-
Mga Gawa ni Jehova—Dakila at Kamangha-manghaApocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
17. Ano ngayon ang sinasabi sa atin ni Juan tungkol sa santuwaryo, at paano nito ipinaaalaala sa atin ang santuwaryo sa sinaunang Israel?
17 Sa wakas, bilang pagtatapos sa bahaging ito ng pangitain, sinasabi sa atin ni Juan: “At ang santuwaryo ay napuno ng usok dahil sa kaluwalhatian ng Diyos at dahil sa kaniyang kapangyarihan, at walang sinumang makapasok sa santuwaryo hanggang sa matapos ang pitong salot ng pitong anghel.” (Apocalipsis 15:8) May mga pagkakataon sa kasaysayan ng Israel na natakpan ng ulap ang literal na santuwaryo, at ang kapahayagang ito ng kaluwalhatian ni Jehova ay humadlang sa mga saserdote sa pagpasok doon. (1 Hari 8:10, 11; 2 Cronica 5:13, 14; ihambing ang Isaias 6:4, 5.) Mga panahon iyon kung kailan may aktibong partisipasyon si Jehova sa mga pangyayari dito sa lupa.
18. Kailan babalik ang pitong anghel upang mag-ulat kay Jehova?
18 Lubhang interesado rin si Jehova sa mga bagay-bagay na nangyayari sa lupa ngayon. Gusto niyang tapusin ng pitong anghel ang kanilang atas. Sukdulang panahon ito ng paghatol, gaya ng inilalarawan sa Awit 11:4-6: “Si Jehova ay nasa kaniyang banal na templo. Si Jehova—nasa langit ang kaniyang trono. Ang kaniyang mga mata ay nagmamasid, ang kaniyang nagniningning na mga mata ay nagsusuri sa mga anak ng mga tao. Si Jehova ang sumusuri sa matuwid at gayundin sa balakyot, at ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa. Magpapaulan siya sa mga balakyot ng mga bitag, apoy at asupre at nakapapasong hangin, bilang takdang bahagi ng kanilang kopa.” Hangga’t hindi naibubuhos ang pitong salot sa mga balakyot, hindi babalik ang pitong anghel sa matayog na presensiya ni Jehova.
19. (a) Anong utos ang ibinigay, at kanino nagmula ito? (b) Kailan malamang na nagsimula ang pagbubuhos ng makasagisag na mga mangkok?
19 Dumadagundong ang kasindak-sindak na utos: “At narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa santuwaryo na nagsabi sa pitong anghel: ‘Humayo kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang pitong mangkok ng galit ng Diyos.’” (Apocalipsis 16:1) Sino ang nagbibigay ng utos na ito? Tiyak na si Jehova mismo, yamang ang kaningningan ng kaniyang kaluwalhatian at kapangyarihan ay humadlang sa sinuman na makapasok sa santuwaryo. Pumasok si Jehova sa kaniyang espirituwal na templo upang humatol noong 1918. (Malakias 3:1-5) Kung gayon, malamang na hindi pa natatagalan pagkaraan ng petsang ito nang ibigay niya ang utos na ibuhos ang mga mangkok ng galit ng Diyos. Sa katunayan, ang mga paghatol na nilalaman ng makasagisag na mga mangkok ay sinimulang ipahayag nang buong tindi noong 1922. At ang paghahayag sa mga ito ay lalo pang lumalakas sa ngayon.
Ang mga Mangkok at ang mga Tunog ng Trumpeta
20. Ano ang inihahayag at ibinababala ng mga mangkok ng galit ni Jehova, at paano ibinubuhos ang mga ito?
20 Isinisiwalat ng mga mangkok ng galit ni Jehova ang mga pitak ng pandaigdig na eksena ayon sa pangmalas dito ni Jehova at nagbababala rin hinggil sa mga hatol na ilalapat ni Jehova. Ang mga mangkok ay ibinubuhos ng mga anghel sa pamamagitan ng kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano sa lupa na umaawit ng awit ni Moises at ng awit ng Kordero. Samantalang ipinahahayag ang Kaharian bilang mabuting balita, buong-tapang ding isiniwalat ng uring Juan kung ano ang nilalaman ng mga mangkok na ito ng galit. (Mateo 24:14; Apocalipsis 14:6, 7) Sa gayon, ang kanilang mensaheng may dalawang aspekto ay naging mapayapa sapagkat naghahayag ito ng kalayaan para sa sangkatauhan subalit nagbubunsod ng pakikidigma sapagkat nagbababala ito hinggil sa “araw ng paghihiganti ng ating Diyos.”—Isaias 61:1, 2.
21. Paanong ang mga tudlaan ng unang apat na mangkok ng galit ng Diyos ay katumbas niyaong sa unang apat na tunog ng trumpeta, at ano naman ang pagkakaiba ng mga ito?
21 Ang mga tudlaan ng unang apat na mangkok ng galit ng Diyos ay katumbas niyaong sa unang apat na tunog ng trumpeta, samakatuwid nga, ang lupa, ang dagat, ang mga ilog at mga bukal ng mga tubig, at ang makalangit na pinagmumulan ng liwanag. (Apocalipsis 8:1-12) Subalit ang mga tunog ng trumpeta ay nagpahayag ng mga salot sa “isang katlo,” samantalang isang kabuuan ang napinsala sa pagbubuhos ng mga mangkok ng galit ng Diyos. Kaya bagaman ang Sangkakristiyanuhan, bilang “isang katlo,” ang unang pinagtuunan ng pansin sa araw ng Panginoon, walang isa mang bahagi ng sistema ni Satanas ang nakaligtas sa epekto ng salot mula sa nakaliligalig na mga mensahe ng paghatol ni Jehova at sa mga kapighatiang dulot nito.
22. Paano naiiba ang huling tatlong tunog ng trumpeta, at paano ito nauugnay sa huling tatlong mangkok ng galit ni Jehova?
22 Naiiba ang huling tatlong tunog ng trumpeta sapagkat tinatawag na kaabahan ang mga ito. (Apocalipsis 8:13; 9:12) Ang unang dalawa sa mga ito ay binubuo partikular na ng mga balang at ng mga hukbong mangangabayo, samantalang ang ikatlo ay nagpatalastas sa pagsilang ng Kaharian ni Jehova. (Apocalipsis 9:1-21; 11:15-19) Gaya ng makikita natin, ang huling tatlong mangkok ng kaniyang poot ay sasaklaw rin sa ilan sa mga pitak na ito, subalit may bahagyang pagkakaiba ang mga ito sa tatlong kaabahan. Matama tayong magbigay-pansin ngayon sa dramatikong mga pagsisiwalat na ibubunga ng pagbubuhos ng mga mangkok ng galit ni Jehova.
-
-
Sumasapit Na sa Katapusan ang Galit ng DiyosApocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
1. Ano ang maisasakatuparan kapag lubusan nang naibuhos ang pitong mangkok, at anu-anong tanong ang bumabangon ngayon hinggil sa mga mangkok?
NABANGGIT na ni Juan ang tungkol sa mga anghel na inatasang magbuhos ng pitong mangkok. Sinasabi niya sa atin na “ito na ang mga huli, sapagkat sa pamamagitan nila ay sumasapit na sa katapusan ang galit ng Diyos.” (Apocalipsis 15:1; 16:1) Ang mga salot na ito, na naghahayag ng kaparusahan ni Jehova sa kabalakyutan sa lupa, ay dapat na lubusang maibuhos. Kapag natapos na ito, nailapat na ang mga hatol ng Diyos. Mawawala na ang sanlibutan ni Satanas! Ano ang ibinabadya ng mga salot na ito para sa sangkatauhan at para sa mga tagapamahala ng kasalukuyang balakyot na sistema? Paano maiiwasan ng mga Kristiyano na madamay sa salot kasama ng nahatulang sanlibutang ito? Napakahalagang mga tanong ito na sasagutin ngayon. Lahat ng naghahangad sa pagtatagumpay ng katuwiran ay magiging lubhang interesado sa susunod na makikita ni Juan.
Ang Poot ni Jehova Laban sa “Lupa”
2. Ano ang resulta ng pagbubuhos ng unang anghel ng kaniyang mangkok sa lupa, at ano ang isinasagisag ng “lupa”?
2 Kumilos na ang unang anghel! “At humayo ang una at ibinuhos ang kaniyang mangkok sa lupa. At nagkaroon ng masakit at malubhang sugat ang mga tao na may marka ng mabangis na hayop at sumasamba sa larawan nito.” (Apocalipsis 16:2) Gaya sa unang tunog ng trumpeta, ang “lupa” rito ay tumutukoy sa tila matatag na sistema ng pulitika na sinimulang itayo ni Satanas sa lupa noon pa mang panahon ni Nimrod, mahigit 4,000 taon na ngayon ang nakalilipas.—Apocalipsis 8:7.
3. (a) Sa anong paraan halos pasambahin na ng maraming pamahalaan ang kanilang mga sakop? (b) Ano ang iniluwal ng mga bansa na panghalili sa Kaharian ng Diyos, at ano ang epekto nito sa mga sumasamba rito?
3 Sa mga huling araw na ito, halos pasambahin na ng maraming pamahalaan ang kanilang mga sakop sa Estado, at ipinagpipilitang dapat dakilain ito nang higit kaysa sa Diyos o sa alinmang ibang pinag-uukulan ng katapatan. (2 Timoteo 3:1; ihambing ang Lucas 20:25; Juan 19:15.) Mula noong 1914, karaniwan nang pinagsusundalo ng mga bansa ang kanilang mga kabataan upang makipagbaka, o maging handang makipagbaka, sa kagimbal-gimbal na digmaan na siyang dahilan kung bakit naging madugo ang mga pahina ng makabagong kasaysayan. Bilang panghalili sa Kaharian ng Diyos, iniluwal din ng mga bansa sa araw ng Panginoon ang larawan ng mabangis na hayop—ang Liga ng mga Bansa at ang kahalili nito, ang Nagkakaisang mga Bansa. Kaylaking pamumusong na ipahayag, gaya ng ginawa ng huling mga papa, na ang gawang-taong organisasyong ito ang tanging pag-asa ng mga bansa ukol sa kapayapaan! Mahigpit nitong sinasalansang ang Kaharian ng Diyos. Ang mga sumasamba rito ay nagiging marumi sa espirituwal, punô ng sugat, gaya ng mga Ehipsiyong sumalansang kay Jehova noong panahon ni Moises at sinalot ng literal na mga sugat.—Exodo 9:10, 11.
4. (a) Ano ang lubhang idiniriin ng laman ng unang mangkok ng galit ng Diyos? (b) Paano itinuturing ni Jehova ang mga tumatanggap ng marka ng mabangis na hayop?
4 Lubhang idiniriin ng laman ng mangkok na ito ang pagpili na dapat gawin ng mga tao. Alinman sa danasin nila ang di-pagsang-ayon ng sanlibutan o ang galit ni Jehova. Ipinipilit sa mga tao na tanggapin ang marka ng mabangis na hayop, sa layuning “walang sinumang makabili o makapagtinda maliban sa tao na may marka, ang pangalan ng mabangis na hayop o ang bilang ng pangalan nito.” (Apocalipsis 13:16, 17) Subalit may kabayaran ang lahat ng ito! Ang mga tumatanggap ng tanda ay itinuturing ni Jehova na waring may “masakit at malubhang sugat.” Mula noong 1922, hayagan silang minarkahan bilang mga tumatanggi sa buháy na Diyos. Bigo ang kanilang pulitikal na mga pakana, anupat nanggigipuspos sila. Marumi sila sa espirituwal. Malibang magsisi sila, hindi na gagaling ang “masakit” na karamdamang ito, sapagkat ngayon na ang araw ng paghatol ni Jehova. Kailangang pumili sa pagitan ng pagiging bahagi ng sistema ng mga bagay ng sanlibutan at ng paglilingkod kay Jehova sa panig ng kaniyang Kristo.—Lucas 11:23; ihambing ang Santiago 4:4.
Naging Dugo ang Dagat
5. (a) Ano ang naganap nang ibuhos ang ikalawang mangkok? (b) Paano itinuturing ni Jehova ang mga tumatahan sa makasagisag na dagat?
5 Dapat na ngayong maibuhos ang ikalawang mangkok ng galit ng Diyos. Ano ang magiging kahulugan nito para sa sangkatauhan? Sinasabi sa atin ni Juan: “At ibinuhos ng ikalawa ang kaniyang mangkok sa dagat. At ito ay naging dugo na gaya ng sa taong patay, at ang bawat buháy na kaluluwa ay namatay, oo, ang mga bagay na nasa dagat.” (Apocalipsis 16:3) Gaya ng ikalawang tunog ng trumpeta, ang mangkok na ito ay ibubuhos sa “dagat”—ang maligalig at mapaghimagsik na sangkatauhan na hiwalay kay Jehova. (Isaias 57:20, 21; Apocalipsis 8:8, 9) Sa paningin ni Jehova, ang “dagat” na ito ay gaya ng dugo, hindi maaaring panirahan ng anumang nilalang. Kaya hindi dapat maging bahagi ng sanlibutan ang mga Kristiyano. (Juan 17:14) Inihahayag ng pagbubuhos sa ikalawang mangkok ng galit ng Diyos na ang lahat ng taong tumatahan sa dagat na ito ay patay sa paningin ni Jehova. Yamang buong komunidad ang may pananagutan, lubhang nagkasala ang sangkatauhan sa pagbububo ng dugong walang-sala. Pagdating ng araw ng galit ni Jehova, literal silang mamamatay sa kamay ng kaniyang mga tagapuksa.—Apocalipsis 19:17, 18; ihambing ang Efeso 2:1; Colosas 2:13.
-