Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ang Sagradong Lihim ng Diyos—Ang Maluwalhating Kasukdulan Nito!
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 12. (a) Ayon sa Apocalipsis 11:19, ano ang nakikita ni Juan sa langit? (b) Naging sagisag ng ano ang kaban ng tipan, at ano ang nangyari dito nang dalhing bihag sa Babilonya ang Israel?

      12 Namamahala si Jehova! Sa pamamagitan ng kaniyang Mesiyanikong Kaharian, ginagamit niya sa kagila-gilalas na paraan ang kaniyang pagkasoberano sa sangkatauhan. Pinatutunayan ito ng nakikita ngayon ni Juan: “At ang santuwaryo ng templo ng Diyos na nasa langit ay nabuksan, at ang kaban ng kaniyang tipan ay nakita sa santuwaryo ng kaniyang templo. At nagkaroon ng mga kidlat at mga tinig at mga kulog at isang lindol at makapal na graniso.” (Apocalipsis 11:19) Sa bahaging ito lamang ng Apocalipsis binanggit ang kaban ng tipan ng Diyos. Ang Kaban ang nakikitang sagisag ng presensiya ni Jehova sa kaniyang bayang Israel noon. Sa tabernakulo, at nang maglaon sa templong itinayo ni Solomon, nasa Kabanal-banalan iyon. Subalit nang dalhing bihag sa Babilonya ang Israel noong 607 B.C.E., naging tiwangwang ang Jerusalem at nawala ang kaban ng tipan. Nangyari iyon noong wala nang “umupo sa trono ni Jehova bilang hari” mula sa sambahayan ni David.​—1 Cronica 29:23.a

      13. Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na nakikita sa makalangit na santuwaryo ng Diyos ang kaban ng tipan ng Diyos?

      13 Ngayon, pagkaraan ng mahigit 2,600 taon, muling nakita ang Kaban. Subalit sa pangitain ni Juan, wala sa isang makalupang templo ang Kaban na ito. Naroroon ito sa makalangit na santuwaryo ng Diyos. Muli na namang namamahala si Jehova sa pamamagitan ng isang hari mula sa maharlikang angkan ni David. Subalit sa pagkakataong ito, ang Hari, si Kristo Jesus, ay nakaluklok sa makalangit na Jerusalem​—ang matayog na dako kung saan inilalapat niya ang mga hatol ni Jehova. (Hebreo 12:22) Isisiwalat ito sa atin ng susunod na mga kabanata ng Apocalipsis.

      14, 15. (a) Sa sinaunang Jerusalem, sino lamang ang nakakakita sa kaban ng tipan, at bakit? (b) Sa makalangit na santuwaryo ng templo ng Diyos, sino ang nakakakita sa kaban ng kaniyang tipan?

      14 Sa sinaunang makalupang Jerusalem, hindi nakikita ng mga Israelita sa pangkalahatan ang Kaban, ni ng mga saserdote na naglilingkod sa templo, sapagkat naroroon ito sa Kabanal-banalan na inihihiwalay mula sa Dakong Banal sa pamamagitan ng isang kurtina. (Bilang 4:20; Hebreo 9:2, 3) Ang mataas na saserdote lamang ang nakakakita nito kapag pumapasok siya sa Kabanal-banalan sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala. Gayunman, nang buksan ang santuwaryo ng templo sa mga langit, ang makasagisag na kaban ay nakikita hindi lamang ng Mataas na Saserdote ni Jehova, si Jesu-Kristo, kundi maging ng katulong niyang mga saserdote, ang 144,000, kasama na si Juan.

      15 Makikita nang malapitan niyaong mga unang binuhay-muli tungo sa langit ang makasagisag na kaban, sapagkat kinuha na nila ang kani-kanilang dako bilang bahagi ng 24 na matatanda na nasa palibot ng trono ni Jehova. At ang uring Juan na narito sa lupa ay naliwanagan ng espiritu ni Jehova upang maunawaan ang Kaniyang presensiya sa Kaniyang espirituwal na templo. May mga tanda rin naman upang pahiwatigan ang sangkatauhan sa pangkalahatan hinggil sa kamangha-manghang pangyayaring ito. May mga kidlat, tinig, kulog, isang lindol, at graniso na binabanggit sa pangitain ni Juan. (Ihambing ang Apocalipsis 8:5.) Ano ang isinasagisag ng mga ito?

      16. Paano nagkaroon ng mga kidlat, tinig, kulog, isang lindol, at ulan ng makapal na graniso?

      16 Mula noong 1914, nagkaroon ng napakalakas na pagyanig sa mga relihiyon. Subalit nakagagalak, kasabay ng “lindol” na ito ang masiglang mga tinig na nagbibigay ng maliwanag na mensahe tungkol sa natatag nang Kaharian ng Diyos. Inihahayag na ang dumadagundong na ‘mga babala ng bagyo’ mula sa Bibliya. Gaya ng kidlat, nakikita na rin at naihahayag ang mga kislap ng kaunawaan hinggil sa makahulang Salita ng Diyos. Isang bumabayong ulan ng “graniso” ng mga kahatulan ng Diyos ang pinakawalan laban sa Sangkakristiyanuhan at sa huwad na relihiyon sa pangkalahatan. Dapat sanang nakatawag-pansin sa mga tao ang lahat ng ito. Subalit nakalulungkot na hindi naunawaan ng karamihan​—gaya ng mga taga-Jerusalem noong panahon ni Jesus​—ang katuparan ng mga tandang ito ng Apocalipsis.​—Lucas 19:41-44.

      17, 18. (a) Ang paghihip sa mga trumpeta ng pitong anghel ay nag-atang ng anong pananagutan sa nakaalay na mga Kristiyano? (b) Paano ginagampanan ng mga Kristiyano ang kanilang atas?

      17 Patuloy na hinihipan ng pitong anghel ang kanilang mga trumpeta, na naghuhudyat ng makasaysayang mga pangyayari sa lupa. Napakalaki ng pananagutan ng nakaalay na mga Kristiyano na patuloy na ibalita ang mga kapahayagang ito sa sanlibutan. Kaylaki ng kagalakan nilang gampanan ang atas na iyon! Makikita ito sa oras na ginugugol nila taun-taon sa ministeryo, na sa loob ng 20 taon mula 1986 hanggang 2005, ay halos nadoble​—mula 680,837,042 tungo sa 1,278,235,504. Totoo ngang naipahahayag “ang sagradong lihim ng Diyos ayon sa mabuting balita” “hanggang sa mga dulo ng tinatahanang lupa.”​—Apocalipsis 10:7; Roma 10:18.

      18 May iba pang mga pangitain na naghihintay sa atin ngayon habang patuloy na inihahayag ang mga layunin ng Kaharian ng Diyos.

  • Isinilang ang Kaharian ng Diyos!
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 1. Paano makatutulong sa atin ang kaunawaan hinggil sa mga tanda na inilalarawan sa Apocalipsis kabanata 12 hanggang 14?

      NAHAYAG na ang sagradong lihim ng Diyos. (Apocalipsis 10:7) Ang Kaharian ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Mesiyas ay isa na ngayong napakahalagang realidad. Namamahala na ito! Ang pag-iral nito ay nangangahulugan ng kapahamakan para kay Satanas at sa kaniyang binhi at maluwalhating tagumpay naman para sa Binhi ng makalangit na organisasyon ng Diyos. Gayunman, hindi pa tapos ang ikapitong anghel sa paghihip sa kaniyang trumpeta, sapagkat napakarami pa niyang ihahayag sa atin hinggil sa ikatlong kaabahan. (Apocalipsis 11:14) Tutulong sa atin ang mga tanda na inilalarawan sa Apocalipsis kabanata 12 hanggang 14 upang mapalawak ang ating pagpapahalaga sa lahat ng bagay na nasasangkot sa kaabahang iyon at sa pagpapasapit ng sagradong lihim ng Diyos sa katapusan nito.

      2. (a) Anong dakilang tanda ang nakikita ni Juan? (b) Kailan nahayag ang kahulugan ng dakilang tanda?

      2 May nakikita ngayong dakilang tanda si Juan​—isa na may namumukod-tanging interes para sa bayan ng Diyos. Naghaharap ito ng isang kapana-panabik na makahulang pangitain, na ang kahulugan ay unang inilathala sa Marso 1, 1925, isyu ng The Watch Tower sa artikulo na pinamagatang “Pagsilang ng Bansa” at muli na naman noong 1926 sa aklat na Deliverance. Ang maliwanag na kislap na ito ng kaunawaan sa Bibliya ay naging makasaysayang kabanata sa pagsulong ng gawain ni Jehova. Kaya hayaan nating ilarawan ni Juan ang eksena habang nahahayag ito: “At isang dakilang tanda ang nakita sa langit, isang babaing nagagayakan ng araw, at ang buwan ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa, at sa kaniyang ulo ay may isang koronang labindalawang bituin, at siya ay nagdadalang-tao. At sumisigaw siya dahil sa kaniyang mga kirot at sa kaniyang matinding paghihirap na magsilang.”​—Apocalipsis 12:1, 2.

      3. Sino ang babae na nakita sa langit?

      3 Sa kauna-unahang pagkakataon, may babaing nakikita si Juan sa langit. Sabihin pa, hindi siya literal na babae. Sa halip, isa siyang tanda, o simbolo. (Apocalipsis 1:1) Ano ang isinasagisag niya? Sa kinasihang mga hula, may mga pagkakataon na kumakatawan ang mga babae sa mga organisasyon na “asawa” ng pangunahing mga personalidad. Sa Hebreong Kasulatan, ang Israel ay tinutukoy bilang asawang babae ng Diyos na Jehova. (Jeremias 3:14) Sa Griegong Kasulatan, ang kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano ay tinutukoy bilang kasintahang babae ni Kristo. (Apocalipsis 21:9-14) Ang babae na nakikita ni Juan ay may asawa rin, at malapit na siyang manganak. Sino ang kaniyang asawa? Buweno, nang maglaon ang kaniyang anak ay “inagaw patungo sa Diyos at sa kaniyang trono.” (Apocalipsis 12:5) Sa gayo’y inaangkin ni Jehova ang bata bilang kaniyang anak. Kaya ang babae na nakikita ni Juan ay maliwanag na siyang makasagisag na asawa ni Jehova.

      4. Sino ang mga anak ng makasagisag na asawa ng Diyos, at ano ang itinawag ni apostol Pablo sa babae na nakita ni Juan?

      4 Mga walong siglo bago nito, sinabi ni Jehova sa makasagisag na asawang ito: “Ang lahat ng iyong mga anak ay magiging mga taong naturuan ni Jehova.” (Isaias 54:5, 13) Sinipi ni Jesus ang hulang ito at ipinakita na ang mga anak na ito ay ang kaniyang tapat na mga tagasunod, na nang maglaon ay bumuo sa kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano. (Juan 6:44, 45) Kaya ang mga miyembro ng kongregasyong ito, na tinutukoy bilang mga anak ng Diyos, ay mga anak din ng makasagisag na asawa ng Diyos. (Roma 8:14) Idinaragdag ni apostol Pablo ang panghuling impormasyon nang sabihin niya: “Ang Jerusalem sa itaas ay malaya, at siya ang ating ina.” (Galacia 4:26) Kung gayon, ang “babae” na nakita ni Juan ay “ang Jerusalem sa itaas.”

      5. Yamang ang makasagisag na asawa ni Jehova ay nakokoronahan ng 12 bituin, ano sa katunayan ang Jerusalem sa itaas?

      5 Subalit ano ba talaga ang Jerusalem sa itaas? Yamang sinasabi ni Pablo na nasa “itaas” siya, at nakikita siya ni Juan sa langit, maliwanag na hindi siya isang lunsod sa lupa; at hindi rin naman siya ang “Bagong Jerusalem,” yamang ang organisasyong iyon ay kasintahan ni Kristo, hindi asawa ni Jehova. (Apocalipsis 21:2) Pansinin na nakokoronahan siya ng 12 bituin. Ang bilang na 12 ay iniuugnay sa pagiging kumpleto sa organisasyonal na paraan.a Kaya ang 12 bituin na ito ay waring nagpapahiwatig na isa siyang organisasyonal na kaayusan sa langit, gaya rin ng sinaunang Jerusalem noon sa lupa. Ang Jerusalem sa itaas ay ang pansansinukob na organisasyon ni Jehova na binubuo ng espiritung mga nilalang na gumaganap bilang kaniyang asawa, kapuwa sa paglilingkod sa kaniya at sa pagluluwal ng mga supling.

      6. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na ang babae na nakita ni Juan ay nagagayakan ng araw, na nasa ilalim ng kaniyang mga paa ang buwan, at nakokoronahan ng mga bituin? (b) Ano ang isinasagisag ng kirot ng pagdaramdam ng babaing nagdadalang-tao?

      6 Nakikita ni Juan ang babae na nagagayakan ng araw at ang buwan ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa. Yamang nakokoronahan din siya ng mga bituin, lubusan siyang napaliligiran ng makalangit na mga tanglaw. Ang lingap ng Diyos ay sumisinag sa kaniya araw at gabi. Napakaangkop ngang sagisag ng maringal at makalangit na organisasyon ni Jehova! Siya rin ay nagdadalang-tao at nagtitiis ng kirot ng pagdaramdam. Ipinahihiwatig ng kaniyang pagsigaw upang humingi ng tulong sa Diyos na oras na para magsilang siya. Sa Bibliya, ang kirot ng pagdaramdam ay madalas na sumasagisag sa pagpapagal na kinakailangan upang makamit ang isang mahalagang resulta. (Ihambing ang Awit 90:2; Kawikaan 25:23; Isaias 66:7, 8.) Walang-alinlangang naranasan ang ganitong kirot ng pagdaramdam habang naghahanda ang makalangit na organisasyon ni Jehova sa makasaysayang pagsilang na ito.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share