Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 12/08 p. 5-6
  • Pagbibigay na Nagpaparangal kay Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagbibigay na Nagpaparangal kay Jehova
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—2008
Ating Ministeryo sa Kaharian—2008
km 12/08 p. 5-6

Pagbibigay na Nagpaparangal kay Jehova

1 Sa Kawikaan 3:9, nagbigay ng tagubilin si Haring Solomon: “Parangalan mo si Jehova ng iyong mahahalagang pag-aari at ng mga unang bunga ng lahat ng iyong ani.” Sa sinaunang Israel, hinihiling ng Kautusan na itabi ang ika-sampung bahagi ng kanilang ani upang parangalan si Jehova. Sakop ba ng utos na ito ang mga Kristiyano? Ganito ang sagot ni apostol Pablo sa 2 Corinto 9:7: “Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso, hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.”

2 Ang isang “masayang nagbibigay” ay nagbibigay nang kusang-loob, at hindi ‘napipilitan’ lamang. Nagbibigay siya dahil nais niyang parangalan si Jehova at gusto niyang ipakita na pinahahalagahan niya ang lahat ng nagawa Niya para sa atin. Gayunman, bagaman hindi pinipilit na magbigay ang isang nakaalay na Kristiyano, nakadarama siya ng pananagutan na ipakita ang laki ng kaniyang pag-ibig at pagpapahalaga kay Jehova gayundin sa kaniyang mga kapatid. (1 Juan 4:11) Marami sa ating mga kapatid ang nagpakita ng gayong pagkabukas-palad sa pamamagitan ng pagsuporta sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Bilang resulta, sa Pilipinas pa lamang ay daan-daang Kingdom Hall na ang naipatayo.

3 Kailangang Magsakripisyo: Sa ilalim ng Batas Mosaiko, ang lahat ng Israelita, mayaman man o mahirap, ay kailangang magsakripisyo upang regular na makapaghandog ng hain kay Jehova. Iba-iba ang kanilang hain, depende sa pinansiyal na kakayahan ng isa na naghahandog. Ipinakita naman ni Jesus na kailangan ng isang Kristiyano na ‘itatwa ang kaniyang sarili’ at magsakripisyo upang maparangalan si Jehova. (Mat. 16:24) Kasama rito ang pagsasakripisyo ng sariling kaalwanan at materyal na mga pag-aari upang magamit ng isa ang kaniyang mga tinatangkilik sa sagradong paglilingkod at makatulong sa iba. Nagpayo si Pablo: “Huwag ninyong kalilimutan . . . ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba, sapagkat sa gayong mga hain ay lubos na nalulugod ang Diyos.”—Heb. 13:16.

4 Paano tayo ‘masayang makapagbibigay’ sa programa ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall? Talakayin natin kung paano ito magagawa ng (1) mga kongregasyong hindi sakop ng kasalukuyang programa ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall, (2) mga kongregasyong may balanse pa sa Kingdom Hall loan, at (3) mga kongregasyong gumagamit ng mga bagong-tayong Kingdom Hall na pag-aari ng sangay.

5 Mga Kongregasyong Hindi Sakop ng Programa ng Pagtatayo ng mga Kingdom Hall: Maaaring ang Kingdom Hall na ginagamit ninyo ay hindi sakop ng kasalukuyang programa ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Magkagayunman, paano kayo makakasuporta sa programang ito? Kamakailan, binigyan tayo ng tagubilin hinggil sa paglalagay ng bukod na kahon ng kontribusyon na may markang “Pambuong-Daigdig na Pagtatayo ng mga Kingdom Hall.” Anumang halaga na ihuhulog sa kahong ito ay makakasuporta sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall ng ibang mga kongregasyon, hindi lamang sa atin. Kasuwato ito ng sinabi ni Pablo: “[Ituon] ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.”—Fil. 2:4.

6 Bagaman maaaring maghulog ng kontribusyon ang mga indibiduwal sa kahong ito, ang ilang kongregasyon, pati na ang ilan na mayroon pang balanse sa kanilang Kingdom Hall loan, ay gumawa ng resolusyon na magpapadala sila bawat buwan ng isang takdang halaga mula sa pondo ng kongregasyon upang suportahan ang pambuong-daigdig na pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Ang halaga na ipinasiya ng kongregasyon na ibigay bawat buwan ay idaragdag sa anumang halagang makukuha sa kahon na may markang “Pambuong-Daigdig na Pagtatayo ng mga Kingdom Hall” kapag ipinadadala ito sa tanggapang pansangay.

7 Mga Kongregasyong May Balanse Pa sa Kingdom Hall Loan: Ipinapakita ng aming rekord na mahigit 700 kongregasyon sa Pilipinas ang mayroon pa ring balanse sa kanilang Kingdom Hall loan. Paano makatutulong ang mga kongregasyong ito sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall? Ang isang paraan ay ang regular na pagpapadala sa tanggapang pansangay ng ipinangako nilang halaga bawat buwan. Ayon sa aming rekord, sa katamtaman, ang mga kongregasyong may balanse pa sa kanilang loan ay nagpapadala ng wala pang kalahati ng halagang ipinangako nilang ibibigay bawat buwan. Kaya kung maipadadala ng mga kongregasyong ito ang kabuuang halagang ipinangako nila, madodoble ang pondo na magagamit sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall para sa mga kongregasyong nangangailangan nito. Ang mga mamamahayag na nagnanais mag-abuloy para sa loan ng kongregasyon ay maaaring maghulog ng kanilang kontribusyon sa kahon na may markang “Gastusin ng Kongregasyon.” Sa pagtatapos ng buwan, ipadadala ng matatanda sa tanggapang pansangay ang kabuuang halaga na ipinangako nila bawat buwan para sa kanilang Kingdom Hall loan.

8 Mga Kongregasyong Gumagamit ng mga Kingdom Hall na Pag-aari ng Sangay: Mahigit 600 kongregasyon sa Pilipinas ang nagtitipon ngayon sa mga Kingdom Hall na itinayo sa ilalim ng bagong programa ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Bawat isa sa mga kongregasyong ito ay gumawa ng resolusyon na magpapadala sila ng isang takdang halaga bawat buwan bilang kanilang boluntaryong kontribusyon. Ano ang nag-udyok sa kanila na magbigay ng gayong kontribusyon? Alam kasi nila na maraming kapatid ang nagsakripisyong magbigay ng kontribusyon sa pondo ng Pagtatayo ng mga Kingdom Hall para magkaroon sila ng bagong Kingdom Hall. At ngayon na mayroon na silang bagong Kingdom Hall, nais naman nilang tumulong sa iba na wala pang Kingdom Hall. Sa paggawa nito, sinusunod nila ang kinasihang payo: “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.”—1 Cor. 10:24.

9 Kapuri-puri na marami sa mga kongregasyong ito ang nagpapadala bawat buwan ng kabuuang halagang ipinangako nila, habang ang ilan naman ay mas malaking halaga pa nga ang naipadadala. Gayunman, marami-rami rin ang hindi nakapagpapadala ng kabuuang halaga na ipinangako nila, marahil ay hindi ibinibigay ng ilang mamamahayag ang talagang halaga na kanilang ipinangako. Bagaman ang halaga na ibibigay ng bawat isa ay “ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso,” pangako niya iyon kay Jehova at bahagi iyon ng ating paghahandog sa kaniya. (2 Cor. 9:7) Kaya ang tapat na pagbibigay ng halagang ito ay bahagi ng ating pagsamba at dapat itong ibukod para lamang sa layuning ito. Ito ang punto ni apostol Pablo nang sabihin niya ang nasa 1 Corinto 16:2: “Sa bawat unang araw ng sanlinggo ay magbukod ang bawat isa sa inyo sa kaniyang sariling bahay ng anumang maiipon ayon sa kaniyang kasaganaan.” Maraming kapatid ang ‘nagbubukod’ ng gayong ipinangakong kontribusyon sa pamamagitan ng paglalagay nito sa isang sobre nang sa gayon ay hindi ito magamit sa ibang bagay.

10 Maraming kongregasyon ang lumaki na mula nang una silang gumawa ng resolusyon na magpadala ng kontribusyon para sa ginagamit nilang Kingdom Hall. Dahil dito, iminumungkahi ng Lupong Tagapamahala na bawat taon, dapat repasuhin ng matatanda ang resolusyon ng kanilang kongregasyon at tingnan kung posibleng madagdagan pa ito. Ang buwan ng Enero 2009 ay isang magandang pagkakataon para repasuhin ang kanilang resolusyon. Maaari nilang hilingin sa mga mamamahayag na isulat sa isang piraso ng papel kung magkano ang kaya nilang ibigay bawat buwan bilang pasasalamat sa ginagamit nilang Kingdom Hall. Hindi susulatan ng pangalan ang mga piraso ng papel. Pagkatapos, maaaring naisin ng matatanda na magharap ng bagong resolusyon na sasang-ayunan ng buong kongregasyon. Kapag nakagawa na ng bagong resolusyon, dapat magpadala ang matatanda ng kopya nito sa tanggapang pansangay para mapalitan ang dating resolusyon.

11 Batid namin na marami sa inyo ang tumutulad sa unang-siglong kongregasyon ng Macedonia na sa kabila ng “matinding karalitaan [ay nanagana ang] kanilang pagkabukas-palad. Sapagkat ayon sa kanilang talagang kakayahan, oo, ako [si Pablo] ay nagpapatotoo, higit pa nga sa kanilang talagang kakayahan, habang sila sa sarili nilang kagustuhan ay patuloy na nagsumamo sa amin na . . . magkaroon ng pribilehiyong magbigay nang may kabaitan.” (2 Cor. 8:1-4) Lahat nawa tayo ay magpakita ng katulad na saloobin ng mga ‘taga-Macedonia’ habang bukas-palad tayong nakikibahagi sa pagbibigay na nagpaparangal kay Jehova!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share