-
Mga Salot ni Jehova sa SangkakristiyanuhanApocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
36. Ano ang nangyari nang hipan ng ikaapat na anghel ang kaniyang trumpeta?
36 “At hinipan ng ikaapat na anghel ang kaniyang trumpeta. At ang isang katlo ng araw ay hinampas at ang isang katlo ng buwan at ang isang katlo ng mga bituin, upang ang isang katlo nila ay magdilim at ang araw ay hindi magkaroon ng liwanag sa isang katlo nito, at gayundin naman ang gabi.” (Apocalipsis 8:12) Literal na kadiliman ang ikasiyam na salot sa Ehipto. (Exodo 10:21-29) Subalit ano ang makasagisag na kadilimang ito na sumasalot sa mga tao?
37. Paano inilarawan nina apostol Pedro at Pablo ang espirituwal na kalagayan ng mga nasa labas ng kongregasyong Kristiyano?
37 Sinabi ni apostol Pedro sa kaniyang mga kapananampalataya na dati silang nasa kadiliman, sa espirituwal na diwa, bago sila naging mga Kristiyano. (1 Pedro 2:9) Ginamit din ni Pablo ang salitang “kadiliman” upang ilarawan ang espirituwal na kalagayan ng mga nasa labas ng kongregasyong Kristiyano. (Efeso 5:8; 6:12; Colosas 1:13; 1 Tesalonica 5:4, 5) Subalit kumusta naman ang mga nasa Sangkakristiyanuhan na nag-aangking naniniwala sa Diyos at nagsasabing tinatanggap nila si Jesus bilang kanilang Tagapagligtas?
38. Anong katotohanan hinggil sa “liwanag” ng Sangkakristiyanuhan ang inihahayag ng ikaapat na anghel?
38 Sinabi ni Jesus na makikilala ang mga tunay na Kristiyano sa kanilang mga bunga at na maraming nag-aangking tagasunod niya ang magiging “mga manggagawa ng katampalasanan.” (Mateo 7:15-23) Hindi maikakaila ng sinumang nakakakita sa mga bunga ng isang katlo ng sanlibutan na sakop ng Sangkakristiyanuhan na ang mga ito’y kakapa-kapa sa pusikit na espirituwal na kadiliman. (2 Corinto 4:4) Siya ang pangunahing dapat sisihin, sapagkat nag-aangkin siyang Kristiyano. Kaya angkop lamang na ihayag ng ikaapat na anghel ang katotohanan na ang “liwanag” ng Sangkakristiyanuhan ay sa katunayan kadiliman, at na ang mga pinagmumulan ng kaniyang “liwanag” ay maka-Babilonya—hindi maka-Kristiyano.—Marcos 13:22, 23; 2 Timoteo 4:3, 4.
39. (a) Paano inilarawan ang huwad na liwanag ng Sangkakristiyanuhan sa resolusyong pinagtibay sa kombensiyon noong 1925? (b) Ano pang paglalantad ang ginawa noong 1955?
39 Kasuwato ng makalangit na kapahayagang iyon, pinunô ng nagkakatipong bayan ng Diyos ang lugar ng kombensiyon sa Indianapolis, Indiana, E.U.A., noong Agosto 29, 1925, at nagpasiya silang ilathala ang isang tahasang resolusyon na pinamagatang “Mensahe ng Pag-asa.” Muli, mga 50 milyong kopya sa maraming wika ang ipinamahagi. Inilarawan nito ang huwad na liwanag na iniaalok ng mapagsamantalang mga negosyante, pulitikal na mga lider, at relihiyosong klero, na naging dahilan upang “mahulog ang mga tao sa kadiliman.” At ipinakita nitong ang Kaharian ng Diyos ang tunay na pag-asa sa pagkakamit ng “mga pagpapala ng kapayapaan, kasaganaan, kalusugan, buhay, kalayaan at walang-hanggang kaligayahan.” Nangailangan ng tibay-loob upang maipahayag ng maliit na grupong ito ng mga pinahirang Kristiyano ang ganitong mga mensahe laban sa dambuhalang organisasyon ng Sangkakristiyanuhan. Subalit mula noong unang mga taon ng dekada ng 1920 hanggang sa ngayon, walang-humpay pa rin nilang isinasagawa ito. Noong 1955 naman, isa pang karagdagang paglalantad sa uring klero ang ginawa sa pamamagitan ng pandaigdig na pamamahagi ng buklet na pinamagatang Christendom or Christianity—Which One Is “the Light of the World”? (Sangkakristiyanuhan o Kristiyanismo—Alin ang “Liwanag ng Sanlibutan”?) na inilimbag sa maraming wika. Sa ngayon, hayag na hayag na ang pagpapaimbabaw ng Sangkakristiyanuhan anupat personal na nasasaksihan ito ng marami sa sanlibutan. Subalit hindi naglubay ang bayan ni Jehova sa paglalantad sa kung ano talaga siya: isang kaharian ng kadiliman.
Isang Lumilipad na Agila
40. Ano ang inihayag ng apat na tunog ng trumpeta tungkol sa kalagayan ng Sangkakristiyanuhan?
40 Ang unang apat na tunog ng trumpeta ay tunay na nagsiwalat sa tiwangwang at nakamamatay na kalagayan ng Sangkakristiyanuhan. Ang kaniyang bahagi ng “lupa” ay inilantad na karapat-dapat sa paghatol ni Jehova. Ang rebolusyonaryong mga pamahalaan na nagsulputan sa kaniyang mga lupain at sa iba pang dako ay inihayag na mapaminsala sa espirituwal. Lubusang inihantad ang bumagsak na kalagayan ng kaniyang klero, at ang pangkalahatang kadiliman ng kaniyang espirituwal na kalagayan ay inilantad upang makita ng lahat. Ang Sangkakristiyanuhan nga ang pinakakasuklam-suklam na bahagi ng sistema ng mga bagay ni Satanas.
41. Nang pansamantalang huminto ang sunud-sunod na tunog ng trumpeta, ano ang nakita at narinig ni Juan?
41 Ano pa ang dapat ihayag? Bago natin malaman ang sagot sa tanong na ito, may maikling paghinto sa sunud-sunod na tunog ng trumpeta. Inilalarawan ni Juan ang sumunod na nakita niya: “At nakita ko, at narinig ko ang isang agila na lumilipad sa kalagitnaan ng langit na nagsabi sa malakas na tinig: ‘Sa aba, sa aba, sa aba niyaong mga tumatahan sa lupa dahil sa nalalabing mga tunog ng trumpeta ng tatlong anghel na malapit nang humihip sa kanilang mga trumpeta!’”—Apocalipsis 8:13.
42. Ano ang maaaring isinasagisag ng lumilipad na agila, at ano ang mensahe nito?
42 Matayog na lumilipad sa langit ang agila, anupat nakikita ito ng mga tao sa maraming dako. Napakatalas ng paningin nito at nakatatanaw nang napakalayo. (Job 39:29) Ang isa sa apat na kerubing nilalang na buháy sa palibot ng trono ng Diyos ay inilarawan bilang isang lumilipad na agila. (Apocalipsis 4:6, 7) Ito man ang kerubing iyon o iba pang lingkod ng Diyos na may matalas na pananaw, ubod-lakas nitong inihahayag ang isang dinamikong mensahe: “Sa aba, sa aba, sa aba”! Kailangang magbigay-pansin ang mga nananahan sa lupa, samantalang pinakikinggan ang tatlo pang nalalabing tunog ng trumpeta, na bawat isa ay may kaugnayan sa isa sa mga kaabahang ito.
-
-
Unang Kaabahan—Mga BalangApocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
1. Habang pinatutunog ng mga anghel ang mga trumpeta, sino naman ang mga nagbabalita nito, at ano ang ipinahahayag ng tunog ng ikalimang trumpeta?
NAGHAHANDA nang hipan ng ikalimang anghel ang kaniyang trumpeta. Apat na makalangit na mga trumpeta ang nahipan na, at apat na salot na ang pinasapit sa isang katlo ng lupa na itinuturing ni Jehova bilang siyang pinakamakasalanan—ang Sangkakristiyanuhan. Nahayag na ang kaniyang naghihingalong kalagayan. Habang hinihipan ng mga anghel ang mga trumpeta, ibinabalita naman ito ng mga tao sa lupa. Handa na ngayong ipahayag ng ikalimang trumpeta na hinihipan ng anghel ang unang kaabahan, na higit pang kakila-kilabot kaysa sa naunang mga pangyayari. Nauugnay ito sa isang nakasisindak na salot ng mga balang. Subalit suriin muna natin ang ibang mga teksto na tutulong sa atin upang higit pang maunawaan ang salot na ito.
2. Anong aklat ng Bibliya ang naglalarawan sa salot ng mga balang na katulad ng nakikita ni Juan, at ano ang naging epekto nito sa sinaunang Israel?
2 Inilalarawan ng aklat ng Bibliya na Joel, na isinulat noong ikasiyam na siglo B.C.E., ang salot ng mga insekto, kasama na rito ang mga balang, na katulad ng nakikita ni Juan. (Joel 2:1-11, 25)a Pahihirapan nito nang husto ang apostatang Israel subalit aakay rin naman ito sa indibiduwal na mga Judio na magsisi at maibalik ang pagsang-ayon ni Jehova. (Joel 2:6, 12-14) Kapag dumating na ang panahong iyon, ibubuhos ni Jehova ang kaniyang espiritu sa “bawat uri ng laman,” samantalang nagaganap ang nakasisindak na mga tanda at kababalaghan bago “dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.”—Joel 2:11, 28-32.
Salot Noong Unang Siglo
3, 4. (a) Kailan nagkaroon ng katuparan ang Joel kabanata 2, at paano? (b) Paano nagkaroon ng salot na gaya ng kulupon ng mga balang noong unang siglo C.E., at gaano katagal nagpatuloy ang pagsalot?
3 Nagkaroon ng katuparan ang Joel kabanata 2 noong unang siglo. Naganap ito noong Pentecostes 33 C.E., nang ibuhos ang banal na espiritu upang pahiran ang unang mga Kristiyano at bigyan sila ng kapangyarihan na makapagsalita tungkol sa “mariringal na mga bagay ng Diyos” sa maraming wika. Bunga nito, pagkarami-rami ang nagkatipon. Nagpahayag si apostol Pedro sa namamanghang mga tagamasid na iyon, na sinisipi ang Joel 2:28, 29 at ipinaliliwanag sa kanila na nasasaksihan nila ang katuparan nito. (Gawa 2:1-21) Subalit walang iniulat na literal na salot ng mga insekto na naganap nang panahong iyon, na nagpahirap sa ilan ngunit umakay naman sa iba na magsisi.
4 Nagkaroon ba ng makasagisag na salot nang mga panahong iyon? Oo, nagkaroon nga! Resulta ito ng walang-humpay na pangangaral ng bagong pinahirang mga Kristiyano.b Sa pamamagitan nila, ang mga Judiong handang makinig ay hinimok ni Jehova na magsisi at tamasahin ang kaniyang mga pagpapala. (Gawa 2:38-40; 3:19) Ang mga indibiduwal na tumugon ay tumanggap ng kaniyang pagsang-ayon sa isang pambihirang antas. Subalit para sa mga tumanggi sa paanyaya, ang unang-siglong mga Kristiyano ay naging gaya ng mapangwasak na kulupon ng mga balang. Mula sa Jerusalem, lumaganap sila sa buong Judea at Samaria. Hindi nagtagal at nasa lahat ng dako na sila, na pinahihirapan ang di-sumasampalatayang mga Judio sa pamamagitan ng pangmadlang paghahayag hinggil sa pagkabuhay-muli ni Jesus, lakip na ang lahat ng implikasyon nito. (Gawa 1:8; 4:18-20; 5:17-21, 28, 29, 40-42; 17:5, 6; 21:27-30) Nagpatuloy ang pagsalot na iyon hanggang sa “kakila-kilabot na araw,” noong 70 C.E., nang akayin ni Jehova ang mga hukbong Romano laban sa Jerusalem upang wasakin ito. Ang mga Kristiyano lamang na tumawag sa pangalan ni Jehova udyok ng kanilang pananampalataya ang naligtas.—Joel 2:32; Gawa 2:20, 21; Kawikaan 18:10.
-