-
Pagkamuhi sa “Malalalim na Bagay ni Satanas”Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
15. (a) Ano ang sinabi ni Jesus sa mga hindi naimpluwensiyahan ni Jezebel? (b) Ano ang nagpapakitang hindi lahat ng nag-aangking Kristiyano noong 1918 ay naimpluwensiyahan ng apostatang Sangkakristiyanuhan?
15 Nakaaaliw ang susunod na mga salita ni Jesus: “Gayunman, sinasabi ko sa iba pa sa inyo na nasa Tiatira, sa lahat niyaong hindi nagtataglay ng turong ito, sa kanila mismo na hindi nakaalam ng ‘malalalim na bagay ni Satanas,’ gaya ng kanilang sinasabi: Hindi ako maglalagay sa inyo ng iba pang pasanin. Magkagayunman, panghawakan ninyong mahigpit ang taglay ninyo hanggang sa dumating ako.” (Apocalipsis 2:24, 25) May tapat na mga indibiduwal sa Tiatira na hindi naimpluwensiyahan ni Jezebel. Sa katulad na paraan, sa loob ng 40 taon bago ang 1918 at magmula noon, hindi lahat ng nag-aangking Kristiyano ay kumunsinti sa imoral at masasamang gawain na palasak sa Sangkakristiyanuhan. Isang maliit na grupo ng mga Estudyante ng Bibliya, na kilala ngayon bilang mga Saksi ni Jehova at tumulong sa mga miyembro ng simbahan na makita ang hindi maka-Kristiyanong pinagmulan ng marami sa mga doktrina ng Sangkakristiyanuhan, ang kumilos upang iwaksi ang lahat ng maka-Babilonyang paniniwala at kaugaliang nagmula sa apostatang Sangkakristiyanuhan. Kasama na rito ang mapagkunsinting mga turo ng “babaing iyon na si Jezebel.”
16. Bagaman hindi na nagdagdag ng higit pang pasanin si Jesus at ang unang-siglong Kristiyanong lupong tagapamahala, anu-ano namang bagay ang dapat iwasan?
16 Pinatitibay-loob din ng uring Juan sa ngayon ang kanilang mga kasamahan, ang malaking pulutong, na mag-ingat laban sa imoral na mga impluwensiyang gaya ng maruming libangan sa daigdig. Hindi na kailangang manood o gumawa ng kalikuan dahil lamang sa pag-uusyoso o para malaman kung alin ang dapat iwasan. Isang katalinuhan na lubusan tayong umiwas sa “malalalim na bagay ni Satanas.” Gaya ng sinabi ni Jesus: “Hindi ako maglalagay sa inyo ng iba pang pasanin.” Ipinaaalaala nito sa atin ang utos ng Kristiyanong lupong tagapamahala noong unang siglo: “Minagaling ng banal na espiritu at namin mismo na huwag nang magdagdag ng higit pang pasanin sa inyo, maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan, na patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo at sa dugo at sa mga bagay na binigti at sa pakikiapid. Kung pakaiingatan ninyo ang inyong sarili sa mga bagay na ito, kayo ay uunlad.” (Gawa 15:28, 29) Para umunlad tayo sa espirituwal, iwasan ang huwad na relihiyon, maling paggamit ng dugo (gaya ng pagsasalin ng dugo), at imoralidad! At malamang na maiingatan din ang iyong pisikal na kalusugan.
17. (a) Paano tinutukso ngayon ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng “malalalim na bagay”? (b) Ano ang dapat nating maging saloobin tungkol sa “malalalim na bagay” ng masalimuot na sanlibutan ni Satanas?
17 Si Satanas ay may iba pang “malalalim na bagay” sa ngayon, gaya ng masalimuot na mga espekulasyon at pilosopiya na lumuluwalhati sa katalinuhan ng tao. Bukod sa mapagkunsinti at imoral na pangangatuwiran, kabilang dito ang espiritismo at ang teoriya ng ebolusyon. Paano itinuturing ng napakatalinong Maylalang ang “malalalim na bagay” na ito? Sinisipi ni apostol Pablo ang sinabi Niya: “Ibubuwal ko ang karunungan ng mga taong marurunong.” Kabaligtaran nito, “ang malalalim na bagay ng Diyos” ay simple, maliwanag, at nakapagpapagalak. Itinatakwil ng matatalinong Kristiyano ang “malalalim na bagay” ng masalimuot na sanlibutan ni Satanas. Tandaan, “ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” —1 Corinto 1:19; 2:10; 1 Juan 2:17.
18. Anu-anong pagpapala ang ipinangako ni Jesus sa pinahirang mga Kristiyano na mananatiling tapat hanggang wakas, at ano ang magiging pribilehiyo ng mga binuhay-muling ito sa Armagedon?
18 Nakagagalak ang sinasabi ngayon ni Jesus sa mga Kristiyanong iyon sa Tiatira. Nakapagpapatibay rin ito sa pinahirang mga Kristiyano sa ngayon: “At sa kaniya na nananaig at tumutupad sa aking mga gawa hanggang sa wakas ay ibibigay ko ang awtoridad sa mga bansa, at magpapastol siya sa mga tao sa pamamagitan ng isang tungkod na bakal anupat magkakadurug-durog sila na tulad ng mga sisidlang luwad, gaya naman ng tinanggap ko mula sa aking Ama.” (Apocalipsis 2:26, 27) Tunay na kamangha-manghang pribilehiyo! Ang awtoridad na tatanggapin ng mga pinahirang mananaig sa panahon ng kanilang pagkabuhay-muli ay ang pagkakaroon nila ng bahagi sa paggamit ng “tungkod na bakal” kasama ni Jesus upang puksain ang mapaghimagsik na mga bansa sa Armagedon. Ang mga sandatang nuklear ng mga bansang ito ay magiging gaya lamang ng basang labintador kapag dinurog na ni Kristo ang kaniyang mga kaaway na waring mga sisidlang luwad.—Awit 2:8, 9; Apocalipsis 16:14, 16; 19:11-13, 15.
19. (a) Sino ang “bituing pang-umaga,” at paano siya ibibigay sa mga mananaig? (b) Anong pampatibay-loob ang ibinibigay sa malaking pulutong?
19 Idinagdag pa ni Jesus: “At ibibigay ko sa kaniya ang bituing pang-umaga.” (Apocalipsis 2:28) Nang dakong huli ay ipinaliwanag mismo ni Jesus kung ano ang “bituing” ito sa pagsasabing: “Ako ang ugat at ang supling ni David, ang maningning na bituing pang-umaga.” (Apocalipsis 22:16) Oo, si Jesus ang tumupad sa hula na sapilitang ipinabigkas ni Jehova sa tumututol na mga labi ni Balaam: “Isang bituin ang tiyak na lalabas mula sa Jacob, at isang setro ang titindig nga mula sa Israel.” (Bilang 24:17) Paano ibibigay ni Jesus ang “bituing pang-umaga” sa mga mananaig? Maliwanag na ito’y sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaniyang sarili sa kanila, anupat itinuturing silang pinakamalapit at pinakamatalik na mga kasama. (Juan 14:2, 3) Tunay na napakabisang pangganyak ito upang magbata! Nakapagpapasigla rin naman para sa malaking pulutong na maunawaang malapit nang gamitin ng “maningning na bituing pang-umaga” ang kaniyang awtoridad sa Kaharian upang muling gawing Paraiso ang lupa!
Manatiling Tapat
20. Anu-anong pangyayari sa Sangkakristiyanuhan ang nagpapaalaala sa atin sa mga kahinaan ng kongregasyon sa Tiatira?
20 Malamang na lubhang napatibay-loob ng mensaheng ito ang mga Kristiyano sa Tiatira. Isip-isipin na lamang—ang niluwalhating Anak ng Diyos sa langit ay personal na nakipag-usap sa mga Kristiyano sa Tiatira hinggil sa ilang suliranin nila! Tiyak na mayroon din namang ilan sa kongregasyon na tumugon sa gayong maibiging pagpapastol. Tinutulungan din tayo ng pinakamahaba sa pitong mensaheng ito upang makilala ang tunay na kongregasyong Kristiyano sa ngayon. Noong 1918, nang pumasok si Jesus sa templo ni Jehova upang humatol, ang kalakhang bahagi ng mga organisasyong nag-aangking Kristiyano ay pawang nabahiran ng idolatriya at espirituwal na imoralidad. (Santiago 4:4) Ibinatay ng ilan ang kanilang paniniwala sa mga turo ng dominanteng mga babae noong ika-19 na siglo, gaya ni Ellen White ng mga Seventh-Day Adventist at ni Mary Baker Eddy ng Christian Scientists, at kamakailan lamang, marami nang babae ang nangangaral sa pulpito. (Ihambing ang 1 Timoteo 2:11, 12.) Sa iba’t ibang anyo ng Katolisismo, mas madalas na parangalan si Maria kaysa sa Diyos at kay Kristo. Hindi siya pinarangalan ni Jesus nang ganito. (Juan 2:4; 19:26) Talaga bang maituturing na Kristiyano ang mga organisasyong napadadala sa ganitong masamang impluwensiya ng kababaihan?
21. Anu-anong aral para sa mga indibiduwal ang nilalaman ng mensahe ni Jesus sa Tiatira?
21 Makabubuting isaalang-alang ng indibiduwal na mga Kristiyano ang mensaheng ito, kabilang man sila sa uring Juan o sa ibang tupa. (Juan 10:16) Baka matukso ang ilan na sumunod sa walang kahirap-hirap na landasin, gaya ng ginawa ng mga alagad ni Jezebel sa Tiatira. Nariyan din ang tukso na makipagkompromiso. Sa ngayon, ang mga isyung gaya ng pagkain ng dugo o pagpapasalin ng dugo ay kailangang harapin. Baka inaakala ng ilan na ang sigasig sa paglilingkod sa larangan o pagbibigay ng mga pahayag ay nagbibigay-laya sa kanila na maging maluwag sa ibang mga bagay, gaya ng panonood ng mararahas at imoral na mga pelikula at video, o pagpapakalabis sa pag-inom ng alak. Sinasabi sa atin ng babala ni Jesus sa mga Kristiyano sa Tiatira na hindi tayo dapat magmalabis nang ganito. Nais ni Jehova na maging malinis tayo, buong-kaluluwa, hindi nababahagi, gaya ng marami sa mga Kristiyano sa Tiatira.
22. Paano idiniriin ni Jesus ang kahalagahan ng pagkakaroon ng taingang nakikinig?
22 Sa wakas ay ipinahahayag ni Jesus: “Ang may tainga ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon.” (Apocalipsis 2:29) Sa ikaapat na pagkakataon, inulit dito ni Jesus ang masiglang korong ito, na siya ring magiging konklusyon ng tatlo pang nalalabing mensahe. Mayroon ka bang taingang nakikinig? Kung gayon, manatili kang matamang nakikinig habang patuloy na nagpapayo ang Diyos sa pamamagitan ng kaniyang espiritu at ng kaniyang alulod.
-
-
Nasa Aklat Ba ng Buhay ang Pangalan Mo?Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
1. Ano ang espirituwal na kalagayan ng kongregasyon sa Sardis, at paano sinimulan ni Jesus ang kaniyang mensahe?
MGA 50 kilometro sa timog ng makabagong Akhisar (Tiatira), matatagpuan ang susunod na kongregasyon na tumanggap ng mensahe mula sa niluwalhating si Jesus: ang Sardis. Noong ikaanim na siglo bago ang ating Karaniwang Panahon, ang lunsod na ito ang siyang marangyang kabisera ng sinaunang kaharian ng Lydia at tirahan ng napakayamang si Haring Croesus. Noong panahon ni Juan, naghihirap na ang lunsod na ito, at ang dating karilagan nito sa ilalim ni Croesus ay naging bahagi na lamang ng kasaysayan. Sa katulad na paraan, ang kongregasyong Kristiyano roon ay nasa espirituwal na karukhaan. Sa kauna-unahang pagkakataon, hindi pinasimulan ni Jesus sa pamamagitan ng komendasyon ang kaniyang mensahe. Sa halip ay sinabi niya: “At sa anghel ng kongregasyon sa Sardis ay isulat mo: Ito ang mga bagay na sinasabi niya na may pitong espiritu ng Diyos at pitong bituin, ‘Alam ko ang iyong mga gawa, na taglay mo ang pangalan na ikaw ay buháy, ngunit ikaw ay patay.’”—Apocalipsis 3:1.
2. (a) Para sa mga Kristiyano sa Sardis, ano ang ipinahihiwatig ng pagtataglay ni Jesus ng “pitong espiritu”? (b) Ano ang reputasyon ng kongregasyon sa Sardis, subalit ano ang totoo tungkol sa kanila?
2 Bakit ipinakikilala ni Jesus ang sarili niya bilang isa na “may pitong espiritu”? Sapagkat ang mga espiritung ito ay kumakatawan sa banal na espiritu ni Jehova na saganang dumadaloy. Sa dakong huli ay inilalarawan din ni Juan ang mga ito bilang “pitong mata,” na nagpapahiwatig na tumatagos ang paningin na ipinagkakaloob ng banal na espiritu ng Diyos kay Jesus. (Apocalipsis 5:6) Kaya may kakayahan siyang ilantad at harapin ang anumang kalagayang maaaring umiral. (Mateo 10:26; 1 Corinto 4:5) Kilala ang kongregasyon ng Sardis sa pagiging buháy at aktibo. Subalit nakikita ni Jesus na patay ito sa espirituwal. Ang karamihan sa mga miyembro nito ay maliwanag na muling naging mapagwalang-bahala gaya noong hindi pa sila nagiging mga Kristiyano.—Ihambing ang Efeso 2:1-3; Hebreo 5:11-14.
3. (a) Bakit dapat bigyan ng pantanging pansin ng “anghel ng kongregasyon sa Sardis” ang katotohanan na si Jesus ang may “pitong bituin”? (b) Anong seryosong payo ang ibinibigay ni Jesus sa kongregasyon ng Sardis?
3 Ipinaaalaala rin ni Jesus sa “anghel ng kongregasyon sa Sardis” na Siya ang may “pitong bituin.” Nasa kanang kamay niya ang matatandang ito sa kongregasyon, at awtorisado siya na pangasiwaan sila sa kanilang gawaing pagpapastol. Dapat na sabik silang ‘alamin ang kaanyuan ng kawan.’ (Kawikaan 27:23) Kaya dapat silang makinig nang mabuti sa susunod na mga salita ni Jesus: “Maging mapagbantay ka, at palakasin mo ang mga bagay na nalalabi na malapit nang mamatay, sapagkat ang iyong mga gawa ay hindi ko nasumpungang lubusang naisagawa sa harap ng aking Diyos. Kung gayon, patuloy mong isaisip kung paano mo tinanggap at kung paano mo narinig, at patuloy mong tuparin ito, at magsisi ka. Tiyak nga na malibang gumising ka, darating ako na gaya ng magnanakaw, at hindi mo na malalaman pa kung anong oras ako darating sa iyo.” —Apocalipsis 3:2, 3.
4. Paano makatutulong ang mga salita ni Pedro sa kongregasyon ng Sardis upang ‘mapalakas ang mga bagay na nalalabi’?
4 Dapat alalahanin ng matatanda sa Sardis ang nadama nilang kagalakan nang una nilang marinig ang katotohanan at ang mga pagpapalang tinanggap nila nang panahong iyon. Subalit patay sila ngayon sa espirituwal na gawain. Aandap-andap ang lampara ng kanilang kongregasyon dahil wala silang mga gawa ng pananampalataya. Maraming taon pa bago nito, sumulat si apostol Pedro sa mga kongregasyon sa Asia (malamang na kabilang dito ang Sardis) upang patibayin ang kanilang pagpapahalaga sa maluwalhating mabuting balita na tinanggap ng mga Kristiyano at na ipinahayag “taglay ang banal na espiritu na ipinadala mula sa langit”—na siyang kinakatawan ng pitong espiritu sa pangitain ni Juan. Ipinaalaala rin ni Pedro sa mga Kristiyanong iyon sa Asia na kabilang sila sa ‘isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari, upang ipahayag nila nang malawakan ang mga kagalingan ng isa na tumawag sa kanila mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.’ (1 Pedro 1:12, 25; 2:9) Ang pagbubulay-bulay sa espirituwal na mga katotohanang ito ay tutulong sa kongregasyon ng Sardis na magsisi at “palakasin . . . ang mga bagay na nalalabi.”—Ihambing ang 2 Pedro 3:9.
5. (a) Ano ang nangyari sa pagpapahalaga ng mga Kristiyano sa Sardis? (b) Ano ang mangyayari kung hindi tutugon sa payo ni Jesus ang mga Kristiyano sa Sardis?
5 Nang panahong iyon, ang kanilang pagpapahalaga at pag-ibig sa katotohanan ay gaya ng apoy na malapit nang mamatay. Iilang baga na lamang ang nagniningas. Pinasisigla sila ni Jesus na paningasin ang kaunting baga na iyon, gatungan ang apoy, pagsisihan ang mga pagkakasalang dulot ng kanilang pagpapabaya, at muling maging buháy sa espirituwal bilang isang kongregasyon. (Ihambing ang 2 Timoteo 1:6, 7.) Kung hindi, mabibigla na lamang ang kongregasyon ng Sardis kapag dumating si Jesus nang di-inaasahan—“gaya ng magnanakaw”—upang maglapat ng hatol.—Mateo 24:43, 44.
-