-
Paningasing-Muli ang Unang Pag-ibig!Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
8. Ayon kay Jesus, paano dapat kumilos ang mga taga-Efeso?
8 Dapat paningasing-muli ng mga taga-Efeso ang pag-ibig na taglay nila noong una kung ayaw nilang mapahamak. “Kaya,” sinabi sa kanila ni Jesus, “alalahanin mo kung mula sa ano ka nahulog, at magsisi ka at gawin mo ang mga gawa noong una. Kung hindi, paririyan ako sa iyo, at aalisin ko ang iyong kandelero mula sa kinalalagyan nito, malibang ikaw ay magsisi.” (Apocalipsis 2:5) Paano tumugon sa mga salitang ito ang mga Kristiyano sa kongregasyon ng Efeso? Hindi natin alam. Nagsisi sana sila at nagtagumpay na muling mapaningas ang kanilang pag-ibig kay Jehova. Kung hindi, mamamatay ang kanilang lampara at aalisin ang kanilang kandelero. Maiwawala nila ang kanilang pribilehiyong magpasikat ng liwanag ng katotohanan.
9. (a) Anong nakapagpapatibay na mga salita ang sinabi ni Jesus sa mga taga-Efeso? (b) Paano nabigong sumunod ang mga kongregasyon sa payo ni Jesus sa mga taga-Efeso pagkaraan ng panahon ni Juan?
9 Gayunpaman, pinatibay ni Jesus ang mga taga-Efeso: “Gayunman, nasa iyo nga ito, na kinapopootan mo ang mga gawa ng sekta ni Nicolas, na kinapopootan ko rin.” (Apocalipsis 2:6) Kahit paano, kinapootan nila ang pagkakabaha-bahagi bilang mga sekta, kung paanong kinapopootan ito ng Panginoong Jesu-Kristo. Gayunpaman, sa paglipas ng mga taon, maraming kongregasyon ang nabigong sumunod sa mga salitang ito ni Jesus. Ang kawalan nila ng pag-ibig kay Jehova, sa katotohanan, at sa isa’t isa ay tumangay sa kanila sa espirituwal na kadiliman. Nagkabaha-bahagi sila sa napakaraming nagkakasalungatang mga sekta. Inalis ng mga “Kristiyanong” tagakopya na walang pag-ibig kay Jehova ang mismong pangalan ng Diyos mula sa mga Griegong manuskrito ng Bibliya. Ang kawalan ng pag-ibig ay nagbigay-daan din sa pagtuturo ng Babiloniko at Griegong mga doktrina sa ngalan ng Kristiyanismo, gaya ng apoy ng impiyerno, purgatoryo, at Trinidad. Palibhasa’y walang pag-ibig sa Diyos at sa katotohanan, huminto na sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ang karamihan sa mga nag-aangking Kristiyano. Naging dominado sila ng makasariling uring klero na nagtatag ng sarili nilang kaharian dito sa lupa.—Ihambing ang 1 Corinto 4:8.
10. Ano ang kalagayan ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan noong 1918?
10 Nang magsimula ang paghatol sa bahay ng Diyos noong 1918, hayagang sumuporta sa Digmaang Pandaigdig I ang nagkakabaha-bahaging klero ng Sangkakristiyanuhan, at inudyukan ang mga Katoliko at Protestante sa magkabilang panig na magpatayan. (1 Pedro 4:17) Di-tulad ng kongregasyon ng Efeso na napoot sa ginagawa ng sekta ni Nicolas, ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay matagal nang nagtuturo ng maraming doktrinang nagkakasalungatan at laban sa Diyos, at ang kanilang klero ay yumakap na sa sanlibutan, gayong sinabi ni Jesus na hindi dapat maging bahagi nito ang kaniyang mga alagad. (Juan 15:17-19) Ang kanilang mga kongregasyon, palibhasa’y walang kaalam-alam hinggil sa tema ng Bibliya, ang Kaharian ng Diyos, ay hindi nagsilbing mga kandelero na nagbibigay-liwanag sa katotohanan ng Kasulatan, ni naging bahagi man ng espirituwal na templo ni Jehova ang kanilang mga miyembro. Ang kanilang prominenteng mga lalaki (at mga babae) ay hindi naging mga bituin kundi nabunyag na kabilang sa “taong tampalasan.”—2 Tesalonica 2:3; Malakias 3:1-3.
11. (a) Anong grupo ng mga Kristiyano sa daigdig noong 1918 ang nagkapit ng mga salita ni Jesus sa mga taga-Efeso? (b) Ano ang ginawa ng uring Juan mula noong 1919 patuloy?
11 Gayunpaman, bumangon ang uring Juan mula sa maligalig na panahon noong unang digmaang pandaigdig. Ang pag-ibig nila kay Jehova at sa katotohanan ang nagpakilos sa kanila na paglingkuran siya nang may nag-aalab na sigasig. Hinadlangan nila ang mga nagsikap magpasok ng sektaryanismo na halos sumamba sa unang pangulo ng Samahang Watch Tower, si Charles T. Russell, pagkamatay niya noong 1916. Yamang nadisiplina ng mga pag-uusig at kahirapan, ang grupong ito ng mga Kristiyano ay maliwanag na nasumpungang “mahusay” ng kanilang Panginoon at inanyayahan silang pumasok sa kaniyang kagalakan. (Mateo 25:21, 23) Batay sa takbo ng mga pangyayari sa daigdig, at sa sarili nilang mga karanasan, naunawaan nila ang katuparan ng tanda na ibinigay ni Jesus bilang hudyat ng kaniyang di-nakikitang pagkanaririto sa kapangyarihan ng Kaharian. Mula noong 1919 patuloy, kumilos sila upang makibahagi sa higit na katuparan ng dakilang hula ni Jesus: “At ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 6:9, 10; 24:3-14) Kung nanlamig man ang kanilang pag-ibig kay Jehova sa anumang paraan, pinagningas naman nila ito mula noon.
12. (a) Ano ang ipinanawagan sa isang makasaysayang kombensiyon noong 1922? (b) Noong 1931, anong pangalan ang tinanggap ng tunay na mga Kristiyano, at ano ang pinagsisihan nila?
12 Sa isang makasaysayang kombensiyon, na dinaluhan ng 18,000 sa mga Kristiyanong ito, sa Cedar Point, Ohio, E.U.A., noong Setyembre 5-13, 1922, ang panawagan ay ipinahayag: “Bumalik sa larangan, O kayong mga anak ng kataas-taasang Diyos! . . . Dapat malaman ng buong daigdig na si Jehova ang Diyos at na si Jesu-Kristo ang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. . . . Kung gayon ay ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian.” Lalo pang itinampok ang mahalagang pangalan ni Jehova. Noong 1931, ang mga Kristiyanong ito na nagkatipon sa isang kombensiyon sa Columbus, Ohio, E.U.A., ay nagalak na tanggapin at dalhin ang pangalan na binanggit ng Diyos sa hula ni Isaias—mga Saksi ni Jehova. (Isaias 43:10, 12) Sa isyu nito noong Marso 1, 1939, ang pangalan ng pangunahing babasahin ng organisasyon ay binago at ginawang Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova, sa gayo’y nag-uukol ng pangunahing karangalan sa ating Maylalang at sa kaniyang maharlikang pamahalaan. Ang mga Saksi ni Jehova, na nagpanumbalik ng kanilang pag-ibig kay Jehova, ay nagsisi sa anumang dating pagkabigo na parangalan at itanghal ang kaniyang maringal na pangalan at Kaharian.—Awit 106:6, 47, 48.
“Siya na Nananaig”
13. (a) Anong pagpapala ang naghihintay sa mga taga-Efeso kung ‘mananaig’ sila? (b) Paano ‘makapananaig’ ang mga Kristiyano sa Efeso?
13 Sa wakas, gaya rin ng iba niyang mensahe, itinatawag-pansin ni Jesus na sa pamamagitan niya, isinisiwalat ng espiritu ng Diyos ang mga gantimpala sa katapatan. Sinasabi niya sa mga taga-Efeso: “Ang may tainga ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon: Siya na nananaig ay pagkakalooban ko na kumain mula sa punungkahoy ng buhay, na nasa paraiso ng Diyos.” (Apocalipsis 2:7) Ang mga taong handang makinig ay masasabik na tumalima sa napakahalagang mensaheng ito, yamang alam nilang hindi lamang ito kay Jesus nagmula kundi sa Soberanong Panginoong Jehova mismo sa pamamagitan ng Kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa. Paano sila ‘makapananaig’? Sa pamamagitan ng maingat na pagsunod sa mga yapak ni Jesus, na nanatiling tapat hanggang kamatayan anupat nasabi niya: “Lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.”—Juan 8:28; 16:33; tingnan din ang 1 Juan 5:4.
14. Sa ano tumutukoy ang “paraiso ng Diyos” na binabanggit ni Jesus?
14 Yamang ang mga pinahirang Kristiyano, gaya ng mga taga-Efeso, ay hindi naman umaasang mabuhay sa isang makalupang paraiso, sa anong paraan sila gagantimpalaan ng pagkain sa “punungkahoy ng buhay, na nasa paraiso ng Diyos”? Hindi ito maaaring tumukoy sa isinauling Paraiso sa lupa, yamang ang 144,000 pinahirang Kristiyano, kasali na ang mga nasa kongregasyon ng Efeso, ay binili mula sa sangkatauhan upang mamahalang kasama ng Kordero, si Kristo Jesus, sa makalangit na Bundok Sion bilang espiritung mga anak. (Efeso 1:5-12; Apocalipsis 14:1, 4) Kaya ang tinutukoy rito ay ang makalangit at tulad-halamanang dako na mamanahin ng mga mananaig na ito. Doon, sa “paraiso ng Diyos,” oo, sa mismong presensiya ni Jehova, ang mga nagtagumpay na ito na pinagkalooban ng imortalidad ay patuloy na mabubuhay nang walang hanggan, na siyang isinasagisag ng kanilang pagkain mula sa punungkahoy ng buhay.
15. Bakit napakahalagang maging interesado ang malaking pulutong ngayon sa pampatibay-loob ni Jesus na manaig?
15 Kumusta naman ang tapat na makalupang mga tagasuporta ng 144,000 pinahiran? Nananaig din ang isang malaking pulutong na ito ng mga Saksi na kasama nila. Subalit ang pag-asa nila ay makapasok sa makalupang paraiso, kung saan iinom sila mula sa “isang ilog ng tubig ng buhay” at mapagagaling ng “mga dahon ng mga punungkahoy” na nakatanim sa magkabilang panig ng ilog na iyon. (Apocalipsis 7:4, 9, 17; 22:1, 2) Kung kabilang ka sa grupong ito, ipakita mo rin sana ang iyong masidhing pag-ibig kay Jehova at manaig sa ating pakikipagbaka para sa pananampalataya. Sa gayo’y makakamit mo ang kaligayahan ng buhay na walang hanggan sa lupang Paraiso.—Ihambing ang 1 Juan 2:13, 14.
-
-
Pagsisikap na Maging mga MananaigApocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
1. (a) Anong kongregasyon ang sumunod na tumanggap ng mensahe mula sa niluwalhating si Jesus? (b) Sa pagtukoy sa kaniyang sarili bilang “ang Una at ang Huli,” ano ang ipinaaalaala ni Jesus sa mga Kristiyano sa kongregasyong iyon?
PAWANG kagibaan na lamang ngayon ang sinaunang Efeso. Subalit ang lugar na padadalhan ng ikalawang mensahe ni Jesus ay kinaroroonan pa rin sa ngayon ng isang abalang lunsod. Mga 55 kilometro mula sa hilaga ng mga kagibaan ng Efeso ay ang lunsod ng Izmir sa Turkey, kung saan may apat na masigasig na kongregasyon pa rin ng mga Saksi ni Jehova. Nasa lugar na ito ang Smirna noong unang siglo. Pansinin ngayon ang sumusunod na pananalita ni Jesus: “At sa anghel ng kongregasyon sa Smirna ay isulat mo: Ito ang mga bagay na sinasabi niya, ‘ang Una at ang Huli,’ na namatay at muling nabuhay.” (Apocalipsis 2:8) Sa pagsasabi nito sa mga Kristiyano sa Smirna, ipinaaalaala ni Jesus sa kanila na siya ang unang tagapag-ingat ng katapatan na tuwirang binuhay-muli ni Jehova bilang imortal na espiritu at siyang pinakahuling ibinangon sa gayong paraan. Si Jesus mismo ang bubuhay-muli sa lahat ng iba pang pinahirang Kristiyano. Kaya talagang kuwalipikado siyang magpayo sa kaniyang mga kapatid, na umaasang makibahagi na kasama niya sa imortal na buhay sa langit.
2. Bakit nakaaaliw sa lahat ng Kristiyano ang mga salita ng Isa na “namatay at muling nabuhay”?
2 Nagpakita ng halimbawa si Jesus sa pagbabata ng pag-uusig alang-alang sa katuwiran, at tumanggap siya ng kaukulang gantimpala. Ang katapatan niya hanggang kamatayan at ang pagbuhay-muli sa kaniya ang siyang saligan ng pag-asa ng lahat ng Kristiyano. (Gawa 17:31) Ang katotohanang si Jesus ay “namatay at muling nabuhay” ay patotoo na hindi sa walang kabuluhan ang anumang pagbabata alang-alang sa katotohanan. Ang pagkabuhay-muli ni Jesus ay malaking pampatibay-loob sa lahat ng Kristiyano lalo na kapag kailangan silang magdusa alang-alang sa kanilang pananampalataya. Ganito ba ang nararanasan mo? Kung gayon, mapatitibay-loob ka rin ng susunod na pananalita ni Jesus sa kongregasyon ng Smirna:
3. (a) Anong pampatibay-loob ang sinabi ni Jesus sa mga Kristiyano sa Smirna? (b) Bagaman dukha ang mga Kristiyano sa Smirna, bakit sinabi ni Jesus na “mayaman” sila?
3 “Alam ko ang iyong kapighatian at karalitaan—ngunit ikaw ay mayaman—at ang pamumusong niyaong mga nagsasabing sila nga ay mga Judio, at gayunma’y hindi sila gayon kundi isang sinagoga ni Satanas.” (Apocalipsis 2:9) Walang binanggit na pagpuna si Jesus laban sa mga kapatid niya sa Smirna, kundi pawang magiliw na komendasyon. Matinding kapighatian ang tiniis nila dahil sa kanilang pananampalataya. Dukha sila sa materyal, malamang dahil sa kanilang katapatan. (Hebreo 10:34) Gayunman, ang pangunahin sa kanila ay ang espirituwal na mga bagay, at nakapag-imbak sila ng kayamanan sa langit, gaya ng ipinayo ni Jesus. (Mateo 6:19, 20) Kaya “mayaman” sila sa paningin ng Punong Pastol.—Ihambing ang Santiago 2:5.
4. Sino ang matinding sumalansang sa mga Kristiyano sa Smirna, at paano itinuring ni Jesus ang mga mananalansang na iyon?
4 Partikular na itinawag-pansin ni Jesus ang pagbabata ng mga Kristiyano sa Smirna sa harap ng matinding pagsalansang ng mga Judio sa laman. Noong araw, maraming kabilang sa relihiyong ito ang mahigpit na sumalansang sa paglago ng Kristiyanismo. (Gawa 13:44, 45; 14:19) Ngayon, ilang dekada pa lamang mula nang bumagsak ang Jerusalem, gayunding satanikong espiritu ang ipinakikita ng mga Judiong iyon sa Smirna. Hindi kataka-taka na ituring sila ni Jesus na “sinagoga ni Satanas”!a
5. Anu-anong pagsubok ang naghihintay sa mga Kristiyano sa Smirna?
5 Palibhasa’y napapaharap sa gayong pagkapoot, inaliw ni Jesus ang mga Kristiyano sa Smirna: “Huwag kang matakot sa mga bagay na malapit mo nang pagdusahan. Narito! Patuloy na itatapon ng Diyablo ang ilan sa INYO sa bilangguan upang lubos KAYONG mailagay sa pagsubok, at upang magkaroon KAYO ng kapighatiang sampung araw. Patunayan mong tapat ka maging hanggang sa kamatayan, at ibibigay ko sa iyo ang korona ng buhay.” (Apocalipsis 2:10) Tatlong ulit na ginamit dito ni Jesus ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego na “iyo,” na nagpapakitang ang mga salita niya ay sumasaklaw sa kongregasyon sa kabuuan. Hindi puwedeng ipangako ni Jesus na malapit nang magwakas ang mga pagsubok ng mga Kristiyano sa Smirna. Patuloy pa ring pag-uusigin at ibibilanggo ang ilan sa kanila. “Sampung araw” silang daranas ng kapighatian. Ang bilang na sampu ay sumasagisag sa pagiging ganap o buo may kinalaman sa mga bagay sa lupa. Kahit ang mga tagapag-ingat ng katapatan na mayaman sa espirituwal ay daranas ng matinding pagsubok samantalang nasa laman pa sila.
6. (a) Bakit hindi dapat matakot ang mga Kristiyano sa Smirna? (b) Paano winakasan ni Jesus ang kaniyang mensahe sa kongregasyon ng Smirna?
6 Sa kabila nito, hindi dapat matakot o makipagkompromiso ang mga Kristiyano sa Smirna. Kung mananatili silang tapat hanggang sa wakas, nakalaan sa kanila bilang gantimpala ang “korona ng buhay,” na sa kanilang kalagayan ay imortal na buhay sa mga langit. (1 Corinto 9:25; 2 Timoteo 4:6-8) Itinuring ni apostol Pablo na sulit isakripisyo ang anumang bagay, maging ang kaniyang buhay sa lupa, makamit lamang ang mahalagang gantimpalang ito. (Filipos 3:8) Maliwanag na ganito rin ang nadarama ng mga tapat na iyon sa Smirna. Winawakasan ni Jesus ang kaniyang mensahe sa pagsasabing: “Ang may tainga ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon: Siya na nananaig ay hindi sa anumang paraan mapipinsala ng ikalawang kamatayan.” (Apocalipsis 2:11) Ang mga mananaig ay may tiyak na pag-asang imortal na buhay sa langit, anupat hindi na mamamatay pa.—1 Corinto 15:53, 54.
-