-
Kung Paano Magpapasimula ng mga Pag-aaral sa Aklat na Itinuturo ng BibliyaMinisteryo sa Kaharian—2006 | Enero
-
-
Kung Paano Magpapasimula ng mga Pag-aaral sa Aklat na Itinuturo ng Bibliya
Marami sa atin ang masisiyahang magdaos ng pag-aaral sa Bibliya basta mapasimulan lamang natin ang pag-aaral. Makatutulong sa atin ang bagong aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Ang paunang salita sa pahina 3-7 ay dinisenyo upang isangkot ang may-bahay sa talakayan sa Bibliya gamit ang publikasyon. Masusumpungan maging ng mga mamamahayag na kaunti pa lamang ang karanasan sa ministeryo na madali itong gamitin sa pagpapasimula ng mga pag-aaral.
◼ Maaari mong subukin ang pamamaraang ito gamit ang pahina 3:
Pagkatapos banggitin ang isang balita o problema na ikinababahala ng mga tao sa inyong teritoryo, akayin ang pansin ng may-bahay sa mga tanong na nakalimbag sa makakapal na tipo sa pahina 3, at hilingan siyang magkomento. Pagkatapos ay buklatin ang pahina 4-5.
◼ O baka mas gusto mong magsimula sa pagtatampok ng pahina 4-5:
Maaari mong sabihin, “Hindi ba kapana-panabik kapag aktuwal na nangyari ang mga pagbabagong inilarawan dito?” O maaari kang magtanong, “Alin sa mga pangakong ito ang gusto mong mangyari?” Makinig nang mabuti sa sagot.
Kung magpakita ang may-bahay ng pantanging interes sa isa sa mga teksto, ipakita sa kaniya ang itinuturo ng Bibliya sa paksang iyon sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga parapo sa aklat na nagpapaliwanag sa tekstong iyon. (Tingnan ang kahon sa pahinang ito ng insert.) Talakayin ang materyal na parang nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya. Maaari itong gawin sa loob ng lima hanggang sampung minuto sa unang pagdalaw sa pintuan mismo.
◼ Ang isa pang paraan ay pagkomentuhin ang ating kausap gamit ang pahina 6:
Akayin ang pansin ng may-bahay sa mga tanong na nasa ibaba ng pahina, at itanong, “Napag-isipan mo na ba ang alinman sa mga tanong na ito?” Kung magpakita siya ng interes sa isa sa mga tanong, buklatin ang aklat sa mga parapo na sumasagot sa tanong. (Tingnan ang kahon sa pahinang ito ng insert.) Habang magkasama ninyong tinatalakay ang impormasyon, nagdaraos ka na ng pag-aaral sa Bibliya.
◼ Maaaring gamitin ang pahina 7 upang maitanghal ang pag-aaral sa Bibliya:
Basahin ang unang tatlong pangungusap sa pahina, saka buklatin ang kabanata 3 at itanghal ang pag-aaral gamit ang parapo 1-3. Isaayos na magbalik upang talakayin ang mga sagot sa tanong sa parapo 3.
◼ Kung paano isasaayos ang pagbabalik:
Sa katapusan ng unang pag-aaral, isaayos na ipagpatuloy ang pagtalakay. Maaari mong sabihin: “Sa loob lamang ng ilang minuto, nalaman natin ang itinuturo ng Bibliya hinggil sa isang mahalagang paksa. Sa susunod, maaari nating talakayin [mag-iwan ng tanong na tatalakayin]. Puwede ba kitang balikan sa susunod na linggo sa ganito ring oras?”
Habang papalapit tayo nang papalapit sa itinakdang panahon ni Jehova, patuloy niya tayong inihahanda sa atas na dapat gawin. (Mat. 28:19, 20; 2 Tim. 3:17) Mabisa nating gamitin ang kahanga-hanga at bagong pantulong na ito sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya.
-
-
Kung Paano Iaalok ang Aklat na Itinuturo ng BibliyaMinisteryo sa Kaharian—2006 | Enero
-
-
Kung Paano Iaalok ang Aklat na Itinuturo ng Bibliya
Kalakip sa insert na ito ang iba’t ibang mungkahi sa pag-aalok ng aklat na Itinuturo ng Bibliya. Para talagang maging mabisa, sabihin ito sa sarili mong salita, ibagay ang iyong introduksiyon sa mga tao sa inyong teritoryo, at maging pamilyar sa mapag-uusapang mga punto sa aklat. Maaari ring gumamit ng ibang presentasyon na praktikal sa inyong teritoryo.—Tingnan ang Enero 2005 ng Ating Ministeryo sa Kaharian, p. 8.
Armagedon
◼ “Kapag naririnig ang salitang ‘Armagedon,’ naiisip ng marami ang paglipol sa napakaraming tao. Magtataka ka ba kung malalaman mong dapat palang panabikan ang Armagedon? [Hayaang sumagot. Saka basahin ang Apocalipsis 16:14, 16.] Pansinin ang komentong ito hinggil sa magiging buhay pagkatapos ng Armagedon.” Buklatin ang pahina 82-4, at basahin ang parapo 21.
Bibliya
◼ “Madalas sabihin ng mga tao na Salita ng Diyos ang Bibliya. Naisip mo na ba kung bakit tamang tawaging Salita ng Diyos ang isang aklat na isinulat ng mga tao? [Hayaang sumagot. Saka basahin ang 2 Pedro 1:21 at ang parapo 5 sa pahina 19-20.] Ipinakikita ng publikasyong ito ang mga sagot ng Bibliya sa mga tanong na ito.” Ipakita ang mga tanong sa pahina 6.
◼ “Sa ngayon, mas maraming impormasyon ang makukuha ng mga tao kaysa noon. Pero sa palagay mo, saan kaya tayo makakakuha ng magandang payo na tutulong sa atin na maging maligaya at matagumpay sa buhay? [Hayaang sumagot. Saka basahin ang 2 Timoteo 3:16, 17 at ang parapo 12 sa pahina 23.] Ipinaliliwanag ng publikasyong ito kung paano tayo mamumuhay sa paraang nakalulugod sa Diyos at kapaki-pakinabang sa atin.” Ipakita ang tsart at ang larawan sa pahina 122-3.
Buhay na Walang Hanggan
◼ “Gusto ng karamihan ng mga tao na maging malusog at mabuhay nang matagal. Pero kung posible, gusto mo bang mabuhay magpakailanman? [Hayaang sumagot. Saka basahin ang Apocalipsis 21:3, 4 at ang parapo 17 sa pahina 54.] Tinatalakay ng aklat na ito kung paano tayo magkakaroon ng buhay na walang hanggan at kung ano ang magiging buhay natin kapag natupad na ang pangakong ito.”
Digmaan/Kapayapaan
◼ “Gusto ng lahat ng tao ang kapayapaan. Sa palagay mo, ilusyon lang kaya na umasang magkakaroon ng kapayapaan sa lupa? [Hayaang sumagot. Saka basahin ang Awit 46:8, 9.] Tinatalakay ng publikasyong ito kung paano tutuparin ng Diyos ang kaniyang layunin at paiiralin ang pangglobong kapayapaan.” Ipakita ang larawan sa pahina 35, at talakayin ang parapo 17-21 sa pahina 34.
Diyos na Jehova
◼ “Gusto ng maraming taong naniniwala sa Diyos na maging mas malapít sa kaniya. Alam mo ba na inaanyayahan tayo ng Bibliya na maging malapít sa kaniya? [Hayaang sumagot. Saka basahin ang Santiago 4:8a at ang parapo 20 sa pahina 16.] Inihanda ang publikasyong ito upang tulungan ang mga tao na matuto nang higit pa tungkol sa Diyos, gamit ang kanilang sariling kopya ng Bibliya.” Ipakita ang pambungad na mga tanong sa pahina 8.
◼ “Maraming tao ang nananalanging pakabanalin, o sambahin, ang pangalan ng Diyos. Naisip mo na ba kung ano ang pangalang iyon? [Hayaang sumagot. Saka basahin ang Awit 83:18 at ang parapo 2-3 sa pahina 195.] Ipinaliliwanag ng aklat na ito kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya hinggil sa Diyos na Jehova at sa kaniyang layunin para sa sangkatauhan.”
Jesu-Kristo
◼ “Kilala ng mga tao sa buong daigdig si Jesu-Kristo. Sinasabi ng ilan na isa lamang siyang natatanging tao. Sinasamba naman siya ng iba bilang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Sa palagay mo, mahalaga ba kung ano ang paniniwala natin tungkol kay Jesu-Kristo?” Hayaang sumagot. Saka basahin ang Juan 17:3 at ang parapo 3 sa pahina 37-8. Itawag-pansin ang pambungad na mga tanong na nasa ibaba ng pamagat ng kabanata.
Kamatayan/Pagkabuhay-Muli
◼ “Marami ang nag-iisip kung ano talaga ang nangyayari kapag namatay ang isang tao. Sa tingin mo, posible kayang malaman natin iyon? [Hayaang sumagot. Saka basahin ang Eclesiastes 9:5 at ang parapo 5-6 sa pahina 58-9.] Ipinaliliwanag din ng aklat na ito kung ano ang magiging kahulugan ng pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli para sa mga namatay na.” Ipakita ang larawan sa pahina 75.
◼ “Kapag namatay ang isang mahal natin sa buhay, natural lamang na gusto nating makita siyang muli, hindi ba? [Hayaang sumagot.] Marami ang naaliw sa pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli. [Basahin ang Juan 5:28, 29 at ang parapo 16-17 sa pahina 71-2.] Sinasagot din ng kabanatang ito ang mga tanong na ito.” Ipakita ang pambungad na mga tanong sa pahina 66.
Pabahay
◼ “Sa maraming lugar, nagiging mas mahirap makakuha ng disente at abot-kayang tirahan. Sa palagay mo, balang-araw kaya ay magkakaroon ng disenteng bahay ang lahat ng tao? [Hayaang sumagot. Saka basahin ang Isaias 65:21, 22 at ang parapo 20 sa pahina 34.] Ipinaliliwanag ng publikasyong ito kung paano matutupad ang pangakong ito ng Diyos.”
Pamilya
◼ “Gusto nating lahat na maging maligaya ang ating buhay pampamilya. Sang-ayon ka ba? [Hayaang sumagot.] Binabanggit sa Bibliya ang magagawa ng bawat miyembro upang maging maligaya ang pamilya—tularan ang Diyos sa pagpapakita ng pag-ibig.” Basahin ang Efeso 5:1, 2 at ang parapo 4 sa pahina 135.
Panalangin
◼ “Naisip mo na ba kung paano sinasagot ng Diyos ang mga panalangin? [Hayaang sumagot. Saka basahin ang 1 Juan 5:14, 15 at ang parapo 16-18 sa pahina 170-2.] Ipinaliliwanag din ng kabanatang ito kung bakit tayo dapat manalangin sa Diyos at kung ano ang dapat nating gawin upang pakinggan niya tayo.”
Relihiyon
◼ “Ang mga relihiyon sa daigdig ay itinuturing ngayon ng maraming tao bilang pinagmumulan ng mga problema ng sangkatauhan sa halip na solusyon. Sa palagay mo, inaakay kaya ng relihiyon ang mga tao sa tamang direksiyon? [Hayaang sumagot. Saka basahin ang Mateo 7:13, 14 at ang parapo 5 sa pahina 145-6.] Sinusuri ng kabanatang ito ang anim na katangian na pagkakakilanlan ng pagsamba na sinasang-ayunan ng Diyos.” Ipakita ang talaan sa pahina 147.
Trahedya/Pagdurusa
◼ “Kapag nagkaroon ng trahedya, marami ang nag-aalinlangan kung talaga nga bang nagmamalasakit ang Diyos sa mga tao at kung napapansin niya ang kanilang pagdurusa. Naisip mo na ba ito? [Hayaang sumagot. Saka basahin ang 1 Pedro 5:7 at ang parapo 11 sa pahina 11.] Ipinaliliwanag ng publikasyong ito kung paano lubusang aalisin ng Diyos ang pagdurusa ng sangkatauhan.” Ipakita ang pambungad na mga tanong sa pahina 106.
[Kahon sa pahina 5]
Mga Paraan ng Pagbanggit sa Kaayusan sa Donasyon
“Kung gusto mong magbigay ngayon ng kaunting donasyon para sa aming pambuong-daigdig na gawain, malulugod akong tanggapin iyon.”
“Bagaman iniaalok namin nang walang bayad ang aming literatura, tumatanggap naman kami ng kaunting donasyon para sa aming pambuong-daigdig na gawain.”
“Baka iniisip mo kung paano naisasagawa ang gawaing ito. Sinusuportahan kasi ng boluntaryong mga donasyon ang aming pambuong-daigdig na gawain. Kung gusto mong magbigay ng kaunting donasyon ngayon, malulugod akong tanggapin iyon.”
-
-
(1) Tanong, (2) Teksto, at (3) KabanataMinisteryo sa Kaharian—2006 | Enero
-
-
(1) Tanong, (2) Teksto, at (3) Kabanata
Ang isang simpleng paraan upang iharap ang Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? ay (1) tanungin ang opinyon ng kausap, (2) magbasa ng angkop na teksto, at (3) itampok ang kabanata sa aklat na tumatalakay sa paksang iyon sa pamamagitan ng pagbasa sa pambungad na mga tanong na nasa ibaba ng pamagat ng kabanata. Kapag nagpakita ng interes ang may-bahay, maaari mong itanghal ang pag-aaral sa Bibliya gamit ang unang mga parapo ng kabanatang iyon. Maaaring gamitin ang pamamaraang ito sa pagpapasimula ng pag-aaral sa unang pagdalaw o sa pagdalaw-muli.
◼ “Sa palagay mo, maaari kayang makilala ng hamak na mga tao ang ating Maylalang na makapangyarihan-sa-lahat, gaya ng binabanggit dito sa Bibliya?” Basahin ang Gawa 17:26, 27, at hayaang sumagot. Saka itampok ang kabanata 1.
◼ “Sa palagay mo, sa kabila ng mga problema natin ngayon, maaari kaya tayong magkaroon ng kaaliwan at pag-asa tulad ng binabanggit dito?” Basahin ang Roma 15:4, at hayaang sumagot. Saka itampok ang kabanata 2.
◼ “Kung may kapangyarihan ka, gagawin mo ba ang mga pagbabagong ito?” Basahin ang Apocalipsis 21:4, at hayaang sumagot. Saka itampok ang kabanata 3.
◼ “Sa tingin mo, mararanasan pa kaya ng ating mga anak ang mga kalagayang inilarawan sa sinaunang awit na ito?” Basahin ang Awit 37:10, 11, at hayaang sumagot. Saka itampok ang kabanata 3.
◼ “Sa palagay mo, darating kaya ang panahon na matutupad ang mga salitang ito?” Basahin ang Isaias 33:24, at hayaang sumagot. Saka itampok ang kabanata 3.
◼ “Naisip mo na ba kung alam ng mga patay ang ginagawa ng mga buháy?” Hayaang sumagot. Saka basahin ang Eclesiastes 9:5, at itampok ang kabanata 6.
◼ “Sa palagay mo, makikita pa kaya nating muli balang-araw ang ating namatay nang mga mahal sa buhay, gaya ng sinabi ni Jesus sa mga talatang ito?” Basahin ang Juan 5:28, 29, at hayaang sumagot. Saka itampok ang kabanata 7.
◼ “Sa palagay mo, ano kaya ang kailangan upang mangyari ang kalooban ng Diyos sa lupa gaya sa langit, tulad ng binanggit sa tanyag na panalanging ito?” Basahin ang Mateo 6:9, 10, at hayaang sumagot. Saka itampok ang kabanata 8.
◼ “Sa palagay mo, nabubuhay na kaya tayo sa panahong inilalarawan sa hulang ito?” Basahin ang 2 Timoteo 3:1-4, at hayaang sumagot. Saka itampok ang kabanata 9.
◼ “Maraming tao ang nag-iisip kung bakit waring palala nang palala ang mga problema ng sangkatauhan. Posible kayang ito ang dahilan?” Basahin ang Apocalipsis 12:9, at hayaang sumagot. Saka itampok ang kabanata 10.
◼ “Naisip mo na ba ang sagot sa tanong na ito?” Basahin ang Job 21:7, at hayaang sumagot. Saka itampok ang kabanata 11.
◼ “Sa palagay mo, ang pagsunod kaya sa payong ito mula sa Bibliya ay makatutulong sa mga tao na magkaroon ng maligayang buhay pampamilya?” Basahin ang Efeso 5:33, at hayaang sumagot. Saka itampok ang kabanata 14.
Maaaring iulat ang isang pag-aaral sa Bibliya kapag naidaos na ito nang dalawang beses matapos maitanghal ang kaayusan sa pag-aaral at kung may dahilan para maniwalang magpapatuloy ang pag-aaral.
-