-
Kung Paano Mangangaral sa Lugar ng NegosyoMinisteryo sa Kaharian—2004 | Hulyo
-
-
Kung Paano Mangangaral sa Lugar ng Negosyo
1. Ano ang ilang bentaha ng pagpapatotoo sa mga lugar ng negosyo?
1 Gusto mo bang mangaral sa teritoryo kung saan karaniwan nang malugod na tinatanggap ng mga tao ang mga panauhin at kung saan bihira lamang ang mga wala sa bahay? Magagawa mo ito sa teritoryo mismo ng inyong kongregasyon. Paano? Sa pamamagitan ng pagdalaw sa mga lugar ng negosyo na masusumpungan doon. Kadalasang nagtatamasa ng maiinam na resulta ang mga mamamahayag na nagpapatotoo sa mga tindahan.
2. Paano maoorganisa ang pagpapatotoo sa lugar ng negosyo?
2 Ang mga lugar ng negosyo ay bahagi ng iniatas na teritoryo sa ilang kongregasyon. Ang kapatid na lalaking nag-aasikaso sa teritoryo ay maaaring maghanda ng pantanging mga map card ng mga lugar na ito na maraming seksiyon ng negosyo. Dapat malinaw na nakasaad sa mga map card ng mga residensiyal na teritoryo na sumasaklaw sa mga lugar na ito na hindi dapat gawin ang mga lugar ng negosyo bilang bahagi ng residensiyal na teritoryo. Sa ibang teritoryo, ang mga lugar ng negosyo ay maaaring saklawin kasabay ng residensiyal na mga lugar. Kung hindi mo pa nasusubukang magpatotoo sa lugar ng negosyo, magpasimula sa pamamagitan ng pangangaral sa ilang maliliit na tindahan.
3. Ano ang tutulong sa atin na maging mabisa kapag nagpapatotoo sa mga tindahan?
3 Gumamit ng Simpleng Paglapit: Kapag nagpapatotoo sa mga tindahan, mahalagang manamit na gaya ng isusuot natin kapag dadalo sa pulong sa Kingdom Hall. Angkop ding pumili ng oras kung kailan hindi abala ang tindahan. Kung posible, pumasok kapag wala nang kostumer na bumibili. Hilinging makausap ang manedyer o ang nangangasiwa sa tindahan. Maging maikli at deretso sa punto. Ano ang maaari mong sabihin?
4-6. Ano ang maaari nating sabihin kapag nagpapatotoo sa nangangasiwa sa tindahan o sa manedyer?
4 Kapag nakikipag-usap sa nangangasiwa sa tindahan o sa manedyer, maaari mong sabihin ang gaya nito: “Napakaabala ng iskedyul ng mga negosyante kaya madalang namin silang matagpuan sa bahay, kaya dinadalaw namin kayo sa lugar ng inyong trabaho. Ang mga magasin namin ay nagbibigay ng impormasyon hinggil sa kasalukuyang mga pangyayari sa iba’t ibang panig ng daigdig.” Pagkatapos ay itampok ang isang maikling punto mula sa isang magasin.
5 O maaari mong subukan ang simpleng paglapit na ito: “Gusto ng maraming tao na makaalam nang higit pa tungkol sa Bibliya subalit kakaunti lamang ang kanilang panahon. Ipinaliliwanag ng tract na ito ang isang libreng programa ng pag-aaral na makatutulong sa inyo na masumpungan ang mga sagot sa inyong mga tanong sa Bibliya.” Pagkatapos ay ipakita ang pahina 4-5 ng tract na Gusto Mo Bang Makaalam Nang Higit Pa Tungkol sa Bibliya?
6 Kung waring abala ang nangangasiwa sa tindahan, maaaring ialok mo na lamang ang isang tract at sabihin: “Babalik na lamang ako kapag hindi na kayo masyadong abala. Gusto kong malaman kung ano ang masasabi ninyo hinggil sa tract na ito.”
7. Paano natin malilinang ang interes na nasusumpungan natin sa lugar ng negosyo?
7 Paglinang sa Ipinakitang Interes: Maaari ka pa ngang makapagdaos ng pag-aaral sa Bibliya sa lugar ng negosyo. Isang special pioneer ang regular na naghahatid ng mga magasin sa isang negosyante. Nang ipahayag ng lalaki ang pagpapahalaga niya sa kaniyang nababasa, itinanghal ng payunir ang kaayusan ng pag-aaral sa Bibliya, na ginagamit ang brosyur na Hinihiling. Naitatag ang isang pag-aaral doon mismo sa pinagtatrabahuhan ng lalaki. Palibhasa’y isinaalang-alang niya ang mga kalagayan, nilimitahan ng payunir ang pag-aaral sa loob ng 10 hanggang 15 minuto sa bawat pagkakataon. Patuloy rin nawa nating hanapin ang mga karapat-dapat sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa lugar ng negosyo.
-
-
Kung Ano ang Sasabihin Tungkol sa mga MagasinMinisteryo sa Kaharian—2004 | Hulyo
-
-
Kung Ano ang Sasabihin Tungkol sa mga Magasin
Ang Bantayan Hulyo 15
“Kung ang pangyayaring gaya nito [ang nakalarawan sa pabalat] ay mapaulat sa balita sa ngayon, malamang na pag-aalinlanganan ito ng maraming tao. Ano sa palagay mo? [Hayaang sumagot. Pagkatapos ay basahin ang Marcos 4:39.] Ano ang katibayan na totoo ang mga himalang ginawa ni Jesus? Ang tanong na ito ay sinusuri ng isyung ito ng Ang Bantayan.”
Gumising! Hulyo 22
“Sa daigdig sa ngayon, patuloy na umiisip ng bagong mga pakana ang mga kriminal upang dayain ang walang kamalay-malay na mga tao. Nababahala ka ba rito? [Hayaang sumagot.] Tinatalakay ng isyung ito ng Gumising! ang ilang mahahalagang pag-iingat na makatutulong upang maipagsanggalang natin ang ating sarili laban sa pandaraya.” Basahin ang Kawikaan 22:3.
Ang Bantayan Agos. 1
“Dahil lubhang nagkakawatak-watak ngayon ang sangkatauhan, iniisip ng ilan na ang tanging paraan upang matamo ang pandaigdig na kapayapaan ay sa pamamagitan ng isang pandaigdig na pamahalaan. Sa palagay mo kaya ay posible ito? [Hayaang sumagot. Pagkatapos ay basahin ang Daniel 2:44.] Tinatalakay ng magasing ito kung ano ang isinasakatuparan ngayon ng Kaharian ng Diyos at kung paanong hindi na magtatagal ay pasasapitin nito ang pandaigdig na kapayapaan.”
Gumising! Agos. 8
“Tayong lahat ay nalulungkot kapag nababalitaan natin ang hinggil sa pagsasamantala sa mga bata. Marahil ay iniisip mo, ‘Talaga bang nagmamalasakit ang Diyos?’ [Hayaang sumagot. Pagkatapos ay basahin ang Awit 72:12-14.] Tinatalakay ng artikulong ito kung ano ang nadarama ng Diyos hinggil sa mga bata at kung paanong hindi na magtatagal ay magdudulot siya ng permanenteng ginhawa sa lahat ng dumaranas ng pagmamaltrato.”
-