Maging “Lubhang Abala” sa Iyong Ministeryo
1 Kapag nabasa natin na naging trabaho ni apostol Pablo ang paggawa ng tolda habang nasa Corinto, baka isipin natin na nalimitahan nito ang kaniyang pagkakataong mangaral. Gayunman, inilalahad ng Gawa 18:5: “Si Pablo ay nagsimulang maging lubhang abala sa salita, na nagpapatotoo sa mga Judio upang patunayan na si Jesus ang Kristo.” Bakit naging lubhang abala si Pablo sa gawaing pangangaral? Bagaman marami na sa Corinto ang naging mga mananampalataya, tiniyak ng Panginoon na marami pa rin ang magiging mga alagad sa lunsod na iyon. (Gawa 18:8-11) Mayroon ba tayong katulad na dahilan upang maging lubhang abala sa ating ministeryo? Oo. Marami pa ring mga tao ang maaaring masumpungan at maturuan ng katotohanan.
2 Gumugol ng Mas Maraming Panahon sa Paglilingkod sa Abril: Malamang na tunguhin mong manatiling abala sa pangangaral ng mabuting balita buwan-buwan. Ngunit may ilang buwan na pantanging nagbibigay sa atin ng higit na pagkakataong maging “lubhang abala” sa gawaing ito. Kasama rito ang buwan ng Abril, lalo na yamang magpapatuloy hanggang Abril 17 ang ating pantanging kampanya sa brosyur na Patuloy na Magbantay! Ipinahihintulot ba ng iyong mga kalagayan na mag-auxiliary pioneer ka o kaya’y pag-ibayuhin ang iyong gawain sa ministeryo sa buwang ito? Maraming gumawa ng gayon ang saganang pinagpala. (2 Cor. 9:6) Kung ginagawa mo ang iyong buong makakaya, tandaan na nalulugod si Jehova sa iyong buong-kaluluwang paglilingkod. (Luc. 21:2-4) Anuman ang iyong mga kalagayan, gawin mong tunguhin na maging “lubhang abala” sa iyong ministeryo sa Abril at Mayo. At huwag kalimutang ibigay sa katapusan ng buwan ang iyong ulat ng paglilingkod sa larangan.
3 Dalawin ang mga Baguhang Dumalo sa Memoryal: Sa Pilipinas noong nakaraang taon, ang bilang ng dumalo sa Memoryal ay 438,418. Ang kabuuang bilang ng dumalo sa taóng ito ay hindi pa alam. Gayunman, ipinahihiwatig ng mga ulat na may kamangha-manghang potensiyal para sa mas malaki pang ‘pag-aani.’ (Mat. 9:37, 38) Samakatuwid, sa lalong madaling panahon, isaayos na dalawin ang mga taong interesado na dumalo sa Memoryal noong Marso 24 upang alalayan sila sa espirituwal na paraan. Ang pagpapaliban sa gayong mga pagdalaw ay maaaring magbigay-daan ‘sa isa na balakyot na agawin ang salita ng kaharian na naihasik na sa kanilang puso.’ (Mat. 13:19) Ang maagap na pagdalaw ay magpapakita na talagang “lubhang abala” ka sa iyong ministeryo.
4 Patuloy na Alalayan ang mga Di-aktibo: Dapat isaayos ng matatanda na dalawin ang mga di-aktibo bago matapos ang Abril upang sikaping mapatibay-loob sila na makibahagi sa ministeryo kung ipinahihintulot ito ng kanilang kalagayan. Sisikapin ng matatanda na alamin ang pinakasanhi ng suliranin ng isang indibiduwal at kung paano siya pinakamabuting matutulungan na muling maging aktibo sa paglilingkod kay Jehova. Ipinakikita ng ganitong maibiging tulong na dinidibdib ng matatanda ang kanilang pananagutan bilang mga pastol ng “kawan ng Diyos.” (1 Ped. 5:2; Gawa 20:28) Umaasa tayo na ang ilan sa mga ito ay matutulungang maging aktibong muli sa ministeryo sa larangan sa pantanging buwang ito ng Abril.
5 Tulungan ang Mas Marami Pa na Maging Di-bautisadong Mamamahayag: Kuwalipikado na ba ang iyong mga anak na maging bagong mga mamamahayag ng mabuting balita? Kumusta naman ang iba pang pinagdarausan mo ng pag-aaral sa Bibliya? Kung sila ay inaprobahan na ng matatanda, hindi kaya magiging angkop na panahon para sa kanila ang Abril upang magsimulang mangaral? Kung sumusulong ang isa at nakapag-aral na ng brosyur na Hinihiling at ng aklat na Kaalaman, ang pag-aaral sa Bibliya ay maaaring ituloy sa aklat na Sambahin ang Diyos. Ang iyong tunguhin ay tulungan ang estudyante na makamit ang higit na kaunawaan sa katotohanan, maging kuwalipikado bilang di-bautisadong mamamahayag, at maging isang naaalay at bautisadong Saksi ni Jehova.—Efe. 3:17-19; 1 Tim. 1:12; 1 Ped. 3:21.
6 Ang iyong patuloy at taimtim na interes sa iyong mga estudyante sa Bibliya ay tutulong sa kanila sa dakong huli na dibdibin ang katotohanan. Natagpuan ng isang Saksi ang isang may-edad nang mag-asawa na malugod na tumanggap ng pag-aaral sa Bibliya. Ngunit ipinagpaliban ng mag-asawa ang pag-aaral sa loob ng magkakasunod na tatlong linggo. Nang dakong huli ay napasimulan ang pag-aaral. Pagkatapos ay kinakansela ng mag-asawa ang pag-aaral halos tuwing makalawang linggo. Gayunman, sa wakas ay sumulong ang asawang babae hanggang sa puntong nagpabautismo ito. “Pagkatapos niyang mabautismuhan,” naalaala ng kapatid, “ang mga mata niya ay napuno ng mga luha ng kaligayahan, at kaming mag-asawa ay napaluha sa kaligayahan dahil dito.” Oo, ang pagiging “lubhang abala” sa mabuting balita ay nagdudulot ng malaking kagalakan!
7 Ipinahihiwatig ng hula ng Bibliya at ng mga pangyayari sa daigdig na tayo ay nabubuhay na sa dulong bahagi ng panahon ng kawakasan. Ngayon na ang panahon upang patuloy na magbantay, anupat “lubhang abala” sa pagbibigay-alam sa iba ng mabuting balita. May napakahusay tayong pantulong upang magawa ito, ang pantanging brosyur na Patuloy na Magbantay! Gamitin ito nang may katalinuhan sa iyong ministeryo. Tinitiyak ni apostol Pablo na ang gayong pagpapagal “may kaugnayan sa Panginoon ay [talagang] hindi sa walang kabuluhan.”—1 Cor. 15:58.