-
Pahalagahan Nang Wasto ang Kaloob sa Iyo na BuhayAng Bantayan—2004 | Hunyo 15
-
-
Pahalagahan Nang Wasto ang Kaloob sa Iyo na Buhay
“Ang dugo ng Kristo [ang] makapaglilinis ng ating mga budhi mula sa patay na mga gawa upang makapag-ukol tayo ng sagradong paglilingkod sa Diyos na buháy.”—HEBREO 9:14.
1. Ano ang patotoo na lubos nating pinahahalagahan ang buhay?
KUNG tatanungin ka kung magkano ang halaga ng buhay mo, ano ang sasabihin mo? Lubos nating pinahahalagahan ang buhay—ang sa atin at yaong sa iba. Bilang katibayan nito, maaaring nagpupunta tayo sa manggagamot para magpatingin kapag may sakit tayo o para regular na magpasuri. Gusto nating manatiling buháy at malusog. Maging ang karamihan sa matatanda na o baldado na ay ayaw mamatay; nais nilang patuloy na mabuhay.
2, 3. (a) Itinatampok ng Kawikaan 23:22 ang anong pananagutan? (b) Paano nasasangkot ang Diyos sa pananagutang binanggit sa Kawikaan 23:22?
2 Ang antas ng iyong pagpapahalaga sa buhay ay nakaaapekto sa kaugnayan mo sa iba. Halimbawa, iniutos ng Salita ng Diyos: “Makinig ka sa iyong ama na nagpangyari ng iyong kapanganakan, at huwag mong hamakin ang iyong ina dahil lamang sa tumanda na siya.” (Kawikaan 23:22) Ang ‘pakikinig’ ay nangangahulugan nang higit pa kaysa sa basta pakinggan ang mga salita; ang kawikaang ito ay nangangahulugang makinig at pagkatapos ay sumunod. (Exodo 15:26; Deuteronomio 7:12; 13:18; 15:5; Josue 22:2; Awit 81:13) Anong dahilan ang ibinibigay ng Salita ng Diyos kung bakit dapat tayong makinig? Hindi lamang dahil mas matanda sa iyo ang iyong ama at ina o dahil mas makaranasan sila. Ang dahilan na ibinigay ay sapagkat sila ang “nagpangyari ng iyong kapanganakan.” Ganito ang pagkakasabi ng ilang salin sa talatang ito: “Makinig ka sa iyong ama na nagbigay sa ‘yo ng buhay.” Mauunawaan naman, kung pinahahalagahan mo ang iyong buhay, nakadarama ka ng obligasyon sa bukal ng buhay na iyan.
3 Sabihin pa, kung ikaw ay isang tunay na Kristiyano, kinikilala mo si Jehova bilang ang orihinal na Bukal ng iyong buhay. Sa pamamagitan niya, ikaw mismo ay “may buhay”; ‘nakakakilos’ ka, may damdamin ka; at ikaw ngayon ay “umiiral” at nakapag-iisip o nakapagpaplano para sa hinaharap, lakip na ang permanenteng buhay. (Gawa 17:28; Awit 36:9; Eclesiastes 3:11) Kasuwato ng Kawikaan 23:22, wasto lamang na “makinig” sa Diyos nang may pagkamasunurin, anupat nagnanais na maintindihan at magpaakay sa kaniyang pangmalas hinggil sa buhay sa halip na piliin ang ibang pananaw.
Igalang ang Buhay
4. Sa maagang bahagi ng kasaysayan ng tao, paano naging usapin ang paggalang sa buhay?
4 Maaga sa kasaysayan ng tao, niliwanag ni Jehova na hindi niya pinahihintulutan ang tao na gamitin (o abusuhin) ang buhay sa kung anu-anong dahilan lamang. Palibhasa’y nalipos ng pagngangalit dahil sa paninibugho, kinitil ni Cain ang isang inosenteng buhay, ang buhay ng kaniyang kapatid na si Abel. Sa palagay mo ba’y may karapatan si Cain na gawin ang gayong pagpapasiya hinggil sa buhay? Hindi gayon ang pangmalas ng Diyos. Pinapagsulit niya si Cain: “Ano ang ginawa mo? Pakinggan mo! Ang dugo ng iyong kapatid ay sumisigaw sa akin mula sa lupa.” (Genesis 4:10) Pansinin na ang dugo ni Abel sa lupa ay kumakatawan sa kaniyang buhay, na may-kalupitang kinitil nang wala sa panahon, at sumigaw ito sa Diyos para sa paghihiganti.—Hebreo 12:24.
5. (a) Anong pagbabawal ang itinakda ng Diyos noong panahon ni Noe, at kanino ito kumakapit? (b) Sa anong diwa isang mahalagang hakbang ang pagbabawal na ito?
5 Pagkatapos ng Baha, nagpasimulang muli ang sangkatauhan sa pamamagitan lamang ng walong kaluluwa. Sa isang kapahayagan na kumakapit sa lahat ng tao, isiniwalat ng Diyos ang higit pa may kaugnayan sa kung gaano kahalaga sa kaniya ang buhay at dugo. Sinabi niya na maaaring kainin ng mga tao ang laman ng mga hayop, ngunit ibinigay niya ang restriksiyong ito: “Bawat gumagalang hayop na buháy ay magiging pagkain para sa inyo. Gaya ng luntiang pananim, ibinibigay kong lahat iyon sa inyo. Tanging ang laman na kasama ang kaluluwa nito—ang dugo nito—ang huwag ninyong kakainin.” (Genesis 9:3, 4) Binigyang-kahulugan iyon ng ilang Judio na ang mga tao ay hindi dapat kumain ng laman o dugo ng isang hayop na buháy pa. Ngunit nang maglaon maliwanag na ipinakita na ang ipinagbabawal dito ng Diyos ay ang pagkain ng dugo para patuloy na mabuhay. Bukod diyan, ang utos ng Diyos sa pamamagitan ni Noe ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagsasakatuparan ng Kaniyang mataas na layunin may kaugnayan sa dugo—isang layunin na magpapahintulot sa mga tao na magtamo ng buhay na walang hanggan.
6. Sa pamamagitan ni Noe, paano idiniin ng Diyos ang Kaniyang pangmalas sa halaga ng buhay?
6 Nagpatuloy ang Diyos: “Ang inyong dugo ng inyong mga kaluluwa ay sisingilin ko. Mula sa kamay ng bawat nilalang na buháy ay sisingilin ko iyon; at mula sa kamay ng tao, mula sa kamay ng bawat isa na kaniyang kapatid, ay sisingilin ko ang kaluluwa ng tao. Sinumang magbububo ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao ay ibububo ang kaniyang sariling dugo, sapagkat ayon sa larawan ng Diyos ay ginawa niya ang tao.” (Genesis 9:5, 6) Makikita mo mula sa kapahayagang ito sa buong pamilya ng tao na minamalas ng Diyos ang dugo ng isang tao na kumakatawan sa kaniyang buhay. Ang Maylalang ang nagbibigay ng buhay sa tao, at walang sinuman ang dapat kumuha sa buhay na iyan, na kinakatawanan ng dugo. Kung may mapatay ang sinuman, gaya ni Cain, may karapatan ang Maylalang na ‘singilin’ ang buhay ng mamamatay-tao.
7. Bakit tayo dapat maging interesado sa kapahayagan ng Diyos kay Noe hinggil sa dugo?
7 Sa pamamagitan ng kaniyang kapahayagan, inutusan ng Diyos ang mga tao na huwag gamitin ang dugo sa maling paraan. Napag-isip-isip mo na ba kung bakit? Gayundin, ano kaya ang dahilan ng ganitong pangmalas ng Diyos sa dugo? Ang totoo, nauugnay ang sagot dito sa isa sa pinakamahahalagang turo sa Bibliya. Ito ay nasa pinakasentro ng mensaheng Kristiyano, bagaman pinili ng maraming relihiyon na ipagwalang-bahala ito. Ano ang turong iyan, at paano nasasangkot ang iyong buhay, mga pagpapasiya, at mga pagkilos?
Dugo—Paano ba Ito Maaaring Gamitin?
8. Sa Kautusan, anong limitasyon ang itinakda ni Jehova hinggil sa paggamit ng dugo?
8 Nagbigay si Jehova ng higit pang mga detalye hinggil sa buhay at dugo nang ibigay niya sa Israel ang kodigo ng Kautusan. Sa paggawa nito, gumawa siya ng karagdagang hakbang sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin. Malamang na alam mong ang Kautusan ay humihiling ng mga handog para sa Diyos, gaya ng butil, langis, at alak. (Levitico 2:1-4; 23:13; Bilang 15:1-5) May mga hain ding hayop. Ganito ang sabi ng Diyos may kaugnayan sa mga ito: “Ang kaluluwa ng laman ay nasa dugo, at ako mismo ang naglagay niyaon sa ibabaw ng altar upang maipambayad-sala ninyo para sa inyong mga kaluluwa, sapagkat ang dugo ang nagbabayad-sala dahil sa kaluluwa na naroroon. Iyan ang dahilan kung bakit ko sinabi sa mga anak ni Israel: ‘Walang kaluluwa sa inyo ang kakain ng dugo.’ ” Idinagdag pa ni Jehova na kung sinuman, gaya ng isang mangangaso o isang magsasaka, ang magkatay ng hayop upang kainin ito, kailangan niyang patuluin ang dugo at tabunan ito ng alabok. Ang lupa ang tuntungan ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagbubuhos ng dugo sa lupa, kinikilala ng indibiduwal na ang buhay ay ibinabalik sa Tagapagbigay-Buhay.—Levitico 17:11-13; Isaias 66:1.
9. Ano ang tanging gamit ng dugo na binabanggit sa Kautusan, at ano ang layunin nito?
9 Ang kautusang iyan ay hindi basta isang relihiyosong ritwal na walang kahalagahan sa atin. Napansin mo ba kung bakit hindi dapat kumain ng dugo ang mga Israelita? Sinabi ng Diyos: “Iyan ang dahilan kung bakit ko sinabi sa mga anak ni Israel: ‘Walang kaluluwa sa inyo ang kakain ng dugo.’ ” Ano ang dahilan? “Ako mismo ang naglagay [ng dugo] sa ibabaw ng altar upang maipambayad-sala ninyo para sa inyong mga kaluluwa.” Nakikita mo bang nagbibigay ito ng kaunawaan kung bakit sinabi ng Diyos kay Noe na hindi dapat kumain ng dugo ang mga tao? Ang Maylalang ang nagpasiyang malasin ang dugo nang may nakahihigit na halaga, anupat inilalaan ito sa isang pantanging gamit na makapagliligtas ng maraming buhay. Gaganap ito ng isang mahalagang papel sa pagtatakip ng mga kasalanan (pagbabayad-sala). Kaya sa ilalim ng Kautusan, ang tanging ipinahintulot ng Diyos na gamit ng dugo ay sa altar upang gumawa ng pagbabayad-sala para sa buhay ng mga Israelita, na naghahangad ng kapatawaran ni Jehova.
10. Bakit hindi makapagdudulot ng lubusang kapatawaran ang dugo ng mga hayop, ngunit ano ang ipinaaalaala ng mga hain sa ilalim ng Kautusan?
10 Ang konseptong ito ay pamilyar sa Kristiyanismo. Sa pagtukoy sa bahaging ito ng Kautusan na isinaayos ng Diyos, ganito ang isinulat ng Kristiyanong apostol na si Pablo: “Halos lahat ng bagay ay nililinis ng dugo ayon sa Kautusan, at malibang magbuhos ng dugo ay walang kapatawarang magaganap.” (Hebreo 9:22) Niliwanag ni Pablo na hindi naging sakdal at walang-kasalanang mga tao ang mga Israelita dahil sa hinihiling na mga hain. Sumulat siya: “Sa pamamagitan ng mga haing ito ay may pagpapaalaala ng mga kasalanan taun-taon, sapagkat ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay hindi maaaring mag-alis ng mga kasalanan.” (Hebreo 10:1-4) Gayunpaman, may pakinabang ang gayong mga hain. Ipinaaalaala ng mga ito sa mga Israelita na sila’y makasalanan at nangangailangan nang higit pa upang matamo ang ganap na kapatawaran. Ngunit kung ang dugo na kumakatawan sa buhay ng mga hayop ay hindi lubusang makapagtatakip sa mga kasalanan ng mga tao, mayroon bang anumang dugo na makagagawa nito?
Ang Solusyon ng Tagapagbigay-Buhay
11. Paano natin nalalaman na ang mga paghahain ng dugo ng mga hayop ay umaakay ng pansin sa isang bagay?
11 Ang Kautusan sa katunayan ay umaakay ng pansin sa isang bagay na di-hamak na mas mabisa sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos. Nagtanong si Pablo: “Bakit, kung gayon, ang Kautusan?” Sumagot siya: “Ito ay idinagdag upang mahayag ang mga pagsalansang, hanggang sa dumating ang binhi na siyang pinangakuan; at ito ay inihatid ng mga anghel sa pamamagitan ng kamay ng isang tagapamagitan [si Moises].” (Galacia 3:19) Sa katulad na paraan, sumulat si Pablo: “Ang Kautusan ay may anino ng mabubuting bagay na darating, ngunit hindi ang mismong kabuuan ng mga bagay.”—Hebreo 10:1.
12. May kinalaman sa dugo, paano natin makikita ang pagsisiwalat sa layunin ng Diyos?
12 Bilang sumaryo, tandaan na noong panahon ni Noe ay iniutos ng Diyos na maaaring kumain ng karne ng hayop ang mga tao upang mabuhay, ngunit hindi sila maaaring kumain ng dugo. Nang maglaon, sinabi ng Diyos na “ang kaluluwa ng laman ay nasa dugo.” Oo, pinili niyang malasin ang dugo bilang kumakatawan sa buhay at sinabi: “Ako mismo ang naglagay [ng dugo] sa ibabaw ng altar upang maipambayad-sala ninyo para sa inyong mga kaluluwa.” Gayunman, magkakaroon ng karagdagang kamangha-manghang pagsisiwalat sa layunin ng Diyos. Inilarawan ng Kautusan ang mabubuting bagay na darating. Ano iyon?
13. Bakit mahalaga ang kamatayan ni Jesus?
13 Ang katunayan ay nakasentro sa kamatayan ni Jesu-Kristo. Alam mong si Jesus ay pinahirapan at ibinayubay. Namatay siyang gaya ng isang kriminal. Sumulat si Pablo: “Si Kristo, samantalang tayo ay mahina pa, ay namatay para sa mga taong di-makadiyos sa takdang panahon. . . . Inirerekomenda ng Diyos sa atin ang kaniyang sariling pag-ibig anupat, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.” (Roma 5:6, 8) Sa pamamagitan ng kamatayan niya alang-alang sa atin, naglaan si Kristo ng isang pantubos na magtatakip sa ating mga kasalanan. Ang pantubos na iyan ay nasa sentro ng mensaheng Kristiyano. (Mateo 20:28; Juan 3:16; 1 Corinto 15:3; 1 Timoteo 2:6) Ano ang kinalaman nito sa dugo at buhay, at paano nasasangkot ang iyong buhay?
14, 15. (a) Paano idiniriin ng ilang salin ng Efeso 1:7 ang kamatayan ni Jesus? (b) Anong katotohanan hinggil sa Efeso 1:7 ang maaaring hindi mapansin?
14 Idiniriin ng ilang relihiyon ang kamatayan ni Jesus, anupat sinasabi ng kanilang mga tagasunod ang mga bagay na gaya ng “namatay si Jesus alang-alang sa akin.” Pansinin ang pagkakasabi ng ilang salin ng Bibliya sa Efeso 1:7: “Dahil sa kaniya at sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan nagkaroon tayo ng katubusan, alalaong baga, ang pag-aalis ng ating mga sala.” (The American Bible, ni Frank Scheil Ballentine, 1902) “Sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo ay napalaya tayo, at napatawad ang ating mga kasalanan.” (Today’s English Version, 1966) “Dahil kay at sa pamamagitan ni Kristo at sa paghahain ng kaniyang buhay kung kaya’t napalaya tayo, isang pagpapalaya na nangangahulugan ng kapatawaran sa ating mga kasalanan.” (The New Testament, ni William Barclay, 1969) “Sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo napatawad ang ating mga kasalanan at napalaya tayo.” (The Translator’s New Testament, 1973) Makikita mo sa mga salin na ito ang pagdiriin sa kamatayan ni Jesus. ‘Pero,’ maaaring sabihin ng ilan, ‘talaga namang mahalaga ang kamatayan ni Jesus. Kaya, ano ba ang kulang sa mga salin na ito?’
15 Ang totoo, kung aasa ka lamang sa gayong mga salin, baka hindi mo mapansin ang isang napakahalagang punto, at maaaring limitahan nito ang iyong pagkaunawa sa mensahe ng Bibliya. Naililingid ng gayong mga salin ang katotohanan na ang orihinal na teksto ng Efeso 1:7 ay naglalaman ng salitang Griego na nangangahulugang “dugo.” Kaya naman, maraming Bibliya, gaya ng Bagong Sanlibutang Salin, ang mas tumpak ang pagkakasalin sa orihinal na teksto: “Sa pamamagitan niya ay taglay natin ang paglaya sa pamamagitan ng pantubos dahil sa dugo ng isang iyon, oo, ang kapatawaran ng ating mga pagkakamali, ayon sa kayamanan ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan.”
16. Ang salin na “sa dugo ng isang iyon” ay dapat magpaalaala sa atin ng ano?
16 Ang salin na “sa dugo ng isang iyon” ay punô ng kahulugan at dapat magpaalaala sa atin ng maraming bagay hinggil sa dugo. Higit pa ang kailangan kaysa sa kamatayan ng isa, maging ng kamatayan ng sakdal na taong si Jesus. Tinupad niya ang inilalarawan sa Kautusan, partikular na sa Araw ng Pagbabayad-Sala. Sa pantanging araw na iyon, inihahain ang mga hayop na itinakda ng Kautusan. Pagkatapos, nagdadala ang mataas na saserdote ng dugo ng mga ito sa Kabanal-banalang silid ng tabernakulo o templo, at doon ay inihaharap ito sa Diyos, na para bang ang mataas na saserdote ay nasa kaniyang presensiya mismo.—Exodo 25:22; Levitico 16:2-19.
17. Paano tinupad ni Jesus ang inilalarawan ng Araw ng Pagbabayad-Sala?
17 Tinupad ni Jesus ang inilalarawan ng Araw ng Pagbabayad-Sala, gaya ng ipinaliwanag ni Pablo. Una, binanggit niya na ang mataas na saserdote sa Israel ay pumapasok sa Kabanal-banalan minsan sa isang taon dala ang dugong inihandog “para sa kaniyang sarili at para sa mga kasalanang di-namamalayan ng bayan.” (Hebreo 9:6, 7) Kasuwato ng parisang iyan, matapos ibangon bilang isang espiritu, nagtungo si Jesus sa langit mismo. Bilang espiritu, na walang katawang laman at dugo, maaari siyang humarap sa “mismong persona ng Diyos para sa atin.” Ano ang iniharap niya sa Diyos? Hindi isang bagay na pisikal kundi isang bagay na napakahalaga. Nagpatuloy si Pablo: “Nang si Kristo ay dumating bilang isang mataas na saserdote . . . , siya ay pumasok, hindi, hindi taglay ang dugo ng mga kambing at ng mga guyang toro, kundi taglay ang sarili niyang dugo, nang minsanan sa dakong banal at nagtamo ng walang-hanggang katubusan para sa atin. Sapagkat kung ang dugo ng mga kambing at ng mga toro . . . ay nakapagpapabanal hanggang sa ikalilinis ng laman, gaano pa ngang higit na ang dugo ng Kristo, na sa pamamagitan ng walang-hanggang espiritu ay naghandog ng kaniyang sarili nang walang dungis sa Diyos, ay makapaglilinis ng ating mga budhi mula sa patay na mga gawa upang makapag-ukol tayo ng sagradong paglilingkod sa Diyos na buháy?” Oo, iniharap ni Jesus sa Diyos ang halaga ng kaniyang dugo.—Hebreo 9:11-14, 24, 28; 10:11-14; 1 Pedro 3:18.
18. Bakit dapat maging mahalaga sa mga Kristiyano sa ngayon ang mga pananalita ng Bibliya hinggil sa dugo?
18 Ang katotohanang ito mula sa Diyos ay nagpapahintulot sa atin na maunawaan ang lahat ng kamangha-manghang aspekto ng sinasabi ng Bibliya hinggil sa dugo—kung bakit gayon ang pangmalas ng Diyos dito, kung ano ang dapat na maging pangmalas natin dito, at kung bakit dapat nating igalang ang mga restriksiyong itinakda ng Diyos hinggil sa paggamit ng dugo. Kapag binabasa ang mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, masusumpungan mo ang maraming pagtukoy sa dugo ng Kristo. (Tingnan ang kahon.) Maliwanag na ipinakikita nito na ang bawat Kristiyano ay dapat manampalataya “sa kaniyang [ni Jesus] dugo.” (Roma 3:25) Ang pagtatamo natin ng kapatawaran at pagkakaroon ng kapayapaan sa Diyos ay posible lamang “sa pamamagitan ng dugo na kaniyang [ni Jesus] itinigis.” (Colosas 1:20) Totoong-totoo ito sa mga indibiduwal na sa kanila’y pantanging nakipagtipan si Jesus na mamahalang kasama niya sa langit. (Lucas 22:20, 28-30; 1 Corinto 11:25; Hebreo 13:20) Totoo rin ito sa “malaking pulutong” sa ngayon, na makaliligtas sa dumarating na “malaking kapighatian” at magtatamasa ng buhay na walang hanggan sa isang makalupang paraiso. Sa makasagisag na paraan, ‘nilabhan nila ang kanilang mahahabang damit sa dugo ng Kordero.’—Apocalipsis 7:9, 14.
19, 20. (a) Bakit ipinasiya ng Diyos na limitahan ang paggamit ng dugo, at ano ang dapat nating madama hinggil diyan? (b) Dapat maging interesado tayong malaman ang ano?
19 Maliwanag, ang dugo ay may pantanging kahulugan sa paningin ng Diyos. Dapat na maging gayon din sa atin. Ang Maylalang, na may malasakit sa buhay, ay may karapatang limitahan ang ginagawa ng mga tao sa dugo. Dahil sa matinding malasakit niya maging sa ating buhay, ipinasiya niyang ilaan ang dugo para gamitin sa isang napakaimportanteng paraan, ang tanging paraan upang maging posible ang buhay na walang hanggan. Kalakip sa paraang iyan ang mahalagang dugo ni Jesus. Kaylaking pasasalamat natin na kumilos ang Diyos na Jehova para sa ating kabutihan sa pamamagitan ng paggamit sa dugo—ang dugo ni Jesus—sa ganitong nagliligtas-buhay na paraan! At laking pasasalamat nga natin kay Jesus sa pagbubuhos niya ng kaniyang dugo bilang hain alang-alang sa atin! Tunay nga, mauunawaan natin ang damdaming ipinahayag ni apostol Juan: “Sa kaniya na umiibig sa atin at nagkalag sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo—at ginawa niya tayong isang kaharian, mga saserdote sa kaniyang Diyos at Ama—oo, sumakaniya nawa ang kaluwalhatian at ang kalakasan magpakailanman. Amen.”—Apocalipsis 1:5, 6.
20 Matagal nang nasa isipan ng ating pinakamarunong-sa-lahat na Diyos at Tagapagbigay-Buhay ang nagliligtas-buhay na papel na ito. Kung gayon, maaari nating itanong, ‘Ano ang dapat na maging epekto nito sa ating mga pagpapasiya at mga pagkilos?’ Tatalakayin ng susunod na artikulo ang tanong na ito.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang matututuhan natin hinggil sa pangmalas ng Diyos sa dugo mula sa mga ulat tungkol kay Abel at Noe?
• Sa Kautusan, anong limitasyon ang itinakda ng Diyos sa paggamit ng dugo, at bakit?
• Paano tinupad ni Jesus ang inilalarawan ng Araw ng Pagbabayad-Sala?
• Paano maililigtas ng dugo ni Jesus ang ating buhay?
-
-
Magpaakay sa Diyos na BuháyAng Bantayan—2004 | Hunyo 15
-
-
Magpaakay sa Diyos na Buháy
“Bumaling kayo . . . sa Diyos na buháy, na siyang gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng lahat ng bagay na nasa mga iyon.”—GAWA 14:15.
1, 2. Bakit angkop lamang na kilalanin si Jehova bilang ang “Diyos na buháy”?
PAGKATAPOS pagalingin ni apostol Pablo at ni Bernabe ang isang lalaki, tiniyak ni Pablo sa mga nagmamasid sa Listra: “Kami rin ay mga tao na may mga kahinaang katulad ng sa inyo, at nagpapahayag sa inyo ng mabuting balita, upang bumaling kayo mula sa walang-kabuluhang mga bagay na ito tungo sa Diyos na buháy, na siyang gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng lahat ng bagay na nasa mga iyon.”—Gawa 14:15.
2 Tunay na tunay ngang si Jehova ay, hindi isang walang-buhay na idolo, kundi ang “Diyos na buháy”! (Jeremias 10:10; 1 Tesalonica 1:9, 10) Bukod sa siya ay buháy, si Jehova ang Bukal ng ating buhay. “Siya mismo ang nagbibigay sa lahat ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay.” (Gawa 17:25) Interesado siya sa pagtatamasa natin ng buhay, sa kasalukuyan at sa hinaharap. Idinagdag pa ni Pablo na ‘hindi pinabayaan ng Diyos na wala siyang patotoo sapagkat gumawa siya ng mabuti, na binibigyan kayo ng mga ulan mula sa langit at mabubungang kapanahunan, na lubusang pinupuno ang inyong mga puso ng pagkain at pagkagalak.’—Gawa 14:17.
3. Bakit tayo makapagtitiwala sa patnubay na inilalaan ng Diyos?
3 Ang interes ng Diyos sa ating buhay ay nagbibigay ng dahilan upang magtiwala tayo sa kaniyang patnubay. (Awit 147:8; Mateo 5:45) Maaaring iba ang reaksiyon ng ilan kapag nakasusumpong sila ng tagubilin sa Bibliya na hindi nila nauunawaan o na sa wari ay mahigpit. Gayunman, ang pagtitiwala sa patnubay ni Jehova ay napatunayang isang katalinuhan. Upang ilarawan: Kahit hindi nauunawaan ng isang Israelita ang kautusan laban sa paghipo sa isang bangkay, nakikinabang siya sa pagsunod dito. Una, ang kaniyang pagsunod ay maglalapít sa kaniya sa Diyos na buháy; ikalawa, tutulong ito sa kaniya na makaiwas sa mga sakit.—Levitico 5:2; 11:24.
4, 5. (a) Bago ang panahong Kristiyano, anong patnubay hinggil sa dugo ang ibinigay ni Jehova? (b) Paano natin nalaman na ang patnubay ng Diyos hinggil sa dugo ay nagsasangkot sa mga Kristiyano?
4 Katulad din ito ng patnubay ng Diyos hinggil sa dugo. Sinabi niya kay Noe na hindi dapat kumain ng dugo ang mga tao. Pagkatapos sa Kautusan, isiniwalat ng Diyos na ang tanging sinasang-ayunang paggamit ng dugo ay sa altar—para sa kapatawaran ng kasalanan. Sa pamamagitan ng mga tagubiling iyon, inilalatag ng Diyos ang pundasyon para sa sukdulang paggamit ng dugo—ang pagliligtas ng buhay sa pamamagitan ng pantubos ni Jesus. (Hebreo 9:14) Oo, ang patnubay ng Diyos ay nagpapakita ng kaniyang pagmamalasakit sa ating buhay at kapakanan. Sa pagtalakay sa Genesis 9:4, ganito ang isinulat ng iskolar sa Bibliya noong ika-19 na siglo na si Adam Clarke: “Ang utos na ito [kay Noe] ay maingat pa ring sinusunod ng mga Kristiyano sa silangan . . . Ipinagbabawal ang pagkain ng dugo sa ilalim ng kautusan, sapagkat umaakay ito ng pansin sa dugo na ititigis para sa kasalanan ng sanlibutan; at sa ilalim ng Ebanghelyo hindi ito dapat kainin, sapagkat dapat na ito ay laging ituring na kumakatawan sa dugo na itinigis para sa kapatawaran ng mga kasalanan.”
5 Maaaring tinutukoy ng iskolar na ito ang saligang ebanghelyo, o mabuting balita, na nakasentro kay Jesus. Kalakip diyan ang pagsusugo ng Diyos sa kaniyang Anak upang mamatay para sa atin, upang ibuhos ang kaniyang dugo para magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. (Mateo 20:28; Juan 3:16; Roma 5:8, 9) Sinasaklaw rin ng komentong iyon ang utos nang maglaon sa mga tagasunod ni Kristo na umiwas sa dugo.
6. Anong mga tagubilin hinggil sa dugo ang ibinigay sa mga Kristiyano, at bakit?
6 Alam mo na nagbigay ang Diyos sa mga Israelita ng daan-daang tuntunin. Nang mamatay si Jesus, hindi na kinakailangang sundin ng kaniyang mga alagad ang lahat ng mga kautusang iyon. (Roma 7:4, 6; Colosas 2:13, 14, 17; Hebreo 8:6, 13) Gayunman, nang maglaon isang katanungan ang bumangon hinggil sa isang mahalagang pananagutan—ang pagpapatuli ng mga lalaki. Ang mga di-Judio ba na nagnanais makinabang sa dugo ni Kristo ay kailangan pang magpatuli, anupat ipinakikita na nasa ilalim pa rin sila ng Kautusan? Noong 49 C.E., inasikaso ng Kristiyanong lupong tagapamahala ang usaping iyan. (Gawa, kabanata 15) Sa tulong ng espiritu ng Diyos, ipinasiya ng mga apostol at matatandang lalaki na ang kahilingang magpatuli ay nagwakas kasama ng Kautusan. Gayunman, nananatili pa rin ang ilang kahilingan ng Diyos para sa mga Kristiyano. Sa isang liham para sa mga kongregasyon, sumulat ang lupong tagapamahala: “Minagaling ng banal na espiritu at namin mismo na huwag nang magdagdag ng higit pang pasanin sa inyo, maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan, na patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo at sa dugo at sa mga bagay na binigti at sa pakikiapid. Kung pakaiingatan ninyo ang inyong sarili sa mga bagay na ito, kayo ay uunlad.”—Gawa 15:28, 29.
7. Gaano kahalaga para sa mga Kristiyano na ‘umiwas sa dugo’?
7 Maliwanag, itinuring ng lupong tagapamahala ang ‘pag-iwas sa dugo’ na napakahalaga sa moral gaya ng pag-iwas sa seksuwal na imoralidad o pagsamba sa mga idolo. Pinatutunayan nito na seryoso ang pagbabawal hinggil sa dugo. Ang mga Kristiyano na walang-pagsisising gumagawa ng idolatriya o seksuwal na imoralidad ay hindi “magmamana ng kaharian ng Diyos”; “ang kanilang magiging bahagi ay sa . . . ikalawang kamatayan.” (1 Corinto 6:9, 10; Apocalipsis 21:8; 22:15) Pansinin ang pagkakaiba: Ang pagwawalang-bahala sa patnubay ng Diyos may kaugnayan sa kabanalan ng dugo ay maaaring magdulot ng walang hanggang kamatayan. Ang paggalang naman sa hain ni Jesus ay maaaring umakay tungo sa buhay na walang hanggan.
8. Ano ang nagpapakita na dinibdib ng sinaunang mga Kristiyano ang patnubay ng Diyos hinggil sa dugo?
8 Paano inunawa at sinunod ng sinaunang mga Kristiyano ang patnubay ng Diyos hinggil sa dugo? Alalahanin ang komento ni Clarke: “Sa ilalim ng Ebanghelyo hindi ito dapat kainin, sapagkat dapat na ito ay laging ituring na kumakatawan sa dugo na itinigis para sa kapatawaran ng mga kasalanan.” Pinatutunayan ng kasaysayan na dinibdib ng sinaunang mga Kristiyano ang bagay na ito. Sumulat si Tertullian: “Pansinin yaong mga totoong uhaw na uhaw, sa isang dulaan sa arena, na kumukuha ng sariwang dugo ng balakyot na mga kriminal . . . at dinadala nila ito upang ipanggamot sa kanilang epilepsi.” Kabaligtaran ng mga paganong kumakain ng dugo, sinabi ni Tertullian na ang mga Kristiyano ay “wala man lamang dugo ng mga hayop sa [kanilang] mga pagkain . . . Sa mga paglilitis sa mga Kristiyano ay binibigyan ninyo sila ng mga longganisang punô ng dugo. Siyempre pa, kumbinsido kayo na di-matuwid [ito] sa kanila.” Oo, kahit pinagbabantaan ng kamatayan, hindi kakain ng dugo ang mga Kristiyano. Ganiyan kahalaga sa kanila ang patnubay ng Diyos.
9. Ano ang kasali sa pag-iwas sa dugo bukod sa di-pagkain ng mismong dugo?
9 Maaaring isipin ng ilan na ang ibig lamang sabihin ng lupong tagapamahala na ang mga Kristiyano ay hindi dapat kumain o uminom ng mismong dugo ni kumain ng karneng di-napatulo ang dugo o ng pagkaing may halong dugo. Totoo, iyon ang unang kahulugan ng utos ng Diyos kay Noe. At sinabi naman talaga sa utos ng mga apostol sa mga Kristiyano na ‘ingatan ang kanilang sarili sa mga bagay na binigti,’ karneng di-napatulo ang dugo. (Genesis 9:3, 4; Gawa 21:25) Subalit alam ng sinaunang mga Kristiyano na higit pa ang nasasangkot. Ginagamit kung minsan ang dugo para sa medikal na mga kadahilanan. Binanggit ni Tertullian na sa pagsisikap na gamutin ang epilepsi, kumakain ang ilang pagano ng sariwang dugo. At maaaring may iba pang mga gamit ang dugo upang gamutin ang sakit o diumano’y bumuti ang kalusugan. Kaya naman, para sa mga Kristiyano, kasali sa pag-iwas sa dugo ang hindi paggamit nito para sa “medikal” na mga kadahilanan. Pinanghahawakan nila ang paninindigang iyan kahit manganib ang kanilang buhay dahil dito.
Ang Dugo Bilang Gamot
10. Ano ang ilang paraan kung saan ginagamit ang dugo sa paggagamot, na nagbabangon ng anong tanong?
10 Karaniwan na ngayon ang paggamit ng dugo para sa paggagamot. Ang sinaunang mga pagsasalin ay ginagamitan ng purong dugo—kinuha mula sa nagbigay nito, inimbak, at ibinibigay sa pasyente, marahil sa isang nasugatan sa labanan. Nang maglaon, natutuhan ng mga mananaliksik na paghiwa-hiwalayin ang dugo sa pangunahing mga sangkap nito. Sa pamamagitan ng pagsasalin lamang ng isang sangkap, maaaring hati-hatiin ng mga manggagamot ang iniabuloy na dugo para sa mas maraming pasyente, marahil ay plasma sa isang napinsalang lalaki at mga pulang selula naman sa iba. Ipinakikita ng patuloy na pagsasaliksik na ang isang sangkap, gaya ng plasma ng dugo, ay maaaring iproseso upang makakuha ng maraming maliliit na bahagi ng sangkap, na maaaring ibigay sa mas marami pang pasyente. Ang mga pagsisikap na makakuha ng mas marami pang maliliit na bahagi ng sangkap ng dugo ay nagpapatuloy, at iniuulat ang bagong mga gamit ng maliliit na bahagi ng sangkap ng dugo. Paano kaya dapat tumugon ang isang Kristiyano? Matatag ang kaniyang pasiya na hinding-hindi siya magpapasalin ng dugo, ngunit hinihimok siya ng kaniyang manggagamot na tanggapin ang isang pangunahing sangkap, na marahil ay purong pulang selula (packed red cells). O maaaring kalakip sa terapi ang paggamit ng katiting lamang ng isang maliit na bahagi na kinuha mula sa isang sangkap ng dugo. Paano makapagpapasiya ang isang lingkod ng Diyos sa gayong mga tanong, anupat isinasaisip na ang dugo ay banal at na ang dugo ni Kristo ay nagliligtas-buhay na siyang pinakadakilang diwa nito?
11. Anong paninindigan na tumpak sa medikal na paraan hinggil sa dugo ang matagal nang pinanghahawakan ng mga Saksi?
11 Maraming dekada na ang nakalilipas nang niliwanag ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang paninindigan. Halimbawa, nagbigay sila ng isang artikulo sa The Journal of the American Medical Association (Nobyembre 27, 1981; muling inilimbag sa Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay? pahina 27-9).a Ang artikulong iyan ay sumipi mula sa Genesis, Levitico, at Gawa. Sinasabi nito: ‘Bagaman ang mga talatang ito ay hindi isinasaad sa mga terminong medikal, para sa mga Saksi ni Jehova ito ay nagbabawal sa pagsasalin ng purong dugo, purong pulang selula ng dugo, plasma, at pati na ng mga puting selula ng dugo at platelet.’ Ang aklat-aralin noong 2001 na Emergency Care, sa ilalim ng “Komposisyon ng Dugo,” ay nagsabi: “Ang dugo ay binubuo ng ilang sangkap: plasma, mga pula at puting selula ng dugo, at mga platelet.” Kaya naman, kasuwato ng medikal na mga katotohanan, tinatanggihan ng mga Saksi ang pagsasalin ng purong dugo o anuman sa apat na pangunahing mga sangkap nito.
12. (a) Anong paninindigan ang iniharap may kaugnayan sa maliliit na bahagi ng sangkap na kinuha mula sa pangunahing mga sangkap ng dugo? (b) Saan masusumpungan ang karagdagang impormasyon tungkol dito?
12 Nagpatuloy ang artikulong ito sa medisina: ‘Ang relihiyosong pang-unawa ng mga Saksi ay hindi tahasang nagbabawal sa paggamit ng [maliliit na bahagi ng sangkap ng dugo] na gaya ng albumin, immune globulin, at hemophiliac preparation; bawat Saksi ay dapat magpasiya kung tatanggapin niya ang mga ito.’ Mula noong 1981, maraming maliliit na bahagi ng sangkap ng dugo (naihiwalay na maliliit na bahagi na kinuha mula sa isa sa apat na pangunahing sangkap) ang naibukod para magamit. Alinsunod dito, naglaan Ang Bantayan ng Hunyo 15, 2000, ng nakatutulong na impormasyon tungkol sa paksang ito sa artikulong “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa.” Para sa kapakinabangan ng milyun-milyong mambabasa sa ngayon, ang sagot ay muling inilimbag sa pahina 29-31 ng magasing ito. Naglalaan ito ng mga detalye at pangangatuwiran, pero makikita mo na ang sinasabi nito ay kasuwato ng mahahalagang ideya na iniharap noong 1981.
Ang Papel ng Iyong Budhi
13, 14. (a) Ano ang budhi, at paano ito nasasangkot sa mga bagay na may kaugnayan sa dugo? (b) Anong patnubay hinggil sa pagkain ng karne ang inilaan ng Diyos para sa Israel, ngunit anong mga tanong ang maaaring bumangon noon?
13 Ang gayong impormasyon ay humihiling ng paggamit ng budhi sa pagpapasiya. Bakit? Sumasang-ayon ang mga Kristiyano sa pangangailangang sundin ang patnubay ng Diyos, gayunman sa ilang situwasyon, dapat gumawa ng personal na mga pagpapasiya, at nasasangkot dito ang budhi. Ang budhi ang likas na kakayahang magsuri at magpasiya sa mga bagay-bagay, na kadalasa’y mga usapin sa moral. (Roma 2:14, 15) Gayunman, alam mo na nagkakaiba-iba ang mga budhi.b Binabanggit ng Bibliya na ang ilan ay may “budhi na mahina,” na nagpapahiwatig na ang budhi ng iba ay malakas. (1 Corinto 8:12) Nagkakaiba-iba ang mga Kristiyano sa antas ng kanilang pagsulong sa pagkatuto sa sinasabi ng Diyos, sa pagiging sensitibo sa kaniyang iniisip, at sa pagkakapit ng mga ito sa kanilang mga pagpapasiya. Mailalarawan natin ito sa kaso ng mga Judio at sa pagkain ng karne.
14 Maliwanag sa Bibliya na ang isang taong masunurin sa Diyos ay hindi kakain ng karneng di-napatulo ang dugo. Napakahalaga niyan anupat maging sa panahon ng kagipitan, nang kumain ang mga sundalong Israelita ng karneng di-napatulo ang dugo, nakagawa sila ng malubhang pagkakamali, o kasalanan. (Deuteronomio 12:15, 16; 1 Samuel 14:31-35) Gayunpaman, maaaring bumangon ang mga katanungan noon. Kapag kinatay ng isang Israelita ang isang tupa, gaano kabilis niya dapat patuluin ang dugo nito? Kailangan ba niyang gilitan ang leeg ng hayop para doon tumulo ang dugo? Kailangan bang ibitin ang tupa sa pamamagitan ng mga paa nito sa likod? Gaano katagal? Ano naman ang gagawin niya sa isang malaking baka? Kahit napatulo na ang dugo, maaaring may maiwan pa ring dugo sa karne. Maaari ba niyang kainin ang gayong karne? Sino ang magpapasiya?
15. Paano tumugon ang ilang Judio may kaugnayan sa pagkain ng karne, ngunit ano ang iniutos ng Diyos?
15 Gunigunihin ang isang masigasig na Judio na napapaharap sa gayong mga usapin. Maaaring naisip niya na para talaga makatiyak, iiwasan niya ang karneng ipinagbibili sa pamilihan ng karne, kung paanong iniiwasan ng ibang Judio ang karne kung may posibilidad na ito ay inihandog sa isang idolo. Ang ibang Judio naman ay maaaring kumakain ng karne tangi lamang pagkatapos sundin ang mga ritwal upang alisin ang dugo.c (Mateo 23:23, 24) Ano ang masasabi mo sa gayong iba’t ibang mga reaksiyon? Karagdagan pa, yamang hindi hiniling ng Diyos ang gayong mga pagkilos, hindi kaya makabubuti para sa mga Judio na magpadala ng maraming tanong sa isang konsilyo ng mga rabbi para makakuha ng pasiya sa bawat isa sa mga ito? Bagaman nagkaroon ng gayong kaugalian sa Judaismo, nakatutuwang malaman na hindi inutusan ni Jehova ang kaniyang tunay na mga mananamba na maghanap ng mga pagpapasiya hinggil sa dugo sa gayong paraan. Nagbigay ang Diyos ng saligang patnubay sa pagkatay ng malinis na mga hayop at sa pagpapatulo ng dugo ng mga ito, pero hindi na siya nagbigay ng karagdagang detalye.—Juan 8:32.
16. Bakit maaaring may magkakaibang pangmalas ang mga Kristiyano hinggil sa pagtanggap ng isang iniksiyon ng maliit na bahagi na nagmula sa isang sangkap ng dugo?
16 Gaya ng binabanggit sa parapo 11 at 12, hindi tumatanggap ang mga Saksi ni Jehova ng pagsasalin ng purong dugo o ng apat na pangunahing sangkap nito—plasma, mga pulang selula, mga puting selula, at mga platelet. Kumusta naman ang maliliit na bahagi na kinuha sa isang pangunahing sangkap ng dugo, gaya ng mga serum na naglalaman ng mga antibody na panlaban sa isang sakit o pangontra sa kamandag ng ahas? (Tingnan ang pahina 30, parapo 4.) Iniisip ng ilan na ang gayong maliliit na bahagi ng sangkap ng dugo ay, sa diwa, hindi na dugo at sa gayo’y hindi na saklaw ng utos na ‘umiwas sa dugo.’ (Gawa 15:29; 21:25; pahina 31, parapo 1) Pananagutan nila iyan. Ang budhi naman ng iba ay nagpapakilos sa kanila na tanggihan ang lahat ng bagay na kinuha sa dugo (hayop o tao), kahit ang napakaliit na bahagi ng isa lamang pangunahing sangkap ng dugo.d Ang iba pa ay maaaring tumatanggap ng mga iniksiyon ng protina ng plasma na panlaban sa sakit o pangontra sa kamandag ng ahas, subalit maaari namang tinatanggihan nila ang ibang maliliit na bahagi ng sangkap ng dugo. Bukod diyan, ang tungkuling ginagampanan ng ilang produkto na kinuha sa isa sa apat na pangunahing sangkap ng dugo ay maaaring halos kaparehong-kapareho ng tungkulin ng buong sangkap na pinagkunan nito at gumaganap ng tumutustos-buhay na papel sa katawan anupat ituturing ito ng karamihan sa mga Kristiyano na di-katanggap-tanggap.
17. (a) Paano makatutulong ang ating budhi kapag napapaharap tayo sa mga katanungan hinggil sa maliliit na bahagi ng sangkap ng dugo? (b) Bakit napakaseryoso ang mga pagpapasiya hinggil sa bagay na ito?
17 Nakatutulong ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa budhi kapag gumagawa tayo ng gayong mga pagpapasiya. Ang unang hakbang ay alamin ang sinasabi ng Salita ng Diyos at sikaping hubugin ang iyong budhi alinsunod dito. Iyan ang magsasangkap sa iyo na magpasiya kasuwato ng patnubay ng Diyos sa halip na hilingin ang iba na magpasiya para sa iyo. (Awit 25:4, 5) May kaugnayan sa pagtanggap ng maliliit na bahagi ng sangkap ng dugo, naiisip ng ilan, ‘Depende ito sa budhi, kaya hindi na ito mahalaga.’ Maling pangangatuwiran iyan. Ang katotohanang depende sa budhi ang isang bagay ay hindi nangangahulugang hindi na ito mahalaga. Maaari itong maging napakaseryoso. Ang isang dahilan ay maaari itong makaapekto sa mga indibiduwal na naiiba ang budhi kaysa sa atin. Makikita natin iyan sa payo ni Pablo tungkol sa karne na maaaring inihandog sa isang idolo at nang dakong huli ay ipinagbili sa pamilihan. Dapat mabahala ang isang Kristiyano na hindi niya ‘masugatan ang mga budhing mahina.’ Kung matisod niya ang iba, maaari niyang ‘maipahamak ang kaniyang kapatid na alang-alang dito ay namatay si Kristo’ at magkasala laban kay Kristo. Kaya naman, bagaman ang mga usapin hinggil sa napakaliliit na bahagi ng sangkap ng dugo ay para sa personal na pagpapasiya, dapat seryosohing mabuti ang mga pagpapasiyang iyon.—1 Corinto 8:8, 11-13; 10:25-31.
18. Paano maiiwasan ng isang Kristiyano na maging manhid ang kaniyang budhi may kaugnayan sa mga pagpapasiya hinggil sa dugo?
18 Isa pang kaugnay na aspekto ang nagdiriin sa pagiging seryoso ng mga pagpapasiyang may kaugnayan sa dugo. Ito ay ang maaaring maging epekto sa iyo ng gayong mga pagpapasiya. Kung ang paggamit mo ng maliliit na bahagi ng sangkap ng dugo ay babagabag sa iyong budhing sinanay sa Bibliya, hindi mo ito dapat ipagwalang-bahala. Ni dapat mong supilin ang idinidikta ng iyong budhi dahil lamang may nagsabi sa iyo, “Hindi naman masamang gumamit nito; marami na ang gumamit niyan.” Tandaan, milyun-milyong tao sa ngayon ang nagwawalang-bahala sa kanilang budhi, at nagiging manhid ito, anupat pinahihintulutan silang magsinungaling o gumawa ng iba pang bagay na mali nang hindi man lamang nababagabag. Tiyak na nais ng mga Kristiyano na iwasan ang gayong landasin.—2 Samuel 24:10; 1 Timoteo 4:1, 2.
19. Sa pagpapasiya hinggil sa mga usaping medikal na nagsasangkot sa dugo, ano ang pinakamahalagang bagay na dapat nating isaisip?
19 Bago ang konklusyon nito, ang muling-inilimbag na sagot sa pahina 29-31 ay nagsabi: “Ang katotohanan ba na nagkakaiba ang mga opinyon at mga pagpapasiya na salig sa budhi ay nangangahulugan na ang usapin ay di-mahalaga? Hindi. Ito’y seryoso.” Ito ay lalo nang seryoso dahil nasasangkot dito ang iyong kaugnayan sa “Diyos na buháy.” Ang kaugnayang iyan lamang ang maaaring umakay tungo sa buhay na walang hanggan, salig sa nagliligtas na kapangyarihan ng itinigis na dugo ni Jesus. Linangin ang matinding pagpapahalaga sa dugo dahil sa ginagawa ng Diyos sa pamamagitan nito—ang pagliligtas ng buhay. Angkop ang isinulat ni Pablo: “Kayo ay walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan. Ngunit ngayon sa pagiging kaisa ni Kristo Jesus kayo na dating malayo ay naging malapit sa pamamagitan ng dugo ng Kristo.”—Efeso 2:12, 13.
-