Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ang Maringal na Lunsod
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 24. Ano ngayon ang nakikita ni Juan sa magkabilang pampang ng ilog ng tubig ng buhay, at saan lumalarawan ang mga ito?

      24 Sa pangitain ni Ezekiel, ang ilog ay naging isang malakas na agos, at nakita ng propeta na sa magkabilang pampang nito ay tumutubo ang lahat ng uri ng namumungang punungkahoy. (Ezekiel 47:12) Subalit ano naman ang nakikita ni Juan? Ito: “At sa panig na ito ng ilog at sa panig na iyon ay may mga punungkahoy ng buhay na nagluluwal ng labindalawang ani ng bunga, na nagbibigay ng kanilang mga bunga sa bawat buwan. At ang mga dahon ng mga punungkahoy ay para sa pagpapagaling sa mga bansa.” (Apocalipsis 22:2b) Ang “mga punungkahoy ng buhay” na ito ay malamang na lumalarawan din sa ilang paglalaan ni Jehova sa pagkakaloob ng buhay na walang hanggan sa masunuring sangkatauhan.

      25. Anong saganang paglalaan ang ginagawa ni Jehova para sa masunuring mga tao sa pangglobong Paraiso?

      25 Napakasagana nga ng paglalaan ni Jehova para sa masunuring mga tao! Hindi lamang sila makaiinom mula sa nakagiginhawang tubig kundi maaari pa silang pumitas ng sari-saring nakapagpapalusog na bunga mula sa mga punungkahoy na walang patid na namumunga. O, kung nakontento lamang sana ang ating unang mga magulang sa ganitong “kanais-nais” na paglalaan sa Paraiso ng Eden! (Genesis 2:9) Subalit naririto na ngayon ang isang pangglobong Paraiso, at gumagawa pa man din si Jehova ng paglalaan sa pamamagitan ng mga dahon ng makasagisag na punungkahoy para sa “pagpapagaling sa mga bansa.”c Ang nakagiginhawang paglalapat ng makasagisag na mga dahong ito ay higit na mabisa kaysa alinmang gamot na makukuha sa ngayon, mula man ito sa mga halaman o sa ibang pinagmulan, sapagkat magdudulot ito ng espirituwal at pisikal na kasakdalan sa sumasampalatayang sangkatauhan.

      26. Ano ang maaaring kabilang sa mga punungkahoy ng buhay, at bakit?

      26 Maaaring kabilang sa mga punungkahoy na iyon, na nasa tabi ng ilog at natutubigang mainam, ang 144,000 miyembro ng asawa ng Kordero. Samantalang nasa lupa, nakikinabang din sila mula sa paglalaan ng Diyos para sa buhay sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Kapansin-pansin, makahulang tinatawag na “malalaking punungkahoy ng katuwiran” ang inianak-sa-espiritung mga kapatid na ito ni Jesus. (Isaias 61:1-3; Apocalipsis 21:6) Nakapagluwal na sila ng saganang espirituwal na bunga sa kapurihan ni Jehova. (Mateo 21:43) At sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari, makikibahagi sila sa pagtulong sa mga tao na makinabang sa nagbibigay-buhay na mga paglalaan ni Jehova para sa “pagpapagaling sa mga bansa” mula sa kasalanan at kamatayan.​—Ihambing ang 1 Juan 1:7.

      Wala Nang Gabi

      27. Anong karagdagang mga pagpapala ang binabanggit ni Juan para sa mga may pribilehiyong makapasok sa Bagong Jerusalem, at bakit masasabi na “hindi na magkakaroon pa ng anumang sumpa”?

      27 Pagpasok sa Bagong Jerusalem​—tiyak na wala nang mas kamangha-mangha pang pribilehiyo kaysa rito! Isip-isipin na lamang​—ang mga dating hamak at di-sakdal na mga taong ito ay makakasama ni Jesus sa langit upang maging bahagi ng gayon kaluwalhating kaayusan! (Juan 14:2) Nagbibigay si Juan ng ilang pahiwatig hinggil sa mga pagpapalang tatamasahin ng mga ito, sa pagsasabing: “At hindi na magkakaroon pa ng anumang sumpa. Kundi ang trono ng Diyos at ng Kordero ay doroon sa lunsod, at ang kaniyang mga alipin ay mag-uukol sa kaniya ng sagradong paglilingkod; at makikita nila ang kaniyang mukha, at ang kaniyang pangalan ay sasakanilang mga noo.” (Apocalipsis 22:3, 4) Nang sumamâ ang pagkasaserdoteng Israelita, isinumpa sila ni Jehova. (Malakias 2:2) Inihayag ni Jesus na pinabayaan ang walang-pananampalatayang “bahay” ng Jerusalem. (Mateo 23:37-39) Pero sa Bagong Jerusalem, “hindi na magkakaroon pa ng anumang sumpa.” (Ihambing ang Zacarias 14:11.) Ang lahat ng mamamayan nito ay dumaan na sa maapoy na mga pagsubok dito sa lupa, at palibhasa’y nagtagumpay, ‘makapagbibihis sila ng kawalang-kasiraan at imortalidad.’ Alam ni Jehova na hindi sila kailanman mahuhulog sa pananampalataya, gaya ni Jesus. (1 Corinto 15:53, 57) Bukod dito, doroon “ang trono ng Diyos at ng Kordero,” upang maging tiwasay ang lunsod sa panahong walang hanggan.

      28. Bakit nakasulat ang pangalan ng Diyos sa noo ng mga miyembro ng Bagong Jerusalem, at anong kapana-panabik na pag-asa ang nasa harap nila?

      28 Gaya mismo ni Juan, lahat ng magiging miyembro ng makalangit na lunsod na iyon ay “mga alipin” ng Diyos. Kaya naman kitang-kitang nakasulat sa kanilang noo ang pangalan ng Diyos, anupat ipinakikilala siya bilang kanilang May-ari. (Apocalipsis 1:1; 3:12) Ituturing nilang walang-kapantay na pribilehiyo ang mag-ukol sa kaniya ng sagradong paglilingkod bilang bahagi ng Bagong Jerusalem. Noong nasa lupa si Jesus, nagbitiw siya ng kapana-panabik na pangako sa magiging mga tagapamahalang iyon, sa pagsasabing: “Maligaya ang mga dalisay ang puso, yamang makikita nila ang Diyos.” (Mateo 5:8) Anong ligaya ng mga aliping ito na aktuwal na makita at sambahin si Jehova!

      29. Bakit sinasabi ni Juan tungkol sa makalangit na Bagong Jerusalem na “ang gabi ay mawawala na”?

      29 Nagpapatuloy si Juan: “Gayundin, ang gabi ay mawawala na, at hindi sila mangangailangan ng liwanag ng lampara ni mayroon man silang liwanag ng araw, sapagkat ang Diyos na Jehova ang magpapasikat ng liwanag sa kanila.” (Apocalipsis 22:5a) Gaya ng alinmang lunsod sa lupa, ang sinaunang Jerusalem ay umasa sa araw ukol sa liwanag sa maghapon at sa liwanag ng buwan at artipisyal na liwanag sa gabi. Ngunit sa makalangit na Bagong Jerusalem, hindi na kakailanganin ang gayong liwanag. Si Jehova mismo ang magbibigay-liwanag sa lunsod. Ang “gabi” ay maaari ding gamitin sa makasagisag na paraan, at maaaring tumukoy sa kahirapan o sa pagkahiwalay mula kay Jehova. (Mikas 3:6; Juan 9:4; Roma 13:11, 12) Kailanma’y hindi na magkakaroon pa ng ganitong uri ng gabi sa maluwalhati at maningning na presensiya ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat.

      30. Paano tinatapos ni Juan ang kagila-gilalas na pangitain, at ano ang tinitiyak sa atin ng Apocalipsis?

      30 Tinatapos ni Juan ang kagila-gilalas na pangitaing ito sa pamamagitan ng pagsasabi hinggil sa mga aliping ito ng Diyos: “At mamamahala sila bilang mga hari magpakailan-kailanman.” (Apocalipsis 22:5b) Tunay, sa katapusan ng isang libong taon, ang mga kapakinabangan ng pantubos ay naikapit na nang lubusan, at ihaharap na ni Jesus ang pinasakdal na lahi ng tao sa kaniyang Ama. (1 Corinto 15:25-28) Kung ano pa ang nasa sa isip ni Jehova para kay Jesus at sa 144,000 pagkaraan nito, hindi natin alam. Pero tinitiyak sa atin ng Apocalipsis na ang kanilang pribilehiyo ng sagradong paglilingkod kay Jehova ay magpapatuloy sa panahong walang hanggan.

      Ang Maligayang Kasukdulan ng Apocalipsis

      31. (a) Ang pangitain hinggil sa Bagong Jerusalem ay nagsisilbing kasukdulan ng ano? (b) Ano ang gagawin ng Bagong Jerusalem para sa iba pang tapat na mga tao?

      31 Ang katuparan ng pangitaing ito hinggil sa Bagong Jerusalem, ang kasintahang babae ng Kordero, ang siyang maligayang kasukdulan na tinutukoy ng Apocalipsis, at angkop lamang ito. Ang lahat ng kapuwa Kristiyano ni Juan noong unang siglo na siyang unang pinatungkulan ng aklat na ito ay pawang umasa na makapasok sa lunsod na ito bilang imortal na mga espiritu at makasama ni Jesu-Kristo bilang tagapamahala. Ganito rin ang pag-asa ng nalabi sa mga pinahirang Kristiyano na nabubuhay pa sa lupa hanggang sa ngayon. Kaya sasapit sa dakilang kasukdulan ang Apocalipsis kapag pinag-isa na ang Kordero at ang kabuuang bilang ng kasintahang babae. Pagkatapos nito, sa pamamagitan ng Bagong Jerusalem, ang mga kapakinabangan mula sa haing pantubos ni Jesus ay ikakapit sa sangkatauhan, upang sa wakas ay mabuhay nang walang hanggan ang lahat ng tapat. Sa ganitong paraan, ang kasintahang babae, ang Bagong Jerusalem, bilang matapat na kasama ng kaniyang Haring Kasintahang Lalaki, ay makikibahagi sa pagtatatag ng matuwid na bagong lupa magpakailanman​—ang lahat ay sa ikaluluwalhati ng ating Soberanong Panginoong Jehova.​—Mateo 20:28; Juan 10:10, 16; Roma 16:27.

      32, 33. Ano ang natutuhan natin mula sa Apocalipsis, at ano ang dapat na maging taos-pusong pagtugon natin?

      32 Kaylaki nga ng nadarama nating kagalakan ngayong malapit na nating matapos ang pagsasaalang-alang sa aklat ng Apocalipsis! Nakita natin ang lubos na pagkabigo ng kahuli-hulihang mga pagsisikap ni Satanas at ng kaniyang binhi at ang lubusang pagsasakatuparan ng matuwid na mga kahatulan ni Jehova. Dapat nang maglaho magpakailanman ang Babilonyang Dakila, kasunod ang iba pang hindi na magbabagong balakyot na mga elemento ng sanlibutan ni Satanas. Si Satanas mismo at ang kaniyang mga demonyo ay ibubulid sa kalaliman at pupuksain sa dakong huli. Ang Bagong Jerusalem ay mamamahalang kasama ni Kristo mula sa langit habang nagaganap ang pagkabuhay-muli at paghuhukom, at ang pinasakdal na sangkatauhan sa wakas ay magtatamasa na rin ng buhay na walang hanggan sa Paraisong lupa. Napakalinaw ng paglalarawan ng Apocalipsis sa lahat ng bagay na ito! Kaylaking pampatibay nito sa ating determinasyon na ‘ihayag ang walang-hanggang mabuting balitang ito bilang masayang pabalita sa bawat bansa at tribo at wika at bayan’ sa lupa ngayon! (Apocalipsis 14:6, 7) Lubusan ka bang nagpapagal sa dakilang gawaing ito?

      33 Ngayong nag-uumapaw sa pasasalamat ang ating puso, pag-ukulan natin ng pansin ang pangwakas na mga pananalita ng Apocalipsis.

  • Ikaw at ang Apocalipsis
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 1. (a) Anong katiyakan ang ibinibigay ng anghel kay Juan hinggil sa lahat ng kamangha-manghang pangako sa Apocalipsis? (b) Sino ang nagsasabi, “ako ay dumarating nang madali,” at kailan ang ‘pagdating’ na ito?

      HABANG binabasa mo ang kasiya-siyang paglalarawan hinggil sa Bagong Jerusalem, baka maitanong mo: ‘Magkatotoo kaya ang gayong kamangha-manghang bagay?’ Sinasagot ni Juan ang tanong na ito sa pamamagitan ng pag-uulat hinggil sa susunod na mga pananalita ng anghel: “At sinabi niya sa akin: ‘Ang mga salitang ito ay tapat at totoo; oo, si Jehova na Diyos ng mga kinasihang kapahayagan ng mga propeta ay nagsugo ng kaniyang anghel upang ipakita sa kaniyang mga alipin ang mga bagay na kailangang maganap sa di-kalaunan. At, narito! ako ay dumarating nang madali. Maligaya ang sinumang tumutupad sa mga salita ng hula sa balumbong ito.’” (Apocalipsis 22:6, 7) Tiyak na matutupad ang lahat ng kamangha-manghang pangako sa Apocalipsis! Sa pagsasalita sa pangalan ni Jesus, ipinahahayag ng anghel na si Jesus ay malapit nang dumating, “nang madali.” Tiyak na ito ang pagdating ni Jesus “na gaya ng isang magnanakaw” upang puksain ang mga kaaway ni Jehova at simulan ang dakila at maligayang kasukdulan ng Apocalipsis. (Apocalipsis 16:15, 16) Kaya dapat nating iayon ang ating buhay sa mga salita sa “balumbong ito,” ang Apocalipsis, upang maipahayag tayong maligaya sa panahong iyon.

      2. (a) Ano ang naging reaksiyon ni Juan nang tanggapin niya ang kamangha-manghang mga pagsisiwalat, at ano ang sinabi sa kaniya ng anghel? (b) Ano ang matututuhan natin sa mga salita ng anghel na “Mag-ingat ka!” at, “Sambahin mo ang Diyos”?

      2 Pagkatapos ng kamangha-manghang mga pagsisiwalat, mauunawaan natin kung bakit lubhang naantig si Juan: “Buweno, akong si Juan ang nakaririnig at nakakakita ng mga bagay na ito. At nang aking marinig at makita, sumubsob ako upang sumamba sa harap ng mga paa ng anghel na nagpapakita sa akin ng mga bagay na ito. Ngunit sinabi niya sa akin: ‘Mag-ingat ka! Huwag mong gawin iyan! Ako ay kapuwa mo alipin lamang at ng iyong mga kapatid na mga propeta at niyaong mga tumutupad sa mga salita sa balumbong ito. Sambahin mo ang Diyos.’” (Apocalipsis 22:8, 9; ihambing ang Apocalipsis 19:10.) Ang makalawang ulit na pagbanggit sa babalang ito na huwag sumamba sa mga anghel ay tamang-tama noong panahon ni Juan, sapagkat maliwanag na may ilang nagtaguyod sa ganitong pagsamba o nag-angking tumanggap ng pantanging mga pagsisiwalat mula sa mga anghel. (1 Corinto 13:1; Galacia 1:8; Colosas 2:18) Sa ngayon, idiniriin nito ang katotohanan na sa Diyos lamang tayo dapat sumamba. (Mateo 4:10) Hindi natin dapat pasamain ang dalisay na pagsamba sa pamamagitan ng pagsamba sa ibang persona o anumang bagay.​—Isaias 42:5, 8.

      3, 4. Ano ang patuloy na sinasabi ng anghel kay Juan, at paano sinunod ng pinahirang nalabi ang kaniyang mga salita?

      3 Nagpapatuloy si Juan: “Sinabi rin niya sa akin: ‘Huwag mong tatakan ang mga salita ng hula sa balumbong ito, sapagkat ang takdang panahon ay malapit na. Siya na gumagawa ng kalikuan, hayaan siyang gumawa pa ng kalikuan; at hayaang ang marumi ay maparumi pa; ngunit hayaang ang matuwid ay gumawa pa ng katuwiran, at hayaang ang banal ay mapabanal pa.’”​—Apocalipsis 22:10, 11.

      4 Sinusunod ng pinahirang nalabi sa ngayon ang mga sinabi ng anghel. Hindi nila tinatakan ang mga salita ng hula. Sa katunayan, nagkomento ang kauna-unahang isyu ng Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence (Hulyo 1879) hinggil sa maraming talata ng Apocalipsis. Gaya ng binanggit namin sa unang kabanata, naglathala ang mga Saksi ni Jehova sa nakalipas na mga taon ng iba pang mga aklat na nagbibigay-liwanag sa Apocalipsis. Muli namin ngayong itinatawag-pansin sa lahat ng umiibig sa katotohanan ang nakaaantig na mga hula ng Apocalipsis at ang katuparan ng mga ito.

      5. (a) Ano ang mangyayari kung nais ng mga tao na ipagwalang-bahala ang mga babala at payo sa Apocalipsis? (b) Paano dapat tumugon ang maaamo at matuwid?

      5 Kung nais ipagwalang-bahala ng mga tao ang mga babala at payo sa Apocalipsis, buweno, bahala sila! “Siya na gumagawa ng kalikuan, hayaan siyang gumawa pa ng kalikuan.” Kung iyon ang gusto nila, mamamatay sa paglulubalob sa karumihan ang mapagpalayaw na sangkatauhan sa panahong ito. Malapit nang lubusang ilapat ang mga hatol ni Jehova, pasimula sa pagkapuksa ng Babilonyang Dakila. Makinig nawang mabuti ang maaamo sa mga salita ng propeta: “Hanapin ninyo si Jehova . . . Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Baka sakaling makubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.” (Zefanias 2:3) Para naman sa mga nakaalay na kay Jehova, “hayaang ang matuwid ay gumawa pa ng katuwiran, at hayaang ang banal ay mapabanal pa.” Alam ng marurunong na walang anumang pansamantalang pakinabang mula sa kasalanan ang makapapantay sa walang-hanggang mga pagpapala na tatamasahin ng mga nagtataguyod ng katuwiran at kabanalan. Sinasabi ng Bibliya: “Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya, patuloy na patunayan kung ano nga kayo.” (2 Corinto 13:5) Ang kagantihang tatanggapin mo ay nakadepende sa landasing pipiliin at patuloy mong itataguyod.​—Awit 19:9-11; 58:10, 11.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share