Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • “Sino ang Karapat-dapat na Magbukas ng Balumbon?”
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 20. Anong awit ng papuri sa Kordero ang naririnig ngayon?

      20 Paano tumutugon sa bagong awit na ito ang iba pa sa napakalaking hukbo ng makalangit na organisasyon ni Jehova? Tuwang-tuwa si Juan nang makita niya ang kanilang taos-pusong pakikiisa: “At nakita ko, at narinig ko ang isang tinig ng maraming anghel sa palibot ng trono at ng mga nilalang na buháy at ng matatanda, at ang bilang nila ay laksa-laksang mga laksa at libu-libong mga libo, na nagsasabi sa malakas na tinig: ‘Ang Kordero na pinatay ay karapat-dapat na tumanggap ng kapangyarihan at kayamanan at karunungan at lakas at karangalan at kaluwalhatian at pagpapala.’” (Apocalipsis 5:11, 12) Tunay na kahanga-hangang awit ng papuri!

      21. Ang pagpuri ba sa Kordero ay nakababawas sa pagkasoberano o posisyon ni Jehova? Ipaliwanag.

      21 Nangangahulugan ba ito na sa paanuman ay hinalinhan na ngayon ni Jesus ang Diyos na Jehova at na ang buong sangnilalang ay sa kaniya na pumupuri sa halip na sa kaniyang Ama? Malayong mangyari! Sa halip, ang awit na ito ng papuri ay kasuwato ng isinulat ni apostol Pablo: ‘Dinakila ng Diyos si Jesus sa isang nakatataas na posisyon at may-kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan, upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod niyaong mga nasa langit at niyaong mga nasa lupa at niyaong mga nasa ilalim ng lupa, at ang bawat dila ay hayagang kumilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.’ (Filipos 2:9-11) Pinapupurihan dito si Jesus dahil sa kaniyang papel sa paglutas sa pangunahing isyu sa harap ng buong sangnilalang​—ang pagbabangong-puri sa matuwid na pagkasoberano ni Jehova. Kaylaking kaluwalhatian nga ang naidulot nito sa kaniyang Ama!

      Isang Lumalakas na Awit

      22. Sa anong awit nakikisabay ang mga tinig mula sa lupa?

      22 Sa eksenang inilalarawan ni Juan, nag-uukol ng magandang awit ng papuri kay Jesus ang mga makalangit na hukbo bilang pagkilala sa kaniyang katapatan at sa kaniyang makalangit na awtoridad. Sinasabayan sila ng mga tinig mula rito sa lupa sapagkat nakikibahagi rin naman ang mga ito sa pagpuri kapuwa sa Ama at sa Anak. Kung paanong nakapagdudulot ng malaking karangalan sa mga magulang ang mga nagawa ng isang anak, ang tapat na landasin ni Jesus ay nagdulot din ‘ng kaluwalhatian sa Diyos na Ama,’ sa harap ng buong sangnilalang. Kaya patuloy na nag-uulat si Juan: “At ang bawat nilalang na nasa langit at nasa lupa at nasa ilalim ng lupa at nasa dagat, at ang lahat ng bagay na nasa kanila, ay narinig kong nagsasabi: ‘Sa Isa na nakaupo sa trono at sa Kordero, sumakanila nawa ang pagpapala at ang karangalan at ang kaluwalhatian at ang kalakasan magpakailan-kailanman.’”​—Apocalipsis 5:13.

      23, 24. (a) Ano ang nagpapahiwatig kung kailan ang pagsisimula ng awit sa langit, at kailan naman sa lupa? (b) Paano lumalakas ang tunog ng awit sa paglipas ng mga taon?

      23 Kailan narinig ang dakilang awit na ito? Nagpasimula ito sa maagang bahagi ng araw ng Panginoon. Matapos palayasin si Satanas at ang kaniyang mga demonyo mula sa langit, “bawat nilalang na nasa langit” ay maaaring makiisa sa awit na ito ng papuri. At gaya ng ipinakikita ng ulat, mula noong 1919, ang tinig ng dumaraming pulutong sa lupa ay nakiisa sa pagpuri kay Jehova, na ilang libo lamang noon subalit umabot na nang mahigit anim na milyon sa taóng 2005.b Matapos mawasak ang makalupang sistema ni Satanas, “bawat nilalang na . . . nasa lupa” ay aawit din ng mga papuri kay Jehova at sa kaniyang Anak. Sa takdang panahon ni Jehova, bubuhaying-muli ang di-mabilang na milyun-milyong patay, kaya “bawat nilalang na . . . nasa ilalim ng lupa” at nasa alaala ng Diyos ay mabibigyan din ng pagkakataon na makisabay sa pag-awit.

      24 Ngayon pa lamang, “mula sa dulo ng lupa . . . sa dagat at . . . mga pulo,” milyun-milyon katao na ang umaawit ng isang bagong awit kasama ng pangglobong organisasyon ni Jehova. (Isaias 42:10; Awit 150:1-6) Lalo pang lalakas ang masayang papuring ito sa katapusan ng Milenyo, kapag ang sangkatauhan ay naibalik na sa kasakdalan. Pagkatapos nito, ang matandang serpiyente, ang pusakal na mandaraya, si Satanas mismo, ay pupuksain bilang ganap na katuparan ng Genesis 3:15, at sa isang matagumpay na kasukdulan, ang lahat ng nabubuhay na nilalang, espiritu at tao, ay may-pagkakaisang aawit: “Sa Isa na nakaupo sa trono at sa Kordero, sumakanila nawa ang pagpapala at ang karangalan at ang kaluwalhatian at ang kalakasan magpakailan-kailanman.” Walang isa mang tinig sa buong sansinukob ang tututol.

      25. (a) Ang pagbasa ng ulat ni Juan tungkol sa pansansinukob na awit ay nagpapakilos sa atin na gawin ang ano? (b) Anong napakahusay na halimbawa ang inilalaan para sa atin ng apat na nilalang na buháy at ng 24 na matatanda habang nagtatapos ang pangitain?

      25 Pagkaliga-ligayang panahon nga iyon! Tiyak na nag-uumapaw sa kagalakan ang ating puso sa inilalarawan dito ni Juan at napasisigla tayong makiisa sa makalangit na hukbo sa pag-awit ng taos-pusong mga papuri sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. Hindi ba tayo lalong nagiging determinado na magbata sa mabubuting gawa? Kung gagawin natin ito, makaaasa tayo na sa tulong ni Jehova, naroroon tayo bilang mga indibiduwal sa maligayang kasukdulang iyon, anupat nakikisabay sa pansansinukob na koro ng papuri. Walang-alinlangang lubos na nagkakaisa ang apat na kerubing nilalang na buháy at ang binuhay-muling mga pinahirang Kristiyano, sapagkat nagwawakas ang pangitain sa ganitong mga salita: “At ang apat na nilalang na buháy ay nagsabi: ‘Amen!’ at ang matatanda ay sumubsob at sumamba.”​—Apocalipsis 5:14.

      26. Sa ano tayo dapat manampalataya, at ano ang inihahandang gawin ng Kordero?

      26 Mahal na mambabasa, manampalataya ka nawa sa hain ng Kordero​—ang isa na “karapat-dapat”​—at pagpalain sa iyong mapagpakumbabang pagsisikap na sumamba at maglingkod kay Jehova​—ang “Isa na nakaupo sa trono.” Hayaan mong tulungan ka ng uring Juan ngayon samantalang inilalaan nito ang kinakailangang “takdang [espirituwal na] pagkain sa tamang panahon.” (Lucas 12:42) Subalit masdan! Naghahanda na ang Kordero na buksan ang pitong tatak. Ano kayang kapana-panabik na pagsisiwalat ang naghihintay ngayon sa atin?

  • Apat na Mangangabayong Kumakaripas!
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 1. Paano inihahayag ni Jehova kay Juan ang nilalaman ng kapana-panabik na balumbon na binubuksan ni Jesus?

      SA PANAHONG ito ng krisis, hindi ba tayo lubhang interesado sa “mga bagay na kailangang maganap sa di-kalaunan”? Tiyak na interesado tayo, sapagkat tayo mismo ang nasasangkot! Kaya samahan natin si Juan samantalang binubuksan ni Jesus ang kapana-panabik na balumbong iyon. Ang kataka-taka, hindi na ito kailangang basahin ni Juan. Bakit? Dahil ang nilalaman nito ay ipinababatid sa kaniya sa pamamagitan ng “mga tanda,” isang serye ng dinamikong mga eksena na punung-puno ng aksiyon.​—Apocalipsis 1:1, 10.

      2. (a) Ano ang nakikita at naririnig ni Juan, at ano ang ipinahihiwatig ng anyo ng kerubin? (b) Kanino ipinatutungkol ang utos ng unang kerubin, at bakit ganiyan ang sagot mo?

      2 Pakinggan natin si Juan habang binubuksan ni Jesus ang unang tatak ng balumbon: “At nakita ko nang buksan ng Kordero ang isa sa pitong tatak, at narinig ko ang isa sa apat na nilalang na buháy na nagsabi na may tinig na gaya ng kulog: ‘Halika!’” (Apocalipsis 6:1) Ito ang tinig ng unang kerubin. Ipinahihiwatig kay Juan ng tulad-leong anyo nito na lakas-loob na kikilos ang organisasyon ni Jehova sa paglalapat ng Kaniyang matuwid na mga hatol. At kanino ipinatutungkol ang utos na iyon? Hindi kay Juan, sapagkat inanyayahan na siyang makibahagi sa makahulang mga pangitaing ito. (Apocalipsis 4:1) Nananawagan ang “tinig na gaya ng kulog” sa iba pang kalahok sa una sa serye ng apat na kapana-panabik na mga eksena.

      Ang Kabayong Puti at ang Bantog na Sakay Nito

      3. (a) Ano ngayon ang inilalarawan ni Juan? (b) Kasuwato ng simbolismo ng Bibliya, saan lumalarawan ang kabayong puti?

      3 Pribilehiyo ni Juan, at kasama niya ang masigasig na uring Juan at ang kanilang mga kasamahan ngayon, na mamasdan ang isang drama na punong-puno ng aksiyon! Sinasabi ni Juan: “At nakita ko, at, narito! isang kabayong puti; at ang isa na nakaupo sa ibabaw nito ay may isang busog; at isang korona ang ibinigay sa kaniya, at humayo siyang nananaig at upang lubusin ang kaniyang pananaig.” (Apocalipsis 6:2) Oo, bilang tugon sa dumadagundong na “Halika!” isang kabayong puti ang sumusugod sa unahan. Sa Bibliya, malimit na sumasagisag sa digmaan ang kabayo. (Awit 20:7; Kawikaan 21:31; Isaias 31:1) Ang kabayong ito, malamang na isang makisig na barakong kabayo, ay nagniningning sa kaputian na nagpapahiwatig ng walang-dungis na kabanalan. (Ihambing ang Apocalipsis 1:14; 4:4; 7:9; 20:11.) Angkop na angkop ito, sapagkat sumasagisag ito sa isang digmaan na malinis at matuwid sa banal na paningin ni Jehova!​—Tingnan din ang Apocalipsis 19:11, 14.

      4. Sino ang Sakay ng kabayong puti? Ipaliwanag.

      4 Sino ang Sakay ng kabayong ito? May hawak siyang busog, isang sandatang ginagamit sa digmaan, pero binigyan din siya ng korona. Ang tanging mga matuwid na nakikitang nakokoronahan sa araw ng Panginoon ay si Jesus at ang uring kinakatawanan ng 24 na matatanda. (Daniel 7:13, 14, 27; Lucas 1:31-33; Apocalipsis 4:4, 10; 14:14)a Malayong mangyari na isang miyembro ng grupo ng 24 na matatanda ang ilalarawan na tumatanggap ng korona salig sa kaniyang sariling kagalingan. Kaya ang nag-iisang mangangabayong ito ay tiyak na si Jesu-Kristo at wala nang iba. Nakikita siya ni Juan sa langit sa makasaysayang panahon noong 1914 nang ipahayag ni Jehova, “Ako, ako nga, ang nagluklok ng aking hari,” at nang sabihin sa kaniya na ito’y sa layuning “maibigay ko ang mga bansa bilang iyong mana.” (Awit 2:6-8)b Kaya sa pagbubukas ng unang tatak, isinisiwalat ni Jesus kung paanong siya mismo, bilang bagong nakoronahang Hari, ay lalabas para makipagdigma sa takdang panahon ng Diyos.

      5. Paano inilalarawan ng salmista ang Sakay ng kabayo sa paraang nakakatulad ng Apocalipsis 6:2?

      5 Kaakit-akit ang pagkakatugma ng eksenang ito sa nasusulat sa Awit 45:4-7, na ipinatutungkol sa Haring iniluklok ni Jehova: “At sa iyong karilagan ay magtagumpay ka; sumakay ka alang-alang sa katotohanan at kapakumbabaan at katuwiran, at tuturuan ka ng iyong kanang kamay ng mga kakila-kilabot na bagay. Ang iyong mga palaso ay matutulis​—sa ilalim mo ay nagbabagsakan ang mga bayan​—sa puso ng mga kaaway ng hari. Ang Diyos ang iyong trono hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman; ang setro ng iyong paghahari ay setro ng katuwiran. Iniibig mo ang katuwiran at kinapopootan mo ang kabalakyutan. Kaya naman ang Diyos, ang iyong Diyos, ay nagpahid sa iyo ng langis ng pagbubunyi na higit kaysa sa iyong mga kasamahan.” Yamang pamilyar si Juan sa makahulang paglalarawang ito, nauunawaan niya na kumakapit ito sa gawain ni Jesus bilang Hari.​—Ihambing ang Hebreo 1:1, 2, 8, 9.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share