Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 12/07 p. 4-5
  • Pagmamantini ng Ating mga Kingdom Hall

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamantini ng Ating mga Kingdom Hall
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—2007
Ating Ministeryo sa Kaharian—2007
km 12/07 p. 4-5

Pagmamantini ng Ating mga Kingdom Hall

1. Ano ang layunin ng Kingdom Hall?

1 Ang ating Kingdom Hall ay nagsisilbing sentro ng dalisay na pagsamba sa komunidad. Bagaman ang mga ito ay simple at hindi naman kalakihang mga gusali, kailangang panatilihing maayos ang kalagayan at malinis ang paligid nito yamang kumakatawan ito kay Jehova at sa kaniyang mga lingkod sa bayan o barangay na iyon.

2. Bakit mahalaga na panatilihing malinis at presentable ang Kingdom Hall?

2 Regular na Iskedyul sa Paglilinis: Ang trabahong isinasagawa sa pagmamantini ng Kingdom Hall ay isang mahalagang bahagi ng ating sagradong paglilingkod. Ganito ang sinasabi ng aklat na Organisado sa pahina 121: “Dapat ituring ng mga nasa kongregasyon na isang pribilehiyo ang suportahan sa pinansiyal na paraan ang Kingdom Hall at magboluntaryo upang mapanatili itong malinis, presentable, at maayos. Sa loob at labas, dapat na wastong kumatawan ang Kingdom Hall sa organisasyon ni Jehova.” Gaya noong panahon ng Bibliya, ang mga lingkod ni Jehova sa ngayon ay dapat maging masikap sa “pagsasaayos at pagkukumpuni” ng ating dako ng pagsamba.—2 Cro. 34:10.

3. Paano inoorganisa ang paglilinis ng Kingdom Hall at sino ang maaaring makibahagi sa pribilehiyong ito?

3 Isang iskedyul para sa lingguhang paglilinis ng Kingdom Hall ang dapat ipaskil sa information board. Ang lahat ng grupo ng pag-aaral sa aklat ay dapat maghali-halili sa paglilinis ng bulwagan linggu-linggo, na sinusunod ang talaan ng mga dapat gawin. Ang lahat ng nasa kalagayang tumulong ay kailangang makibahagi sa lingguhang pribilehiyo na mapanatiling malinis at presentable ang Kingdom Hall. Maaaring patulungin maging ang mga bata basta sinusubaybayan ng kanilang mga magulang, nang sa gayo’y maturuan silang magpakita ng pagpapahalaga sa pribilehiyong ito. Lalo na kapag higit sa isang kongregasyon ang gumagamit ng Kingdom Hall, kailangan ang pakikipagtulungan upang ang pag-aasikaso sa mahalagang aspektong ito ng ating pagsamba ay hindi maaatang sa iilan lamang.

4. Paano isinasaayos ang pagmamantini ng Kingdom Hall?

4 Pagmamantini ng Kingdom Hall: Pananagutan ng lupon ng matatanda na pangasiwaan ang pagmamantini ng Kingdom Hall. Kapag iisang kongregasyon lamang ang gumagamit ng Kingdom Hall, hinihirang ang isang matanda o ministeryal na lingkod upang isaayos ang gawain. Inoorganisa niya ang pang-araw-araw na pag-aasikaso sa Kingdom Hall, anupat tinitiyak na ito ay napananatiling malinis, maayos, at may sapat na suplay. Kapag dalawa o higit pang kongregasyon ang gumagamit sa iisang bulwagan, humihirang ang mga lupon ng matatanda ng isang operating committee upang organisahin ang mga kaayusan sa pangangalaga sa gusali at ari-arian. Ang komiteng ito ay gumagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng mga lupon ng matatanda.

5. Ano ang ginagawa taun-taon at sa panahon ng dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito upang matiyak na ang Kingdom Hall ay nasa mabuting kalagayan?

5 Isang detalyadong pag-iinspeksiyon ng Kingdom Hall ang ginagawa sa buwan ng Setyembre taun-taon. Karagdagan pa, iuulat ng mga tagapangasiwa ng sirkito sa panahon ng kanilang dalaw ang kalagayan ng Kingdom Hall at magbibigay sila ng mga mungkahi sa mga bagay na kinakailangang bigyang-pansin. Ang matatanda ang may pananagutang gumawa ng mga kaayusan upang lubusang maasikaso ang anumang bagay na kinakailangang bigyang-pansin. Maaaring anyayahan ang mga mamamahayag na tumulong sa kinakailangang pagkukumpuni at pagmamantini. Ang lahat ay dapat maging alisto sa pag-aasikaso sa maliliit na bagay at mabilis sa pagsasakatuparan ng mga bagay-bagay na kailangang bigyang-pansin.

6, 7. Ano ang ginagawa upang magkaroon ng pondo na magagamit sa regular na pagmamantini ng Kingdom Hall?

6 Paglalaan ng Pondo Para sa Pagmamantini: Ang karamihan ng gawain sa Kingdom Hall at sa bakuran nito ay isinasagawa ng mga boluntaryo. Ang kanilang pagsasakripisyo sa sarili ay isang mainam na kapahayagan ng pag-ibig at malaking tulong upang mabawasan ang gastos. Gayunman, kailangan ng pondo para sa mga pagkukumpuni at mga gamit sa paglilinis, gayundin para sa tubig at kuryenteng ginamit. Kaya iminumungkahi sa matatanda na maglaan ng tiyak na halaga ng salapi buwan-buwan upang magamit sa pagmamantini ng bulwagan ng inatasang operating committee, o elder o ministeryal na lingkod.

7 Kapag mahigit sa isang kongregasyon ang gumagamit ng Kingdom Hall, nag-iingat ang operating committee ng isang hiwalay na bank account at nagbibigay ng buwanang nasusulat na ulat ng pananalapi sa bawat lupon ng matatanda, sa gayo’y nababatid ng matatanda kung paano ginagamit ang mga pondo. Pananagutan nilang tiyakin na nagagamit nang wasto ang pondo ng kongregasyon.

8. Ano ang dapat gawin kung kinakailangan ang malakihang pagmamantini o pagkukumpuni?

8 Malakihang Pagmamantini at Pagkukumpuni: Kapag nakita ng operating committee na malaking trabaho ang kailangan sa pag-aasikaso o pagmamantini ng Kingdom Hall, ihaharap ng komite ang bagay na iyon sa mga lupon ng matatanda upang pagpasiyahan. Kapag napagpasiyahan na kakailanganin ang malakihang pagmamantini o pagkukumpuni, aalamin ng matatanda kung magkano ang magagastos at gagawa sila ng isang resolusyon para aprobahan ng kongregasyon. (Tingnan ang “Tanong” sa Ating Ministeryo sa Kaharian ng Pebrero 1994.) Pagkatapos, dapat silang sumulat sa tanggapang pansangay para aprobahan ito. Sa kanilang liham sa sangay, dapat banggitin ng matatanda kung ano ang iminumungkahi, magkano ang magiging gastusin, at kung magkano ang kanilang pera. Walang malakihang pagkukumpuni o gagawing pagdaragdag sa gusali ang dapat simulan nang hindi muna isinasangguni sa tanggapang pansangay.

9. Paano natin maipakikita ang ating pagpapahalaga sa ating Kingdom Hall?

9 Lubha nga nating pinahahalagahan ang ating pribilehiyo na magtipong sama-sama sa Kingdom Hall! Gawin nawa natin ang ating bahagi sa pamamagitan ng buong-pusong pagbibigay ng pinansiyal na tulong at suporta sa pagmamantini sa ating dako ng pagsamba.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share