Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ang Karingalan ng Makalangit na Trono ni Jehova
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 23. Ano ang isinasagisag ng bagay na ‘punô ng mga mata’ ang apat na nilalang na buháy, at ano ang idiniriin ng pagkakaroon nila ng tatlong pares na pakpak?

      23 Ipinagpapatuloy ni Juan ang kaniyang paglalarawan: “At kung tungkol sa apat na nilalang na buháy, ang bawat isa sa kanila ay may tig-aanim na pakpak; sa palibot at sa ilalim ay punô sila ng mga mata. At wala silang pahinga araw at gabi habang kanilang sinasabi: ‘Banal, banal, banal ang Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat, ang nakaraan at ang ngayon at ang darating.’” (Apocalipsis 4:8) Ang pagiging punô nito ng mga mata ay nagpapahiwatig ng ganap at matalas na paningin. Walang-humpay itong ginagamit ng apat na nilalang na buháy, palibhasa’y hindi nila kailangang matulog. Tinutularan nila ang Isa na hinggil sa kaniya ay nasulat: “Kung tungkol kay Jehova, ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” (2 Cronica 16:9) Palibhasa’y napakaraming mata, nakakakita ang mga kerubin sa lahat ng direksiyon. Walang nakalalampas sa kanilang pansin. Kaya nasasangkapan silang mabuti upang maglingkod sa Diyos sa kaniyang paghatol. Hinggil sa kaniya ay sinasabi: “Ang mga mata ni Jehova ay nasa lahat ng dako, nagbabantay sa masasama at sa mabubuti.” (Kawikaan 15:3) At sa pamamagitan ng tatlong pares na pakpak​—ginagamit sa Bibliya ang bilang na tatlo bilang pagdiriin​—makakakilos na kasimbilis ng kidlat ang mga kerubin upang ihayag at ilapat ang mga hatol ni Jehova.

      24. Paano pinupuri ng mga kerubin si Jehova, at ano ang kahulugan nito?

      24 Pakinggan! Maganda ang himig at nakapupukaw-damdamin ang awit ng papuri na iniuukol ng mga kerubin kay Jehova: “Banal, banal, banal ang Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat, ang nakaraan at ang ngayon at ang darating.” Minsan pa, ang tatlong beses na pag-ulit ay nagpapahiwatig ng tindi. Idiniriin ng mga kerubin ang pagiging banal ng Diyos na Jehova. Siya ang Bukal at sukdulang Pamantayan ng kabanalan. Siya rin ang “Haring walang hanggan,” laging “ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas.” (1 Timoteo 1:17; Apocalipsis 22:13) Hindi nagpapahinga ang mga kerubin samantalang inihahayag nila ang walang-kapantay na mga katangian ni Jehova sa buong sangnilalang.

      25. Paano nagkakaisa ang mga nilalang na buháy at ang 24 na matatanda sa pagsamba kay Jehova?

      25 Ang langit ng mga langit ay umaalingawngaw sa papuri kay Jehova! Nagpatuloy sa paglalarawan si Juan: “At kailanma’t ang mga nilalang na buháy ay naghahandog ng kaluwalhatian at karangalan at pasasalamat sa Isa na nakaupo sa trono, ang Isa na nabubuhay magpakailan-kailanman, ang dalawampu’t apat na matatanda ay sumusubsob sa harap ng Isa na nakaupo sa trono at sumasamba sa Isa na nabubuhay magpakailan-kailanman, at inihahagis nila ang kanilang mga korona sa harap ng trono, na sinasabi: ‘Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.’” (Apocalipsis 4:9-11) Sa buong Kasulatan, isa ito sa pinakadakilang kapahayagan ng pagbibigay-galang kay Jehova, ang ating Diyos at Soberanong Panginoon!

      26. Bakit inihahagis ng 24 na matatanda ang kanilang mga korona sa harap ni Jehova?

      26 Ang 24 na matatanda ay may pangkaisipang saloobin na ipinakikita ni Jesus, anupat inihagis pa nga nila ang kanilang mga korona sa harap ni Jehova. Hindi man lamang pumasok sa isip nila na dakilain ang kanilang sarili sa presensiya ng Diyos. Mapagpakumbaba nilang kinikilala na ang tanging layunin ng kanilang paghahari ay ang magdulot ng karangalan at kaluwalhatian sa kaniya, gaya ng laging ginagawa ni Jesus. (Filipos 2:5, 6, 9-11) Mapagpasakop nilang kinikilala ang kanilang pagiging nakabababa at ipinahahayag nila na ang kanilang pamamahala ay sakop ng soberanya ni Jehova. Kaya taos-puso silang nakikiisa sa mga kerubin at sa lahat ng tapat na sangnilalang sa pagpuri at pagluwalhati sa Diyos na lumalang ng lahat ng bagay.​—Awit 150:1-6.

      27, 28. (a) Paano dapat makaapekto sa atin ang paglalarawan ni Juan sa pangitaing ito? (b) Anu-anong tanong ang bumabangon tungkol sa susunod na makikita at maririnig ni Juan?

      27 Sino ang hindi mapakikilos sa pagbabasa ng ulat ni Juan tungkol sa pangitaing ito? Ito’y napakarilag at napakadakila! Gaano pa kaya ang mismong langit? Ang mismong karingalan ni Jehova ay dapat magpakilos sa sinumang may mapagpahalagang puso na makisama sa apat na nilalang na buháy at sa 24 na matatanda sa pagpuri sa Kaniya, kapuwa sa panalangin at sa pangmadlang paghahayag ng Kaniyang pangalan. Pribilehiyo ng mga Kristiyano na maging mga saksi ng Diyos na ito sa ngayon. (Isaias 43:10) Tandaan na may katuparan ang pangitain ni Juan sa araw ng Panginoon, na siya nating kinabubuhayan ngayon. Ang “pitong espiritu” ay laging handang pumatnubay at magpalakas sa atin. (Galacia 5:16-18) Makatutulong sa atin ngayon ang Salita ng Diyos upang maging banal habang naglilingkod sa isang banal na Diyos. (1 Pedro 1:14-16) Walang pagsala, maligaya tayo na basahin nang malakas ang mga salita ng hulang ito. (Apocalipsis 1:3) Kay-inam na pangganyak ito upang maging tapat tayo kay Jehova at huwag pahintulutan ang sanlibutan na ilihis tayo mula sa aktibong pag-awit ng kaniyang kapurihan!​—1 Juan 2:15-17.

      28 Hanggang sa puntong ito, nailarawan ni Juan ang kaniyang nakita nang anyayahan siyang pumasok sa bukás na pintong iyon sa langit. Namumukod-tangi ang pag-uulat niya tungkol kay Jehova, na sa buong kadakilaan ng Kaniyang kamahalan at karangalan, ay nakaluklok sa Kaniyang makalangit na trono. Napaliligiran siya ng pinakamakapangyarihan sa lahat ng organisasyon​—nagniningning sa karilagan at katapatan. Nagsisimula na ang sesyon ng banal na Hukuman. (Daniel 7:9, 10, 18) Nakahanda na ang tanghalan para sa isang di-pangkaraniwang bagay na mangyayari. Ano iyon, at paano ito nakaaapekto sa atin sa ngayon? Tunghayan natin ang susunod na eksena!

  • “Sino ang Karapat-dapat na Magbukas ng Balumbon?”
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 1. Ano ngayon ang nakikita ni Juan sa pangitain?

      MARINGAL! KASINDAK-SINDAK! Ganito ang nakapupukaw-damdaming pangitain hinggil sa trono ni Jehova na nasa gitna ng mga lampara ng apoy, ng mga kerubin, ng 24 na matatanda, at ng malasalaming dagat. Subalit ano ang nakikita mo ngayon, Juan? Nakapokus si Juan sa pinakasentro ng makalangit na eksenang ito, at sinasabi niya sa atin: “At nakita ko sa kanang kamay ng Isa na nakaupo sa trono ang isang balumbon na may sulat sa loob at sa kabilang panig, na natatatakang mahigpit ng pitong tatak. At nakita ko ang isang malakas na anghel na naghahayag sa malakas na tinig: ‘Sino ang karapat-dapat na magbukas ng balumbon at magkalag ng mga tatak nito?’ Ngunit maging sa langit man o sa ibabaw ng lupa o sa ilalim ng lupa ay walang isa mang makapagbukas ng balumbon o makatingin sa loob nito. At tumangis ako nang labis sapagkat walang sinumang nasumpungang karapat-dapat na magbukas ng balumbon o tumingin sa loob nito.”​—Apocalipsis 5:1-4.

      2, 3. (a) Bakit sabik si Juan na may masumpungang makapagbubukas ng balumbon, subalit ano ang lumilitaw na maaasahan hinggil dito? (b) Ano ang pinananabikan ng pinahirang bayan ng Diyos sa ating panahon?

      2 Si Jehova mismo, ang Soberanong Panginoon ng buong sangnilalang, ang may hawak ng balumbong iyon. Tiyak na punung-puno ito ng napakahalagang impormasyon, sapagkat may sulat ito sa loob at labas. Napupukaw ang ating pananabik. Ano ang nilalaman ng balumbon? Naaalaala natin ang paanyaya ni Jehova kay Juan: “Umakyat ka rito, at ipakikita ko sa iyo ang mga bagay na dapat maganap.” (Apocalipsis 4:1) Sabik na sabik tayong malaman ang mga bagay tungkol dito. Ngunit nakalulungkot, mahigpit ang pagkakasara sa balumbon at selyado ito ng pitong tatak!

      3 Makasusumpong kaya ang malakas na anghel ng sinumang karapat-dapat na magbukas ng balumbon? Ayon sa Kingdom Interlinear, ang balumbon ay “nasa kanang kamay” ni Jehova. Ipinahihiwatig nito na hawak niya ito sa kaniyang nakabukas na palad. Subalit lumilitaw na walang sinuman sa langit o sa lupa ang karapat-dapat na tumanggap at magbukas ng balumbong iyon. Maging sa tapat na mga lingkod ng Diyos na namatay na, yaong mga nasa ilalim ng lupa, wala ni isa man ang karapat-dapat sa malaking karangalang ito. Hindi nga kataka-takang makita ang pagkabalisa ni Juan! Baka talagang hindi na niya matututuhan kung ano “ang mga bagay na dapat maganap.” Sa ating panahon din naman, sabik na hinihintay ng pinahirang bayan ng Diyos ang paghahatid ni Jehova ng kaniyang liwanag at katotohanan hinggil sa Apocalipsis. Unti-unti niyang gagawin ito sa takdang panahon ukol sa katuparan ng hula, upang akayin ang kaniyang bayan sa daang patungo sa “dakilang kaligtasan.”​—Awit 43:3, 5.

      Ang Isa na Karapat-dapat

      4. (a) Sino ang nasumpungang karapat-dapat na magbukas ng balumbon at ng mga tatak nito? (b) Sa anong gantimpala at pribilehiyo nakikibahagi ngayon ang uring Juan at ang kanilang mga kasamahan?

      4 Oo, may isa na makapagbubukas ng balumbon! Isinasalaysay ni Juan: “Ngunit sinabi sa akin ng isa sa matatanda: ‘Huwag ka nang tumangis. Narito! Ang Leon na mula sa tribo ni Juda, ang ugat ni David, ay nanaig upang makapagbukas ng balumbon at ng pitong tatak nito.’” (Apocalipsis 5:5) Kaya huwag ka nang umiyak, Juan! Ang uring Juan at ang kanilang tapat na mga kasamahan sa ngayon ay nakapagbata rin nang maraming taon ng mahihigpit na pagsubok samantalang buong-pagtitiyagang naghihintay ng kaliwanagan. Talagang nakaaaliw na gantimpala na maunawaan natin ngayon ang pangitain, at kaylaki ng pribilehiyo nating makibahagi sa katuparan nito sa pamamagitan ng paghahayag ng mensahe nito sa iba!

      5. (a) Anong hula ang binigkas may kinalaman kay Juda, at saan nagpuno ang mga inapo ni Juda? (b) Sino ang Shilo?

      5 Ah, “ang Leon na mula sa tribo ni Juda”! Pamilyar si Juan sa hulang binigkas ni Jacob, ninuno ng lahing Judio, may kaugnayan sa ikaapat niyang anak na si Juda: “Isang anak ng leon si Juda. Mula sa panghuhuli, anak ko, ay tiyak na aahon ka. Siya ay yumukod, siya ay humigang tulad ng leon at, tulad ng leon, sino ang mangangahas na gumising sa kaniya? Ang setro ay hindi lilihis mula kay Juda, ni ang baston ng kumandante mula sa pagitan ng kaniyang mga paa, hanggang sa dumating ang Shilo; at sa kaniya mauukol ang pagkamasunurin ng mga bayan.” (Genesis 49:9, 10) Nagmula kay Juda ang maharlikang angkan ng bayan ng Diyos. Mula kay David, ang lahat ng mga hari na nagpuno sa Jerusalem hanggang sa panahong wasakin ng mga Babilonyo ang lunsod na iyon ay pawang mga inapo ni Juda. Ngunit walang isa man sa kanila ang Shilo na inihula ni Jacob. Ang Shilo ay nangangahulugang “Siya na sa Kaniya [ang Karapatang] Iyon.” Sa makahulang paraan, ang pangalang ito ay tumutukoy kay Jesus, ang permanenteng nagmamay-ari ngayon ng Davidikong Kaharian.​—Ezekiel 21:25-27; Lucas 1:32, 33; Apocalipsis 19:16.

      6. Sa anong paraan si Jesus ang “maliit na sanga” ni Jesse at ang “ugat ni David”?

      6 Agad na naunawaan ni Juan ang pagtukoy sa “ugat ni David.” Sa makahulang paraan, ang ipinangakong Mesiyas ay tinutukoy kapuwa bilang “isang maliit na sanga mula sa tuod ni Jesse [ama ni Haring David] . . . isang sibol” at ang “ugat ni Jesse na tatayo bilang isang hudyat para sa mga bayan.” (Isaias 11:1, 10) Si Jesus ay isang maliit na sanga ni Jesse yamang isinilang siya sa maharlikang angkan ni David, anak ni Jesse. Bukod dito, bilang ugat ni Jesse, siya ang Isa na naging dahilan upang muling sumibol ang Davidikong dinastiya, na binibigyang-buhay at tinutustusan ito magpakailanman.​—2 Samuel 7:16.

      7. Bakit si Jesus ang karapat-dapat na kumuha ng balumbon mula sa kamay ng Isa na nakaupo sa trono?

      7 Bilang isang sakdal na tao, namumukod-tangi si Jesus sa tapat na paglilingkod kay Jehova sa ilalim ng napakatinding mga pagsubok. Nailaan niya ang ganap na kasagutan sa hamon ni Satanas. (Kawikaan 27:11) Kaya noong gabi bago ang kaniyang sakripisyong kamatayan, masasabi niya, “Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:33) Dahil dito, ipinagkatiwala ni Jehova sa binuhay-muling si Jesus ang “lahat ng awtoridad . . . sa langit at sa lupa.” Siya lamang sa lahat ng mga lingkod ng Diyos ang karapat-dapat na tumanggap sa balumbon, upang ihayag ang napakahalagang mensahe nito.​—Mateo 28:18.

      8. (a) May kaugnayan sa Kaharian, ano ang nagpapakita na karapat-dapat si Jesus? (b) Bakit angkop na isa sa 24 na matatanda ang magsiwalat kay Juan kung sino ang karapat-dapat magbukas ng balumbon?

      8 Talagang angkop na si Jesus ang magbukas ng balumbon. Mula noong 1914, iniluklok na siya sa trono bilang Hari ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos, at napakaraming isinisiwalat ang balumbong iyon hinggil sa Kaharian at sa gagawin nito. Buong-katapatang nagpatotoo si Jesus hinggil sa katotohanan ng Kaharian noong narito siya sa lupa. (Juan 18:36, 37) Tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na ipanalangin ang pagdating ng Kaharian. (Mateo 6:9, 10) Pinasimulan niya ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa maagang bahagi ng panahong Kristiyano at inihula ang pagtatapos ng gawaing pangangaral na ito sa panahon ng kawakasan. (Mateo 4:23; Marcos 13:10) Angkop din na isa sa 24 na matatanda ang magsiwalat kay Juan na si Jesus ang siyang dapat magbukas ng mga tatak. Bakit? Sapagkat ang matatandang ito ay nakaupo sa mga trono at nakokoronahan, bilang mga kasamang tagapagmana ni Kristo sa kaniyang Kaharian.​—Roma 8:17; Apocalipsis 4:4.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share