-
Sumasapit Na sa Katapusan ang Galit ng DiyosApocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
34. Sa ano ibinubuhos ng ikapitong anghel ang kaniyang mangkok, at anong kapahayagan ang ‘lumalabas sa santuwaryo mula sa trono’?
34 “At ibinuhos ng ikapito ang kaniyang mangkok sa hangin. Dahil dito ay isang malakas na tinig ang lumabas sa santuwaryo mula sa trono, na nagsasabi: ‘Naganap na!’”—Apocalipsis 16:17.
35. (a) Ano ang “hangin” sa Apocalipsis 16:17? (b) Sa pagbubuhos ng kaniyang mangkok sa hangin, ano ang ipinahahayag ng ikapitong anghel?
35 Ang “hangin” ang huling elementong tumutustos sa buhay na sasalutin. Subalit hindi ito ang literal na hangin. Wala namang kasalanan ang literal na hangin upang maging karapat-dapat sa kapaha-pahamak na hatol ni Jehova, kung paanong hindi rin karapat-dapat dumanas ng hatol ni Jehova ang literal na lupa, dagat, mga bukal ng tubig, o araw. Sa halip, ito ang “hangin” na tinatalakay ni Pablo nang tawagin niya si Satanas na “tagapamahala ng awtoridad ng hangin.” (Efeso 2:2) Ito ang satanikong “hangin” na nilalanghap ng sanlibutan ngayon, ang espiritu, o pangkalahatang hilig ng kaisipan, na siyang pagkakakilanlan ng kaniyang buong balakyot na sistema ng mga bagay, ang satanikong kaisipan na nakaiimpluwensiya sa bawat pitak ng buhay sa labas ng organisasyon ni Jehova. Kaya sa pagbubuhos niya ng kaniyang mangkok sa hangin, ipinahahayag ng ikapitong anghel ang galit ng Diyos laban kay Satanas, sa kaniyang organisasyon, at sa bawat bagay na nag-uudyok sa sangkatauhan na sumuporta kay Satanas sa pagsalansang sa pagkasoberano ni Jehova.
36. (a) Kabuuan ng ano ang pitong salot? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng pagsasabi ni Jehova ng: “Naganap na!”?
36 Ito at ang naunang anim na salot ang kabuuan ng mga kahatulan ni Jehova laban kay Satanas at sa kaniyang sistema. Mga kapahayagan ito ng pagkapuksa ni Satanas at ng kaniyang binhi. Kapag naibuhos na ang huling mangkok na ito, si Jehova mismo ang magsasabi: “Naganap na!” Wala nang dapat sabihin pa. Kapag ang mga nilalaman ng mga mangkok ng galit ng Diyos ay naihayag na ayon sa kagustuhan ni Jehova, hindi na magluluwat ang paglalapat niya ng mga hatol na ipinahayag ng mga mensaheng ito.
37. Paano inilalarawan ni Juan ang naganap nang maibuhos na ang ikapitong mangkok ng galit ng Diyos?
37 Si Juan ay nagpapatuloy: “At nagkaroon ng mga kidlat at mga tinig at mga kulog, at nagkaroon ng isang malakas na lindol na ang gaya nito ay hindi pa nangyayari buhat nang umiral ang tao sa lupa, napakalawak na lindol, napakalakas. At ang dakilang lunsod ay nahati sa tatlong bahagi, at ang mga lunsod ng mga bansa ay bumagsak; at ang Babilonyang Dakila ay naalaala sa paningin ng Diyos, upang ibigay sa kaniya ang kopa ng alak ng galit ng kaniyang poot. Gayundin, ang bawat pulo ay tumakas, at ang mga bundok ay hindi nasumpungan. At makapal na graniso na ang bawat bato ay mga kasimbigat ng isang talento ang bumagsak sa mga tao mula sa langit, at namusong sa Diyos ang mga tao dahil sa salot ng graniso, sapagkat ang salot nito ay lubhang matindi.”—Apocalipsis 16:18-21.
38. Ano ang isinasagisag (a) ng “malakas na lindol”? (b) ng bagay na “ang dakilang lunsod,” ang Babilonyang Dakila, ay nahati sa “tatlong bahagi”? (c) ng bagay na “ang bawat pulo ay tumakas, at ang mga bundok ay hindi na nasumpungan”? (d) ng “salot ng graniso”?
38 Minsan pa, may tiyak na pagkilos na gagawin si Jehova sa sangkatauhan, ayon sa inihuhudyat ng “mga kidlat at mga tinig at mga kulog.” (Ihambing ang Apocalipsis 4:5; 8:5.) Yayanigin ang sangkatauhan sa paraang hindi pa nangyari kailanman, na wari’y dulot ng mapangwasak na lindol. (Ihambing ang Isaias 13:13; Joel 3:16.) Ang pagkalakas-lakas na pagyanig na ito ay wawasak sa “dakilang lunsod,” ang Babilonyang Dakila, anupat mahahati ito sa “tatlong bahagi”—na sumasagisag sa pagguho na wala nang pag-asang maitayo pang muli. Bukod dito, “ang mga lunsod ng mga bansa” ay babagsak. Maglalaho ang “bawat pulo” at “mga bundok”—mga institusyon at organisasyon na waring di-matitinag sa sistemang ito. Ang “makapal na graniso,” mas makapal pa kaysa roon sa sumapit sa Ehipto sa ikapitong salot, na bawat tipak ay tumitimbang ng mga isang talento, ay babayo nang buong tindi sa sangkatauhan.d (Exodo 9:22-26) Ang matinding ulan na ito ng nagyelong tubig ay malamang na lumalarawan sa napakabigat na berbal na mga kapahayagan ng paghatol ni Jehova, na nagsisilbing hudyat na dumating na rin sa wakas ang katapusan ng sistemang ito ng mga bagay! Maaari din namang gumamit si Jehova ng literal na graniso sa kaniyang pagpuksa.—Job 38:22, 23.
39. Sa kabila ng pagbubuhos ng pitong salot, ano ang igagawi ng karamihan sa sangkatauhan?
39 Kaya matitikman ng sanlibutan ni Satanas ang matuwid na paghatol ni Jehova. Hanggang sa huling sandali, patuloy na sasalansang at mamumusong sa Diyos ang karamihan sa sangkatauhan. Gaya ni Paraon noong sinauna, ang kanilang mga puso ay hindi mapalalambot ng paulit-ulit na mga salot ni ng nakamamatay na kasukdulan ng mga salot na ito. (Exodo 11:9, 10) Hindi magkakaroon ng malawakang pagbabagong-loob sa huling sandali. Habang naghihingalo, patuloy pa rin nilang lilibakin ang Diyos na nagpahayag nang ganito: “At makikilala nila na ako si Jehova.” (Ezekiel 38:23) Gayunman, ang pagkasoberano ng Diyos na Jehova na Makapangyarihan-sa-lahat ay maipagbabangong-puri.
-
-
Paghatol sa Kasuklam-suklam na PatutotApocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
1. Ano ang isinisiwalat kay Juan ng isa sa pitong anghel?
ANG matuwid na galit ni Jehova ay dapat na lubusang maibuhos, ang lahat ng pitong mangkok nito! Ang pagbubuhos ng ikaanim na anghel ng kaniyang mangkok sa kinaroroonan ng sinaunang Babilonya ay angkop na lumalarawan sa pagsalot sa Babilonyang Dakila habang mabilis na papalapit ang pangwakas na digmaan ng Armagedon. (Apocalipsis 16:1, 12, 16) Malamang na ito rin ang anghel na nagsisiwalat ngayon kung bakit at kung paano ilalapat ni Jehova ang kaniyang matuwid na mga hatol. Namangha si Juan sa susunod niyang naririnig at nakikita: “At isa sa pitong anghel na may pitong mangkok ang lumapit at nakipag-usap sa akin, na sinasabi: ‘Halika, ipakikita ko sa iyo ang hatol sa dakilang patutot na nakaupo sa maraming tubig, na pinakiapiran ng mga hari sa lupa, samantalang yaong mga nananahan sa lupa ay nilasing sa alak ng kaniyang pakikiapid.’”—Apocalipsis 17:1, 2.
2. Ano ang katibayan na “ang dakilang patutot” ay (a) hindi ang sinaunang Roma? (b) hindi ang dambuhalang komersiyo? (c) isang relihiyosong organisasyon?
2 “Ang dakilang patutot”! Bakit naman lubhang nakagigitla ang tawag sa kaniya? Sino ba siya? Iniuugnay ng ilan ang makasagisag na patutot na ito sa sinaunang Roma. Subalit isang pulitikal na kapangyarihan ang Roma. Ang patutot na ito ay nakikiapid sa mga hari sa lupa, at maliwanag na kasali na rito ang mga hari ng Roma. Bukod dito, pagkalipol sa kaniya, sinasabing nagdalamhati ang “mga hari sa lupa” sa kaniyang pagpanaw. Kaya tiyak na hindi siya isang pulitikal na kapangyarihan. (Apocalipsis 18:9, 10) Karagdagan pa, yamang nagdadalamhati rin sa kaniya ang mga mangangalakal sa daigdig, hindi siya maaaring lumarawan sa dambuhalang komersiyo. (Apocalipsis 18:15, 16) Gayunman, mababasa natin na ‘sa pamamagitan ng kaniyang espiritistikong gawain ay nailigaw ang lahat ng mga bansa.’ (Apocalipsis 18:23) Kaya maliwanag na ipinakikita nito na isang pandaigdig na relihiyosong organisasyon ang dakilang patutot.
3. (a) Bakit tiyak na hindi lamang sa Simbahang Romano Katoliko o maging sa buong Sangkakristiyanuhan kumakatawan ang dakilang patutot? (b) Anu-anong maka-Babilonyang doktrina ang masusumpungan sa karamihan ng relihiyon sa Silangan pati na sa mga sekta ng Sangkakristiyanuhan? (c) Ano ang inamin ng Romano Katolikong kardinal na si John Henry Newman hinggil sa pinagmulan ng marami sa mga doktrina, seremonya, at mga kaugalian ng Sangkakristiyanuhan? (Tingnan ang talababa.)
3 Aling relihiyosong organisasyon? Siya ba ang Simbahang Romano Katoliko, gaya ng sinasabi ng iba? O siya ba ang buong Sangkakristiyanuhan? Hindi, tiyak na mas malaking organisasyon siya sapagkat naililigaw niya ang lahat ng bansa. Ang totoo, siya ang buong pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Makikita ang kaniyang pagkakaugat sa mga hiwaga ng Babilonya sa maraming doktrina at kaugaliang maka-Babilonya na karaniwang masusumpungan sa mga relihiyon sa palibot ng lupa. Halimbawa, ang paniniwala sa likas na imortalidad ng kaluluwa ng tao, pahirapang impiyerno, at trinidad ng mga diyos ay masusumpungan sa karamihan ng mga relihiyon sa Silangan at maging sa mga sekta ng Sangkakristiyanuhan. Ang huwad na relihiyon, na nag-ugat mahigit 4,000 taon na ang nakararaan sa sinaunang lunsod ng Babilonya, ay naging makabagong dambuhala, na angkop tawaging Babilonyang Dakila.a Gayunman, bakit inilalarawan siya sa pamamagitan ng nakaririmarim na terminong “dakilang patutot”?
4. (a) Sa anu-anong paraan nakiapid ang sinaunang Israel? (b) Sa anong paraan halatang-halata ang pakikiapid ng Babilonyang Dakila?
4 Naabot ng Babilonya (o Babel, na nangangahulugang “Kaguluhan”) ang tugatog ng kadakilaan nito noong panahon ni Nabucodonosor. Isang estado iyon ng pinagsamang relihiyon at pulitika na may mahigit na isang libong templo at kapilya. Naging napakamakapangyarihan ang mga pari nito. Bagaman matagal nang naglaho ang Babilonya bilang kapangyarihang pandaigdig, umiiral pa rin ang relihiyosong Babilonyang Dakila, at gaya ng sinaunang parisan, sinisikap pa rin nitong impluwensiyahan at maniobrahin ang pulitikal na mga bagay-bagay. Subalit sinasang-ayunan ba ng Diyos ang pagsasama ng relihiyon at pulitika? Sa Hebreong Kasulatan, sinasabing nagpatutot ang Israel nang mapasangkot siya sa huwad na pagsamba at nang makipag-alyansa siya sa mga bansa sa halip na magtiwala kay Jehova. (Jeremias 3:6, 8, 9; Ezekiel 16:28-30) Nakikiapid din ang Babilonyang Dakila. Halatang-halata na ginawa niya ang lahat ng inaakala niyang kailangan upang magkaroon ng impluwensiya at kapangyarihan sa mga namamahalang hari sa lupa.—1 Timoteo 4:1.
5. (a) Anong katanyagan ang gustung-gusto ng relihiyosong mga klerigo? (b) Bakit tuwirang salungat sa mga sinabi ni Jesu-Kristo ang paghahangad na maging prominente sa sanlibutan?
5 Sa ngayon, ang mga lider ng relihiyon ay malimit na nangangampanya para sa matataas na tungkulin sa pamahalaan, at sa ilang lupain, may puwesto sila sa gobyerno, anupat miyembro pa nga ng gabinete. Noong 1988, dalawang kilaláng klerigong Protestante ang tumakbo sa pagkapresidente ng Estados Unidos. Gustung-gustong maging tanyag ng mga lider ng Babilonyang Dakila; madalas makita sa mga pahayagan ang kanilang mga larawan kasama ng prominenteng mga pulitiko. Sa kabaligtaran, iniwasan ni Jesus na masangkot sa pulitika at sinabi niya hinggil sa kaniyang mga alagad: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 6:15; 17:16; Mateo 4:8-10; tingnan din ang Santiago 4:4.
-