-
Pangangaral Hinggil sa Kaharian—Isang Napakahalagang PribilehiyoMinisteryo sa Kaharian—2005 | Agosto
-
-
Pangangaral Hinggil sa Kaharian—Isang Napakahalagang Pribilehiyo
1 Araw-araw, bilyun-bilyong naninirahan sa lupa ang nakikinabang sa saganang mga paglalaan ni Jehova para tustusan ang buhay. (Mat. 5:45) Gayunman, iilan lamang ang may pantanging pribilehiyo na magpakita ng pasasalamat sa kanilang Maylalang sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mat. 24:14) Gaano kalaki ang iyong pagpapahalaga sa napakahalagang pribilehiyong ito?
2 Ang pangangaral hinggil sa Kaharian ay nagpaparangal sa Diyos at nagbibigay ng pag-asa at kapayapaan sa mga taong napipighati dahil sa maligalig na panahon sa ngayon. (Heb. 13:15) Ang mga tumutugon sa mensahe ay nagkakaroon ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan. (Juan 17:3) May sekular bang karera o propesyon na makapagbibigay ng gayong pakinabang? Ipinakita ni apostol Pablo ang kaniyang pagpapahalaga sa ministeryo sa paraan ng kaniyang pagtupad dito. Itinuring niya itong isang kayamanan.—Gawa 20:20, 21, 24; 2 Cor. 4:1, 7.
3 Pagpapahalaga sa Ating Napakahalagang Pribilehiyo: Ang isang paraan upang maipakita natin ang pagpapahalaga sa pribilehiyong mangaral ay sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa kalidad ng ating paglilingkod. Naglalaan ba tayo ng panahon upang maghanda ng presentasyong makaaantig sa puso ng ating mga tagapakinig? Mapasusulong ba natin ang ating kakayahang gumamit ng Kasulatan at mangatuwiran sa mga tao? Lubusan ba nating ginagawa ang teritoryong iniatas sa atin? Maaari ba tayong makapagpasimula at makapagdaos ng pag-aaral sa Bibliya? Tulad ng mga tapat na Kristiyano, noon at ngayon, pinakikilos tayo ng tamang pangmalas sa gawaing ito, at pinahahalagahan natin ang ating pribilehiyo.—Mat. 25:14-23.
4 Kung napapaharap tayo sa mga epekto ng pagtanda, mahinang kalusugan, o iba pang mahihirap na kalagayan, nakaaaliw malaman na ang ating masigasig na pagsisikap na makibahagi sa ministeryo ay tunay ngang pinahahalagahan. Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na pinahahalagahan ni Jehova ang gayong mga pagsisikap na paglingkuran siya, kahit na waring hindi kahanga-hanga sa iba ang mga pagsisikap na iyon.—Luc. 21:1-4.
5 Ang pangangaral hinggil sa Kaharian ay isa sa pinagmumulan ng malaking kasiyahan. Ganito ang sinabi ng isang 92-taóng-gulang na sister: “Kaylaki ngang pribilehiyo na gunitain ang mahigit na 80 taon ng nakaalay na paglilingkod sa Diyos—nang walang pagsisisi! Kung mauulit ko ang aking buhay, mamumuhay ako sa gayunding paraan, yamang sa katunayan, ‘ang maibiging-kabaitan ng Diyos ay mas mabuti kaysa sa buhay mismo.’ ” (Awit 63:3) Nawa’y pahalagahan din natin ang napakahalagang pribilehiyong ito mula sa Diyos—ang pangangaral hinggil sa Kaharian.
-
-
Bahagi 11—Pagdaraos ng Progresibong mga Pag-aaral sa BibliyaMinisteryo sa Kaharian—2005 | Agosto
-
-
Bahagi 11—Pagdaraos ng Progresibong mga Pag-aaral sa Bibliya
Pagtulong sa mga Estudyante na Dumalaw-Muli
1 Kapag ang isang estudyante sa Bibliya ay nagsimula nang makibahagi sa gawaing pangangaral, makasusumpong siya ng mga taong nagpapakita ng interes sa mabuting balita. Paano natin matutulungan ang bagong mamamahayag na gumawa ng mabibisang pagdalaw-muli at malinang ang interes na nasusumpungan niya?
2 Ang paghahanda para sa pagdalaw-muli ay nagsisimula sa unang pagdalaw. Himukin ang estudyante na magkaroon ng taimtim na interes sa kaniyang mga kausap. (Fil. 2:4) Unti-unti siyang sanayin na pasiglahin ang mga may-bahay na ipahayag ang niloloob nila, makinig sa kanilang mga komento, at bigyang-pansin ang mga bagay na ikinababahala nila. Kapag may nagpakita ng interes, hilingin sa bagong mamamahayag na isulat ang angkop na impormasyon tungkol sa pagdalaw. Gamitin ang impormasyong iyon upang tulungan siyang maiplano ang susunod pang pag-uusap.
3 Paghahanda sa Pagdalaw-Muli: Repasuhin ang impormasyon hinggil sa unang pagdalaw, at ipakita sa estudyante kung paano pipili ng isang aspekto ng mensahe ng Kaharian na makaaakit sa may-bahay. (1 Cor. 9:19-23) Magkasamang maghanda ng isang maikling presentasyon na nagtatampok ng isang teksto sa Bibliya pati ng isang parapo sa publikasyong pinag-aaralan. Bukod diyan, maghanda ng isang tanong na maaaring ibangon sa pagtatapos ng pag-uusap upang magsilbing saligan ng susunod na pagdalaw. Ipakita sa bagong mamamahayag kung paano daragdagan ang kaalaman ng may-bahay hinggil sa Salita ng Diyos sa bawat pagdalaw.
4 Makatutulong din na turuan ang estudyante ng isang simpleng pambungad. Pagkatapos batiin ang may-bahay, maaari niyang sabihin: “Nasiyahan ako sa ating huling pag-uusap, at nagbalik ako upang ibahagi ang higit pang impormasyon mula sa Bibliya hinggil sa [banggitin ang paksa].” Baka kailangan mo ring ipakita sa bagong mamamahayag kung paano tutugon kung ibang tao ang makausap niya sa pinto.
5 Maging Masikap sa Pagdalaw-Muli: Pasiglahin ang estudyante na magpakita ng mabuting halimbawa sa pagbalik kaagad sa lahat ng nagpakita ng interes. Maaaring mangailangan ng pagtitiyaga sa pagbabalik-muli upang masumpungan ang mga tao sa bahay. Turuan ang estudyante kung paano makikipag-appointment para makadalaw-muli, at tulungan siyang maunawaan ang pangangailangang bumalik gaya ng ipinangako. (Mat. 5:37) Sanayin ang bagong mamamahayag na maging mabait, makonsiderasyon, at magalang habang hinahanap niya ang mga tulad-tupa at nililinang ang kanilang interes.—Tito 3:2.
-