Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ginantimpalaan ang ‘mga Kaluluwang Pinatay’
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 13, 14. (a) Ayon kay apostol Pablo, kailan magsisimula ang makalangit na pagkabuhay-muli, at sinu-sino ang mga bubuhaying-muli? (b) Kailan binubuhay-muli tungo sa langit ang mga pinahiran na buháy pa sa araw ng Panginoon?

      13 Ang kaunawaang naisiwalat nang buksan ang ikalimang tatak ay lubusang kaayon ng iba pang mga kasulatan na tumatalakay sa makalangit na pagkabuhay-muli. Halimbawa, sumulat si apostol Pablo: “Sapagkat ito ang sinasabi namin sa inyo sa pamamagitan ng salita ni Jehova, na tayong mga buháy na natitira hanggang sa pagkanaririto ng Panginoon ay hindi sa anumang paraan mauuna roon sa mga natulog na sa kamatayan; sapagkat ang Panginoon mismo ay bababa mula sa langit na may nag-uutos na panawagan, may tinig ng arkanghel at may trumpeta ng Diyos, at yaong mga patay na kaisa ni Kristo ang unang babangon. Pagkatapos tayong mga buháy na siyang natitira, kasama nila, ay aagawin sa mga ulap upang salubungin ang Panginoon sa hangin; at sa gayon ay lagi na tayong makakasama ng Panginoon.”​—1 Tesalonica 4:15-17.

      14 Nakapupukaw-damdamin nga ang inihaharap sa mga talatang ito! Ang mga namatay na ay mas mauunang makapasok sa langit kaysa sa mga pinahirang kapatid ni Jesus na buháy pa sa lupa sa panahon ng kaniyang pagkanaririto. Ang mga ito, na namatay kaisa ni Kristo, ang unang babangon. Si Jesus ay bababa, samakatuwid nga, magbabaling ng kaniyang pansin sa kanila, at bubuhayin silang muli bilang mga espiritu, anupat pinagkakalooban sila ng “isang mahabang damit na puti.” Sa kalaunan, natatapos naman niyaong mga buháy pa bilang tao ang kanilang makalupang landasin, anupat marami sa kanila ang mamamatay sa marahas na paraan sa kamay ng mga mananalansang. Gayunman, hindi na sila matutulog sa kamatayan na gaya ng mga nauna sa kanila. Sa halip, pagkamatay nila, agad silang binabago​—“sa isang kisap-mata”​—at inaagaw tungo sa langit upang makasama ni Jesus at ng kanilang mga kapuwa miyembro ng katawan ni Kristo. (1 Corinto 15:50-52; ihambing ang Apocalipsis 14:13.) Kaya ang pagbuhay-muli sa mga pinahirang Kristiyano ay nagsimula di-nagtagal matapos humayo ang apat na mangangabayo ng Apocalipsis.

      15. (a) Anong mabuting balita ang idinulot ng pagbubukas ng ikalimang tatak? (b) Paano magtatapos ang paghayo ng Mananaig na sakay ng kabayong puti?

      15 Ang pagbubukas sa ikalimang tatak na ito ng balumbon ay mabuting balita hinggil sa mga pinahirang tagapag-ingat ng katapatan na nanaig, tapat hanggang sa kanilang kamatayan. Ngunit hindi ito mabuting balita para kay Satanas at sa kaniyang binhi. Hindi na mapipigilan ang paghayo ng Mananaig na sakay ng kabayong puti at magtatapos ito sa panahon ng pakikipagtuos sa sanlibutan na “nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Magiging maliwanag ito kapag binuksan ng Kordero ang ikaanim na tatak.

  • Mga Lindol sa Araw ng Panginoon
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 1, 2. (a) Ano ang nararanasan ng isa kapag may malakas na lindol? (b) Ano ang inilarawan ni Juan nang buksan ang ikaanim na tatak?

      NAKARANAS ka na ba ng isang malakas na lindol? Hindi ito kaayaayang karanasan. Maaaring magsimula sa nakahihilong paggiwang kasabay ng malakas na hugong ang malakas na pagyanig. Puwedeng lumakas ang sunud-sunod na pagyanig samantalang kumakaripas ka ng takbo upang manganlong​—marahil sa ilalim ng mesa. O baka mangyari ito nang biglaan, na may malakas na pag-uga, at pagbabagsakan ng mga kagamitang babasagin, mga kasangkapan, at mga gusali pa nga. Maaaring kapaha-pahamak ang maging pinsala, at nadaragdagan pa ng kasunod na mga pagyanig ang pinsala at paghihirap.

      2 Habang isinasaisip ito, isaalang-alang natin ang paglalarawan ni Juan sa pagbubukas ng ikaanim na tatak: “At nakita ko nang buksan niya ang ikaanim na tatak, at isang malakas na lindol ang naganap.” (Apocalipsis 6:12a) Malamang na kasabay ito ng panahon ng pagbubukas ng iba pang tatak. Kailan ba talaga sa araw ng Panginoon nagaganap ang lindol na ito, at anong uri ito ng pagyanig?​—Apocalipsis 1:10.

      3. (a) Anu-anong pangyayari ang binanggit ni Jesus sa hula hinggil sa tanda ng kaniyang pagkanaririto? (b) Ano ang kaugnayan ng literal na mga lindol sa makasagisag na malakas na lindol ng Apocalipsis 6:12?

      3 Ilang ulit na bumabanggit ang Bibliya hinggil sa literal at makasagisag na mga pagyanig ng lupa. Sa kaniyang dakilang hula hinggil sa tanda ng kaniyang pagkanaririto sa kapangyarihan ng Kaharian, inihula ni Jesus na magkakaroon ng “mga lindol sa iba’t ibang dako.” Magiging bahagi ito ng “pasimula ng mga hapdi ng kabagabagan.” Mula noong 1914, habang dumarami ang populasyon sa lupa tungo sa bilyun-bilyon, lubhang nakaragdag sa kabagabagan sa ating panahon ang literal na mga pagyanig. (Mateo 24:3, 7, 8) Bagaman katuparan ng hula ang mga ito, ang gayong mga lindol ay pawang likas na mga kasakunaan. Panimula lamang ang mga ito ng makasagisag na malakas na lindol ng Apocalipsis 6:12. Tunay ngang darating ito bilang mapamuksang kasukdulan ng sunud-sunod na patiunang pagyanig na uuga sa pinakapundasyon ng makalupang sistema ng mga bagay ni Satanas.a

      Mga Pagyanig sa Lipunan ng Tao

      4. (a) Kailan pa nalaman ng bayan ni Jehova na magsisimula ang kapaha-pahamak na mga pangyayari sa taóng 1914? (b) Katapusan ng anong yugto ng panahon ang 1914?

      4 Mula pa noong kalagitnaan ng dekada ng 1870, alam na ng bayan ni Jehova na magsisimula ang kapaha-pahamak na mga pangyayari sa taóng 1914 at na magiging tanda ito ng katapusan ng Panahong Gentil. Ito ang yugto ng “pitong panahon” (2,520 taon) na nagsimula noong 607 B.C.E. nang bumagsak ang Davidikong kaharian sa Jerusalem hanggang sa pagluklok ni Jesus sa makalangit na Jerusalem noong 1914 C.E.​—Daniel 4:24, 25; Lucas 21:24, King James Version.b

      5. (a) Ano ang ipinatalastas ni C. T. Russell noong Oktubre 2, 1914? (b) Anu-anong kaligaligan sa pulitika ang naganap mula noong 1914?

      5 Kaya sa pang-umagang pagsamba kasama ng pamilyang Bethel sa Brooklyn, New York, noong Oktubre 2, 1914, ganito ang kapana-panabik na patalastas ni C. T. Russell: “Nagwakas na ang Panahong Gentil; tapos na ang maliligayang araw ng kanilang mga hari.” Oo, napakalawak ng saklaw ng pandaigdig na kaligaligan na nagsimula noong 1914 anupat maraming monarkiya na matagal nang umiiral ang naglaho. Ang pagbagsak ng pamumuno ng mga czar noong himagsikang Bolshevik ng 1917 ay humantong sa mahabang-panahong pagbabanggaan ng Marxismo at kapitalismo. Ang lipunan ng tao sa buong daigdig ay patuloy na nililigalig ng mga pagyanig ng pagbabago sa pulitika. Sa ngayon, maraming pamahalaan ang hindi man lamang umaabot nang mahigit isa o dalawang taon. Ang kawalang-katatagan sa larangan ng pulitika ay ipinakikita ng nangyari sa Italya, kung saan 47 pamahalaan ang naghali-halili sa loob lamang ng 42 taon, pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Subalit ang ganitong patiunang pagyanig ay panimula lamang ng isang sukdulang pagbabago sa pamahalaan. Ang magiging resulta? Ang Kaharian ng Diyos ang hahalili at tanging mamamahala sa lupa.​—Isaias 9:6, 7.

      6. (a) Paano inilarawan ni H. G. Wells ang bago at napakahalagang yugto ng panahon? (b) Ano ang isinulat ng isang pilosopo at ng isang estadista tungkol sa yugto ng panahon mula noong 1914?

      6 Tinukoy ng mga istoryador, pilosopo, at pulitikal na mga lider ang taóng 1914 bilang pasimula ng isang bago at napakahalagang yugto ng panahon. Labimpitong taon mula nang magsimula ang yugtong ito, nagkomento ang istoryador na si H. G. Wells: “Magagalak sana ang propeta na humula ng kaayaayang mga bagay. Subalit tungkulin niyang sabihin kung ano ang kaniyang nakikita. Ang daigdig na nakikita niya ay kontroladong-kontrolado pa rin ng mga sundalo, mga makabayan, usurero, mga mapagsapalaran sa negosyo; isang daigdig na nasadlak sa paghihinala at poot, na mabilis na nawawalan ng kalayaan para sa bawat isa, nasasangkot sa walang-katuturan at malulupit na mga alitan ng mga pangkat, at naghahanda para sa panibagong mga digmaan.” Noong 1953, sumulat ang pilosopong si Bertrand Russell: “Mula noong 1914, lubhang nabagabag ang lahat ng palaisip sa takbo ng daigdig dahil sa wari’y nakatadhana at patiunang-itinalagang pagmamartsa tungo sa higit pang kapahamakan. . . . Sa pananaw nila, ang lahi ng tao ay kagaya ng bayani sa isang dulang trahedya ng mga Griego, na minamaniobra ng galít na mga diyos at walang magawa sa kaniyang sariling kahihinatnan.” Habang binubulay-bulay ang mapayapang pasimula ng ika-20 siglo, ganito ang sinabi ng estadistang si Harold Macmillan noong 1980: “Pabuti nang pabuti ang lahat. Ito ang daigdig na kinagisnan ko. . . . Walang anu-ano at di-inaasahan, biglang nagwakas ang lahat isang umaga noong 1914.”

      7-9. (a) Anu-anong kaligaligan ang yumanig sa lipunan ng tao mula noong 1914? (b) Ano pang kaligaligan ang mararanasan ng lipunan ng tao sa kalaunan sa panahon ng pagkanaririto ni Jesus?

      7 Nagdulot ng panibagong daluyong ng kaligaligan ang Digmaang Pandaigdig II. At ang lupa ay patuloy na niyayanig ng mas maliliit na digmaan at internasyonal na terorismo. Maraming tao ang nababahala dahil sa kasindak-sindak na banta ng mga terorista o ng mga estado na gumagamit ng mga sandata para sa lansakang paglipol.

      8 Gayunman, marami pang bagay bukod sa mga digmaan ang yumanig sa pinakapundasyon ng lipunan ng tao mula noong 1914. Ang isa sa pinakamasaklap na kaligaligan ay resulta ng pagbagsak ng merkado ng Estados Unidos noong Oktubre 29, 1929. Humantong ito sa Great Depression, na nakaapekto sa lahat ng bansang kapitalista. Nagsimulang makabawi ang ekonomiya sa pagitan ng 1932 at 1934, subalit nararamdaman pa rin natin ang mga epekto nito. Mula noong 1929, ang mahinang ekonomiya ng daigdig na ito ay niremedyuhan na lamang ng pansamantalang mga solusyon. Ang mga pamahalaan ay nahihirati sa utang. Dahil sa krisis sa langis noong 1973 at sa paghina ng merkado noong 1987, lalong lumakas ang mga pagyanig sa larangan ng ekonomiya. Samantala, milyun-milyong tao ang nabubuhay sa utang. Napakaraming nabibiktima ng mga gimik para magkapera, pyramid scheme, at mga loterya at iba pang tusong anyo ng pagsusugal, na marami sa mga ito ay itinataguyod ng mga pamahalaan na dapat sanang nagsasanggalang sa mga mamamayan. Maging ang mga ebanghelisador sa telebisyon ng Sangkakristiyanuhan ay naghahangad ding kumita nang milyun-milyong dolyar!​—Ihambing ang Jeremias 5:26-31.

      9 Nauna pa rito, sinamantala nina Mussolini at Hitler ang mga problema sa ekonomiya upang makapang-agaw ng kapangyarihan. Hindi nag-aksaya ng panahon ang Babilonyang Dakila upang manuyo sa kanila, at ang Vatican ay lumagda ng mga kasunduan sa Italya noong 1929 at sa Alemanya naman noong 1933. (Apocalipsis 17:5) Ang malalagim na araw na sumunod dito ay tiyak na bahagi ng katuparan ng hula ni Jesus tungkol sa kaniyang pagkanaririto, kasali na ang “panggigipuspos ng mga bansa, na hindi malaman ang gagawin . . . samantalang ang mga tao ay nanlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na dumarating sa tinatahanang lupa.” (Lucas 21:7-9, 25-31)c Oo, ang mga lindol na yumanig sa lipunan ng tao noong 1914 ay nagpapatuloy pa, na may malalakas na kasunod na pagyanig.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share