-
Paghahandog kay Jehova ng Ating PinakamainamMinisteryo sa Kaharian—2004 | Abril
-
-
Paghahandog kay Jehova ng Ating Pinakamainam
1 Itinakda sa Kautusan ni Jehova sa Israel na dapat maging “malusog” ang mga hayop na ihahandog sa kaniya bilang hain. Ang hayop na may kapintasan ay hindi kaayaaya. (Lev. 22:18-20; Mal. 1:6-9) Isa pa, kapag naghandog ng hain, lahat ng taba—ang pinakapiling bahagi—ay kay Jehova. (Lev. 3:14-16) Bilang Ama at Dakilang Panginoon ng Israel, nararapat kay Jehova ang pinakamainam.
2 Gaya noong sinaunang panahon, ang Diyos ay lubhang interesado sa kalidad ng ating mga handog sa ngayon. Dapat masalamin sa ating paglilingkod ang angkop na pagpipitagan kay Jehova. Mangyari pa, iba’t iba ang kalagayan ng bawat isa. Gayunman, may mabuting dahilan tayo na suriin ang ating sarili upang matiyak na ibinibigay nga natin sa kaniya ang ating pinakamainam.—Efe. 5:10.
3 Buong-Pusong Paglilingkod: Upang ang ating ministeryo ay makapagparangal kay Jehova at makaantig sa puso ng ating mga tagapakinig, hindi ito dapat na maging rutin lamang. Ang ating pagpapahayag tungkol sa ating Diyos at sa kaniyang dakilang mga layunin ay dapat na nanggagaling sa ating pusong punung-puno ng pagpapahalaga. (Awit 145:7) Idiniriin nito ang kahalagahan ng pagpapanatili ng isang mahusay na programa ng personal na pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya.—Kaw. 15:28.
4 Ang pagbibigay natin kay Jehova ng ating pinakamainam ay nangangahulugan ding tutularan natin ang kaniyang pag-ibig sa mga tao. (Efe. 5:1, 2) Ang pag-ibig sa mga tao ay magtutulak sa atin na sikaping mapaabutan ng nagbibigay-buhay na mensahe ng katotohanan ang pinakamarami hangga’t maaari. (Mar. 6:34) Ito ang magpapakilos sa atin na magpakita ng personal na interes sa mga nakakausap natin. Pakikilusin tayo nito na lagi silang isipin pagkatapos ng unang pagdalaw at mag-uudyok sa atin na bumalik. Ito ang magtutulak sa atin na gawin ang lahat ng ating makakaya upang tulungan silang sumulong sa espirituwal.—Gawa 20:24; 26:28, 29.
5 “Hain ng Papuri”: Ang isa pang paraan ng pagbibigay kay Jehova ng ating pinakamainam ay sa pamamagitan ng ating kasipagan sa ministeryo. Kapag tayo’y lubhang organisado at tumututok sa gawain, aani tayo ng pinakamainam sa panahong inilaan natin. (1 Tim. 4:10) Makatutulong sa atin ang mahusay na paghahanda upang makapagsalita nang malinaw at may pananalig, sa gayon ay mas malamang na maging maganda ang pagtanggap. (Kaw. 16:21) Habang ibinabahagi natin sa iba ang mabuting balita, ang ating taimtim na pagpapahayag ay angkop lamang na tawaging isang “hain ng papuri.”—Heb. 13:15.
-
-
Mga Kabataan—Basahin Ninyo ang Salita ng Diyos!Ministeryo sa Kaharian—2004 | Abril
-
-
Mga Kabataan—Basahin Ninyo ang Salita ng Diyos!
1 Ang pagiging nasa kabataan ay isang panahon ng mga hamon at mabibigat na pasiya. Marami sa inyo na mga kabataang Kristiyano ang napapaharap araw-araw sa mga panggigipit na lumabag sa mga pamantayan ng Diyos sa paggawi. Bago pa man kayo personal na magpasiya may kinalaman sa edukasyon, trabaho, at pag-aasawa, dapat na naisaayos muna ninyo ang inyong espirituwal na mga tunguhin. Tanging sa paraang iyan lamang kayo makagagawa ng iba pang pasiyang mapapakinabangan ninyo sa inyong buong buhay. Ang espesipikong mga espirituwal na tunguhin ay tutulong sa inyo na kumilos nang may karunungan at gawing matagumpay ang inyong lakad. Sa regular na pagbabasa at pagbubulay-bulay ng Salita ng Diyos, mauudyukan kayong mamuhay kasuwato ng kinasihang payo nito, at ang inyong wastong mga pagsisikap ay magtatagumpay.—Jos. 1:8; Awit 1:2, 3.
2 Paano Kayo Makikinabang Dito? Ang sanlibutan ni Satanas ay punung-puno ng tukso na magtutulak sa inyo na gumawa ng masama. (1 Juan 2:15, 16) Maaaring may kilala kayong mga kaklase o ibang kaedad ninyo na napahamak dahil sa nagpadala sila sa panggigipit ng mga kasama. Ang paninindigan sa payo ng Bibliya ang magbibigay sa inyo ng moral at espirituwal na lakas upang matanggihan ang makasalanang landasin. Isa pa, ang payo ng Salita ng Diyos ay tutulong sa inyo na makaiwas sa tusong mga pakana ni Satanas. (2 Cor. 2:11; Heb. 5:14) Ang paglakad sa mga daan ng Diyos ay magdudulot sa inyo ng tunay na kaligayahan—personal na kasiyahan sa inyong landasin sa buhay.—Awit 119:1, 9, 11.
3 Ang di-nagbabagong mga simulain ng Salita ng Diyos ay nakahihigit sa karunungan ng tao. (Awit 119:98-100) Ang kaalaman sa mga simulain ng Bibliya at pagbubulay-bulay sa isiniwalat na mga layunin ni Jehova kasabay ng taimtim na panalangin ay makatutulong sa inyo na magkaroon ng isang malapít na kaugnayan sa pinakamarunong-sa-lahat na Awtor ng Bibliya, ang Diyos na Jehova. Nangako siya: “Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita hinggil sa daan na dapat mong lakaran. Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.”—Awit 32:8.
4 Magtakda ng Panahon na Basahin Ito: Ginawang tunguhin ng isang kabataang Kristiyano na basahin ang buong Bibliya, at natapos niya ito sa loob ng isang taon. Paano siya nakinabang? Naaalaala pa niya: “Napakarami kong natutuhan tungkol kay Jehova—mga bagay na naging dahilan upang ako’y lalong mápalapít sa kaniya at matakot sa kaniya habang ako’y nabubuhay.” (Sant. 4:8) Nabasa mo na ba ang buong Bibliya? Kung hindi pa, bakit hindi mo ito gawing tunguhin? Tiyak na pagpapalain ni Jehova ang iyong mga pagsisikap, at aani ka ng dakilang mga gantimpala.
-