-
Dinadakila ng Pantubos ang Katuwiran ng DiyosAng Bantayan—2005 | Nobyembre 1
-
-
Dinadakila ng Pantubos ang Katuwiran ng Diyos
NANG maghimagsik sina Adan at Eva, sinabi ni Jehova ang kaniyang layuning magbangon ng isang Binhi na susugatan sa sakong. (Genesis 3:15) Natupad ito nang ipabayubay ng mga kaaway ng Diyos si Jesu-Kristo sa pahirapang tulos. (Galacia 3:13, 16) Walang kasalanan si Jesus, yamang makahimala siyang ipinaglihi sa bahay-bata ng isang birhen sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na espiritu. Dahil dito, magagamit ang kaniyang itinigis na dugo bilang halagang pantubos upang palayain ang mga tao, na nagmana ng kasalanan at kamatayan kay Adan.—Roma 5:12, 19.
Walang makahahadlang sa Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova, sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin. Kaya nang magkasala ang tao, sa pangmalas ni Jehova ay parang naibayad na ang halagang pantubos at maaari na Siyang makitungo sa mga sumampalataya sa katuparan ng Kaniyang mga pangako. Dahil dito, ang makasalanang mga inapo ni Adan, tulad nina Enoc, Noe, at Abraham, ay maaari nang lumakad na kasama ng Diyos at maging kaibigan niya nang hindi nadudungisan ang kaniyang kabanalan.—Genesis 5:24; 6:9; Santiago 2:23.
Ang ilang indibiduwal na nanampalataya kay Jehova ay nakagawa ng malulubhang kasalanan. Isa na rito si Haring David. Baka itanong mo, ‘Bakit patuloy na pinagpala ni Jehova si Haring David matapos mangalunya si David kay Bat-sheba at ipapatay si Urias na asawa ni Bat-sheba?’ Isang mahalagang dahilan ang tunay na pagsisisi at pananampalataya ni David. (2 Samuel 11:1-17; 12:1-14) Salig sa haing ihahandog ni Jesu-Kristo, mapatatawad ng Diyos ang mga kasalanan ng nagsisising si David at mapananatili pa rin ang Kaniyang sariling katarungan at katuwiran. (Awit 32:1, 2) Bilang patotoo nito, ipinaliliwanag ng Bibliya na ang pinakakamangha-manghang naisagawa ng pantubos ni Jesus ay “ipakita ang . . . sariling katuwiran [ng Diyos], sapagkat pinatatawad niya ang mga kasalanan na naganap noong nakaraan” at “sa kasalukuyang kapanahunang ito.”—Roma 3:25, 26.
Oo, tumatanggap ng malaking kapakinabangan ang sangkatauhan dahil sa halaga ng dugo ni Jesus. Salig sa pantubos, maaaring magkaroon ng matalik na kaugnayan sa Diyos ang nagsisising mga makasalanan. Karagdagan pa, dahil sa pantubos, ang mga patay ay mabubuhay muli sa bagong sanlibutan ng Diyos. Kasali riyan ang tapat na mga lingkod ng Diyos na namatay bago ibinayad ni Jesus ang pantubos at maging ang marami sa mga namatay nang walang alam at hindi sumamba sa Kaniya. Sinasabi ng Bibliya: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Sa panahong iyon, salig sa pantubos, pagkakalooban ni Jehova ng buhay na walang hanggan ang lahat ng masunuring mga tao. (Juan 3:36) Ipinaliwanag mismo ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Matatanggap ng sangkatauhan ang lahat ng pakinabang na ito dahil sa inilaan ng Diyos na haing pantubos.
Gayunman, ang namumukod-tanging aspekto ng pantubos ay hindi ang mga pakinabang na natatanggap natin mula rito. Ang higit na mahalaga ay ang nagagawa ng pantubos ni Kristo sa pangalan ni Jehova. Pinatutunayan nito na si Jehova ay Diyos ng sakdal na katarungan na bagaman nakikitungo sa makasalanang mga tao ay nananatili pa ring dalisay at banal. Kung hindi nilayon ng Diyos na maglaan ng pantubos, walang inapo ni Adan, kahit sina Enoc, Noe, at Abraham, ang makalalakad na kasama ni Jehova o magiging kaibigan niya. Naunawaan ito ng salmista kaya sumulat siya: “Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo?” (Awit 130:3) Kaylaki nga ng dapat nating ipagpasalamat kay Jehova sa pagsusugo sa kaniyang minamahal na Anak sa lupa at kay Jesus sa pagiging handang ibigay ang kaniyang buhay bilang pantubos sa atin!—Marcos 10:45.
-
-
Nagbubunga ang Mabuting PaggawiAng Bantayan—2005 | Nobyembre 1
-
-
Nagbubunga ang Mabuting Paggawi
SA ISANG maliit na isla, malapit sa baybayin ng timog Hapon, isang ina at ang kaniyang tatlong bata pang mga anak ang nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Dahil dito, ang mga kapitbahay sa nakabukod na lugar na iyon na mahigpit na nanghahawakan sa mga tradisyon ay hindi na bumati sa ina kapag nakakasalubong siya. “Mas masakit pa sa hindi nila pagbati sa akin ang malamig na pakikitungo nila sa aking asawa at mga anak,” ang paglalahad niya. Gayunpaman, sinabi niya sa kaniyang mga anak: “Dapat pa rin nating batiin ang ating mga kapitbahay alang-alang kay Jehova.”—Mateo 5:47, 48.
Sa tahanan, tinuruan niyang maging magalang ang kaniyang mga anak bagaman inaayawan sila. Sa tuwing pupunta sila sa mainit na bukal na malapit sa kanilang lugar, sinasanay ng mga bata ang kanilang pagbati sa loob ng kotse. Pagpasok nila sa gusali, laging masayang sinasabi ng mga bata, “Konnichiwa!”—“Magandang araw!” Matiyagang ipinagpatuloy ng pamilya ang pagbati sa lahat ng kanilang nakakasalubong, bagaman nananatiling malamig ang pagtugon ng mga kapitbahay. Pero, hindi maiwasang mapansin ng mga tao ang mabubuting asal ng mga bata.
Sa wakas, isang kapitbahay ang tumugon ng “Konnichiwa” at sinundan na ito ng iba pa. Sa katapusan ng dalawang taon, halos ang lahat sa bayan ay tumutugon na sa pagbati ng pamilya. Nagbabatian na rin sila at naging mas palakaibigan. Nais ng bise alkalde na parangalan ang mga bata dahil sa kanilang naging bahagi sa pagbabagong ito. Ngunit tiniyak sa kaniya ng kanilang ina na ginagawa lamang nila ang dapat gawin ng mga Kristiyano. Nang maglaon, sa isang paligsahan sa pagtatalumpati na ginanap sa buong isla, inilahad ng isang anak na lalaki kung paano sinanay ng kaniyang ina ang pamilya na magalang na bumati sa iba anuman ang reaksiyon nila. Nagwagi ng unang gantimpala ang kaniyang talumpati at inilimbag iyon sa pahayagan ng bayan. Sa ngayon, napakaligaya ng pamilya dahil nagbunga ng mabuti ang pagsunod nila sa mga simulaing Kristiyano. Mas madaling ibahagi sa iba ang mabuting balita kapag palakaibigan ang mga tao.
-