-
Nalutas ang Kasindak-sindak na HiwagaApocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
10, 11. (a) Ano ang idineklara ng UN noong 1986, at ano ang naging tugon? (b) Ilang “pamilya ng relihiyon” ang nagtipon sa Assisi, Italya, upang manalangin ukol sa kapayapaan, at tinutugon ba ng Diyos ang ganitong mga panalangin? Ipaliwanag.
10 Sa pagsisikap na patibayin ang pag-asa ng sangkatauhan, idineklara ng Nagkakaisang mga Bansa ang 1986 bilang “Internasyonal na Taon ng Kapayapaan,” na may temang “Upang Ipagsanggalang ang Kapayapaan at Kinabukasan ng Sangkatauhan.” Nanawagan ito sa nagdidigmaang mga bansa na ibaba ang kanilang mga sandata, kahit sa loob man lamang ng isang taon. Paano sila tumugon? Ayon sa ulat ng International Peace Research Institute, umabot nang limang milyon katao ang nasawi sa mga digmaan noong 1986 lamang! Bagaman naglabas sila ng pantanging mga salapi at ilang selyo na magsisilbing tagapagpagunita, walang gaanong ginawa ang karamihan sa mga bansa upang itaguyod ang minimithing kapayapaan nang taóng iyon. Gayunman, palibhasa’y laging sabik na magpalapad ng papel sa UN—sinikap ng mga relihiyon ng daigdig na ipangalandakan ang taóng iyon sa iba’t ibang paraan. Noong Enero 1, 1986, pinuri ni Pope John Paul II ang gawain ng UN at inialay ang bagong taóng iyon sa kapayapaan. At noong Oktubre 27, tinipon niya ang mga lider ng marami sa mga relihiyon ng daigdig upang manalangin ukol sa kapayapaan sa Assisi, Italya.
11 Sinasagot ba ng Diyos ang ganitong mga panalangin ukol sa kapayapaan? Buweno, sinong Diyos ang dinalanginan ng mga relihiyosong lider na iyon? Kung tatanungin mo sila, magkakaiba ang sagot ng bawat grupo. May kalipunan ba ng milyun-milyong diyos na makikinig at tutugon sa mga pagsusumamong ginagawa sa maraming iba’t ibang paraan? Marami sa mga nakibahagi roon ay sumasamba sa Trinidad ng Sangkakristiyanuhan.c Ang mga Budista, Hindu, at ang iba pa ay umusal ng mga panalangin sa di-mabilang na mga diyos. Lahat-lahat, 12 “pamilya ng relihiyon” ang nagtipon, na kinakatawan ng mga dignitaryong gaya ng Anglikanong Arsobispo ng Canterbury, Dalai Lama ng Budismo, obispong Ruso Ortodokso, pangulo ng Shinto Shrine Association ng Tokyo, mga Aprikanong animista, at dalawang Amerikanong Indian na napuputungan ng plumahe. Kung sa bagay, makulay na grupo sila na napakagandang panoorin sa TV. Isang grupo ang nanalangin nang walang patid sa loob ng 12 oras. (Ihambing ang Lucas 20:45-47.) Subalit isa man kaya sa mga panalanging iyon ay nakatagos sa mga alapaap na lumalambong sa pagtitipong iyon? Wala, salig sa sumusunod na mga dahilan:
12. Sa anu-anong dahilan hindi sinasagot ng Diyos ang panalangin ng mga lider ng relihiyon sa daigdig ukol sa kapayapaan?
12 Di-tulad ng mga ‘lumalakad sa pangalan ni Jehova,’ wala ni isa man sa mga relihiyonistang iyon ang nanalangin kay Jehova, ang buháy na Diyos, na ang pangalan ay mahigit 7,000 ulit na lumilitaw sa orihinal na teksto ng Bibliya. (Mikas 4:5; Isaias 42:8, 12)d Bilang isang grupo, hindi sila lumapit sa Diyos sa pangalan ni Jesus, yamang karamihan sa kanila ay hindi man lamang naniniwala kay Jesu-Kristo. (Juan 14:13; 15:16) Wala ni isa man sa kanila ang gumagawa ng kalooban ng Diyos sa ating panahon, samakatuwid nga, ang ihayag sa buong daigdig na ang dumarating na Kaharian ng Diyos—hindi ang UN—ang tunay na pag-asa ng sangkatauhan. (Mateo 7:21-23; 24:14; Marcos 13:10) Sa kalakhang bahagi, ang kanilang relihiyosong mga organisasyon ay napasangkot sa madudugong digmaan sa kasaysayan, pati na sa dalawang digmaang pandaigdig ng ika-20 siglo. Sinasabi ng Diyos sa mga ito: “Kahit nananalangin kayo ng marami, hindi ako nakikinig; ang inyo mismong mga kamay ay napuno ng pagbububo ng dugo.”—Isaias 1:15; 59:1-3.
13. (a) Bakit kapansin-pansin na nakikipagbalikatan sa UN sa panawagan ukol sa kapayapaan ang mga lider ng relihiyon sa daigdig? (b) Ang mga sigaw ukol sa kapayapaan ay magwawakas sa anong kasukdulan na inihula ng Diyos?
13 Bukod dito, lubhang kapansin-pansin na sa panahong ito, nakikipagbalikatan sa Nagkakaisang mga Bansa ang mga lider ng relihiyon sa daigdig upang manawagan ukol sa kapayapaan. Nais nilang impluwensiyahan ang UN ukol sa sarili nilang kapakinabangan, lalung-lalo na sa makabagong panahong ito kung kailan marami sa kanilang mga sakop ang tumatalikod na sa relihiyon. Gaya ng di-tapat na mga lider ng sinaunang Israel, sumisigaw sila, “‘May kapayapaan! May kapayapaan!’ gayong wala namang kapayapaan.” (Jeremias 6:14) Tiyak na magpapatuloy ang kanilang mga pagsigaw ukol sa kapayapaan, at lalo pa itong sisidhi pagsapit ng kasukdulan na inihula ni apostol Pablo: “Ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi. Kailanma’t kanilang sinasabi: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay kagyat na mapapasakanila ang biglang pagkapuksa gaya ng hapdi ng kabagabagan sa isang babaing nagdadalang-tao; at sa anumang paraan ay hindi sila makatatakas.”—1 Tesalonica 5:2, 3.
14. Sa anong paraan maaaring isigaw ang “Kapayapaan at katiwasayan!,” at paano maiiwasan ng isa na mailigaw nito?
14 Nitong nakaraang mga taon, ginagamit ng mga pulitiko ang pariralang “kapayapaan at katiwasayan” upang ilarawan ang iba’t ibang adhikain ng tao. Ang mga pagsisikap bang ito ng mga lider ng sanlibutan ang pasimula ng katuparan ng 1 Tesalonica 5:3? O ang tinutukoy kaya ni Pablo ay isa lamang espesipiko at lubhang madulang pangyayari na tatawag sa pansin ng buong daigdig? Yamang madalas na nauunawaan lamang nang lubusan ang mga hula sa Bibliya pagkatapos matupad o habang natutupad ang mga ito, kailangan tayong maghintay upang maunawaan ang mga ito. Samantala, batid ng mga Kristiyano na anumang kapayapaan o katiwasayan ang waring nakakamit ng mga bansa, wala pa rin talagang nagbabago. Nariyan pa rin ang kasakiman, pagkakapootan, krimen, pagkasira ng pamilya, imoralidad, pagkakasakit, dalamhati, at kamatayan. Kaya kung mananatili kang gising sa kahulugan ng mga pangyayari sa daigdig at pakikinggan mo ang makahulang mga babala sa Salita ng Diyos, hindi ka maililigaw ng anumang pagsigaw ng “kapayapaan at katiwasayan.”—Marcos 13:32-37; Lucas 21:34-36.
-
-
Pagpuksa sa Babilonyang DakilaApocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
1. Paano inilalarawan ng anghel ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop, at anong uri ng karunungan ang kailangan upang maunawaan ang mga tanda sa Apocalipsis?
BILANG karagdagang paglalarawan sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop sa Apocalipsis 17:3, sinasabi ng anghel kay Juan: “Dito pumapasok ang katalinuhan na may karunungan: Ang pitong ulo ay nangangahulugang pitong bundok, na sa ibabaw nito ay nakaupo ang babae. At may pitong hari: lima ang bumagsak na, isa ang narito, ang isa ay hindi pa dumarating, ngunit pagdating niya ay mananatili siya nang maikling panahon.” (Apocalipsis 17:9, 10) Inihahatid ng anghel na ito ang karunungan mula sa itaas, ang tanging karunungan na makapagbibigay ng unawa hinggil sa mga tanda sa Apocalipsis. (Santiago 3:17) Ipinauunawa ng karunungang ito sa uring Juan at sa kanilang mga kasamahan ang hinggil sa mapanganib na mga panahong kinabubuhayan natin. Pinasisidhi nito ang pagpapahalaga ng mga tapat-puso sa mga kahatulan ni Jehova, na malapit na ngayong isakatuparan, at ikinikintal sa isipan ang kapaki-pakinabang na pagkatakot kay Jehova. Gaya ng isinasaad sa Kawikaan 9:10: “Ang pagkatakot kay Jehova ang siyang pasimula ng karunungan, at ang kaalaman sa Kabanal-banalan ay siyang pagkaunawa.” Ano ang isinisiwalat sa atin ng karunungan mula sa Diyos hinggil sa mabangis na hayop?
2. Ano ang kahulugan ng pitong ulo ng kulay-iskarlatang mabangis na hayop, at paano nangyari na “lima ang bumagsak na, isa ang narito”?
2 Ang pitong ulo ng mabangis na hayop na iyon ay sumasagisag sa pitong “bundok,” o pitong “hari.” Ang dalawang terminong ito ay kapuwa ginagamit sa Kasulatan upang tumukoy sa mga kapangyarihan sa pamahalaan. (Jeremias 51:24, 25; Daniel 2:34, 35, 44, 45) Sa Bibliya, anim na kapangyarihang pandaigdig ang binabanggit na nagkaroon ng malaking epekto sa buhay ng bayan ng Diyos: Ehipto, Asirya, Babilonya, Medo-Persia, Gresya, at Roma. Sa mga ito, lima ang bumangon at bumagsak na nang tanggapin ni Juan ang Apocalipsis, samantalang ang Roma pa rin ang nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig noon. Katugmang-katugma ito ng mga salitang, “lima ang bumagsak na, isa ang narito.” Subalit kumusta naman “ang isa” na nakatakdang dumating?
3. (a) Paano nahati ang Imperyo ng Roma? (b) Anu-anong pangyayari ang naganap sa Kanluran? (c) Paano dapat malasin ang Banal na Imperyong Romano?
3 Ang Imperyo ng Roma ay tumagal at lumawak pa nga sa loob ng daan-daang taon pagkaraan ng panahon ni Juan. Noong 330 C.E., inilipat ni Emperador Constantino ang kaniyang kabisera mula sa Roma tungo sa Byzantium, na pinalitan niya ng pangalang Constantinople. Noong 395 C.E., nahati ang Imperyo ng Roma sa Silangan at Kanlurang bahagi. Noong 410 C.E., ang Roma mismo ay nahulog sa kamay ni Alaric, hari ng mga Visigoth (isang tribong Aleman na nakumberte tungo sa “Kristiyanismong” Arian). Sinakop ng mga tribong Aleman (mga “Kristiyano” rin) ang Espanya at pati na ang malaking bahagi ng teritoryo ng Roma sa Hilagang Aprika. Nagkaroon ng mga himagsikan, kaguluhan, at pagbabago sa Europa sa loob ng maraming siglo. Bumangon ang bantog na mga emperador sa Kanluran, gaya ni Carlomagno, na nakipag-alyansa kay Pope Leo III noong ika-9 na siglo, at ni Frederick II, na naghari noong ika-13 siglo. Subalit ang kanilang nasasakupan, bagaman tinawag na Banal na Imperyong Romano, ay mas maliit kaysa sa nasasaklaw ng Imperyo ng Roma noong kasikatan nito. Hindi ito bagong imperyo kundi pagsasauli lamang o pagpapatuloy ng sinaunang kapangyarihang ito.
4. Anu-ano ang naging tagumpay ng Silanganing Imperyo, subalit ano ang nangyari sa malaking bahagi ng dating teritoryo ng sinaunang Roma sa Hilagang Aprika, Espanya, at Sirya?
4 Ang Silanganing Imperyo ng Roma, na nakasentro sa Constantinople, ay nakatagal din sa isang mabuway na pakikipag-ugnayan sa Kanluraning Imperyo. Noong ikaanim na siglo, muling naagaw ni Emperador Justinian I ng Silangan ang kalakhang bahagi ng Hilagang Aprika, at nakialam din siya sa Espanya at sa Italya. Noong ikapitong siglo, nabawi ni Justinian II para sa Imperyo ang mga lugar sa Macedonia na nasakop ng mga kabilang sa tribong Slavo. Subalit pagsapit ng ikawalong siglo, ang malaking bahagi ng dating teritoryo ng sinaunang Roma sa Hilagang Aprika, Espanya, at Sirya ay napailalim sa bagong imperyo ng Islam at sa gayo’y wala na sa kontrol ng Constantinople at ng Roma.
5. Bagaman bumagsak ang lunsod ng Roma noong 410 C.E., bakit lumipas pa ang maraming siglo bago tuluyang nabura sa eksena ng daigdig ang bakas ng pulitikal na Imperyo ng Roma?
5 Ang lunsod mismo ng Constantinople ay nanatili nang mas matagal-tagal. Nakatagal ito sa malimit na pagsalakay ng mga Persiano, Arabe, mga taga-Bulgaria, at mga Ruso hanggang sa bumagsak ito sa wakas noong 1203—hindi sa kamay ng mga Muslim kundi sa mga Krusado mula sa Kanluran. Gayunman, noong 1453, napailalim ito sa kapangyarihan ng Muslim na tagapamahalang Ottoman na si Mehmed II at hindi nagtagal ay naging kabisera ito ng Imperyong Ottoman, o Turko. Kaya bagaman bumagsak ang lunsod ng Roma noong 410 C.E., lumipas muna ang marami pang siglo bago tuluyang nabura ang bakas ng pulitikal na Imperyo ng Roma sa eksena ng daigdig. Magkagayunman, naaaninaw pa rin ang impluwensiya nito sa relihiyosong mga imperyo na nakasalig sa papado ng Roma at sa mga relihiyon ng Silangang Ortodokso.
6. Anu-anong bagong imperyo ang naitatag, at alin sa mga ito ang naging pinakamatagumpay?
6 Gayunman, pagsapit ng ika-15 siglo, ang ibang mga bansa ay nagtatatag na ng bagong mga imperyo. Bagaman nasa teritoryo ng dating mga kolonya ng Roma ang ilan sa mga bagong imperyal na kapangyarihang ito, ang kanilang mga imperyo ay hindi mga pagpapatuloy lamang ng Imperyo ng Roma. Ang Portugal, Espanya, Pransiya, at Holland ay naging mga imperyo rin na may malalawak na nasasakupan. Ngunit ang naging pinakamatagumpay sa mga ito ay ang Britanya, na siyang namuno sa isang napakalaking imperyo na sinasabing ‘hindi nilulubugan ng araw.’ Sa iba’t ibang panahon, sinaklaw ng imperyong ito ang kalakhang bahagi ng Hilagang Amerika, Aprika, India, at Timog-Silangang Asia, pati na ang malaking bahagi ng Timog Pasipiko.
7. Paano umiral ang isang tambalang kapangyarihang pandaigdig, at ayon kay Juan, gaano katagal mananatili ang ikapitong ‘ulo,’ o kapangyarihang pandaigdig?
7 Pagsapit ng ika-19 na siglo, may ilang kolonya sa Hilagang Amerika na tumiwalag mula sa Britanya upang buuin ang independiyenteng Estados Unidos ng Amerika. Nagpatuloy ang ilang pulitikal na alitan ng bagong bansa at ng dating inang bayan. Gayunman, dahil sa unang digmaang pandaigdig, napilitang kilalanin ng dalawang bansang ito ang kanilang magkakatulad na kapakanan at pinagtibay ang isang pantanging ugnayan sa isa’t isa. Sa gayon, umiral ang isang tambalang kapangyarihang pandaigdig, na binubuo ng Estados Unidos ng Amerika, ang pinakamayamang bansa ngayon sa daigdig, at ng Gran Britanya, ang namamahala sa pinakamalawak na imperyo sa daigdig. Ito ngayon ang ikapitong ‘ulo,’ o kapangyarihang pandaigdig, na magpapatuloy hanggang sa panahon ng kawakasan at sa mga teritoryong nasasakupan nito ay unang naitatag ang makabagong-panahong mga Saksi ni Jehova. Kung ihahambing sa matagal na pamumuno ng ikaanim na ulo, ang ikapito ay mananatili lamang sa loob ng “maikling panahon,” hanggang sa lipulin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng pambansang mga organisasyon.
-