Huwag Mong Iwan ang Pag-ibig na Taglay Mo Noong Una
1 Pinayuhan ng niluwalhating si Jesus ang kongregasyon sa Efeso noong unang siglo: “Mayroon akong laban sa iyo, na iniwan mo ang pag-ibig na taglay mo noong una.” (Apoc. 2:4) Lumilitaw na naiwala ng marami ang kanilang unang pag-ibig kay Jehova. Noong natututo pa lamang tayo ng katotohanan, nalinang natin ang masidhing pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa, na nag-udyok naman sa atin na ibahagi nang may kasigasigan ang ating bagong-tuklas na pag-asa. Ano ang makatutulong upang hindi natin maiwala ang pag-ibig na taglay natin noong una at hindi tayo magmabagal sa ministeryo?
2 Personal na Pag-aaral at Pagdalo sa Pulong: Ano ang nag-udyok sa atin na linangin ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa nang una nating matutuhan ang katotohanan? Hindi ba’t ang lahat ng natutuhan natin hinggil kay Jehova mula sa ating pag-aaral ng Kasulatan? (1 Juan 4:16, 19) Kaya upang ‘managana nang higit at higit pa’ ang ating pag-ibig, kailangang patuloy tayong kumuha ng tumpak na kaalaman, anupat sinasaliksik “ang malalalim na bagay ng Diyos.”—Fil. 1:9-11; 1 Cor. 2:10.
3 Sa mga huling araw na ito na lipos ng maraming kabalisahan at panggambala, mahirap talagang panatilihin ang mainam na rutin sa personal na pag-aaral. (2 Tim. 3:1) Kailangang mag-iskedyul tayo ng panahon upang kumuha ng espirituwal na pagkain. Napakahalaga rin ng regular na pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon, lalung-lalo na samantalang “nakikita [natin] na papalapit na ang araw.”—Heb. 10:24, 25.
4 Ang Ministeryo: Ang masigasig na pakikibahagi sa ministeryo ay tumutulong sa atin na ingatan ang ating unang pag-ibig sa Diyos. Habang ipinangangaral natin ang mabuting balita, naipaaalaala natin sa ating sarili ang maibiging mga pangako ni Jehova, at tumutulong ito upang mapanatili nating malinaw sa isip ang ating pag-asa at buháy ang ating pag-ibig. Upang maituro ang mga katotohanan sa Bibliya, kailangan tayong magsaliksik upang maunawaan natin mismo nang malinaw ang mga ito, at nagpapatibay ito ng ating pananampalataya.—1 Tim. 4:15, 16.
5 Karapat-dapat ibigay kay Jehova ang lahat ng bagay, pati na ang ating pag-ibig. (Apoc. 4:11) Huwag nating hayaang manlamig ito. Panatilihing masidhi ang iyong unang pag-ibig sa pamamagitan ng masikap na personal na pag-aaral ng Bibliya, regular na pagdalo sa pulong, at masigasig na paghahayag sa iba hinggil sa bagay na pinakamalapít sa iyong puso.—Roma 10:10.