Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Manatiling Mahigpit na Nagbabantay sa Iyong Paggamit ng Panahon
    Ministeryo sa Kaharian—2004 | Enero
    • Manatiling Mahigpit na Nagbabantay sa Iyong Paggamit ng Panahon

      1. Anong hamon ang kinakaharap sa ngayon ng mga tao sa lahat ng dako?

      1 Sa panahong ito ng mga kagamitang pampatipid ng oras at trabaho, nasusumpungan ng marami na tila mas marami silang kailangang gawin ngunit mas kakaunti ang kanilang panahon para gawin ang mga ito. Isa bang hamon para sa iyo na panatilihin ang mainam na espirituwal na rutin? Hinahangad mo ba na mas marami ka pa sanang panahon para sa ministeryo? Paano natin magagamit sa pinakamatalinong paraan ang ating panahon?​—Awit 90:12; Fil. 1:​9-​11.

      2, 3. Anong hamon ang inihaharap ng information technology, at paano masusuri ng bawat isa sa atin ang kaniyang sarili?

      2 Alamin ang mga Bagay na Umaaksaya ng Panahon: Dapat suriin nating lahat sa pana-panahon kung paano natin ginugugol ang ating panahon. Humihimok ang Bibliya: “Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay balakyot.” (Efe. 5:​15, 16) Isip-isipin ang mga hamon na inihaharap ng mga pagsulong sa information technology. Bagaman may makatuwirang pakinabang ang mga computer at mga kagamitang elektroniko, maaaring maging silo ang mga ito kung hindi tayo mahigpit na magbabantay sa ating paggamit ng panahon.​—1 Cor. 7:​29, 31.

      3 Dapat itanong ng bawat isa sa atin sa kaniyang sarili: ‘Araw-araw ba akong gumugugol ng panahon sa pagbabasa at pagsagot ng mga mensaheng E-mail na mga pang-abala lamang? Madalas ba akong tumatawag sa telepono o nagpapadala ng mga text message tungkol sa di-mahahalagang bagay? (1 Tim. 5:13) Nagba-browse ba ako sa Internet nang walang anumang pakay o naglilipat-lipat ng mga istasyon ng telebisyon nang walang dahilan kapag nanonood nito? Nagsisimula na bang agawin ng pagkahumaling ko sa elektronikong mga laro ang panahon para sa aking pag-aaral ng Salita ng Diyos?’ Makasisira sa ating espirituwalidad ang gayong mga gawain nang di-nahahalata.​—Kaw. 12:11.

      4. Anong pagbabago ang ginawa ng isang kabataan, at bakit?

      4 Matalinong Paggamit ng Panahon: Madaling umagaw kapuwa ng ating panahon at pansin ang mga kagamitang elektroniko. Inamin ng isang kabataan na nalulong sa mga laro sa computer: “Kung minsan kapag nakapaglaro ako bago lumabas sa larangan o dumalo sa Kristiyanong pagpupulong, hirap na hirap akong magbuhos ng pansin. Halos lagi kong iniisip kung paano ko lulutasin ang isang problema sa laro pag-uwi ko ng bahay. Naapektuhan ang aking personal na pag-aaral at regular na pagbabasa ng Bibliya. Nabawasan ang kagalakan ko sa paglilingkod sa Diyos.” Yamang kinilala na kailangan siyang gumawa ng mga pagbabago, binura niya ang lahat ng kaniyang mga laro sa computer. “Talagang napakahirap niyaon,” ang gunita niya. “Mas nahumaling pala ako sa mga laro kaysa sa inakala ko. Pero nadama ko rin ang malaking tagumpay dahil alam kong ginawa ko iyon para sa aking ikabubuti.”​—Mat. 5:​29, 30.

      5. Paano tayo makabibili ng panahon para sa espirituwal na mga gawain, at paano tayo nakikinabang sa paggawa nito?

      5 Baka kailangang gumawa ng gayong mga hakbang kung may mga larangan na kailangan kang magbago. Maaari ka bang kumuha ng kalahating oras bawat araw mula sa di-mahahalagang gawain? Iyan humigit-kumulang ang kailangang panahon upang mabasa ang buong Bibliya sa isang taon. Tunay ngang magiging kasiya-siya iyan sa espirituwal na paraan! (Awit 19:​7-​11; 119:97-​100) Magtakda ng tiyak na panahon para sa pagbabasa ng Bibliya, paghahanda sa pulong, at ministeryo sa larangan. (1 Cor. 15:58) Ang paggawa nito ay tutulong sa iyo upang makontrol ang mga bagay na umaaksaya ng panahon at upang ‘patuloy na maunawaan kung ano ang kalooban ni Jehova.’​—Efe. 5:17.

  • Kung Ano ang Sasabihin Tungkol sa mga Magasin
    Ministeryo sa Kaharian—2004 | Enero
    • Kung Ano ang Sasabihin Tungkol sa mga Magasin

      Ang Bantayan Ene. 15

      “Dahil pangkaraniwan na ngayon ang mga pangakong napapako, marami ang nahihirapang magtiwala kaninuman. May isa kaya sa palagay mo na ang mga pangako ay mapagkakatiwalaan natin? [Hayaang sumagot. Pagkatapos ay basahin ang Josue 23:14.] Ipinakikita ng magasing ito kung paano tayo makapagtitiwala sa mga pangako ng Diyos na nakaulat sa Bibliya.”

      Gumising! Ene. 22

      “Ganito ang hitsura ng personal na pangalan ng Diyos sa wikang Hebreo. [Ipakita ang pabalat.] Iginigiit ng ilang tao na hindi dapat bigkasin nang malakas kailanman ang pangalang ito. Malaya naman itong ginagamit ng iba. Sinusuri ng isyung ito ng Gumising! ang kontrobersiyang ito. Tinatalakay rin nito kung paano natin makikilala ang Diyos sa kaniyang pangalan.” Basahin ang Awit 83:18.

      Ang Bantayan Peb. 1

      “Sinisikap ng karamihan sa atin na alagaan ang ating pisikal na kalusugan. Subalit ipinakikita ng mga pag-aaral kamakailan na ang ating pisikal na kalusugan ay naaapektuhan din ng ating espirituwalidad. Sa palagay mo kaya’y posible ito? [Hayaang sumagot. Pagkatapos ay basahin ang Mateo 5:3.] Tinatalakay ng isyung ito ng Ang Bantayan kung paano natin masasapatan ang ating espirituwal na pangangailangan.”

      Gumising! Peb. 8

      “Marami sa ngayon ang abalang-abala sa buhay at nangangailangan ng mas maraming pahinga. Marahil ay sasang-ayon ka sa mga salitang ito na isinulat mahigit na 3,000 taon na ang nakalilipas. [Basahin ang Eclesiastes 4:6. Pagkatapos ay hayaang magkomento.] Nagbibigay ng nakatutulong na impormasyon ang isyung ito ng Gumising! tungkol sa kung paano malalaman at haharapin ang suliranin ng kakulangan sa tulog.”

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share