disyembre
-
-
Paghanap sa mga Karapat-dapat
1 Isang hamon sa atin na tuparin ang mga tagubilin ni Jesus hinggil sa gawaing pangangaral. Sinabi niya: “Sa anumang lunsod o nayon kayo pumasok, hanapin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat.” (Mat. 10:11) Yamang paunti na nang paunti ang ginugugol na panahon ng mga tao sa kanilang tahanan, paano natin mabisang magagawa ang paghahanap na ito?
2 Suriin ang Inyong Teritoryo: Una sa lahat, suriin ang inyong teritoryo. Kailan malamang na nasa bahay ang mga tao? Saan sila makikita sa araw? Mayroon bang partikular na araw o oras na maaaring mas handa silang tumanggap ng pagdalaw? Makatutulong sa iyo na matamo ang pinakamaiinam na resulta kung ibabagay mo ang iyong ministeryo sa rutin at mga kalagayan ng mga tao sa lokal na teritoryo.—1 Cor. 9:23, 26.
3 Maraming mamamahayag ang naging matagumpay sa dapit-hapon. Ang ilang may-bahay ay mas relaks at mas nakahandang makinig sa oras na iyon. Kapag umuulan at hindi ka makalabas dahil sa baha, maaaring maging mabisa ang pagpapatotoo sa telepono o pagsulat ng mga liham. Ang paggawa sa lugar ng negosyo at pagpapatotoo sa pampublikong mga lugar ay mga paraan din upang maipaabot sa mga tao ang mabuting balita.
4 Noong buwan ng pantanging gawain, isang kongregasyon ang nagsaayos ng pagpapatotoo sa dapit-hapon tuwing Sabado at Linggo at sa gabi tuwing Miyerkules at Biyernes. Nag-organisa rin sila ng pagpapatotoo sa telepono at nagsaayos na gumawa sa lugar ng negosyo. Ang mga kaayusang ito ay pumukaw ng labis na pananabik sa ministeryo anupat nagpasiya ang kongregasyon na ipagpatuloy ang mga kaayusang ito.
5 Masikap na Dumalaw Muli: Kung isang hamon sa inyong teritoryo na makasumpong ng mga tao sa tahanan kapag dumadalaw kang muli, sikapin mong gumawa ng espesipikong kaayusan para dumalaw muli sa pagtatapos ng bawat pagdalaw, kasama na ang unang pagdalaw. Pagkatapos, tiyakin mong tutupad ka sa usapan. (Mat. 5:37) Kung angkop, maaari mong tanungin ang numero ng telepono ng may-bahay. Makatutulong din ito sa iyo na makausap muli ang taong iyon.
6 Ang ating puspusang pagsisikap na hanapin ang mga karapat-dapat at linangin ang interes na nasusumpungan natin ay tiyak na pagpapalain ni Jehova.—Kaw. 21:5.
-