Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ginagantimpalaan ang Pagbabata
    Ministeryo sa Kaharian—2004 | Agosto
    • Ginagantimpalaan ang Pagbabata

      1 “Sa pamamagitan ng inyong pagbabata ay tatamuhin ninyo ang inyong mga kaluluwa.” (Luc. 21:19) Nililiwanag ng pananalitang iyon, na bahagi ng hula ni Jesus hinggil sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” na sa pag-iingat ng ating katapatan, kailangang handa tayong humarap sa maraming pagsubok. Subalit sa pamamagitan ng lakas ni Jehova, ang bawat isa sa atin ay ‘makapagbabata hanggang sa wakas’ at “maliligtas.”​—Mat. 24:​3, 13; Fil. 4:13.

      2 Ang bawat araw ay maaaring maging pagsubok dahil sa pag-uusig, sakit, pinansiyal na problema, at emosyonal na kabagabagan. Gayunman, hindi natin dapat kalimutan na sinisikap ni Satanas na sirain ang ating katapatan kay Jehova. Sa bawat araw na nakapananatili tayong tapat sa ating Ama, nakatutulong tayo sa pagsagot sa hamon ng Manunuya. Nakagagalak ngang malaman na ang ating “mga luha” sa harap ng pagsubok ay hindi kinalilimutan! Mahalaga ang mga ito kay Jehova, at ang ating katapatan ay nagpapasaya sa kaniyang puso!​—Awit 56:8; Kaw. 27:11.

      3 Dinalisay ng mga Pagsubok: Maaaring isiwalat ng kapighatian ang mahinang pananampalataya o kapintasan sa personalidad, gaya ng pagmamapuri o kawalang-pagtitiis. Sa halip na sikaping takasan o wakasan ang mga pagsubok sa pamamagitan ng di-makakasulatang paraan, dapat nating pakinggan ang payo ng Salita ng Diyos na “hayaang ganapin ng pagbabata ang gawa nito.” Bakit? Sapagkat makatutulong sa atin ang may-katapatang pagbabata sa mga pagsubok na maging “ganap at malusog sa lahat ng bagay.” (Sant. 1:2-4) Matutulungan tayo ng pagbabata na malinang ang mahahalagang katangian, gaya ng pagkamakatuwiran, empatiya, at awa.​—Roma 12:15.

      4 Subok na Katangian ng Pananampalataya: Kapag nagbabata tayo ng mga pagsubok, natatamo natin ang subok na katangian ng pananampalataya na may malaking halaga sa paningin ng Diyos. (1 Ped. 1:​6, 7) Inihahanda tayo ng gayong pananampalataya na manatiling matatag sa panahon ng mga pagsubok sa hinaharap. Karagdagan pa, madarama natin ang pagsang-ayon ng Diyos, at pinatitibay nito ang ating pag-asa, anupat higit itong nagiging tunay sa atin.​—Roma 5:3-5.

      5 Ang pinakamainam na gantimpala sa pagbabata ay itinatampok sa Santiago 1:​12, na nagsasabi: “Maligaya ang tao na patuloy na nagbabata ng pagsubok, sapagkat kapag sinang-ayunan siya ay tatanggapin niya ang korona ng buhay.” Kaya nga, manatili tayong matatag sa ating debosyon kay Jehova, anupat nagtitiwala na sagana niyang gagantimpalaan ang “mga patuloy na umiibig sa kaniya.”

  • Bahagi 2—Pagdaraos ng Progresibong mga Pag-aaral sa Bibliya
    Ministeryo sa Kaharian—2004 | Agosto
    • Bahagi 2—Pagdaraos ng Progresibong mga Pag-aaral sa Bibliya

      Paghahanda Upang Magdaos ng Pag-aaral

      1 Hindi lamang pagtalakay sa materyal at pagtingin sa binanggit na mga kasulatan ang nasasangkot sa mabisang pagtuturo kapag nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya. Kailangang iharap natin ang impormasyon sa paraang nakaaantig sa puso ng estudyante. Nangangailangan ito ng lubusang paghahanda na isinasaalang-alang ang estudyante.​—Kaw. 15:28.

      2 Kung Paano Maghahanda: Magsimula sa pamamagitan ng pananalangin kay Jehova hinggil sa estudyante at sa kaniyang mga pangangailangan. Hilingin kay Jehova na tulungan kang abutin ang puso ng estudyante. (Col. 1:​9, 10) Upang maunawaan nang maliwanag ang tema, isaalang-alang sandali ang pamagat ng kabanata o aralin, ang mga subtitulo, at anumang visual aid. Itanong sa iyong sarili, ‘Ano ang pangunahing layunin ng materyal?’ Tutulong ito sa iyo na maitampok ang pangunahing mga punto samantalang idinaraos mo ang pag-aaral.

      3 Maingat na repasuhin ang bawat parapo ng materyal. Hanapin sa parapo ang mga sagot sa inilimbag na mga tanong, anupat mga susing salita at parirala lamang ang sinasalungguhitan. Pag-isipan kung paano nauugnay ang binanggit na mga kasulatan sa pangunahing punto ng parapo, at piliin kung alin ang babasahin sa panahon ng pag-aaral. Masusumpungan mong makatutulong na gumawa ng maiikling nota sa gilid ng pahina ng publikasyon. Dapat maunawaan ng estudyante na ang natututuhan niya ay mula sa Salita ng Diyos.​—1 Tes. 2:13.

      4 Ibagay ang Aralin sa Pangangailangan ng Indibiduwal: Pagkatapos, isaalang-alang kung paano makikinabang sa aralin ang partikular na estudyante. Pag-isipan kung anong mga tanong ang maaari niyang ibangon at kung anong mga punto ang hindi niya madaling mauunawaan o matatanggap. Itanong sa iyong sarili: ‘Ano ang kailangan niyang maunawaan o pagsumikapan upang sumulong sa espirituwal? Paano ko maaabot ang kaniyang puso?’ Pagkatapos ay ibagay ang iyong pagtuturo alinsunod dito. Kung minsan, baka mapansin mo na kailangan kang maghanda ng isang ilustrasyon, paliwanag, o magkakaugnay na tanong upang tulungan ang estudyante na maunawaan ang kahulugan ng isang partikular na punto o kasulatan. (Neh. 8:8) Subalit iwasang magsingit ng karagdagang impormasyon na hindi naman gaanong kailangan upang maging maliwanag ang tema. Makatutulong ang maikling repaso sa katapusan ng pag-aaral upang matandaan niya ang pangunahing mga punto.

      5 Anong laki nga ng ating kagalakan kapag nagluwal ng matuwid na bunga ang mga baguhan para sa kapurihan ni Jehova! (Fil. 1:11) Upang tulungan silang maabot ang tunguhing iyan, maghandang mabuti tuwing magdaraos ka ng pag-aaral sa Bibliya.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share