-
Pagdurog sa Ulo ng SerpiyenteApocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
25. Paano inilalarawan ni Juan ang kahihinatnan ng pagsalakay ng mga rebelde sa “kampo ng mga banal,” at ano ang magiging kahulugan nito para kay Satanas?
25 Magtatagumpay ba ang pangwakas na pagsisikap na ito ni Satanas? Tiyak na hindi—kung paanong hindi rin magtatagumpay ang pagsalakay na gagawin ni Gog ng Magog sa espirituwal na Israel sa ating panahon! (Ezekiel 38:18-23) Buong-linaw na inilalarawan ni Juan ang kahihinatnan: “Ngunit bumaba ang apoy mula sa langit at nilamon sila. At ang Diyablo na nagliligaw sa kanila ay inihagis sa lawa ng apoy at asupre, na kinaroroonan na kapuwa ng mabangis na hayop at ng bulaang propeta.” (Apocalipsis 20:9b-10a) Sa pagkakataong ito, hindi lamang ibubulid sa kalaliman si Satanas, ang orihinal na serpiyente, kundi aktuwal siyang dudurugin hanggang sa malipol, pupulbusin, at lubusang pupuksain na parang tinupok ng apoy.
26. Bakit hindi maaaring maging isang literal na pahirapang dako ang “lawa ng apoy at asupre”?
26 Natalakay na natin na hindi maaaring tumukoy sa isang literal na pahirapang dako ang “lawa ng apoy at asupre.” (Apocalipsis 19:20) Kung ipadaranas kay Satanas ang napakatinding pahirap doon magpakailan-kailanman, kailangan siyang panatilihing buháy ni Jehova. Subalit ang buhay ay isang kaloob, hindi parusa. Kamatayan ang parusa sa kasalanan, at ayon sa Bibliya, walang nadaramang kirot ang mga patay. (Roma 6:23; Eclesiastes 9:5, 10) Karagdagan pa, mababasa natin sa dakong huli na ibubulid din sa lawa ng apoy at asupre na ito ang kamatayan mismo, kasama na ang Hades. Tiyak na hindi makadarama ng kirot ang kamatayan at ang Hades!—Apocalipsis 20:14.
27. Paano makatutulong sa atin ang nangyari sa Sodoma at Gomorra upang maunawaan ang kahulugan ng terminong lawa ng apoy at asupre?
27 Ang lahat ng ito ay higit pang nagpapatunay na tama ang pagkaunawa na makasagisag ang lawa ng apoy at asupre. Karagdagan pa, ang pagbanggit sa apoy at asupre ay nagpapaalaala sa sinapit ng sinaunang Sodoma at Gomorra, na pinuksa ng Diyos dahil sa kanilang talamak na kabalakyutan. Nang sumapit na ang panahon upang parusahan sila, “nagpaulan si Jehova ng asupre at apoy mula kay Jehova, mula sa langit, sa Sodoma at sa Gomorra.” (Genesis 19:24) Ang nangyari sa dalawang lunsod na ito ay tinatawag na “parusang hatol na walang-hanggang apoy.” (Judas 7) Gayunman, hindi dumanas ng walang-hanggang pagpapahirap ang dalawang lunsod na ito. Sa halip, ang mga ito ay napawi, nalipol magpakailanman, kasama ng ubod-samang mga mamamayan nito. Ang mga lunsod na iyon ay hindi na umiiral ngayon, at walang sinuman ang makatitiyak sa lokasyon ng mga ito.
28. Ano ang lawa ng apoy at asupre, at paano ito naiiba sa kamatayan, Hades, at kalaliman?
28 Kasuwato nito, ipinaliliwanag mismo ng Bibliya ang kahulugan ng lawa ng apoy at asupre: “Ito ay nangangahulugan ng ikalawang kamatayan, ang lawa apoy.” (Apocalipsis 20:14) Maliwanag na ito rin ang Gehenna na binanggit ni Jesus, isang dako kung saan nililipol ang mga balakyot, hindi pinahihirapan magpakailanman. (Mateo 10:28) Tumutukoy ito sa ganap na pagkalipol na walang pag-asa sa pagkabuhay-muli. Kaya bagaman may mga susi para sa kamatayan, Hades, at kalaliman, walang binabanggit na susi para buksan ang lawa ng apoy at asupre. (Apocalipsis 1:18; 20:1) Hindi nito kailanman pakakawalan ang mga bihag nito.—Ihambing ang Marcos 9:43-47.
Pahihirapan Araw at Gabi Magpakailanman
29, 30. Ano ang sinasabi ni Juan tungkol sa Diyablo pati na rin sa mabangis na hayop at sa bulaang propeta, at paano ito dapat unawain?
29 Hinggil sa Diyablo pati na sa mabangis na hayop at bulaang propeta, sinasabi ngayon sa atin ni Juan: “At pahihirapan sila araw at gabi magpakailan-kailanman.” (Apocalipsis 20:10b) Ano ang ibig sabihin nito? Gaya ng nabanggit na, hindi lohikal na sabihing daranas ng literal na pahirap ang mga sagisag, gaya ng mabangis na hayop at bulaang propeta, pati na ang kamatayan at ang Hades. Kaya walang dahilan para isiping pahihirapan si Satanas magpakailan-kailanman. Pupuksain siya.
30 Ang salitang Griego na ginamit dito para sa terminong “pahirapan,” ba·sa·niʹzo, ay may pangunahing kahulugan na “subukin (ang mga metal) sa pamamagitan ng isang batong urian.” “Pagtatanungin sa pamamagitan ng pagpapahirap” ang ikalawang kahulugan. (The New Thayer’s Greek-English Lexicon of the New Testament) Sa konteksto nito, ipinahihiwatig ng paggamit sa salitang Griegong ito na ang mangyayari kay Satanas ay magsisilbing permanenteng batong urian, o batayan, hinggil sa isyu ng pagiging nararapat at pagiging matuwid ng pamamahala ni Jehova. Ang isyung ito hinggil sa pamamahala bilang soberano ay malulutas minsan at magpakailanman. Anumang hamon sa pagkasoberano ni Jehova ay hindi na kailanman kakailanganin pang subukin sa loob ng mahabang yugto ng panahon upang patunayan na mali ito.—Ihambing ang Awit 92:1, 15.
31. Paano tumutulong ang dalawang salitang Griego, na nauugnay sa salitang nangangahulugang “pahirapan,” upang maunawaan natin kung anong parusa ang sasapitin ni Satanas na Diyablo?
31 Bukod dito, ginagamit sa Bibliya ang kaugnay na salitang ba·sa·ni·stesʹ, “tagapagpahirap,” upang tumukoy sa “tagapagbilanggo.” (Mateo 18:34, Kingdom Interlinear) Kasuwato nito, si Satanas ay ibibilanggo sa lawa ng apoy magpakailanman; hindi na siya kailanman palalayain. At bilang panghuli, sa Griegong Septuagint, na pamilyar kay Juan, ang kaugnay na salitang baʹsa·nos ay ginagamit upang tumukoy sa kahihiyang humahantong sa kamatayan. (Ezekiel 32:24, 30) Tumutulong ito sa atin upang maunawaan na ang parusang sasapitin ni Satanas ay isang kahiya-hiya at walang-hanggang kamatayan sa lawa ng apoy at asupre. Ang kaniyang mga gawa ay papanaw na kasama niya.—1 Juan 3:8.
32. Anong parusa ang sasapitin ng mga demonyo, at paano natin nalaman?
32 Hindi na naman binabanggit sa talatang ito ang mga demonyo. Palalayain ba silang kasama ni Satanas sa katapusan ng isang libong taon at mapapailalim sa parusang walang-hanggang kamatayan kasama niya? Ang katibayan ay sumasagot ng oo. Sa talinghaga hinggil sa mga tupa at kambing, sinabi ni Jesus na ang mga kambing ay magtutungo sa “walang-hanggang apoy na inihanda para sa Diyablo at sa kaniyang mga anghel.” (Mateo 25:41) Ang mga salitang “walang-hanggang apoy” ay tiyak na tumutukoy sa lawa ng apoy at asupre kung saan ihahagis si Satanas. Ang mga anghel ng Diyablo ay pinalayas mula sa langit na kasama niya. Maliwanag na ibubulid sila sa kalaliman kasama niya sa pasimula ng Sanlibong Taóng Paghahari. Kasuwato nito, pupuksain din silang kasama niya sa lawa ng apoy at asupre.—Mateo 8:29.
33. Anong pangwakas na detalye ng Genesis 3:15 ang matutupad, at ano ang itinatawag-pansin ngayon kay Juan ng espiritu ni Jehova?
33 Sa ganitong paraan matutupad ang huling detalye ng unang hulang nakaulat sa Genesis 3:15. Kapag inihagis si Satanas sa lawa ng apoy, mamamatay siyang gaya ng isang ahas na ang ulo ay tinapakan ng isang sakong na bakal hanggang sa madurog. Siya at ang kaniyang mga demonyo ay mawawala na magpakailanman. Hindi na sila binabanggit pang muli sa aklat ng Apocalipsis. Pagkatapos ng hulang ito, itinatawag-pansin naman ngayon ng espiritu ni Jehova ang isang bagay na lubhang kawili-wili sa mga may makalupang pag-asa: Ano ang idudulot sa sangkatauhan ng makalangit na pamamahala ng “Hari ng mga hari” at niyaong “mga tinawag at pinili at mga tapat na kasama niya”? (Apocalipsis 17:14) Bilang sagot, muli tayong ibinabalik ni Juan sa pagsisimula ng Sanlibong Taóng Paghahari.
-
-
Ang Araw ng Paghuhukom ng Diyos—Ang Maligayang Kalalabasan Nito!Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
1. (a) Ano ang naiwala ng sangkatauhan nang magkasala sina Adan at Eva? (b) Anong layunin ng Diyos ang hindi nagbabago, at paano natin nalaman?
NILALANG tayong mga tao upang mabuhay magpakailanman. Kung sumunod lamang sina Adan at Eva sa mga utos ng Diyos, hindi sana sila namatay. (Genesis 1:28; 2:8, 16, 17; Eclesiastes 3:10, 11) Subalit nang magkasala sila, naiwala nila ang kasakdalan at buhay hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para din sa kanilang mga supling, at naghari ang kamatayan sa sangkatauhan bilang isang malupit na kaaway. (Roma 5:12, 14; 1 Corinto 15:26) Sa kabila nito, hindi nagbago ang layunin ng Diyos na mabuhay magpakailanman ang sakdal na mga tao sa lupang paraiso. Dahil sa kaniyang dakilang pag-ibig sa sangkatauhan, isinugo niya sa lupa ang kaniyang bugtong na Anak, si Jesus, na nagbigay ng kaniyang sakdal na buhay bilang tao upang tubusin ang “marami” sa mga supling ni Adan. (Mateo 20:28; Juan 3:16) Maaari ngayong gamitin ni Jesus ang legal na halaga ng kaniyang hain upang maibalik ang sumasampalatayang sangkatauhan sa kasakdalan sa isang lupang paraiso. (1 Pedro 3:18; 1 Juan 2:2) Kay-inam na dahilan upang ang sangkatauhan ay “magalak at magsaya”!—Isaias 25:8, 9.
2. Ano ang iniuulat ni Juan sa Apocalipsis 20:11, at ano ang “malaking tronong puti”?
2 Palibhasa’y naibulid na si Satanas sa kalaliman, makapagsisimula na ngayon ang maluwalhating Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesus. Ito na ang “araw” kung kailan “nilalayon [ng Diyos na] hatulan ang tinatahanang lupa ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaki na kaniyang inatasan.” (Gawa 17:31; 2 Pedro 3:8) Inihahayag ni Juan: “At nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang isa na nakaupo roon. Mula sa harap niya ay tumakas ang lupa at ang langit, at walang dakong nasumpungan para sa kanila.” (Apocalipsis 20:11) Ano ang “malaking tronong puti” na ito? Tiyak na ito ang luklukan ng paghatol ng “Diyos na Hukom ng lahat.” (Hebreo 12:23) Hahatol siya ngayon kung sino sa sangkatauhan ang karapat-dapat makinabang sa haing pantubos ni Jesus.—Marcos 10:45.
3. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng pagiging “malaki” at “puti” ng trono ng Diyos? (b) Sino ang maghuhukom sa Araw ng Paghuhukom, at ano ang magiging saligan?
3 Ang trono ng Diyos ay “malaki,” na nagdiriin sa karingalan ni Jehova bilang Soberanong Panginoon, at ito ay “puti,” na tumatawag-pansin sa kaniyang sakdal na katuwiran. Siya ang kataas-taasang Hukom ng sangkatauhan. (Awit 19:7-11; Isaias 33:22; 51:5, 8) Gayunman, iniatas niya kay Jesu-Kristo ang paghuhukom: “Ang Ama ay hindi humahatol sa kaninuman, kundi ipinagkatiwala niya ang lahat ng paghatol sa Anak.” (Juan 5:22) Kasama ni Jesus ang 144,000, na ‘binigyan ng kapangyarihang humatol sa loob ng isang libong taon.’ (Apocalipsis 20:4) Gayunman, ang mga pamantayan ni Jehova ang magpapasiya kung ano ang kahihinatnan ng bawat indibiduwal sa Araw ng Paghuhukom.
4. Ano ang ibig sabihin ng “tumakas ang lupa at ang langit”?
4 Sa anong diwa “tumakas ang lupa at ang langit”? Ito rin ang langit na nahawing gaya ng isang balumbon sa pagbubukas ng ikaanim na tatak—ang namamahalang awtoridad ng tao na “nakalaan sa apoy at itinataan sa araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.” (Apocalipsis 6:14; 2 Pedro 3:7) Ang lupa ay ang organisadong sistema ng mga bagay na umiiral sa ilalim ng pamamahalang ito. (Apocalipsis 8:7) Ang pagtakas ng langit at lupang ito ay tumutukoy sa pagkalipol ng mabangis na hayop at ng mga hari sa lupa at ng kanilang mga hukbo, pati na yaong mga tumanggap ng marka ng mabangis na hayop at ang mga sumasamba sa larawan nito. (Apocalipsis 19:19-21) Yamang nailapat na ang hatol sa lupa at langit ni Satanas, nagtatakda naman ngayon ang Dakilang Hukom ng isa pang Araw ng Paghuhukom.
-