Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Isang Napakalaking Pulutong
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 30. Anong kagila-gilalas na tanawin ang isinisiwalat sa atin sa pangitain ni Juan, at sino ang “makatatayo”?

      30 Talagang kagila-gilalas na tanawin ang isinisiwalat sa atin ng mga pananalitang ito! Si Jehova mismo ay nasa kaniyang trono, at nagkakaisa sa pagpuri sa kaniya ang lahat ng kaniyang mga lingkod, makalangit at makalupa. Pinahahalagahan ng kaniyang makalupang mga lingkod ang kahanga-hangang pribilehiyo na umalinsabay sa lumalakas na korong ito ng papuri. Napakalapit nang ilapat ni Jehova at ni Kristo Jesus ang hatol, at maririnig ang sigaw na ito: “Dumating na ang dakilang araw ng kanilang poot, at sino ang makatatayo?” (Apocalipsis 6:17) Ang sagot? Kaunti lamang sa sangkatauhan, kabilang na ang sinuman sa tinatakang 144,000 na maaaring naririto pa sa laman at isang malaking pulutong ng mga ibang tupa na “makatatayo,” samakatuwid nga, makaliligtas na kasama nila.​—Jeremias 35:19; 1 Corinto 16:13.

      31. Paano dapat makaapekto ang katuparan ng pangitain ni Juan sa mga Kristiyano, kapuwa sa pinahiran at sa malaking pulutong?

      31 Dahil dito, ang mga pinahirang Kristiyano na kabilang sa uring Juan ay buong-lakas na “nagsusumikap patungo sa tunguhin ukol sa gantimpala ng paitaas na pagtawag ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 3:14) Dahil sa mga pangyayari sa panahong ito, alam na alam nilang kailangan silang magpakita ng di-pangkaraniwang pagbabata. (Apocalipsis 13:10) Matapos paglingkuran si Jehova nang tapat sa loob ng napakaraming taon, nanghahawakan silang mahigpit sa pananampalataya, at nagagalak sapagkat ang kanilang mga pangalan ay “nakasulat na sa langit.” (Lucas 10:20; Apocalipsis 3:5) Batid din ng mga kabilang sa malaking pulutong na ang mga “nakapagbata [lamang] hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mateo 24:13) Bagaman nakatakdang lumabas mula sa malaking kapighatian ang malaking pulutong bilang isang grupo, ang mga indibiduwal na kabilang dito ay dapat na puspusang magsikap upang manatiling malinis at aktibo.

      32. Yamang dalawang grupo lamang ang “makatatayo” sa araw ng poot ni Jehova, anong apurahang pagkilos ang idiniriin na dapat gawin?

      32 Walang patunay na may iba pang “makatatayo” sa araw ng poot ni Jehova maliban sa dalawang grupong ito. Ano ang kahulugan nito para sa milyun-milyon na bawat taon ay nagpapakita rin naman ng paggalang sa hain ni Jesus anupat dumadalo sa pagdiriwang ng Memoryal ng kaniyang kamatayan, subalit hindi pa nananampalataya sa hain ni Jesus hanggang sa punto na maging nakaalay at bautisadong mga lingkod ni Jehova, na aktibong naglilingkod sa kaniya? Bukod dito, paano naman ang mga dating aktibo subalit hinayaang “mapabigatan ng . . . mga kabalisahan sa buhay” ang kanilang puso? Magising nawa ang lahat ng ito, at manatiling gising, upang “magtagumpay . . . sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na nakatalagang maganap, at sa pagtayo sa harap ng Anak ng tao”​—si Jesu-Kristo. Maikli na ang panahon!​—Lucas 21:34-36.

  • Mga Salot ni Jehova sa Sangkakristiyanuhan
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 1. Ano ang nangyari nang buksan ng Kordero ang ikapitong tatak?

      PINIPIGILAN ang “apat na hangin” hanggang sa matatakan ang 144,000 ng espirituwal na Israel at maging sinang-ayunan ukol sa kaligtasan ang malaking pulutong. (Apocalipsis 7:1-4, 9) Gayunman, bago humampas sa lupa ang nagngangalit na bagyo, dapat munang ipaalam ang kapaha-pahamak na mga kahatulan ni Jehova laban sa sanlibutan ni Satanas! Habang binubuksan ng Kordero ang ikapito at huling tatak, tiyak na buong-pananabik na nagmamasid si Juan upang makita kung ano ang isisiwalat. Ibinabahagi niya ngayon sa atin ang kaniyang karanasan: “At nang buksan niya [ng Kordero] ang ikapitong tatak, nagkaroon ng katahimikan sa langit nang mga kalahating oras. At nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harap ng Diyos, at binigyan sila ng pitong trumpeta.”​—Apocalipsis 8:1, 2.

      Panahon Ukol sa Marubdob na Panalangin

      2. Ano ang nagaganap sa panahon ng makasagisag na kalahating oras ng katahimikan sa langit?

      2 Makahulugan ang katahimikang ito! Waring napakatagal ng kalahating oras kapag may hinihintay kang mangyayari. Ngayon, hindi na naririnig maging ang walang-patid na makalangit na koro ng pagpuri. (Apocalipsis 4:8) Bakit kaya? Nakikita ni Juan sa pangitain ang dahilan: “At isa pang anghel ang dumating at tumayo sa may altar, taglay ang isang ginintuang sisidlan ng insenso; at binigyan siya ng maraming insenso upang ihandog iyon kasama ng mga panalangin ng lahat ng mga banal sa ibabaw ng ginintuang altar na nasa harap ng trono. At ang usok ng insenso ay pumailanlang mula sa kamay ng anghel kasama ng mga panalangin ng mga banal sa harap ng Diyos.”​—Apocalipsis 8:3, 4.

      3. (a) Ano ang ipinaaalaala sa atin ng pagsusunog ng insenso? (b) Ano ang layunin ng kalahating oras ng katahimikan sa langit?

      3 Ipinaaalaala nito sa atin na sa ilalim ng Judiong sistema ng mga bagay, araw-araw na nagsusunog ng insenso sa tabernakulo at, nang dakong huli, sa templo sa Jerusalem. (Exodo 30:1-8) Samantalang sinusunog ang insenso, ang di-makasaserdoteng mga Israelita ay naghihintay sa labas ng banal na dako habang nananalangin​—walang pagsalang tahimik lamang sa kanilang puso​—sa Isa na pinatutunguhan ng usok ng insenso. (Lucas 1:10) Katulad din nito ang nakikita ngayon ni Juan na nagaganap sa langit. Ang insensong inihahandog ng anghel ay iniuugnay sa “mga panalangin ng mga banal.” Sa katunayan, sa isang mas naunang pangitain, sinasabing kumakatawan ang insenso sa gayong mga panalangin. (Apocalipsis 5:8; Awit 141:1, 2) Maliwanag kung gayon, na nagkaroon ng makasagisag na katahimikan sa langit upang marinig ang mga panalangin ng mga banal na nasa lupa.

      4, 5. Anong makasaysayang mga pangyayari ang tumutulong sa atin upang matiyak ang yugto ng panahon na katumbas ng makasagisag na kalahating oras ng katahimikan?

      4 Matitiyak ba natin kung kailan ito naganap? Oo, matitiyak natin sa pamamagitan ng pagsusuri sa konteksto, pati na sa makasaysayang mga pangyayari sa pagsisimula ng araw ng Panginoon. (Apocalipsis 1:10) Noong 1918 at 1919, ang mga pangyayari sa lupa ay katulad na katulad ng eksenang inilalarawan sa Apocalipsis 8:1-4. Sa loob ng 40 taon bago ang 1914, buong-tapang na inihayag ng mga Estudyante ng Bibliya​—na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova​—na magwawakas sa taóng iyon ang mga panahon ng mga Gentil. Pinatunayan ng mga kaligaligan noong 1914 na tama sila. (Lucas 21:24, King James Version; Mateo 24:3, 7, 8) Subalit marami rin sa kanila ang naniwala na pagsapit ng 1914, kukunin na sila mula sa lupang ito tungo sa kanilang makalangit na mana. Hindi nangyari iyon. Sa halip, noong unang digmaang pandaigdig, nagbata sila ng matinding pag-uusig. Noong Oktubre 31, 1916, namatay ang unang pangulo ng Samahang Watch Tower na si Charles T. Russell. Pagkatapos, noong Hulyo 4, 1918, ang bagong pangulong si Joseph F. Rutherford, at pitong iba pang kinatawan ng Samahan ay may-kamaliang sinentensiyahan ng maraming taóng pagkabilanggo at dinala sa bilangguan sa Atlanta, Georgia.

      5 Nagulumihanan ang taimtim na mga Kristiyano ng uring Juan. Ano ang gusto ng Diyos na gawin nila ngayon? Kailan sila dadalhin sa langit? Isang artikulo na pinamagatang “Tapos Na ang Pag-aani​—Ano ang Susunod?” ang lumabas sa isyu ng The Watch Tower ng Mayo 1, 1919. Ipinakita nito ang kalagayang ito ng kawalang-katiyakan at pinatibay-loob ang mga tapat na magpatuloy sa pagbabata, at idinagdag pa: “Naniniwala kaming angkop na sabihin ngayon na tapos na ang pagtitipon ng uring kaharian, na lahat ng kabilang sa uring ito ay wastong natatakan at sarado na ang pinto.” Sa mahihirap na panahong ito, pumailanlang ang marubdob na mga panalangin ng uring Juan, na waring kasama ng usok ng maraming insenso. At dininig ang kanilang mga panalangin!

      Paghahagis ng Apoy sa Lupa

      6. Ano ang naganap pagkaraan ng katahimikan sa langit, at sagot ito sa ano?

      6 Sinasabi sa atin ni Juan: “Ngunit kaagad na kinuha ng anghel ang sisidlan ng insenso, at pinunô niya iyon ng isang bahagi ng apoy mula sa altar at inihagis iyon sa lupa. At nagkaroon ng mga kulog at mga tinig at mga kidlat at isang lindol.” (Apocalipsis 8:5) Pagkatapos ng katahimikan, biglang nagkaroon ng dramatikong mga pangyayari! Maliwanag na ito ang sagot sa mga panalangin ng mga banal, yamang dulot ito ng apoy na kinuha mula sa altar ng insenso. Noong 1513 B.C.E., sa Bundok Sinai, ang mga kulog at kidlat, isang malakas na ingay, apoy, at pagyanig ng bundok ay naging hudyat ng pagbabaling ni Jehova ng kaniyang pansin sa kaniyang bayan. (Exodo 19:16-20) Ang nakakahawig na mga kapahayagan na iniulat ni Juan ay nagpahiwatig din ng pagbibigay-pansin ni Jehova sa kaniyang mga lingkod sa lupa. Subalit ang namamasdan ni Juan ay inihaharap bilang mga tanda. (Apocalipsis 1:1) Kaya ano ang kahulugan sa ngayon ng makasagisag na apoy, kulog, tinig, kidlat, at lindol?

      7. (a) Anong makasagisag na apoy ang pinagningas ni Jesus sa lupa noong panahon ng kaniyang ministeryo? (b) Paano nagpaningas ng apoy sa Sangkakristiyanuhan ang espirituwal na mga kapatid ni Jesus?

      7 Sa isang pagkakataon, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ako ay pumarito upang magpaningas ng apoy sa lupa.” (Lucas 12:49) Talaga ngang nagpaningas siya ng apoy. Sa pamamagitan ng kaniyang masigasig na pangangaral, iniharap ni Jesus sa mga Judio ang Kaharian ng Diyos bilang pinakatampok na isyu, at nagpasiklab ito ng mainit na pagtatalo sa buong bansa. (Mateo 4:17, 25; 10:5-7, 17, 18) Noong 1919, ang espirituwal na mga kapatid ni Jesus sa lupa, ang maliit na grupo ng mga pinahirang Kristiyano na nakapagbata sa mahihirap na panahon ng Digmaang Pandaigdig I, ay nagpaningas ng gayunding apoy sa Sangkakristiyanuhan. Noong Setyembre ng taóng iyon, kitang-kita ang pagkilos ng espiritu ni Jehova nang magtipon ang kaniyang tapat na mga Saksi mula sa iba’t ibang dako sa Cedar Point, Ohio, E.U.A. Si Joseph F. Rutherford, na kalalaya lamang mula sa bilangguan at malapit nang mapawalang-sala mula sa mga paratang laban sa kaniya, ay buong-tapang na nagpahayag sa kombensiyong iyon, at nagsabi: “Bilang pagtalima sa utos ng ating Panginoon, at bilang pagkilala sa ating pribilehiyo at pananagutan na makipagbaka sa mga tanggulan ng kamalian na kaytagal nang umalipin sa mga tao, ang ating tungkulin noon at ngayon ay ihayag ang dumarating na maluwalhating kaharian ng Mesiyas.” Ito ang pangunahing isyu​—Kaharian ng Diyos!

      8, 9. (a) Paano inilarawan ni J. F. Rutherford ang saloobin at mithiin ng bayan ng Diyos sa loob ng mahihirap na taon ng digmaan? (b) Sa anong diwa inihagis ang apoy sa lupa? (c) Paano nagkaroon ng mga kulog, mga tinig, mga kidlat, at isang lindol?

      8 Bilang pagtukoy sa kahirapang katatapos lamang maranasan ng bayan ng Diyos, sinabi ng tagapagsalita: “Gayon na lamang kalupit ang pagsalakay ng kaaway anupat maraming kabilang sa minamahal na kawan ng Panginoon ang nabigla at natigilan, na nananalangin at naghihintay sa Panginoon na isiwalat ang kaniyang kalooban. . . . Ngunit sa kabila ng pansamantalang panghihina ng loob, naroon pa rin ang nag-aapoy na mithiin na maipahayag ang mensahe ng kaharian.”​—Tingnan ang Setyembre 15, 1919, na isyu ng The Watch Tower, pahina 280.

      9 Noong 1919, natugunan ang mithiing ito. Ang maliit subalit aktibong grupo ng mga Kristiyanong ito ay pinagningas, sa espirituwal na diwa, upang pasimulan ang pambuong-daigdig na kampanya ng pangangaral. (Ihambing ang 1 Tesalonica 5:19.) Inihagis ang apoy sa lupa sa diwa na ginawang maliyab na isyu ang Kaharian ng Diyos, at totoo pa rin ito hanggang sa ngayon! Hinalinhan ng malalakas na tinig ang katahimikan, na buong-linaw na nagpapahayag ng mensahe ng Kaharian. Dumagundong na parang makulog na bagyo ang mga babala mula sa Bibliya. Gaya ng mga kidlat, ang maliliwanag na sinag ng katotohanan ay sumikat mula sa makahulang Salita ni Jehova, at waring niyanig ng malakas na lindol ang pinakapundasyon ng mga relihiyon. Nakita ng uring Juan na may gawaing dapat isagawa. At hanggang ngayon, patuloy na lumalawak sa kahanga-hangang paraan ang gawaing iyan sa buong tinatahanang lupa!​—Roma 10:18.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share