Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Pagsisikap na Maging mga Mananaig
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 7, 8. Gaya ng kongregasyon sa Smirna, paano ‘lubos na nailagay sa pagsubok’ ang kongregasyong Kristiyano noong 1918?

      7 Gaya ng mga Kristiyano sa Smirna, ang uring Juan at ang kanilang mga kasamahan sa ngayon ay nasubok at ‘lubos pa ring inilalagay sa pagsubok.’ Ang katapatan nila sa ilalim ng pagsubok ay patunay na bayan sila ng Diyos. (Marcos 13:9, 10) Di-nagtagal matapos magsimula ang araw ng Panginoon, ang mga salita ni Jesus sa mga Kristiyano sa Smirna ay talagang nagdulot ng kaaliwan sa maliit na internasyonal na grupo ng bayan ni Jehova. (Apocalipsis 1:10) Magmula noong 1879, patuloy silang naghuhukay ng espirituwal na mga kayamanan mula sa Salita ng Diyos at malaya nila itong ipinamamahagi sa iba. Subalit noong Digmaang Pandaigdig I, napaharap sila sa matinding pagkapoot at pagsalansang, dahil hindi sila sumuporta sa mga digmaan at dahil din sa walang-takot nilang paglalantad ng mga kamalian ng Sangkakristiyanuhan. Ang naranasan nilang pag-uusig dahil sa panunulsol ng ilan sa mga lider ng Sangkakristiyanuhan ay sumapit sa sukdulan noong 1918 at katulad ito ng naranasan ng mga Kristiyano sa Smirna sa kamay ng Judiong komunidad doon.

      8 Isang daluyong ng pag-uusig sa Estados Unidos ng Amerika ang sumapit sa sukdulan nang ibilanggo noong Hunyo 22, 1918 ang bagong pangulo ng Samahang Watch Tower, si Joseph F. Rutherford, at ang pitong kasamahan niya, na karamihan sa kanila ay sinentensiyahang makulong nang 20 taon. Siyam na buwan pagkaraan nito, pinalaya sila matapos magpiyansa. Noong Mayo 14, 1919, binaligtad ng korte ng mga apelasyon ang maling hatol laban sa kanila; ipinakita na nagkaroon ng 130 pagkakamali sa paglilitis. Ang Romano Katolikong hukom na si Manton, isang kabalyero sa orden ng St. Gregory the Great, na tumutol na makapagpiyansa ang mga Kristiyanong ito noong 1918, ay nasentensiyahan noong 1939 ng dalawang-taóng pagkabilanggo at multang $10,000 batay sa anim na habla ng pangingilak at pagtanggap ng suhol.

      9. Paano pinakitunguhan ni Hitler ang mga Saksi ni Jehova sa Alemanya sa ilalim ng mga Nazi, at ano ang naging reaksiyon ng klero?

      9 Noong nagpupuno ang mga Nazi sa Alemanya, lubusang ipinagbawal ni Hitler ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova. Sa loob ng maraming taon, libu-libong Saksi ang pinagmalupitan sa mga kampong piitan at ibinilanggo, kung saan marami ang namatay, samantalang mga 200 kabataang lalaki na tumangging magsundalo sa hukbo ni Hitler ang pinatay. Ang pagsuporta ng klero sa lahat ng ito ay pinatutunayan ng mga salita ng isang paring Katoliko, na inilathala sa pahayagang The German Way noong Mayo 29, 1938. Ganito ang bahagi ng sinabi niya: “May isang bansa ngayon sa lupa kung saan ipinagbabawal ang diumano’y . . . mga Estudyante ng Bibliya [mga Saksi ni Jehova]. At iyan ay ang Alemanya! . . . Nang maluklok sa kapangyarihan si Adolph Hitler, at nang ulitin sa kaniya ng Katolikong Episkopado sa Alemanya ang kanilang kahilingan, sinabi ni Hitler: ‘Ang diumano’y Masisigasig na Estudyante ng Bibliya [mga Saksi ni Jehova] ay mga manggugulo; . . . Mga impostor ang turing ko sa kanila; hindi ako makapapayag na madungisan nang gayon na lamang ng Amerikanong hukom na si Rutherford ang mga Katolikong Aleman; binubuwag ko [ang mga Saksi ni Jehova] sa Alemanya.’” Dito’y idinagdag ng pari: “Magaling!”

      10. (a) Sa pagpapatuloy ng araw ng Panginoon, paano pinag-usig ang mga Saksi ni Jehova? (b) Ano ang kadalasang nagiging resulta kapag ipinaglalaban ng mga Kristiyano sa hukuman ang kanilang kalayaan sa relihiyon?

      10 Habang nagpapatuloy ang araw ng Panginoon, walang-lubay na nilabanan ng Serpiyente at ng kaniyang binhi ang pinahirang mga Kristiyano at ang kanilang mga kasamahan. Marami sa kanila ang nabilanggo at malupit na pinag-usig. (Apocalipsis 12:17) Ang mga kaaway na ito ay patuloy na ‘nagpapanukala ng kaguluhan sa pamamagitan ng batas,’ subalit buong-tatag na ipinahahayag ng bayan ni Jehova: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Awit 94:20; Gawa 5:29) Iniulat ng magasing Bantayan noong 1954: “Sa iba’t ibang panahon sa nakalipas na apatnapung taon, mahigit pitumpung bansa ang gumawa ng mapaniil na mga batas at umusig sa mga saksi ni Jehova.” Sa mga dako na posibleng ipaglaban sa mga hukuman ang kalayaan sa pagsamba, sinamantala ito ng mga Kristiyano at umani sila ng malaking tagumpay sa maraming bansa. Sa Korte Suprema ng Estados Unidos pa lamang, nagwagi sa 50 kaso ang mga Saksi ni Jehova.

      11. Anong hula ni Jesus hinggil sa tanda ng kaniyang pagkanaririto ang natupad sa mga Saksi ni Jehova sa panahon ng araw ng Panginoon?

      11 Walang ibang grupo ang naging gayon katapat sa pagsunod sa utos ni Jesus na ibigay kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar. (Lucas 20:25; Roma 13:1, 7) Sa kabila nito, walang ibang grupo ang may mga miyembrong nabilanggo sa napakaraming lupain sa ilalim ng napakaraming iba’t ibang uri ng pamahalaan, at nagpapatuloy ito hanggang sa ngayon sa mga lupain sa Amerika, Europa, Aprika, at Asia. Kasali sa dakilang hula ni Jesus hinggil sa tanda ng kaniyang pagkanaririto ang mga pananalitang ito: “Kung magkagayon ay ibibigay kayo ng mga tao sa kapighatian at papatayin kayo, at kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.” (Mateo 24:3, 9) Talagang natupad ito sa mga Kristiyanong Saksi ni Jehova sa araw ng Panginoon.

      12. Paano pinatibay ng uring Juan ang bayan ng Diyos sa harap ng pag-uusig?

      12 Upang patibayin ang bayan ng Diyos sa harap ng kapighatian, patuloy na ipinaaalaala sa kanila ng uring Juan ang diwa ng mga salita ni Jesus sa mga Kristiyano sa Smirna. Halimbawa, nang magsimula ang pag-uusig ng mga Nazi, ang The Watchtower noong 1933 at 1934 ay nagtampok ng mga artikulong gaya ng “Huwag Ninyo Silang Katakutan,” na tumalakay sa Mateo 10:26-33; “Ang Hurno,” salig sa Daniel 3:17, 18; at “Mga Bibig ng mga Leon,” na ang pinakasusing teksto ay ang Daniel 6:22. Noong dekada ng 1980, kung kailan unang nailathala ang aklat na ito at dumanas ng matinding pag-uusig ang mga Saksi ni Jehova sa mahigit 40 lupain, pinatibay ng Ang Bantayan ang bayan ng Diyos sa pamamagitan ng mga artikulo na gaya ng “Maligaya Bagaman Pinag-uusig!” at “Pinagtitiisan ng mga Kristiyano ang Pag-uusig.”b

      13. Gaya ng mga Kristiyano sa Smirna, bakit hindi natatakot sa pag-uusig ang mga Kristiyanong Saksi ni Jehova?

      13 Totoo, ang mga Kristiyanong Saksi ni Jehova ay nagtitiis ng pisikal na pag-uusig at iba pang mga pagsubok sa loob ng makasagisag na sampung araw. Gaya ng mga Kristiyano noon sa Smirna, hindi sila natatakot; ni dapat mang matakot ang sinuman sa atin habang lumalala ang mga kahirapan sa ibabaw ng lupa. Handa nating batahin ang mga pagdurusa at tanggapin nang may kagalakan maging ang ‘pandarambong sa ating mga ari-arian.’ (Hebreo 10:32-34) Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos at pamumuhay ayon dito, masasangkapan tayo upang makapanindigang matatag sa pananampalataya. Matitiyak mong matutulungan ka ni Jehova, at talagang tutulungan ka niya, na makapanatiling tapat. ‘Ihagis mo sa kaniya ang lahat ng iyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa iyo.’​—1 Pedro 5:6-11.

  • Nanghahawakang Mahigpit sa Pangalan ni Jesus
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 1. Anong kongregasyon ang tumanggap ng sumunod na mensahe ni Jesus, at anong uri ng lunsod ang pinamumuhayan ng mga Kristiyanong iyon?

      KUNG maglalakbay tayo nang mga 80 kilometro sa daang malapit sa baybayin pahilaga mula sa Smirna at pagkatapos ay tatawid sa libis ng Ilog Caicus nang mga 25 kilometro papaloob mula sa baybayin, makararating tayo sa Pergamo, na tinatawag ngayong Bergama. Napabantog ang lunsod dahil sa templo nito kay Zeus, o Jupiter. Noong ika-19 na siglo, inilipat ng mga arkeologo ang altar ng templong ito sa Alemanya, kung saan makikita pa rin ito sa ngayon, kasama ng maraming estatuwa at relyebe ng mga paganong diyos, sa Pergamon Museum sa Berlin. Ano kayang mensahe ang ipadadala ng Panginoong Jesus sa kongregasyon na namumuhay sa gitna ng gayong idolatriya?

      2. Paano ipinakikilala ni Jesus ang kaniyang sarili, at ano ang kahulugan ng pagtataglay niya ng “tabak na may dalawang talim”?

      2 Una, ipinakikilala ni Jesus ang kaniyang sarili, sa pagsasabing: “At sa anghel ng kongregasyon sa Pergamo ay isulat mo: Ito ang mga bagay na sinasabi niya na may matalas at mahabang tabak na may dalawang talim.” (Apocalipsis 2:12) Inuulit dito ni Jesus ang paglalarawan sa kaniya sa Apocalipsis 1:16. Bilang Hukom at Tagapuksa, lilipulin niya ang mga umuusig sa kaniyang mga alagad. Lubhang nakaaaliw ang katiyakang ito! Gayunman, hinggil sa paghatol, dapat ding babalaan ang mga nasa loob ng kongregasyon na si Jehova, na kumikilos sa pamamagitan ng “mensahero ng tipan,” si Jesu-Kristo, ay “magiging mabilis na saksi” laban sa lahat ng nag-aangking Kristiyano na nagsasagawa ng idolatriya, imoralidad, pagsisinungaling, at pandaraya at hindi nangangalaga sa mga nangangailangan. (Malakias 3:1, 5; Hebreo 13:1-3) Dapat sundin ang payo at pagsaway na inihahatid ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus!

      3. Anong huwad na pagsamba ang umiiral noon sa Pergamo, at paano masasabing naroroon ang “trono ni Satanas”?

      3 Sinasabi ngayon ni Jesus sa kongregasyon: “Alam ko kung saan ka tumatahan, samakatuwid ay sa kinaroroonan ng trono ni Satanas.” (Apocalipsis 2:13a) Talagang napaliligiran ng satanikong pagsamba ang mga Kristiyanong iyon. Bukod sa templo ni Zeus, mayroon ding dambana para kay Aesculapius, ang diyos ng pagpapagaling. Napabantog din ang Pergamo bilang sentro ng kulto ng pagsamba sa emperador. Ang salitang Hebreo na isinaling “Satanas” ay nangangahulugang “Mananalansang,” at ang kaniyang “trono” ay kumakatawan sa kaniyang pandaigdig na pamamahala na pinahihintulutan ng Diyos sa isang yugto ng panahon. Ang laganap na idolatriya sa Pergamo ay katunayan na matibay na nakatatag ang “trono” ni Satanas sa lunsod na iyon. Siguradong galit na galit si Satanas dahil sa hindi pagyukod sa kaniya ng mga Kristiyano roon na tumangging makibahagi sa nasyonalistikong pagsamba!

      4. (a) Anong komendasyon ang ibinibigay ni Jesus sa mga Kristiyano sa Pergamo? (b) Ano ang isinulat ng emisaryong Romano na si Pliny kay Emperador Trajan tungkol sa pagtrato sa mga Kristiyano? (c) Sa kabila ng panganib, ano ang ginawa ng mga Kristiyano sa Pergamo?

      4 Oo, ang “trono ni Satanas” ay naroon mismo sa Pergamo. Sinabi pa ni Jesus: “At gayunma’y patuloy kang nanghahawakang mahigpit sa aking pangalan, at hindi mo ikinaila ang iyong pananampalataya sa akin maging noong mga araw ni Antipas, ang aking saksi, ang tapat, na pinatay sa inyong tabi, kung saan tumatahan si Satanas.” (Apocalipsis 2:13b) Nakapupukaw-damdaming komendasyon! Walang alinlangan na pinatay si Antipas dahil sa pagtanggi niyang makisangkot sa makademonyong mga gawain at sa pagsamba sa emperador ng Roma. Hindi pa natatagalan matapos tanggapin ni Juan ang hulang ito, si Pliny na Nakababata, na personal na emisaryo ni Emperador Trajan ng Roma, ay sumulat kay Trajan at ipinaliwanag ang pagtrato niya sa mga taong pinaghihinalaang Kristiyano​—pagtratong sinang-ayunan naman ng emperador. Ang mga taong nagkaila na Kristiyano sila, ayon kay Pliny, ay agad na pinalalaya “matapos nilang ulitin ang aking dasal sa mga diyos, matapos silang maghandog ng insenso at alak sa harapan ng larawan mo [ni Trajan] . . . at, bilang karagdagan, matapos nilang sumpain si Kristo.” Pinapatay ang sinumang masumpungang Kristiyano. Bagaman napapaharap sa gayong panganib, hindi itinatwa ng mga Kristiyano sa Pergamo ang kanilang pananampalataya. ‘Nanghawakan silang mahigpit sa pangalan ni Jesus’ sa diwa na patuloy nilang pinarangalan ang kaniyang mataas na tungkulin bilang Tagapagbangong-puri at Hukom na inatasan ni Jehova. Matapat nilang sinundan ang mga yapak ni Jesus bilang mga saksi ng Kaharian.

      5. (a) Sa makabagong panahon, ano ang katumbas ng kulto ng pagsamba sa emperador na lumikha ng matitinding pagsubok para sa mga Kristiyano sa ating panahon? (b) Anong tulong ang inilaan ng Ang Bantayan para sa mga Kristiyano?

      5 Sa iba’t ibang pagkakataon, isiniwalat ni Jesus na si Satanas ang namamahala sa kasalukuyang balakyot na sanlibutang ito, subalit dahil tapat si Jesus, walang kapangyarihan si Satanas sa kaniya. (Mateo 4:8-11; Juan 14:30) Sa ating panahon, patuloy na nag-aagawan sa pandaigdig na pamamahala ang makapangyarihang mga bansa, lalung-lalo na ang “hari ng hilaga” at ang “hari ng timog.” (Daniel 11:40) Nag-aalab ang pagkamakabayan, at ang kulto ng pagsamba sa emperador ay nagkaroon ng katumbas sa makabagong panahon​—ang daluyong ng nasyonalismo na lumalaganap sa buong lupa. Malinaw na isinaad sa mga artikulo tungkol sa neutralidad sa The Watchtower ng Nobyembre 1, 1939 at gayundin sa Ang Bantayan ng Mayo 1, 1980 at Setyembre 1, 1986, ang turo ng Bibliya hinggil sa isyung ito, anupat naglaan ng patnubay para sa mga Kristiyano na nagnanais lumakad sa pangalan ni Jehova at daigin ang sanlibutan, gaya ng buong-tapang na ginawa ni Jesus.​—Mikas 4:1, 3, 5; Juan 16:33; 17:4, 6, 26; 18:36, 37; Gawa 5:29.

      6. Gaya ni Antipas, paano nanindigang matatag ang mga Saksi ni Jehova sa makabagong panahon?

      6 Lubhang kailangan ang ganitong payo. Sa harap ng panatikong pagkamakabayan, kinailangang manindigang matatag sa pananampalataya ang mga Saksi ni Jehova, kapuwa ang mga pinahiran at ang kanilang mga kasamahan. Sa Estados Unidos, daan-daang kabataan at guro ang pinatalsik sa paaralan sapagkat tumanggi silang sumaludo sa pambansang bandila, samantalang sa Alemanya, malupit na pinag-usig ang mga Saksi dahil sa pagtangging sumaludo sa swastika. Gaya ng nabanggit na, pinatay ng mga Nazi ni Hitler ang libu-libong tapat na mga lingkod ni Jehova dahil sa pagtanggi nilang makibahagi sa gayong nasyonalistikong idolatriya. Noong dekada ng 1930, kung kailan laganap sa Hapon ang pagsamba ng mga Shinto sa emperador, dalawang ministrong payunir ang naghasik ng maraming binhi ng Kaharian sa Taiwan na sinakop noon ng Hapon. Ibinilanggo sila ng mga opisyal ng militar, at isa sa kanila ang namatay dahil sa pagmamalupit. Nang maglaon ay pinalaya ang ikalawa, subalit binaril naman habang nakatalikod​—isang makabagong-panahong Antipas. Hanggang ngayon, may mga lupain pa rin kung saan mahigpit na ipinag-uutos ang pagsamba sa nasyonalistikong mga sagisag at ang bukod-tanging debosyon sa Estado. Maraming kabataang Saksi ang nabilanggo, at marami rin ang pinatay, dahil sa kanilang magiting na paninindigan bilang neutral na mga Kristiyano. Kung isa kang kabataan na napapaharap sa mga isyung ito, pag-aralan mo ang Salita ng Diyos araw-araw para makamit mo ang ‘pananampalataya at maingatang buháy ang kaluluwa,’ taglay ang pag-asa sa walang-hanggang buhay.​—Hebreo 10:39–11:1; Mateo 10:28-31.

      7. Paano napaharap sa isyu ng nasyonalistikong pagsamba ang mga kabataan sa India, at ano ang naging resulta?

      7 Ang mga kabataan sa paaralan ay napaharap sa ganito ring mga isyu. Noong 1985, sa estado ng Kerala, India, tatlong kabataang anak ng mga Saksi ni Jehova ang tumangging ikompromiso ang kanilang salig-Bibliyang pananampalataya sa pamamagitan ng hindi pagkanta ng pambansang awit. Magalang silang tumayo habang umaawit ang iba, pero pinatalsik pa rin sila sa paaralan. Nag-apela ang kanilang ama hinggil sa hatol na ito hanggang sa Korte Suprema ng India, at dalawang hukom ang nagpasiya nang pabor sa mga bata, anupat buong-tapang na nagsabi: “Ang ating tradisyon ay nagtuturo ng pagpaparaya; ang ating pilosopiya ay nagtuturo ng pagpaparaya; ang ating konstitusyon ay nagpaparaya; huwag natin itong bantuan.” Ang mga balita sa pahayagan at mga editoryal hinggil sa kasong ito ay nagpabatid sa buong bansa, na bumubuo noon sa halos ikalimang bahagi ng populasyon ng daigdig, na may mga Kristiyano sa lupaing iyon na sumasamba sa tunay na Diyos na si Jehova at na matapat silang naninindigan sa mga simulain ng Bibliya.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share