Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Bahagi 3—Pagdaraos ng Progresibong mga Pag-aaral sa Bibliya
    Ministeryo sa Kaharian—2004 | Nobyembre
    • Bahagi 3—Pagdaraos ng Progresibong mga Pag-aaral sa Bibliya

      Mabisang Paggamit ng mga Kasulatan

      1. Bakit natin dapat idiin ang Kasulatan kapag nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya?

      1 Ang layunin natin sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya ay ang “gumawa ng mga alagad” sa pamamagitan ng pagtulong sa mga tao na maunawaan at tanggapin ang mga turo sa Salita ng Diyos at ikapit ang mga ito sa kanilang buhay. (Mat. 28:​19, 20; 1 Tes. 2:13) Kaya ang pag-aaral ay dapat isentro sa Kasulatan. Sa umpisa, makatutulong na ipakita sa mga estudyante kung paano hahanapin ang espesipikong mga teksto sa kanilang sariling kopya ng Bibliya. Gayunman, paano natin gagamitin ang Kasulatan upang tulungan silang sumulong sa espirituwal?

      2. Paano tayo magpapasiya kung aling mga teksto sa Bibliya ang babasahin at tatalakayin?

      2 Piliin ang mga Tekstong Babasahin: Sa iyong paghahanda, suriin kung paano nauugnay sa puntong tinatalakay ang bawat binanggit na kasulatan sa aralin, at piliin kung alin sa mga ito ang babasahin at tatalakayin ninyo sa panahon ng pag-aaral. Karaniwan na, makabubuting basahin ang mga teksto na nagpapakita ng maka-Kasulatang batayan ng ating mga paniniwala. Maaaring hindi na basahin ang mga tekstong nagbibigay lamang ng kaugnay na mga impormasyon. Isaalang-alang ang mga pangangailangan at kalagayan ng bawat estudyante.

      3. Ano ang kapakinabangan ng paggamit ng mga tanong, at paano natin ito magagawa?

      3 Gumamit ng mga Tanong: Sa halip na ipaliwanag sa estudyante ang mga teksto sa Bibliya, hayaang siya ang magpaliwanag ng mga ito sa iyo. Magaganyak mo siyang gawin ito sa pamamagitan ng mahusay na paggamit ng mga tanong. Kung malinaw na ang pagkakapit ng kasulatan, maaaring itanong mo na lamang kung paano sinusuhayan ng teksto ang sinasabi sa parapo. Sa iba namang kalagayan, baka kinakailangan ang mas espesipikong tanong o magkakaugnay na tanong upang akayin ang estudyante sa tamang konklusyon. Kung kailangan pa ang karagdagang paliwanag, maaari itong gawin pagkatapos sumagot ang estudyante.

      4. Gaano karaming paliwanag ang kailangan sa mga kasulatang binabasa natin?

      4 Panatilihing Simple: Kadalasan, isang palaso lamang ang kailangan ng isang bihasang mámamanà upang tamaan ang kaniyang target. Sa katulad na paraan, hindi kailangan ng isang bihasang guro ang maraming salita upang maidiin ang isang punto. Kaya niyang magtawid ng impormasyon sa simple, maliwanag, at tumpak na paraan. Paminsan-minsan, baka kailanganin mong magsaliksik sa mga publikasyong Kristiyano upang maunawaan ang isang kasulatan at maipaliwanag ito nang wasto. (2 Tim. 2:15) Subalit huwag sikaping ipaliwanag ang lahat ng aspekto ng bawat kasulatan sa panahon ng pag-aaral. Ipaliwanag lamang ang mga bagay na kailangan upang maidiin ang puntong tinatalakay.

      5, 6. Paano natin matutulungan ang mga estudyante na ikapit ang Salita ng Diyos sa kanilang buhay, subalit ano ang dapat nating iwasan?

      5 Gumawa ng Praktikal na Pagkakapit: Kung angkop, tulungan ang estudyante na makita kung paano personal na kumakapit sa kaniya ang mga teksto sa Bibliya. Halimbawa, kapag tinatalakay ang Hebreo 10:​24, 25 sa isang estudyanteng hindi pa nakadadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, maaari mong ipaliwanag ang isa sa mga pulong at anyayahan siyang dumalo rito. Subalit huwag siyang pilitin. Hayaang udyukan siya ng Salita ng Diyos na gumawa ng pagkilos na kinakailangan upang mapalugdan si Jehova.​—Heb. 4:12.

      6 Habang isinasagawa natin ang ating atas na gumawa ng mga alagad, “itaguyod [nawa natin] ang pagkamasunurin sa pamamagitan ng pananampalataya,” sa mabisang paggamit ng Kasulatan.​—Roma 16:26.

  • Kung Ano ang Sasabihin Tungkol sa mga Magasin
    Ministeryo sa Kaharian—2004 | Nobyembre
    • Kung Ano ang Sasabihin Tungkol sa mga Magasin

      Ang Bantayan Nob. 15

      “Gusto ng maraming tao ng malusog at mahabang buhay. Pero kung posible, gusto mo bang mabuhay magpakailanman? [Hayaang sumagot. Pagkatapos ay basahin ang Juan 17:3.] Tinatalakay ng magasing ito ang pangako ng Bibliya na buhay na walang hanggan. Sinusuri rin nito ang magiging buhay natin kapag natupad na ang pangakong ito.”

      Gumising! Nob. 22

      “Sa nakalipas na 20 taon, malaki na ang naging pagsulong sa kaunawaan at paggamot sa AIDS. Gayunman, maraming tao pa rin ang may mga maling akala hinggil dito. [Ipakita ang kahong “Mga Maling Akala Tungkol sa AIDS,” at hayaang magkomento.] Tinatalakay ng magasing ito kung paano maipagsasanggalang ng mga magulang ang kanilang mga anak.” Basahin ang Deuteronomio 6:​6, 7.

      Ang Bantayan Dis. 1

      “Ang isang katangiang ipinagkaiba ng tao sa hayop ay ang kakayahang makilala ang tama at mali. Nakalulungkot, maraming tao ang gumagawa ng masama. Sa palagay mo, ano kaya ang dahilan? [Hayaang sumagot. Pagkatapos ay basahin ang Jeremias 17:9 o Apocalipsis 12:9.] Tinatalakay ng magasing ito kung ano ang tutulong sa atin na alamin at gawin ang tama.”

      Gumising! Dis. 8

      “Hindi nagbago ang pangunahing pangangailangan ng tao na makipagkaibigan sa kabila ng mga pagsulong sa teknolohiya. Pero napapansin mo ba na mahirap na ngayong magkaroon ng matalik na mga kaibigan dahil sa nangyayaring mga pagbabago sa lipunan? [Hayaang sumagot. Pagkatapos ay basahin ang Kawikaan 18:24.] Tinatalakay ng magasing ito kung paano tayo magkakaroon ng tunay at namamalaging mga kaibigan.”

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share