Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Dinadakila ng Pantubos ang Katuwiran ng Diyos
    Ang Bantayan—2005 | Nobyembre 1
    • mabubuhay muli sa bagong sanlibutan ng Diyos. Kasali riyan ang tapat na mga lingkod ng Diyos na namatay bago ibinayad ni Jesus ang pantubos at maging ang marami sa mga namatay nang walang alam at hindi sumamba sa Kaniya. Sinasabi ng Bibliya: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Sa panahong iyon, salig sa pantubos, pagkakalooban ni Jehova ng buhay na walang hanggan ang lahat ng masunuring mga tao. (Juan 3:36) Ipinaliwanag mismo ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Matatanggap ng sangkatauhan ang lahat ng pakinabang na ito dahil sa inilaan ng Diyos na haing pantubos.

      Gayunman, ang namumukod-tanging aspekto ng pantubos ay hindi ang mga pakinabang na natatanggap natin mula rito. Ang higit na mahalaga ay ang nagagawa ng pantubos ni Kristo sa pangalan ni Jehova. Pinatutunayan nito na si Jehova ay Diyos ng sakdal na katarungan na bagaman nakikitungo sa makasalanang mga tao ay nananatili pa ring dalisay at banal. Kung hindi nilayon ng Diyos na maglaan ng pantubos, walang inapo ni Adan, kahit sina Enoc, Noe, at Abraham, ang makalalakad na kasama ni Jehova o magiging kaibigan niya. Naunawaan ito ng salmista kaya sumulat siya: “Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo?” (Awit 130:3) Kaylaki nga ng dapat nating ipagpasalamat kay Jehova sa pagsusugo sa kaniyang minamahal na Anak sa lupa at kay Jesus sa pagiging handang ibigay ang kaniyang buhay bilang pantubos sa atin!​—Marcos 10:45.

  • Nagbubunga ang Mabuting Paggawi
    Ang Bantayan—2005 | Nobyembre 1
    • Nagbubunga ang Mabuting Paggawi

      SA ISANG maliit na isla, malapit sa baybayin ng timog Hapon, isang ina at ang kaniyang tatlong bata pang mga anak ang nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Dahil dito, ang mga kapitbahay sa nakabukod na lugar na iyon na mahigpit na nanghahawakan sa mga tradisyon ay hindi na bumati sa ina kapag nakakasalubong siya. “Mas masakit pa sa hindi nila pagbati sa akin ang malamig na pakikitungo nila sa aking asawa at mga anak,” ang paglalahad niya. Gayunpaman, sinabi niya sa kaniyang mga anak: “Dapat pa rin nating batiin ang ating mga kapitbahay alang-alang kay Jehova.”​—Mateo 5:47, 48.

      Sa tahanan, tinuruan niyang maging magalang ang kaniyang mga anak bagaman inaayawan sila. Sa tuwing pupunta sila sa mainit na bukal na malapit sa kanilang lugar, sinasanay ng mga bata ang kanilang pagbati sa loob ng kotse. Pagpasok nila sa gusali, laging masayang sinasabi ng mga bata, “Konnichiwa!”​—“Magandang araw!” Matiyagang ipinagpatuloy ng pamilya ang pagbati sa lahat ng kanilang nakakasalubong, bagaman nananatiling malamig ang pagtugon ng mga kapitbahay. Pero, hindi maiwasang mapansin ng mga tao ang mabubuting asal ng mga bata.

      Sa wakas, isang kapitbahay ang tumugon ng “Konnichiwa” at sinundan na ito ng iba pa. Sa katapusan ng dalawang taon, halos ang lahat sa bayan ay tumutugon na sa pagbati ng pamilya. Nagbabatian na rin sila at naging mas palakaibigan. Nais ng bise alkalde na parangalan ang mga bata dahil sa kanilang naging bahagi sa pagbabagong ito. Ngunit tiniyak sa kaniya ng kanilang ina na ginagawa lamang nila ang dapat gawin ng mga Kristiyano. Nang maglaon, sa isang paligsahan sa pagtatalumpati na ginanap sa buong isla, inilahad ng isang anak na lalaki kung paano sinanay ng kaniyang ina ang pamilya na magalang na bumati sa iba anuman ang reaksiyon nila. Nagwagi ng unang gantimpala ang kaniyang talumpati at inilimbag iyon sa pahayagan ng bayan. Sa ngayon, napakaligaya ng pamilya dahil nagbunga ng mabuti ang pagsunod nila sa mga simulaing Kristiyano. Mas madaling ibahagi sa iba ang mabuting balita kapag palakaibigan ang mga tao.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share