Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Unang Kaabahan—Mga Balang
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 18. Anong gawain ang kailangang gampanan ng mga balang, at ano ang nangyari bilang tugon sa tunog ng ikalimang trumpeta?

      18 May gawaing dapat gampanan ang makabagong-panahong mga balang. Kailangang maipangaral ang mabuting balita ng Kaharian. Dapat ilantad ang mga pagkakamali. Kailangang hanapin ang nawawalang mga tupa. Habang isinasagawa ng mga balang ang mga atas na ito, napilitang magbigay-pansin ang daigdig. Sa pagtalima sa mga tunog ng trumpeta ng mga anghel, patuloy na inilantad ng uring Juan na karapat-dapat ang Sangkakristiyanuhan sa kapaha-pahamak na kahatulan ni Jehova. Bilang tugon sa tunog ng ikalimang trumpeta, isang partikular na pitak ng mga paghatol na ito ang idiniin sa kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa London, Inglatera, noong Mayo 25-31, 1926. Iniharap ang resolusyon na “Isang Patotoo sa mga Pinuno ng Sanlibutan,” at ang pahayag pangmadla sa Royal Albert Hall na may paksang “Kung Bakit Gumigiray ang mga Kapangyarihang Pandaigdig​—Ang Solusyon,” at ang kumpletong nilalaman ng dalawang ito ay inilathala nang sumunod na araw sa isang pangunahing pahayagan sa London. Nang maglaon, ang pulutong ng mga balang ay namahagi ng 50 milyong kopya ng tract na naglalaman ng resolusyong iyon​—pagpapahirap nga sa mga klero! Maraming taon pagkaraan nito, pinag-uusapan pa rin ng mga tao sa Inglatera ang masakit na paglalantad na ito.

      19. Ano pang karagdagang armas sa pakikipagbaka ang tinanggap ng makasagisag na mga balang, at ano ang sinabi nito hinggil sa manipesto ng London?

      19 Sa kombensiyong ito, tumanggap ang makasagisag na mga balang ng karagdagan pang armas sa pakikipagbaka, partikular na ang bagong aklat na pinamagatang Deliverance. Naglaman ito ng isang maka-Kasulatang pagtalakay sa tanda na nagpapatunay na ang pamahalaang kinakatawan ng ‘lalaking anak,’ ang makalangit na Kaharian ni Kristo, ay isinilang noong 1914. (Mateo 24:3-14; Apocalipsis 12:1-10) Pagkatapos, sinipi nito ang manipesto na inilathala sa London noong 1917 at nilagdaan ng walong klerigo, na sinasabing “kabilang sa pinakamagagaling na mangangaral sa daigdig.” Kumatawan sila sa pangunahing mga denominasyong Protestante​—Baptist, Congregational, Presbiteryano, Episkopal, at Metodista. Ipinahayag ng manipestong ito na “ang kasalukuyang krisis ay patunay ng katapusan ng mga panahon ng mga Gentil” at na “ang pagkakasiwalat sa Panginoon ay dapat asahan anumang sandali ngayon.” Oo, natanto ng mga klerigong iyon ang tanda ng pagkanaririto ni Jesus! Subalit may ginawa ba sila hinggil dito? Sinasabi sa atin ng aklat na Deliverance: “Ang lubhang kapuna-puna rito, itinatwa mismo ng mga lalaki ang nilagdaan nilang manipesto nang maglaon at tinanggihan ang ebidensiyang nagpapatunay na nasa katapusan na tayo ng sanlibutan at sa panahon ng pangalawang pagkanaririto ng Panginoon.”

      20. (a) Anong pagpili ang ginawa ng klero kung tungkol sa pulutong ng mga balang at sa kanilang Hari? (b) Sino ang tinukoy ni Juan na namumuno sa pulutong ng mga balang, at ano ang kaniyang pangalan?

      20 Sa halip na ihayag ang dumarating na Kaharian ng Diyos, pinili pa ng klero ng Sangkakristiyanuhan na manatili sa panig ng sanlibutan ni Satanas. Ayaw nilang masangkot sa anumang paraan sa pulutong ng mga balang at sa kanilang Hari, na tungkol sa kanila ay ganito ngayon ang namamasdan ni Juan: “Mayroon silang hari, ang anghel ng kalaliman. Sa Hebreo ang kaniyang pangalan ay Abadon [nangangahulugang “Pagkapuksa”], ngunit sa Griego ay may pangalan siyang Apolyon [nangangahulugang “Tagapuksa”].” (Apocalipsis 9:11) Bilang “anghel ng kalaliman” at “Tagapuksa,” tunay na isang sumasalot na kaabahan ang pinakawalan ni Jesus sa Sangkakristiyanuhan. Subalit higit pa rito ang susunod!

  • Ikalawang Kaabahan—Mga Hukbong Mangangabayo
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 1. Sa kabila ng pagsisikap ng klero na sugpuin ang mga balang, ano ang nangyari, at ano ang ipinahihiwatig ng pagdating ng dalawa pang kaabahan?

      PASIMULA noong 1919, nagdulot ng malaking paghihirap sa klero ang makasagisag na pagsalakay ng mga balang sa Sangkakristiyanuhan. Sinikap nilang sugpuin ang mga balang na ito, subalit lalo silang lumalakas kaysa rati. (Apocalipsis 9:7) At hindi lamang iyan! Sumusulat si Juan: “Ang isang kaabahan ay natapos na. Narito! Dalawa pang kaabahan ang darating pagkatapos ng mga bagay na ito.” (Apocalipsis 9:12) Higit pang nagpapahirap na mga salot ang naghihintay sa Sangkakristiyanuhan.

      2. (a) Ano ang nangyari nang hipan ng ikaanim na anghel ang kaniyang trumpeta? (b) Saan kumakatawan ang “isang tinig mula sa mga sungay ng ginintuang altar”? (c) Bakit apat na anghel ang binanggit?

      2 Ano ang pinagmumulan ng ikalawang kaabahan? Isinusulat ni Juan: “At hinipan ng ikaanim na anghel ang kaniyang trumpeta. At narinig ko ang isang tinig mula sa mga sungay ng ginintuang altar na nasa harap ng Diyos na nagsabi sa ikaanim na anghel, na may trumpeta: ‘Kalagan mo ang apat na anghel na nakagapos sa malaking ilog ng Eufrates.’” (Apocalipsis 9:13, 14) Ang pagpapalaya sa mga anghel ay tugon sa tinig na nagmumula sa mga sungay ng ginintuang altar. Ito ang ginintuang altar ng insenso, at bago pa nito, ang insenso ng mga ginintuang mangkok mula sa altar na ito ay dalawang beses nang iniuugnay sa mga panalangin ng mga banal. (Apocalipsis 5:8; 8:3, 4) Kaya kumakatawan ang tinig na iyon sa nagkakaisang mga panalangin ng mga banal na nasa lupa. Nagsusumamo sila na mapalaya sana sila upang makabahagi sa higit pang masiglang paglilingkod bilang mga “mensahero” ni Jehova, na siyang saligang kahulugan ng salitang Griego na isinasaling mga “anghel.” Bakit apat ang anghel? Waring ipinahihiwatig ng makasagisag na bilang na ito na magiging napakaorganisado nila anupat masasaklaw nila ang buong lupa.​—Apocalipsis 7:1; 20:8.

      3. Sa anong paraan “nakagapos sa malaking ilog ng Eufrates” ang apat na anghel?

      3 Sa anong paraan “nakagapos sa malaking ilog ng Eufrates” ang mga anghel na ito? Ang ilog ng Eufrates noong sinaunang panahon ang hilagang-silangang hangganan ng lupaing ipinangako ni Jehova kay Abraham. (Genesis 15:18; Deuteronomio 11:24) Maliwanag na nahahadlangan ang mga anghel sa hangganan ng kanilang bigay-Diyos na lupain, o makalupang dako ng paggawa, at hindi lubusang makapasok sa paglilingkurang inihanda ni Jehova para sa kanila. Madalas ding iugnay ang Eufrates sa lunsod ng Babilonya, at nang bumagsak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., 70 taóng nabihag doon ang mga Israelita sa laman, anupat “nakagapos sa malaking ilog ng Eufrates.” (Awit 137:1) Nakagapos din sa katulad na paraan ang espirituwal na mga Israelita noong taóng 1919, nalulumbay at humihingi ng patnubay kay Jehova.

      4. Ano ang atas ng apat na anghel, at paano ito naisakatuparan?

      4 Nakagagalak, ganito ang maiuulat ni Juan: “At kinalagan ang apat na anghel, na nakahanda na para sa oras at araw at buwan at taon, upang patayin ang isang katlo ng mga tao.” (Apocalipsis 9:15) Si Jehova ay walang-mintis na Tagapag-ingat ng Panahon. May talaorasan siya at sinusunod niya ito. Kaya ang mga mensaherong ito ay pinalaya sa eksaktong panahon at nasa oras upang gampanan ang nararapat nilang gawin. Gunigunihin na lamang ang kagalakan nila nang makalaya sila mula sa pagkabihag noong 1919, na handang-handa sa gawain! Ang atas nila ay hindi lamang magpahirap kundi sa wakas ay “patayin ang isang katlo ng mga tao.” Kaugnay ito ng mga salot na ipinatalastas ng unang apat na tunog ng trumpeta, na humampas sa isang katlo ng lupa, ng dagat, ng mga nilalang na nasa dagat, ng mga bukal ng tubig at mga ilog, at ng mga pinagmumulan ng makalangit na liwanag. (Apocalipsis 8:7-12) Higit pa ang ginawa ng apat na anghel. ‘Pumapatay’ sila, anupat lubusang inilalantad ang patay na kalagayan sa espirituwal ng Sangkakristiyanuhan. Naisakatuparan ito sa pamamagitan ng mga kapahayagang ginawa mula noong 1922 at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan.

      5. Kung tungkol sa Sangkakristiyanuhan, paano umalingawngaw noong 1927 ang tunog ng ikaanim na trumpeta?

      5 Tandaan, katatapos pa lamang hipan ng anghel sa langit ang ikaanim na trumpeta. Bilang tugon dito, ang ikaanim sa serye ng mga taunang internasyonal na kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya ay ginanap sa Toronto, Ontario, Canada. Ang programa roon noong Linggo, Hulyo 24, 1927, ay isinahimpapawid sa 53 magkakakonektang istasyon ng radyo, na siyang pinakamalawak na network sa pagbobrodkast nang panahong iyon. Ang bibigang mensaheng iyon ay naparating sa mga tagapakinig na marahil ay umabot nang milyun-milyon. Una, isang mapuwersang resolusyon ang naglantad sa Sangkakristiyanuhan bilang patay sa espirituwal at nagpaabot ng ganitong paanyaya: “Sa panahong ito ng kalituhan, inuutusan ng Diyos na Jehova ang mga tao na lisanin at talikdan magpakailanman ang ‘Sangkakristiyanuhan’ o ‘organisadong Kristiyanismo’ at lubusang layuan ito . . . ; iukol [nawa] ng mga tao ang kanilang taos-pusong debosyon at katapatan nang lubus-lubusan sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Hari at kaharian.” “Kalayaan Para sa mga Tao” ang pamagat ng pahayag pangmadla na sumunod. Binigkas ito ni J. F. Rutherford sa kaniyang nakagawiang mapuwersang paraan ng pagsasalita, angkop sa ‘apoy at usok at asupre’ na sumunod na namasdan ni Juan sa pangitain.

      6. Paano inilalarawan ni Juan ang mga hukbong mangangabayo na sumunod niyang nakita?

      6 “At ang bilang ng mga hukbong mangangabayo ay dalawang laksa ng mga laksa: narinig ko ang kanilang bilang. At ganito ko nakita ang mga kabayo sa pangitain, at yaong mga nakaupo sa kanila: sila ay may mga baluting pula na gaya ng apoy at asul na gaya ng jacinto at dilaw na gaya ng asupre; at ang mga ulo ng mga kabayo ay gaya ng mga ulo ng mga leon, at mula sa kanilang mga bibig ay lumalabas ang apoy at usok at asupre. Sa pamamagitan ng tatlong salot na ito ay napatay ang isang katlo ng mga tao, dahil sa apoy at sa usok at sa asupre na lumalabas mula sa kanilang mga bibig.”​— Apocalipsis 9:16-18.

      7, 8. (a) Sino ang pumapatnubay sa dumadaluhong na hukbong mangangabayo? (b) Sa anu-anong paraan magkatulad ang mga hukbong mangangabayo at ang mga balang na nauna rito?

      7 Maliwanag na dumadaluhong ang mga hukbong mangangabayong ito sa ilalim ng patnubay ng apat na anghel. Anong kasindak-sindak na tanawin! Ano kaya kung ikaw ang sasalakayin ng mga hukbong mangangabayong ito? Hitsura pa lamang ng mga ito ay nakasisindak na. Subalit napansin mo ba ang pagkakahawig ng mga hukbong ito ng mangangabayo sa mga balang na nauna rito? Ang mga balang ay gaya ng mga kabayo; sa hukbong mangangabayo ay may mga kabayo. Kaya kapuwa sila sangkot sa teokratikong digmaan. (Kawikaan 21:31) Ang mga balang ay may ngiping gaya niyaong sa mga leon; ang mga kabayo ng mga hukbong mangangabayo ay may mga ulong gaya niyaong sa mga leon. Kaya kapuwa sila nauugnay sa may lakas-loob na Leon mula sa tribo ni Juda, si Jesu-Kristo, na kanilang Lider, Kumander, at Uliran.​—Apocalipsis 5:5; Kawikaan 28:1.

      8 Ang mga balang at ang mga hukbong mangangabayo ay kapuwa nakikibahagi sa gawaing paghatol ni Jehova. Ang mga balang ay lumabas mula sa usok na nagbabadya ng kaabahan at mapangwasak na apoy para sa Sangkakristiyanuhan; mula sa bibig ng mga kabayo ay lumalabas ang apoy, usok, at asupre. Ang mga balang ay may mga baluting bakal, na nagpapahiwatig na ang mga puso nila’y ipinagsasanggalang ng di-matitinag na katapatan sa katuwiran; ang hukbong mangangabayo ay may suot na mga baluting kulay pula, asul, at dilaw, na gaya ng apoy, usok, at asupre ng nakamamatay na mga mensahe ng kahatulan na lumalabas sa bibig ng mga kabayo. (Ihambing ang Genesis 19:24, 28; Lucas 17:29, 30.) Ang mga balang ay may mga buntot na gaya ng sa alakdan upang magpahirap; ang mga kabayo ay may mga buntot na gaya ng ahas upang pumatay! Waring ang pinasimulan ng mga balang ay ipagpapatuloy naman ng mga hukbong mangangabayo sa mas matinding antas hanggang sa matapos ito.

      9. Ano ang isinasagisag ng mga hukbong mangangabayo?

      9 Kaya ano ang isinasagisag ng mga hukbong ito ng mangangabayo? Kung paanong pinasimulan ng pinahirang uring Juan, na may awtoridad na ‘manakit,’ ang tulad-trumpetang paghahayag ng kahatulan ni Jehova ukol sa banal na paghihiganti laban sa Sangkakristiyanuhan, aasahan natin na ang nabubuhay na grupo ring iyon ang gagamitin sa ‘pagpatay,’ samakatuwid nga, sa paghahayag na ang Sangkakristiyanuhan at ang kaniyang klero ay lubusang patay sa espirituwal, itinakwil ni Jehova at malapit nang ihagis sa “nag-aapoy na hurno” ng walang-hanggang pagkalipol. Oo, dapat mapuksa ang buong Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 9:5, 10; 18:2, 8; Mateo 13:41-43) Pero bago siya puksain, gagamitin muna ng uring Juan ang “tabak ng espiritu, samakatuwid nga, ang salita ng Diyos,” upang ilantad ang tulad-patay na kalagayan ng Sangkakristiyanuhan. Ang apat na anghel at ang mga mangangabayo ang nangunguna sa makasagisag na pagpatay na ito sa “isang katlo ng mga tao.” (Efeso 6:17; Apocalipsis 9:15, 18) Nagpapahiwatig ito ng wastong pag-oorganisa at teokratikong patnubay sa ilalim ng pangangasiwa ng Panginoong Jesu-Kristo habang dumadaluhong sa pakikipagdigma ang nakasisindak na grupong ito ng mga tagapaghayag ng Kaharian.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share