Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Pagtatatak sa Israel ng Diyos
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 14. Ano ang nagpapakitang ang mga Saksi ni Jehova ay palaging nanghahawakan sa paniniwala na 144,000 ang literal na bilang ng mga bumubuo sa espirituwal na Israel?

      14 Kapansin-pansin, naunawaan ni Charles T. Russell na ang 144,000 ay literal na bilang ng mga indibiduwal na bumubuo sa espirituwal na Israel. Sa The New Creation, Tomo VI ng kaniyang Studies in the Scriptures, na inilathala noong 1904, isinulat niya: “Hindi natin mapag-aalinlanganan na ang tiyak at takdang bilang ng mga hinirang [piniling mga pinahiran] ay yaong ilang beses na binanggit sa Apocalipsis (7:4; 14:1); samakatuwid nga, 144,000 na ‘tinubos mula sa mga tao.’” Gayundin ang isinasaad sa Light, Unang Aklat, na inilathala noong 1930 ng mga Estudyante ng Bibliya: “Ang 144,000 miyembro ng katawan ni Kristo ay ipinakikitang nagkakatipon bilang mga pinili at pinahiran, o tinatakan.” Ang mga Saksi ni Jehova ay palaging nanghahawakan sa paniniwala na literal na 144,000 pinahirang Kristiyano ang bumubuo sa espirituwal na Israel.

      15. Noong malapit na ang araw ng Panginoon, ano ang inakala ng taimtim na mga estudyante ng Bibliya na mararanasan ng likas na mga Judio matapos ang Panahong Gentil?

      15 Gayunpaman, hindi ba karapat-dapat din naman ang likas na Israel sa ilang pantanging pabor? Noong malapit na ang araw ng Panginoon, nang maunawaan ng taimtim na mga estudyante ng Bibliya ang marami sa saligang mga katotohanan ng Salita ng Diyos, inakala nila na sa pagtatapos ng Panahong Gentil, muling magkakaroon ng pantanging katayuan sa harap ng Diyos ang mga Judio. Kaya sa aklat ni C. T. Russell na The Time Is at Hand (Tomo II ng Studies in the Scriptures), inilathala noong 1889, ikinapit ang Jeremias 31:29-34 sa likas na mga Judio, at nagkomento nang ganito: “Saksi ang daigdig sa katotohanan na ang kaparusahan ng Israel sa ilalim ng pamumuno ng mga Gentil ay nagpatuloy mula noong B.C. [607], na ito’y nagpapatuloy pa rin, at walang saligan na muli silang maoorganisa bilang bansa bago ang A.D. 1914, ang hangganan ng kanilang ‘pitong panahon’​—2520 taon.” Inakala nila noon na mararanasan ng mga Judio ang pagsasauli sa kanilang bansa, at waring tumibay ang pag-asang ito noong 1917 nang ipangako sa Balfour Declaration ang suporta ng Britanya upang gawing pambansang tahanan ng mga Judio ang Palestina.

      16. Anu-anong pagsisikap ang ginawa ng mga Saksi ni Jehova upang ipaabot sa likas na mga Judio ang mensaheng Kristiyano, at ano ang naging resulta?

      16 Pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig, ipinagkaloob sa Gran Britanya ang pamamahala sa Palestina, at nabuksan ang pagkakataon para makabalik ang maraming Judio sa lupaing iyon. Noong 1948, itinatag ang pulitikal na Estado ng Israel. Hindi ba ipinakikita nito na nakahanay sa mga pagpapala ng Diyos ang mga Judio? Iyan ang paniniwala ng mga Saksi ni Jehova sa loob ng maraming taon. Kaya noong 1925, inilathala nila ang aklat na Comfort for the Jews, na may 128 pahina. Noong 1929, inilabas nila ang kaakit-akit na aklat na Life, isang tomo na may 360 pahina at dinisenyo upang pumukaw sa interes ng mga Judio at tumatalakay rin sa aklat ng Bibliya na Job. Gumawa ng malaking pagsisikap, lalung-lalo na sa New York City, upang ipaabot sa mga Judio ang mensaheng ito hinggil sa Mesiyas. Nakagagalak na may ilang indibiduwal ding tumugon, subalit gaya ng kanilang mga ninuno noong unang siglo, tinanggihan ng karamihan sa mga Judio ang ebidensiya ng pagkanaririto ng Mesiyas.

      17, 18. Ano ang naunawaan ng mga alipin ng Diyos sa lupa hinggil sa bagong tipan at sa mga hula ng Bibliya hinggil sa pagsasauli?

      17 Maliwanag na ang mga Judio, bilang isang bayan at bilang isang bansa, ay hindi siyang Israel na inilalarawan sa Apocalipsis 7:4-8 o sa iba pang hula ng Bibliya na nauugnay sa araw ng Panginoon. Dahil sa kanilang tradisyon, patuloy na iniwasan ng mga Judio ang paggamit sa pangalan ng Diyos. (Mateo 15:1-3, 7-9) Bilang pagtalakay sa Jeremias 31:31-34, ang aklat na Jehovah, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova noong 1934, ay buong-katiyakang nagsabi: “Ang bagong tipan ay walang kinalaman sa likas na mga inapo ng Israel at sa sangkatauhan sa pangkalahatan, kundi . . . limitado ito sa espirituwal na Israel.” Ang mga hula ng Bibliya tungkol sa pagsasauli ay walang kaugnayan sa likas na mga Judio ni sa pulitikal na Israel, na miyembro ng Nagkakaisang mga Bansa at bahagi ng sanlibutan na tinukoy ni Jesus sa Juan 14:19, 30 at 18:36.

      18 Noong 1931, buong-kagalakang tinanggap ng mga alipin ng Diyos sa lupa ang pangalang mga Saksi ni Jehova. Maaari silang buong-pusong sumang-ayon sa mga salita ng Awit 97:11: “Ang liwanag ay suminag para sa matuwid, at ang pagsasaya para nga sa mga matapat ang puso.” Buong-liwanag nilang nauunawaan na ang espirituwal na Israel lamang ang dinala sa bagong tipan. (Hebreo 9:15; 12:22, 24) Walang bahagi roon ang manhid na likas na Israel, ni ang sangkatauhan man sa pangkalahatan. Ang kaunawaang ito ay nagbigay-daan sa maningning na pagkislap ng liwanag mula sa Diyos, namumukod-tangi sa mga ulat ng teokratikong kasaysayan. Isisiwalat nito kung gaano kasaganang pinararating ni Jehova ang kaniyang awa, maibiging-kabaitan, at katotohanan sa lahat ng taong lumalapit sa kaniya. (Exodo 34:6; Santiago 4:8) Oo, bukod sa Israel ng Diyos, may iba pang makikinabang sa pagpigil ng mga anghel sa apat na hangin ng pagkapuksa. Sinu-sino kaya ang mga ito? Isa ka kaya sa kanila? Alamin natin.

  • Isang Napakalaking Pulutong
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 1. Matapos ilarawan ang pagtatatak sa 144,000, ano pang ibang grupo ang nakikita ni Juan?

      PAGKATAPOS ilarawan ang pagtatatak sa 144,000, iniuulat naman ni Juan ang isa sa pinakakapana-panabik na pagsisiwalat sa buong Kasulatan. Malamang na napalukso sa tuwa ang puso niya samantalang iniuulat niya ito, sa pagsasabing: “Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko, at, narito! isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero, na nadaramtan ng mahahabang damit na puti; at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay.” (Apocalipsis 7:9) Oo, dahil sa pagpigil sa apat na hangin, may isa pang grupo na makaliligtas bukod sa 144,000 miyembro ng espirituwal na Israel: isang internasyonal na malaking pulutong na may iba’t ibang wika.a​—Apocalipsis 7:1.

      2. Ano ang paliwanag ng mga komentarista ng sanlibutan hinggil sa malaking pulutong, at paano itinuring maging ng mga Estudyante ng Bibliya noong una ang grupong ito?

      2 Ipinalalagay ng mga komentarista ng sanlibutan na ang malaking pulutong na ito ay mga di-Judio sa laman na nakumberte sa Kristiyanismo o mga Kristiyanong martir na pupunta sa langit. Inakala maging ng mga Estudyante ng Bibliya noong una na pangalawahing uring makalangit ang mga ito, gaya ng binanggit noong 1886 sa Tomo I ng Studies in the Scriptures, The Divine Plan of the Ages: “Hindi sila gagantimpalaan ng paghahari at ng tulad-diyos na katangian ngunit sa kalaunan, isisilang sila bilang espiritung mga persona na mas mababa kaysa sa mga nagtataglay ng tulad-diyos na katangian. Bagaman tunay na nakaalay sila, nadaraig sila ng espiritu ng sanlibutan anupat nabibigo silang iharap ang kanilang buhay bilang isang hain.” At hanggang 1930, ang ganitong paniniwala ay ipinahayag sa Light, Unang Aklat: “Ang mga bumubuo sa malaking pulutong na ito ay hindi tumugon sa paanyaya na maging masisigasig na saksi ukol sa Panginoon.” Inilarawan sila bilang isang grupong mapagmatuwid sa sarili at bagaman may kaalaman hinggil sa katotohanan, hindi naman nila ito gaanong ipinangangaral. Makararating sila diumano sa langit bilang pangalawahing uri ngunit hindi maghaharing kasama ni Kristo.

      3. (a) Anong pag-asa ang inilaan sa mga may matuwid na puso na naging masigasig sa gawaing pangangaral nang maglaon? (b) Paano ipinaliwanag ng The Watch Tower noong 1923 ang talinghaga hinggil sa mga tupa at kambing?

      3 Gayunman, may ibang kasamahan ang mga pinahirang Kristiyano na naging napakasigasig sa gawaing pangangaral nang dakong huli. Hindi sila umaasang pupunta sila sa langit. Sa katunayan, ang kanilang pag-asa ay kasuwato ng pamagat ng isang pahayag pangmadla na itinampok ng bayan ni Jehova mula noong 1918 hanggang 1922. Ito noon ay “Nagwakas Na ang Sanlibutan​—Angaw-angaw na Ngayo’y Nabubuhay ay Hindi na Mamamatay Kailanman.”b Di-nagtagal, ipinaliwanag ng magasing Watch Tower ng Oktubre 15, 1923, ang talinghaga ni Jesus hinggil sa mga tupa at kambing (Mateo 25:31-46), at nagsabi: “Kumakatawan ang mga tupa sa lahat ng tao sa mga bansa, na bagaman hindi inianak sa espiritu ay nakahilig naman sa katuwiran, na isinasaisip at kinikilala na si Jesu-Kristo ang Panginoon at naghahangad at umaasa ukol sa higit na kaayaayang panahon sa ilalim ng kaniyang paghahari.”

      4. Paano higit na naging maliwanag ang pagkaunawa tungkol sa uring makalupa noong 1931? noong 1932? noong 1934?

      4 Ilang taon pagkaraan nito, noong 1931, tinalakay sa Vindicaton, Unang Aklat, ang Ezekiel kabanata 9. Ipinakilala nito ang mga tupa sa kababanggit na talinghaga bilang mga taong minarkahan sa noo ukol sa kaligtasan sa katapusan ng sanlibutan. Inilarawan ng Vindication, Ikatlong Aklat, na inilabas noong 1932, ang matuwid na saloobin ng puso ng di-Israelitang si Jehonadab, na umangkas sa karo ng pinahirang haring si Jehu ng Israel at sumama upang makita ang sigasig ni Jehu sa paglipol sa huwad na mga mananamba. (2 Hari 10:15-17) Nagkomento ang aklat: “Kumakatawan o lumalarawan si Jehonadab sa uri ng mga taong nasa lupa ngayon sa panahong isinasagawa ang gawaing-Jehu [paghahayag ng mga kahatulan ni Jehova], na mabubuting-loob, hindi nakikiayon sa organisasyon ni Satanas, naninindigan sa panig ng katuwiran, at siyang mga ililigtas ng Panginoon sa panahon ng Armagedon, upang itawid silang buháy sa kapighatiang iyon at pagkalooban sila ng buhay na walang hanggan sa lupa. Sila ang bumubuo sa uring ‘tupa.’” Noong 1934, niliwanag ng The Watchtower na dapat mag-alay ng kanilang sarili kay Jehova at magpabautismo ang mga Kristiyanong ito na may makalupang pag-asa. Ang pagkaunawa hinggil sa makalupang uring ito ay lumiliwanag nang lumiliwanag.​—Kawikaan 4:18.

      5. (a) Paano ipinakilala ang malaking pulutong noong 1935? (b) Nang patayuin ni J. F. Rutherford noong 1935 ang mga kombensiyonista na umaasang mabuhay magpakailanman sa lupa, ano ang nangyari?

      5 Malapit nang ganap na magningning ang pagkaunawa sa Apocalipsis 7:9-17! (Awit 97:11) Paulit-ulit na ipinatalastas ng magasing Watchtower ang isang kombensiyong itinakdang ganapin noong Mayo 30 hanggang Hunyo 3, 1935, sa Washington, D.C., E.U.A., na inaasahang magdudulot ng “tunay na kaaliwan at kapakinabangan” para sa mga inilalarawan ni Jehonadab. At ganito nga ang nangyari! Sa nakapagpapakilos na pahayag na “Ang Lubhang Karamihan,” na binigkas sa mga 20,000 kombensiyonista, si J. F. Rutherford, na nanguna noon sa pambuong daigdig na gawaing pangangaral, ay nagharap ng maka-Kasulatang patotoo na ang makabagong-panahong ibang tupa ay siya ring malaking pulutong sa Apocalipsis 7:9. Sa pagtatapos ng pahayag na iyon, hiniling ng tagapagsalita: “Mangyari lamang na lahat ng mga may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa ay magsitayo.” Nang tumayo ang karamihan sa mga tagapakinig, ganito ang ipinahayag ng tagapagsalita: “Masdan! Ang lubhang karamihan!” Nagkaroon ng ganap na katahimikan, na sinundan ng masigabong palakpakan. Laking tuwa ng uring Juan​—at pati na rin ng grupong Jehonadab! Kinabukasan, 840 bagong mga Saksi ang binautismuhan, na karamihan sa mga ito ay nag-aangking kabilang sa malaking pulutong na iyon.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share