Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Pagsisiwalat sa Sagradong Lihim
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 17. (a) Ano ang inihula ng talinghaga ni Jesus tungkol sa trigo at panirang-damo? (b) Ano ang naganap noong 1918, at anong pagtatakwil at pag-aatas ang naging resulta nito?

      17 Sa kaniyang talinghaga hinggil sa trigo at mga panirang-damo, inihula ni Jesus na iiral ang panahon ng kadiliman samantalang nangingibabaw ang impluwensiya ng Sangkakristiyanuhan. Gayunpaman, sa loob ng maraming siglong pangingibabaw ng apostasya, may masusumpungang mga indibiduwal na tulad-trigong mga Kristiyano, ang mga tunay na pinahiran. (Mateo 13:24-29, 36-43) Kaya nang magsimula ang araw ng Panginoon noong Oktubre 1914, mayroon pang tunay na mga Kristiyano rito sa lupa. (Apocalipsis 1:10) Lumilitaw na mga tatlo at kalahating taon pagkaraan nito, noong 1918, pumasok si Jehova sa kaniyang espirituwal na templo upang humatol, kasama si Jesus bilang kaniyang “mensahero ng tipan.” (Malakias 3:1; Mateo 13:47-50) Panahon na upang sa wakas ay itakwil ng Panginoon ang huwad na mga Kristiyano at atasan ang ‘tapat at maingat na alipin sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.’​—Mateo 7:22, 23; 24:45-47.

      18. Anong “oras” ang dumating noong 1914, at panahon iyon upang gawin ng alipin ang ano?

      18 Panahon na rin upang pag-ukulan ng pantanging pansin ng alipin na ito ang mga bagay na nasusulat sa mga mensahe ni Jesus sa pitong kongregasyon, gaya ng makikita natin na isinasaad doon. Halimbawa, binanggit ni Jesus ang tungkol sa pagdating niya upang hatulan ang mga kongregasyon, isang paghatol na nagsimula noong 1918. (Apocalipsis 2:5, 16, 22, 23; 3:3) Sinabi niyang ipagsasanggalang ang kongregasyon ng Filadelfia mula sa “oras ng pagsubok, na darating sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 3:10, 11) Dumating lamang ang “oras ng pagsubok” sa pasimula ng araw ng Panginoon noong 1914, at pagkatapos nito ay nasubok ang katapatan ng mga Kristiyano sa itinatag na Kaharian ng Diyos.​—Ihambing ang Mateo 24:3, 9-13.

      19. (a) Sa ano lumalarawan ang pitong kongregasyon sa ngayon? (b) Sino ang karamihan na nakisama sa mga pinahirang Kristiyano, at bakit kapit din sa kanila ang payo ni Jesus at ang mga kalagayang inilarawan niya? (c) Ano ang dapat nating maging pananaw hinggil sa mga mensahe ni Jesus sa pitong kongregasyon noong unang siglo?

      19 Kaya mula noong 1914, nagkaroon ng malaking katuparan ang mga salita ni Jesus sa mga kongregasyon. Sa tagpong ito, ang pitong kongregasyon ay lumalarawan sa lahat ng kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano sa panahon ng araw ng Panginoon. Bukod dito, sa nakalipas na mahigit 70 taon, isang malaking bilang ng mga mananampalataya na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa ang sumama sa mga pinahirang Kristiyano na inilalarawan ni Juan. Ang payo ng niluwalhating si Jesu-Kristo at ang mga kalagayang nasumpungan niya sa pitong kongregasyon bunga ng kaniyang pagsisiyasat ay kapit din sa kanila, yamang iisa lamang ang pamantayan ng katuwiran at katapatan para sa lahat ng lingkod ni Jehova. (Exodo 12:49; Colosas 3:11) Kaya ang mga mensahe ni Jesus sa pitong kongregasyon noong unang siglo sa Asia Minor ay hindi lamang kawili-wiling mga kabanata sa kasaysayan. Nangangahulugan ito ng buhay o kamatayan para sa bawat isa sa atin. Kung gayon, makinig tayong mabuti sa mga salita ni Jesus.

  • Paningasing-Muli ang Unang Pag-ibig!
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 1. Sa aling kongregasyon pinatutungkol ang unang mensahe ni Jesus, at ano ang ipinaaalaala niya sa mga tagapangasiwa?

      ANG unang mensahe ni Jesus ay para sa kongregasyon ng Efeso, isang maunlad na lunsod noon sa baybayin ng Asia Minor malapit sa isla ng Patmos. Iniutos niya kay Juan: “Sa anghel ng kongregasyon sa Efeso ay isulat mo: Ito ang mga bagay na sinasabi niya na may hawak ng pitong bituin sa kaniyang kanang kamay, siya na lumalakad sa gitna ng pitong ginintuang kandelero.” (Apocalipsis 2:1) Gaya ng anim na iba pang mensahe, itinatawag-pansin dito ni Jesus ang isang bagay na nagpapakilala sa kaniyang awtoridad. Ipinaaalaala niya sa mga tagapangasiwa sa Efeso na lahat ng matatanda ay nasa ilalim ng kaniyang mapagkalingang pangangasiwa at na sinisiyasat niya ang lahat ng kongregasyon. Hanggang sa panahon natin, patuloy niyang ginagamit ang kaniyang maibiging pagkaulo, anupat binabantayan ang matatanda at mabait na pinapastulan ang lahat ng miyembro ng kongregasyon. Sa pana-panahon, binabago niya ang mga kaayusan sa kongregasyon upang maging lalong maningning ang pagsikat ng liwanag. Oo, si Jesus ang Punong Pastol sa kawan ng Diyos.​—Mateo 11:28-30; 1 Pedro 5:2-4.

      2. (a) Anong mabubuting bagay ang pinapurihan ni Jesus sa kongregasyon ng Efeso? (b) Anong payo ni apostol Pablo ang maliwanag na sinunod ng matatanda sa Efeso?

      2 Sa pitong mensahe ni Jesus, lima rito ang sinisimulan niya sa pamamagitan ng magiliw na komendasyon. Ganito ang mensahe niya para sa mga taga-Efeso: “Alam ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pagpapagal at pagbabata, at na hindi mo matiis ang masasamang tao, at na inilagay mo sa pagsubok yaong mga nagsasabi na sila ay mga apostol, ngunit hindi sila gayon, at nasumpungan mong sila ay mga sinungaling. Nagpapakita ka rin ng pagbabata, at nagtiis ka alang-alang sa aking pangalan at hindi nanghimagod.” (Apocalipsis 2:2, 3) Maraming taon bago nito, nagbabala si apostol Pablo sa matatanda sa Efeso laban sa “mapaniil na mga lobo,” mga apostatang manliligalig sa kawan, at sinabihan niya ang matatandang ito na ‘manatiling gising,’ na tinutularan ang kaniyang halimbawa ng kasipagan. (Gawa 20:29, 31) Malamang na ikinapit nila ang payong iyon yamang pinapupurihan sila ngayon ni Jesus dahil sa kanilang pagpapagal at pagtitiis at sa hindi nila panghihimagod.

      3. (a) Paano sinisikap ng “mga bulaang apostol” na linlangin ang mga tapat sa ating panahon? (b) Ano ang babala ni Pedro may kinalaman sa mga apostata?

      3 Sa panahon ng araw ng Panginoon, may “mga bulaang apostol” din na ‘nagsasalita ng mga bagay na pilipit at inilalayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.’ (2 Corinto 11:13; Gawa 20:30; Apocalipsis 1:10) Sinasabi nila na may mabuti namang masusumpungan sa lahat ng nagkakasalungatang sekta ng relihiyon, at iginigiit nilang walang organisasyon ang Diyos, at ayaw nilang tanggapin na ipinagkaloob kay Jesus ang kapangyarihan ng Kaharian noong 1914. Tinutupad nila ang hula sa 2 Pedro 3:3, 4: “Sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya na may pagtuya, na lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa at nagsasabi: ‘Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, ang lahat ng mga bagay ay nananatiling gayung-gayon mula noong pasimula ng sangnilalang.’”

      4. (a) Paano nahayag ang pagmamataas at paghihimagsik ng mga manunuya? (b) Bilang pagtulad sa mga taga-Efeso, paano kumikilos ang mga Kristiyano sa ngayon laban sa bulaang mga mananalansang?

      4 Tutol ang mga manunuyang ito na gumawa ng pangmadlang pagpapahayag ng kanilang pananampalataya. (Roma 10:10) Humingi sila ng tulong sa mga klero ng Sangkakristiyanuhan at sa mga pahayagan at istasyon ng telebisyon upang magpalaganap ng mga kasinungalingan laban sa dati nilang mga kasamahan. Kaagad namang natutuklasan ng mga tapat na walang taginting ng katotohanan ang mga pananalita at paggawi ng mga manlilinlang. Gaya ng mga taga-Efeso, ‘hindi matiis ng mga Kristiyano sa ngayon ang masasamang tao,’ kaya itinitiwalag nila ang mga ito sa kanilang mga kongregasyon.a

      5. (a) Ano ang sinabi ni Jesus na kahinaan ng mga taga-Efeso? (b) Anong mga salita ang dapat sanang natandaan ng mga taga-Efeso?

      5 Gayunman, gaya ng mensahe niya sa lima sa pitong kongregasyon, itinatawag-pansin ngayon ni Jesus ang isang malubhang suliranin. Sinasabi niya sa mga taga-Efeso: “Gayunpaman, mayroon akong laban sa iyo, na iniwan mo ang pag-ibig na taglay mo noong una.” (Apocalipsis 2:4) Hindi na sana sila dapat magkulang sa bagay na ito, sapagkat 35 taon bago nito ay sinulatan na sila ni Pablo, na binabanggit ang “dakilang pag-ibig” ng Diyos “na ipinang-ibig niya sa atin,” at hinimok niya sila: “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, bilang mga anak na minamahal, at patuloy kayong lumakad sa pag-ibig, kung paanong inibig din kayo ng Kristo.” (Efeso 2:4; 5:1, 2) Bukod dito, dapat sanang tumimo sa kanilang puso ang mga salita ni Jesus: “Si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova, at iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip at nang iyong buong lakas.” (Marcos 12:29-31) Nanlamig ang unang pag-ibig na iyon ng mga taga-Efeso.

      6. (a) Tayo man ay matagal na o bago pa lamang sa kongregasyon, anong panganib at hilig ang dapat nating bantayan? (b) Ang pag-ibig natin sa Diyos ay dapat magpakilos sa atin na gawin ang ano?

      6 Tayo man ay matagal na o bago pa lamang sa kongregasyon, dapat tayong magbantay laban sa panlalamig ng ating unang pag-ibig kay Jehova. Paano maaaring manlamig ang ating pag-ibig? Baka masyado tayong matali sa ating trabaho, maghangad na kumita ng maraming salapi, o magtaguyod ng kaluguran, anupat nagiging pangunahin ito sa ating buhay. Dahil dito, maaari tayong maging makalaman sa halip na maging palaisip sa espirituwal. (Roma 8:5-8; 1 Timoteo 4:8; 6:9, 10) Ang pag-ibig natin kay Jehova ang dapat magpakilos sa atin na ituwid ang ganitong mga hilig at ‘patuloy na hanapin muna ang kaharian ng Diyos at ang kaniyang katuwiran,’ upang ‘makapag-imbak tayo para sa ating sarili ng mga kayamanan sa langit.’​—Mateo 6:19-21, 31-33.

      7. (a) Ano ang dapat mag-udyok sa atin na paglingkuran si Jehova? (b) Ano ang sinabi ni Juan tungkol sa pag-ibig?

      7 Masidhing pag-ibig nawa kay Jehova ang laging mag-udyok sa atin na paglingkuran siya. Marubdob nating pahalagahan ang lahat ng ginawa ni Jehova at ni Kristo alang-alang sa atin. Gaya ng isinulat mismo ni Juan nang dakong huli: “Ang pag-ibig ay nasa bagay na ito, hindi sa tayo ang umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin at nagsugo ng kaniyang Anak bilang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan.” Nagpatuloy si Juan: “Ang Diyos ay pag-ibig, at siya na nananatili sa pag-ibig ay nananatiling kaisa ng Diyos at ang Diyos ay nananatiling kaisa niya.” Huwag nawa nating hayaan kailanman na kumupas ang ating pag-ibig kay Jehova, sa Panginoong Jesu-Kristo, at sa buháy na Salita ng Diyos! Maipahahayag natin ang pag-ibig na ito hindi lamang sa pamamagitan ng masigasig na paglilingkod sa Diyos kundi sa pagtalima rin naman sa ‘utos na ito na taglay natin mula sa kaniya, na ang umiibig sa Diyos ay dapat na umibig din sa kaniyang kapatid.’​—1 Juan 4:10, 16, 21; Hebreo 4:12; tingnan din ang 1 Pedro 4:8; Colosas 3:10-14; Efeso 4:15.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share