Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • be aralin 8 p. 107-p. 110 par. 2
  • Angkop na Lakas ng Tinig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Angkop na Lakas ng Tinig
  • Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagbabagu-bago ng Tono ng Boses
    Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
  • Pagbabago-bago ng Boses
    Maging Mahusay sa Pagbabasa at Pagtuturo
  • Apendise—Tanong ng mga Magulang
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
  • Pagtingin sa Mata
    Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
Iba Pa
Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
be aralin 8 p. 107-p. 110 par. 2

ARALIN 8

Angkop na Lakas ng Tinig

Ano ang kailangan mong gawin?

Magsalita na may sapat na lakas o tindi ng tinig. Upang matiyak kung ano ang angkop, isaalang-alang (1) ang laki at ang klase ng iyong tagapakinig, (2)  nakagagambalang mga ingay, (3) ang tinatalakay na materyal, at (4) ang iyong tunguhin.

Bakit ito mahalaga?

Malibang madali kang marinig ng iba, ang kanilang isip ay maaaring gumala-gala, at ang impormasyong iyong inihaharap ay maaaring hindi maging maliwanag sa kanila. Kung magsasalita ka nang masyadong malakas, maaaring madama ng mga tao na ito’y nakaiinis​—at walang pakundangan pa nga.

KAPAG ang isang tagapagsalita sa madla ay kulang ng kinakailangang lakas ng tinig, ang ilan sa tagapakinig ay maaaring antukin. Kapag masyadong mahina ang pagsasalita ng isang mamamahayag sa ministeryo sa larangan, maaaring hindi niya mapanatili ang pansin ng may-bahay. At sa mga pulong na doon ang mga komento ay hindi naibibigay taglay ang sapat na lakas ng tinig, ang mga naroroon ay hindi tatanggap ng kinakailangang pampatibay-loob. (Heb. 10:24, 25) Sa kabilang panig, kung inilalakas ng isang tagapagsalita ang kaniyang tinig sa maling panahon, maaaring di-mapapalagay ang tagapakinig​—baka mayamot pa nga.​—Kaw. 27:14.

Isaalang-alang ang Iyong Tagapakinig. Kanino ka ba nakikipag-usap? sa isang indibiduwal? sa isang grupo ng pamilya? sa isang maliit na grupo na nagtitipon bago maglingkod sa larangan? sa buong kongregasyon? o sa isang malaking kombensiyon? Maliwanag na ang lakas ng tinig na angkop sa isang kalagayan ay maaaring di-angkop sa iba.

Sa iba’t ibang pagkakataon, ang mga lingkod ng Diyos ay nakapagpahayag na sa maraming tagapakinig. Sa pagpapasinaya ng templo sa Jerusalem noong kapanahunan ni Solomon, walang kasangkapan sa sound. Kaya tumayo si Solomon sa isang mataas na plataporma at pinagpala ang mga tao “sa isang malakas na tinig.” (1 Hari 8:55; 2 Cro. 6:13) Pagkalipas ng mga siglo, makaraan ang pagbubuhos ng banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E., isang pulutong​—ang ilan ay interesado, ang iba naman ay nanlilibak​—ang nagtipon sa palibot ng maliit na grupo ng mga Kristiyano sa Jerusalem. Sa pagpapakita ng praktikal na karunungan, si Pedro ay “tumayo . . . at naglakas ng kaniyang tinig.” (Gawa 2:14) Isang matinding patotoo ang naibigay.

Paano mo masasabi kung ang ginagamit mong lakas ng tinig ay angkop sa isang kalagayan? Ang reaksiyon ng tagapakinig ay isa sa pinakamabubuting sukatan. Kapag napansin mong ang ilan sa tagapakinig ay nahihirapan sa pakikinig, dapat na pagsikapan mong baguhin ang lakas ng iyong tinig.

Nagsasalita ka man sa isang indibiduwal o sa isang grupo, katalinuhan na isaalang-alang kung sino ang bumubuo sa iyong tagapakinig. Kung may mahina ang pandinig, baka kakailanganin mong ilakas ang iyong tinig. Subalit ang pagsigaw ay hindi magugustuhan ng mga tao na maaaring medyo mas mabagal ang reaksiyon dahil sa katandaan. Ito ay maaari pa ngang ituring na isang tanda ng kagaspangan. Sa ilang kultura, ang sobrang lakas ng tinig ay minamalas bilang katunayan na ang isang tao ay galit o walang-pasensiya.

Isaalang-alang ang mga Nakagagambalang Ingay. Kapag nakikibahagi ka sa ministeryo sa larangan, ang mga kalagayang napapaharap sa iyo ay tiyak na may epekto sa kinakailangang lakas ng tinig upang makapagpatotoo. Kailangang makipagpaligsahan ka sa ingay ng trapiko, magugulong bata, tumatahol na mga aso, malakas na musika, o isang maingay na telebisyon. Sa kabilang panig, sa mga lugar kung saan ang mga bahay ay dikit-dikit, maaaring mapahiya ang may-bahay kapag nagsasalita ka nang napakalakas anupat nakatatawag ka ng pansin ng mga kapitbahay.

Ang mga kapatid na lalaki na nagpapahayag sa kongregasyon o sa mga kombensiyon ay dapat ding makitungo sa napakaraming iba’t ibang kalagayan. Ang pagsasalita sa isang grupo ng mga tagapakinig sa labas ay ibang-iba sa pagpapahayag sa isang bulwagan na may magandang akostiks. Sa Latin Amerika ay may dalawang misyonero na magkatulong na nagbigay ng isang pahayag pangmadla sa patyo ng tahanan ng isang taong interesado samantalang ang mga kuwitis at mga paputok ay pinasasabog sa kalapit na liwasan dahil sa piyesta at may isang kalapit na tandang na walang tigil sa pagtilaok!

Sa kalagitnaan ng pahayag, maaaring may mangyari anupat kailangan ang alinman sa huminto hanggang sa makaraan ang pagkagambala o maglakas ng tinig. Halimbawa, kung ang isang pulong ay ginaganap sa isang gusaling may bubong na yero, maaaring ang biglang pagbuhos ng ulan ay maging dahilan upang hindi na halos marinig ng tagapakinig ang tagapagsalita. Ang umiiyak na bata o ang isang pagkagambalang dulot ng mga dumarating nang huli ay tiyak na magiging isang hamon. Pag-aralan kung paano madaraig ang mga pagkagambala upang lubos na makinabang ang iyong mga tagapakinig sa impormasyong inihaharap mo.

Ang mga kagamitang nagpapalakas ng tinig ay makatutulong kung mayroon nito, subalit hindi nito inaalis ang pangangailangang maglakas ng tinig ang tagapagsalita kapag hinihiling ng kalagayan. Sa mga lugar na madalas nawawalan ng kuryente, nauubliga ang mga tagapagsalita na ipagpatuloy ang kanilang pahayag nang walang mikropono.

Isaalang-alang ang Tinatalakay na Materyal. Ang klase ng materyal sa iyong pahayag ay may epekto rin sa kakailanganing lakas ng tinig. Kung ang paksa ay humihiling ng lakas, huwag pahinain ang presentasyon sa pamamagitan ng pagsasalita nang napakahina. Halimbawa, kapag bumabasa ka ng mga pagtuligsa mula sa Kasulatan, ang iyong tinig ay dapat na mas malakas kaysa sa kapag bumabasa ka ng payo hinggil sa pagpapakita ng pag-ibig. Ibagay ang lakas ng iyong tinig sa materyal, subalit maging maingat na gawin iyon sa paraang hindi aakay ng pansin sa iyong sarili.

Isaalang-alang ang Iyong Tunguhin. Kung gusto mong antigin ang iyong tagapakinig sa masigasig na paggawa, baka kailangan mo ang mas malakas na tinig. Kung gusto mong baguhin ang kanilang pag-iisip, huwag mo silang itaboy sa pamamagitan ng sobrang lakas ng tinig. Kung sinisikap mong mang-aliw, karaniwan nang mas mabuti ang isang mahinahong tinig.

Mabisang Paggamit ng Mas Malakas na Tinig. Kung sinisikap mong kunin ang pansin ng isang taong abala, kadalasang nakatutulong ang mas malakas na tinig. Alam ito ng mga magulang, kaya inilalakas nila ang kanilang tinig upang tawagin ang kanilang mga anak kapag oras nang umuwi mula sa paglalaro. Ang mas malakas na tinig ay kakailanganin din kapag nagpapahiwatig ang tsirman para sa pagsisimula ng pulong ng kongregasyon o ng isang asamblea. Sa pakikibahagi ng mga mamamahayag sa ministeryo sa larangan, maaari silang bumati sa malakas na tinig habang papalapit sa mga taong nagtatrabaho sa labas ng bahay.

Kahit na nakuha mo na ang pansin ng isa, mahalaga na patuloy na gumamit nang sapat na lakas ng tinig. Ang isang napakahinang tinig ay maaaring magbigay ng impresyon na hindi masyadong handa o kulang ng kombiksiyon ang tagapagsalita.

Kapag may kalakip na utos, ang pagtataas ng tinig ay maaaring pumukaw sa mga tao na kumilos. (Gawa 14:9, 10) Sa katulad na paraan, maaaring maiwasan ang kapahamakan sa pamamagitan ng isang pasigaw na utos. Sa Filipos, magpapakamatay na sana ang isang tagapagbilanggo sa pag-aakalang nakatakas ang kaniyang mga bilanggo. “Sumigaw si Pablo sa malakas na tinig, na sinasabi: ‘Huwag mong saktan ang iyong sarili, sapagkat narito kaming lahat!’ ” Sa ganitong paraan ay naiwasan ang isang pagpapakamatay. Pagkatapos ay nagpatotoo sina Pablo at Silas sa tagapagbilanggo at sa kaniyang sambahayan, na yumakap na lahat sa katotohanan.​—Gawa 16:27-33.

Kung Paano Mapasusulong ang Lakas ng Iyong Tinig. Para sa ilan, ekstrang pagsisikap ang kailangan upang matutuhan kung paano gagamit ng angkop na lakas ng tinig. Ang isang tao ay maaaring magsalita nang walang sapat na lakas ng tinig dahil sa pagkakaroon ng mahinang boses. Gayunman, sa pamamagitan ng pagsisikap, maaaring posible ang pagsulong, bagaman siya’y baka malumanay pa rin. Bigyang-pansin ang paghinga at bikas. Sanayin ang pag-upo at pagtindig nang tuwid. Hilahin nang patalikod ang iyong mga balikat, at huminga nang malalim. Tiyakin na pinupuno mo ng hangin ang ibabang bahagi ng iyong mga baga. Ang suplay na ito ng hangin, kapag wastong pinalalabas, ay magpapangyaring makontrol mo ang lakas ng iyong tinig kapag nagsasalita.

Para sa iba, ang suliranin ay ang pagsasalita nila nang masyadong malakas. Marahil ay nagkaroon sila ng ganitong ugali bilang resulta ng pagtatrabaho sa labas ng bahay o sa isang maingay na kapaligiran. Sa kabilang panig, maaaring sa kinalakihan nilang lugar ay sumisigaw ang lahat at karaniwan na ang mga pagkagambala. Bilang resulta, sa palagay nila ang tanging paraan upang maging bahagi ng pag-uusap ay ang magsalita nang mas malakas kaysa sa iba. Habang pasulong nilang sinusunod ang payo ng Bibliya na damtan ang sarili ng “magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis,” sila’y gagawa ng mga pagbabago sa paggamit nila ng lakas ng tinig kapag nakikipag-usap sa iba.​—Col. 3:12.

Ang mabuting paghahanda, karanasang nagmumula sa regular na pakikibahagi sa paglilingkod sa larangan, at panalangin kay Jehova ay tutulong sa iyo na magsalita taglay ang angkop na lakas ng tinig. Nagsasalita man mula sa plataporma o sa isang indibiduwal sa ministeryo sa larangan, pagsikapang ituon ang iyong kaisipan sa kung paano matutulungan ang ibang tao na marinig kung ano ang iyong sinasabi.​—Kaw. 18:21.

KUNG KAILAN KAKAILANGANIN ANG MAS MALAKAS NA TINIG

  • Upang makuha ang pansin ng isang mas malaking grupo.

  • Upang madaig ang mga pagkagambala.

  • Upang makuha ang pansin kapag may sinasabing napakahalagang bagay.

  • Upang magpakilos.

  • Upang makuha ang pansin ng indibiduwal o ng isang grupo.

KUNG PAANO SUSULONG

  • Maging mapagmasid sa mga reaksiyon ng mga kinakausap mo; gumamit ng angkop na lakas ng tinig upang makarinig sila nang maliwanag.

  • Pag-aralang punuin ng hangin ang ibabang bahagi ng iyong mga baga habang ikaw ay humihinga.

PAGSASANAY: Basahin muna nang tahimik ang Gawa 19:23-41, na iniisip ang tagpong isinisiwalat sa salaysay at ng konteksto. Pansinin kung sino ang nagsasalita at ang ipinakikitang saloobin. Pagkatapos ay basahin ito nang malakas taglay ang lakas ng tinig na angkop para sa bawat bahagi.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share