Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • yb10 p. 66-125
  • Uganda

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Uganda
  • 2010 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
  • Subtitulo
  • “ANG PERLAS NG APRIKA”
  • ANG MAGAGANDANG TAGA-UGANDA
  • DUMATING ANG MGA PAYUNIR
  • NAGPATULOY ANG PANGANGARAL
  • PAGLILINGKOD KUNG SAAN MAS MALAKI ANG PANGANGAILANGAN
  • MGA SAKRIPISYO AT PAGPAPALA
  • MAHALAGANG GAWAIN NG MGA MISYONERO
  • PINAHUSAY NA PAG-OORGANISA
  • TULONG PARA SA BAGONG MGA MANGANGARAL
  • MALAKI ANG NAGAWA NG NAGLALAKBAY NA MGA TAGAPANGASIWA
  • SI JEHOVA ANG NAGPAPALAGO
  • “PAMAMAHALA NG DIYOS” O PAMAMAHALA NG TAO?
  • “MALIGALIG NA KAPANAHUNAN”
  • ‘MATATAG AT DI-NATITINAG’
  • MASASAYANG PAGTITIPON
  • ‘MAINGAT NA GAYA NG MGA SERPIYENTE GAYUNMA’Y WALANG MUWANG NA GAYA NG MGA KALAPATI’
  • MATIISING MGA PAYUNIR
  • “ISANG KAPATID NA IPINANGANGANAK KAPAG MAY KABAGABAGAN”
  • “PATAYIN MAN NILA ’KO, PUPUNTA PA RIN AKO”
  • MAPANGANIB NA PANAHON
  • MGA BAGONG HAMON AT OPORTUNIDAD
  • ANG PAGBABALIK NG MGA MISYONERO
  • HINDI NAGPAPIGIL ANG MGA MAY-EDAD
  • “PAANO SASABIHIN SA . . . ?”
  • SAGANANG PAG-AANI
  • PAG-AANI SA MAS MALAKING BUKIRIN
  • PAGDAIG SA MGA BALAKID
  • NAKATULONG NANG MALAKI ANG PAGSASALIN
  • KAILANGAN NG MAS MARAMING KINGDOM HALL
  • SUMASABAY SA MABILIS NA PAGSULONG
  • “NASA PARAISO NA KAMI”
  • NAGING SAGANA ANG TUNAY NA KAALAMAN
2010 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
yb10 p. 66-125

Uganda

SA NAKALIPAS na daan-daang taon, hinanap ng mga manggagalugad ang pinagmumulan ng tubig ng napakahabang Ilog Nilo, na bumabagtas nang paliku-liko sa kalahatian ng Aprika hanggang sa Dagat Mediteraneo. Nang maglaon, natukoy ng ilan sa kanila ang pangunahing pinagmumulan ng tubig ng Ilog Nilo—ang Lawa ng Victoria at ang mga bundok sa paligid nito. Sa nakalipas na mga dekada, hinahanap naman ng marami sa mga mamamayan doon ang pinagmumulan ng mas mahalagang tubig—ang “tubig na buháy” na magdudulot ng “buhay na walang hanggan.” (Juan 4:10-14) Ito ang kuwento ng mga taga-Uganda na ‘uháw sa katuwiran.’—Mat. 5:6.

“ANG PERLAS NG APRIKA”

Ang Uganda ay isang magandang lupain sa pusod ng Aprika at matatagpuan ito sa mismong ekwador kaya katamtaman ang klima rito. Mula sa napakagandang Kabundukan ng Ruwenzori—tinatawag ding Kabundukan ng Buwan—natutunaw ang malalaking tipak ng yelo at umaagos ang makislap na tubig sa sanga-sangang ilog at lawa. Maulan sa Uganda at mataba ang lupa kaya tamang-tama itong pagtamnan ng kape, tsa, at bulak. Marami ditong saging na saba na ginagawang matooke, isang pangunahing pagkain sa Uganda. At mayroon ding kamoteng-kahoy, mais, mijo, at batad.

Marami ritong leon, elepante, hipopotamus, buwaya, leopardo, giraffe, antilope, chimpanzee, iba’t ibang uri ng unggoy, at ang nanganganib nang maubos na mountain gorilla. Maririnig din ang kahali-halinang huni ng magagandang uri ng ibon. Oo, talagang napakaganda ng Uganda at tama lang na tawagin itong “perlas ng Aprika.”

ANG MAGAGANDANG TAGA-UGANDA

Mga 30 milyong tao mula sa mga 30 etnikong grupo ang naninirahan sa Uganda. Marami ang relihiyoso at miyembro ng iba’t ibang simbahan; pero gaya sa ibang lugar, may halong tradisyon din ang kanilang pagsamba. Palakaibigan at mapagpatuloy ang mga taga-Uganda, at likas sa ilan na lumuhod kapag bumabati o naglilingkod sa nakatatanda.

Pero nakalulungkot, noong dekada ng 1970 at 1980, ang magandang “perlas” na ito pati na ang mga tagarito ay lubhang napinsala ng kaguluhan sa pulitika. Libu-libo ang namatay. Dumagdag pa ang salot ng AIDS. Sa gitna ng gayong mga kalagayan, ang mga Saksi ni Jehova ay naghatid ng kaaliwan at pag-asa sa matiising mga taong ito.

DUMATING ANG MGA PAYUNIR

Nagsimula ang gawaing pangangaral ng Kaharian sa Uganda noong 1931, sa pangangasiwa ng tanggapang pansangay sa Timog Aprika. Dalawang payunir, sina Robert Nisbet at David Norman, ang inatasan ng sangay sa napakalaking teritoryo na kilalá ngayon bilang Kenya, Uganda, at Tanzania.

Pursigido sina Robert at David na ipangaral ang mabuting balita hanggang sa kasuluk-sulukan ng Aprika. Nagsimula sila sa Dar es Salaam noong Agosto 31, 1931, na may 200 kahon ng literatura. Mula roon, nagtungo sila sa isla ng Zanzibar at pagkatapos ay sa daungan ng Mombasa, patungo sa bulubundukin ng Kenya. Nagbiyahe sila sakay ng tren at nangaral sa mga nayon na nadaanan nila patungo sa silangang baybayin ng Lawa ng Victoria. Sumakay ng bapor ang dalawang matatapang na payunir na ito papunta sa Kampala, ang kabisera ng Uganda. Pagkatapos mamahagi ng maraming literatura at suskripsiyon ng The Golden Age, sumakay sila ng kotse papunta sa iba pang liblib na nayon.

Pagkaraan ng apat na taon, noong 1935, muling bumiyahe ang mga payunir mula sa Timog Aprika para mangaral sa Silangang Aprika. Bumalik si Robert Nisbet kasama ang kapatid niyang si George, pati ang mag-asawang Gray at Olga Smith. Gamit ang dalawang van, na siya rin nilang tirahan, binagtas nila ang baku-bakong daan at talahiban na mga tatlong metro ang taas. “Madalas silang abutan ng dilim sa ilang,” ang sabi ng isang ulat, “kitang-kita, dinig na dinig, at damang-dama nila ang buhay-ilang sa Aprika—ang ungal ng leon sa gabi, ang nanginginaing mga sebra at giraffe, at ang nakapanliliit na mga rinoseros at elepante.” Walang-takot silang pumunta sa mga bayan na hindi pa napapaabutan ng mensahe ng Kaharian.

Habang sina Gray at Olga Smith ay nasa Tanganyika (Tanzania ngayon), sina Robert at George Nisbet ay pumunta naman sa Nairobi, Kenya. Nang maglaon, pinaalis ng gobyerno ang mag-asawang Smith sa Tanganyika kaya pumunta sila sa Kampala, Uganda. Pero nagbago ang sitwasyon sa Kampala at mahigpit silang minanmanan ng pulisya. Sa kabila nito, nakapamahagi sila ng 2,122 aklat at buklet sa loob lamang ng dalawang buwan at nakapagsaayos ng anim na pulong pangmadla. Di-nagtagal, pinaalis din sila ng gobyerno sa Uganda. Nagpunta sila sa Nairobi kung saan nakasama nilang muli ang magkapatid na Nisbet at saka bumalik sa Timog Aprika.

Sa tulong ni Jehova, naging napakatagumpay ng pangangaral sa mga lugar na ito, at isang mahusay na patotoo ang naiwan. Sa kabila ng pang-uusig ng ibang relihiyon at ng patung-patong na panggigipit ng kolonyal na gobyerno, nakapamahagi ang mga payunir ng mahigit 3,000 aklat at mahigit 7,000 buklet, bukod pa sa maraming suskripsiyon. Pero maraming taon ang lumipas bago naipagpatuloy ang pangangaral sa Uganda.

NAGPATULOY ANG PANGANGARAL

Noong Abril 1950, isang mag-asawa mula sa Inglatera, sina Brother at Sister Kilminster, ang nanirahan sa Kampala. Masigasig nilang ipinangaral ang mabuting balita at natuwa sila nang isang pamilyang Griego at isang pamilyang Italyano, ang tumugon sa mensahe ng Kaharian.

Noong Disyembre 1952, sina Brother Knorr at Henschel, mula sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa New York, ay dumalaw sa Nairobi, Kenya. Ayaw palampasin ni Brother Kilminster ang pagkakataong makasama sila. Kaya kahit malayo, naglakbay siya mula Kampala patungong Nairobi. Pinatibay nina Brother Knorr at Henschel ang maliit na grupo sa Nairobi at isinaayos na magkaroon ng kongregasyon sa Kampala. Di-nagtagal, sumulong ang bagong kongregasyong iyon, at isang peak na sampung mamamahayag ang nakibahagi sa ministeryo noong 1954 taon ng paglilingkod.

Nang taon ding iyon, si Eric Cooke, mula sa tanggapang pansangay sa Timog Rhodesia (Zimbabwe ngayon), ay dumalaw sa Silangang Aprika at nanatili nang ilang panahon sa bagong kongregasyon sa Kampala. Bagaman may lingguhang pag-aaral sa Bantayan ang kongregasyon, hindi sila gaanong aktibo sa ministeryo. Kaya hinimok ni Brother Cooke si Brother Kilminster na idaos ang lahat ng pagpupulong, pati na ang lingguhang Pulong sa Paglilingkod. Para pasulungin pa ang pangangaral, pinasigla ni Brother Cooke ang kapatid na magbahay-bahay at siya mismo ang matiyagang nagsanay sa ilang mamamahayag.

Dati, karamihan sa napangangaralan sa Uganda ay mga Europeo lamang. Samantala, napansin ni Brother Cooke na wikang Luganda ang salita ng karamihan sa mga taga-Kampala. Iminungkahi niya na magsalin ng publikasyon sa wikang Luganda para maabot ang puso nila. Noong 1958, ginamit ng mga mamamahayag ang bagong saling buklet na “Ang Mabuting Balitang Ito ng Kaharian.” At malaki ngang tulong iyon! Sumulong ang gawain, at noong 1961 nagkaroon ng bagong peak na 19 na aktibong mamamahayag.

Sa kaniyang trabaho, nakilala ni Brother Kilminster si George Kadu, taga-Uganda na mahigit 40 anyos at interesado sa katotohanan. Nagsasalita siya ng Ingles at Luganda, ang kaniyang katutubong wika. Nag-aral ng Bibliya si George nang malaman niyang Jehova ang pangalan ng Diyos. Di-nagtagal, naging interpreter siya ni Brother Kilminster sa pagbabahay-bahay. Noong 1956, sa kauna-unahang pagbabautismo sa Uganda, sa Lawa ng Victoria malapit sa Entebbe, sinagisagan ni George ang kaniyang pag-aalay kay Jehova.

Di-nagtagal, bumagal ang pagsulong ng gawaing pang-Kaharian. Bumalik sa kani-kanilang bansa ang mga banyagang kapatid nang matapos ang kanilang kontrata sa trabaho. May ilang kapatid na natiwalag, at may mga natisod sa di-makakasulatang paggawi ng ilang kapatid sa kongregasyon. Pero mahal ni Brother Kadu si Jehova at alam niyang natagpuan na niya ang katotohanan. Nanatili siyang tapat ‘sa kaayaayang kapanahunan at sa maligalig na kapanahunan,’ at naglingkod bilang elder hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1998.—2 Tim. 4:2.

PAGLILINGKOD KUNG SAAN MAS MALAKI ANG PANGANGAILANGAN

Malaking teritoryo ang Silangang Aprika, at kailangang-kailangan ang mga mángangarál. Pero may problema. Ayaw papasukin ng gobyerno ang mga misyonero. Ano kaya ang puwedeng gawin?

Noong 1957, ipinanawagan sa buong daigdig ang paglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Hinimok ang may-gulang na mga kapatid na lumipat sa mga lugar na ito. Ang panawagang ito ay gaya ng nakita ni apostol Pablo sa isang pangitain kung saan isang lalaki ang namanhik sa kaniya: “Tumawid ka sa Macedonia at tulungan mo kami.” (Gawa 16:9, 10) Paano nakatulong ang panawagang ito sa pagsulong ng pangangaral ng Kaharian sa Uganda?

Gaya ni Isaias, tumugon sina Frank at Mary Smith at agad na lumipat sa Silangang Aprika.a (Isa. 6:8) Noong Hulyo 1959, naglayag sila mula New York patungong Cape Town, hanggang sa makarating sa Mombasa. Pagkatapos, nagtren sila papuntang Kampala. Nakakuha si Frank ng kontrata bilang chemist ng gobyerno sa Geological Survey Department. Nanirahan sila sa Entebbe—isang magandang lunsod sa baybayin ng Lawa ng Victoria at mga 35 kilometro mula sa timog ng Kampala. Wala pang nakapangaral sa lunsod na iyon. Regular na dumadalo ang mga Smith sa maliit pero masulong na kongregasyon sa Kampala.

Di-nagtagal, nangaral ang mga Smith sa mag-asawang sina Peter at Esther Gyabi. Bago pa nito, nakatanggap si Peter ng aklat na Ano ang Nagawa ng Relihiyon Ukol sa Sangkatauhan?b Palibhasa’y may mataas na posisyon sa gobyerno si Peter, abala siya sa trabaho at madalas madestino kaya hindi niya ito nababasa. Minsan, ipinadala siya para aregluhin ang hidwaan sa lupain ng dalawang tribo. Nanalangin siya, “Diyos ko, kung tutulungan n’yo po ako, maglilingkod ako sa inyo.” Nalutas naman nang mapayapa ang problema, at naalala ni Peter ang kaniyang panalangin kaya binasa niya ang aklat. Natanto niyang ito ang katotohanan at hinanap niya ang mga Saksi. Kaya tuwang-tuwa siya nang makilala niya si Frank, na siyang nagdaos sa kanilang mag-asawa ng pag-aaral sa Bibliya! Bilang resulta, nabautismuhan silang mag-asawa, at makaraan ang mahigit apat na dekada, tapat pa rin silang naglilingkod.

May iba pang banyagang mga kapatid na tumugon sa panawagan. Ang ilan ay kumuha ng trabaho sa ibang lugar, malayo sa maliit na Kongregasyon ng Kampala. Isang mag-asawa ang nanirahan sa Mbarara, isang maliit na bayan sa mabababang burol sa timog-kanluran ng Uganda, mga 300 kilometro mula sa Kampala. Sa bahay nila ginaganap ang Pag-aaral sa Bantayan at pag-aaral sa aklat. Pero paminsan-minsan, bumibiyahe sila para makasama ang mga kapatid sa Kampala o Entebbe. Nakikipag-ugnayan din sila sa tanggapang pansangay sa Luanshya, Hilagang Rhodesia, (Zambia ngayon), na siyang nangangasiwa noon sa gawaing pangangaral sa Silangang Aprika. Si Harry Arnott, na nangangasiwa noon sa sangay na iyon, ay naglingkod bilang tagapangasiwa ng sona. Napatibay nang husto ang mga kapatid sa Uganda nang bumisita siya sa Kampala.

Isa pang mag-asawa na handang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan ay sina Tom at Ann Cooke mula sa Inglatera. Nag-aplay si Tom ng trabaho sa iba’t ibang bansa at natanggap sa Uganda bilang opisyal ng Ministri ng Edukasyon. Una siyang nadestino, kasama ang asawa niyang si Ann at apat-na-taóng gulang nilang anak na si Sarah, sa maliit na bayan ng Iganga, mga 130 kilometro mula sa silangan ng Kampala. Nang isilang si Rachel, ang ikalawa nilang anak, lumipat sila sa bayan ng Jinja na matatagpuan sa sinasabing pinagmumulan ng Ilog Nilo. Nang maglaon, lumipat sila sa Kampala.

MGA SAKRIPISYO AT PAGPAPALA

Napakalaking tulong ng mga pamilyang ito sa gawaing pangangaral sa Uganda! Iniwan nila ang kanilang maalwang pamumuhay kapalit ng kagalakang makita ang pagbabagong-buhay ng mga taong mapagpakumbabang tumanggap ng mabuting balita. Damang-dama ng kanilang pamilya ang Kristiyanong pag-ibig ng mga kapatid doon na nakakahalubilo nila at nakakasama sa pagsamba.

“Hanga kami sa kabaitan at kapakumbabaan ng mga taga-Uganda,” ang sabi ni Tom Cooke. “Napakalaking pribilehiyo na makatulong sa pagsulong ng kongregasyon.”

Tungkol sa paglipat nila, sinabi ni Tom: “Iyon ang pinakamagandang kapaligirang puwedeng kamulatan ng mga anak ko para matuto silang maglingkod kay Jehova. Nakita namin ang mahusay na halimbawa ng mga kapatid mula sa iba’t ibang bansa, nasiyahan kami sa pakikipagsamahan sa tapat at maibiging mga kapatid sa Uganda, nagkaroon kami ng mga pribilehiyo sa paglilingkod, malaya kami sa impluwensiya ng TV, at napalilibutan kami ng kagandahan ng Aprika. Ilan lamang ito sa mga pagpapalang naranasan namin.”

Ang mga kapatid na ito na naglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan ay talagang may pagpapahalaga sa kapatirang Kristiyano. Sa katunayan, bumibiyahe sila patungong Kenya, sakay ng bus o tren, para dumalo sa mga pansirkitong asamblea. Papunta pa lang doon ay mga 750 kilometro na!

Mas malayo pa ang biyahe kapag panahon ng pandistritong kombensiyon. Halimbawa noong 1961, ang mga delegado mula sa Uganda at Kenya ay dumalo sa pandistritong kombensiyon sa Kitwe, Hilagang Rhodesia (Zambia). “Apat na araw itong paglalakbay nang mahigit 1,600 kilometro sa napakalubak na mga daan sa Tanganyika (Tanzania),” ang sabi ng isang delegado, “at apat na araw ulit sa napakainit at maalikabok na sabana pabalik sa Uganda. Hindi biro ang biyahe, pero napakasayang makasama ang mga kapatid.” Malaking sakripisyo ang biyaheng iyon, pero malaking pagpapala naman ito sa espirituwal!

MAHALAGANG GAWAIN NG MGA MISYONERO

Noong 1962, nakalaya ang Uganda mula sa Britanya. Nang sumunod na taon, bumisita si Brother Henschel sa Nairobi, Kenya at sinabi na posibleng magpadala ng mga misyonero sa Uganda. Sino kaya ang ipadadala?

Kararating pa lang sa Nairobi ng mga misyonerong sina Tom at Bethel McLain, nagtapos sa ika-37 klase ng Gilead. Nagulat sila nang malaman nilang ililipat sila sa Kampala! Pero tinanggap nila ang atas at naging unang mga misyonero sa Uganda. “Noong una, hinahanap-hanap namin ang Kenya,” ang sabi ni Tom, “pero di-nagtagal, nagustuhan na namin ang Uganda. Palakaibigan kasi ang mga tao at nakikinig sila.”

Natututo na sana sina Tom at Bethel ng wikang Swahili sa Kenya, pero ngayon, kailangan na naman nilang mag-aral ng panibagong wika—Luganda. Bagaman aklat lamang ang maaasahan nila dahil wala silang guro, nagpursigi silang matuto at nagtiwala kay Jehova. Sa unang buwan nila sa Uganda, gumugol sila ng 250 oras sa pag-aaral ng Luganda, at 150 oras sa ikalawang buwan. Hindi pa kasama diyan ang 100 oras nila sa larangan. Di-nagtagal, natuto silang mag-Luganda at naging mabunga ang kanilang ministeryo.

Noong Enero 1964, nakasama nina Tom at Bethel sina Gilbert at Joan Walters mula sa ika-38 klase ng Gilead. Dalawa pang mag-asawa mula sa ika-38 klase, sina Stephen at Barbara Hardy at Ron at Jenny Bicknell, ang inatasan sa kalapit na bansang Burundi. Pero nagkaproblema sila sa visa kaya ipinadala rin sila sa Uganda. Aba, kailangan na ng isa pang bahay para sa mga misyonero!

Hindi malilimutan ang kongregasyon sa Kampala. Nandoon si Brother Kadu at ang kaniyang pamilya; sina John at Eunice Bwali, mag-asawang special pioneer mula sa Hilagang Rhodesia, at ang kanilang mga anak; pati si Margaret Nyende at ang kaniyang maliliit na anak. Sinabi ni Gilbert Walters: “Kahit na kakaunti kami, kitang-kita at dinig na dinig kami ng mga dumadaan. Nangingibabaw ang tinig ng pamilya Bwali sa pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian at bigay na bigay sila kahit walang musika. Talaga napatibay kami.”

Nang maglaon, inatasan sina Gilbert at Joan Walters para magsaayos ng tahanan ng mga misyonero sa Jinja, kung saan hindi pa naoorganisa ang pangangaral. Di-nagtagal, nagkaroon ng dalawa pang tahanan ng mga misyonero—isa sa Mbale, malapit sa border ng Kenya, at isa sa Mbarara. Kasama ng mga misyonero sa gawain ang mga special pioneer mula sa iba’t ibang bansa. Ang bukirin ay talagang “mapuputi na para sa pag-aani.” (Juan 4:35) Pero paano kaya mapapabilis ang pag-aani?

PINAHUSAY NA PAG-OORGANISA

Sinikap ng buong-panahong mga lingkod sa Uganda na makubrehan ang napakalaki nilang teritoryo sa sistematikong paraan hangga’t maaari. Kapag simpleng araw, nangangaral sila sa mga pabahay. Pero paano sa mga teritoryong walang pangalan ang mga kalye at walang numero ang mga bahay?

“Hinahati-hati namin ang teritoryo—isang burol, isang teritoryo,” ang sabi ni Tom McLain. “Dala-dalawa kaming gumagawa sa magkabila ng burol. Binabaybay namin ito paakyat at pababa hanggang sa magsalubong kaming apat.”

Nakatulong sa mga banyagang kapatid ang pagdami ng mga Saksing taga-Uganda dahil kabisado ng mga ito ang teritoryo at kultura doon. Natuto naman ang mga tagaroon sa malawak na karanasan ng mga banyagang kapatid. Halimbawa sa Jinja, magkasamang gumagawa sa larangan ang mga brother na taga-Uganda at ang mga misyonero. Tuwing Linggo, nagbabahay-bahay sila sa umaga, mula alas otso hanggang alas diyes. Pagkatapos, isang oras silang dadalaw-muli at saka magdaraos ng pag-aaral sa Bibliya hanggang tanghali. Sa ganitong paraan, nakinabang ang lahat sa kasanayan at pampatibay-loob ng isa’t isa.

Ang Jinja, ang ikalawang pinakamalaking bayan noon sa bansa, ay may planta ng kuryente kaya may potensiyal itong dayuhin ng mga negosyante. Naging mabunga ang pangangaral ng mga misyonero sa mataong mga istasyon ng taxi at bus. Gustung-gustong basahin ng mga biyahero sa kanilang paglalakbay ang mga literatura sa Bibliya. Kaya naihasik ang binhi ng Kaharian sa iba’t ibang probinsiya.

Nagbrodkast sa radyo ang mga kapatid para mas marami ang makarinig ng mabuting balita. May lingguhang programa sila sa istasyon ng radyong naririnig sa buong bansa na pinamagatang “Things People Are Thinking About” (Mga Bagay na Iniisip ng mga Tao). Ang programang ito ay pag-uusap ng mga tauhang sina “Mr. Robbins” at “Mr. Lee” tungkol sa napapanahong mga paksa gaya ng “Pagharap sa Krisis sa Buhay Pampamilya” at “Kung Paano Makapag-iingat sa Krimen at Karahasan.” Sinabi ng isang brother: “Medyo bago sa pandinig ang pag-uusap ng isang Amerikano at isang taga-Scotland sa isang programa sa radyo sa Aprika. Sa bahay-bahay, madalas kaming makatanggap ng komento tungkol sa programa, kaya ibig sabihin, nakatulong iyon.”

TULONG PARA SA BAGONG MGA MANGANGARAL

Ginaganap noon ng grupo sa Jinja ang kanilang pagpupulong sa community center ng Walukuba. “Baguhan ang karamihan sa mga kapatid,” ang sabi ni Tom Cooke, “at kakaunti lang ang publikasyon nila para sa paghahanda ng bahagi sa pulong.” Ano kaya ang puwedeng gawin?

“Ang mga misyonero ay naglagay ng aklatan sa bahay ng isang brother na nakatira sa gitna ng komunidad,” ang sabi ni Tom. “Tuwing Lunes ng gabi, pumupunta roon ang mga kapatid para makakuha ng reperensiya at magpatulong sa kanilang bahagi.” May mga kongregasyon na ngayon sa Jinja at mabunga pa rin ang kanilang pangangaral at paggawa ng mga alagad.

MALAKI ANG NAGAWA NG NAGLALAKBAY NA MGA TAGAPANGASIWA

Noong Setyembre 1963, pinangasiwaan na ng bagong-tatag na sangay sa Kenya ang gawain sa Uganda. Inatasan sina William at Muriel Nisbet na dalawin ang Uganda bilang bahagi ng kanilang sirkito, habang nakabase sila sa Nairobi. Tinularan ni William ang kaniyang mga kuya, sina Robert at George, na nangaral sa Uganda mga 30 taon na ang nakalilipas. Minsan pa, may masisigasig na Nisbet na namang tumulong sa mga kapatid.

Dumarami ang mga interesado, nadaragdagan ang mga grupo, at nagkakaroon ng mga kapatid sa iba’t ibang lugar. Kaya malaking tulong ang regular na pagdalaw ng mga naglalakbay na tagapangasiwa sa pagsasanay at pagpapatibay sa mga kapatid na nasa malayo, at sa pagtiyak sa kanila na “ang mga mata ni Jehova ay nasa mga matuwid.”—1 Ped. 3:12.

Noong 1965, dinalaw nina Stephen at Barbara Hardy ang mga kongregasyon sa sirkito mula sa Uganda hanggang sa Seychelles, mga isla na 2,600 kilometro ang layo sa Karagatang Indian. Minsan, “sinuyod” nila ang Uganda para malaman kung saan mas magiging mabunga ang mga payunir. Pinahiram sila ng sangay sa Kenya ng van na nagsilbi ring tirahan nila sa kanilang anim-na-linggong paglalakbay sa Uganda. Dinalaw nila ang mga bayan ng Masaka, Mbarara, Kabale, Masindi, Hoima, Fort Portal, Arua, Gulu, Lira, at Soroti.

“Napakasaya ng biyaheng iyon,” ang sabi ni Brother Hardy, “at ang sarap mangaral. Palakaibigan ang lahat, pati na ang mga opisyal ng gobyerno. Madalas nga kapag nakikipag-usap kami sa may-bahay, nauuwi ito sa ‘pahayag pangmadla,’ nakikinig na rin kasi pati ang mga kapitbahay at dumaraan. Kahit sa mga lugar na akala nami’y walang gaanong tao, mayamaya lang ay naglalapitan na sila—nakangiti at pakiramdam nila’y bisita nila kami. Ubos agad ang mga literatura. Nakapagpasakamay kami ng mga 500 aklat at maraming suskripsiyon ng Ang Bantayan at Gumising!”

Ang pagiging palakaibigan, mausisa, at relihiyoso ng mga taga-Uganda ay nagpapahiwatig na napakalaki ng potensiyal para sa espirituwal na pagsulong sa bansang ito. Higit sa lahat, nakita ng mag-asawang Hardy kung paano pinagpala ni Jehova ang gawain sa mabungang lupaing ito.

SI JEHOVA ANG NAGPAPALAGO

Isang napakahalagang pangyayari para sa bayan ni Jehova sa Uganda ang naganap noong Agosto 12, 1965. Nairehistro ang International Bible Students Association at legal na kinilala ang gawaing pangangaral sa Uganda. Sina George Mayende, Peter at Esther Gyabi, at Ida Ssali ay kabilang sa tapat na mga Saksing tagaroon noong dekada ng 1960. Pagsapit ng 1969, sa walong milyong populasyon ng Uganda, may 75 mamamahayag. Kaya ang bawat Saksi ay may katumbas na mahigit 100,000 katao. Noong 1970, ang bilang ng mga mamamahayag ay naging 97, at 128 naman noong 1971. Pagtuntong ng 1972, mayroon nang 162 aktibong mga Saksi ni Jehova sa Uganda.

Alam ng mga kapatid na bagaman tuluy-tuloy ang kanilang pagsulong, ang lakas nila ay wala sa kanilang dami kundi sa ‘Diyos na nagpapalago nito.’ (1 Cor. 3:7) Pero ang hindi nila alam, magkakaroon ng malaking pagbabago sa kanilang buhay pagsapit ng dekadang iyon ng 1970. Masusubok nang husto ang kanilang pananampalataya. Matapos ang kudetang inilunsad ni Heneral Idi Amin noong 1971, isang diktadura ang bumangon at naghasik ng lagim sa milyun-milyon at kumitil sa buhay ng libu-libo. Kabi-kabila ang labanan sa pagitan ng gobyerno at ng mga partidong kontra sa bagong rehimen. Paminsan-minsan, isinasara ang mga border. Nagkaroon ng mga curfew. Basta na lang nawawala ang mga tao. Minamanmanan ang iba. Ano kaya ang gagawin ng mga kapatid natin sa Uganda sa gitna ng labanan, pananakot, at karahasan?

“PAMAMAHALA NG DIYOS” O PAMAMAHALA NG TAO?

Nang panahon ding iyon, isinasaplanong ganapin sa Kampala ang “Pamamahala ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon para sa taóng 1972, ang kauna-unahan sa Uganda. Ang mga delegado ay manggagaling sa Kenya, Tanzania, at sa malayong Etiopia. Paano nila makakayanan ang walang-patid na tensiyon, lumalalang alitan sa pulitika, hidwaan ng mga tribo, at peligrosong pagtawid sa mga border? Itutuloy pa kaya nila ang kombensiyon? Idinalangin nila ito kay Jehova at hiniling din na patnubayan ang mga delegado.

Habang tumatawid sa border, nasasalubong ng mga delegado ang maraming taong lumilikas, kaya parang hindi ligtas na tumuloy. Karamihan ay lumilikas dahil pinaaalis ng gobyerno ang lahat ng mga Asianong hindi mamamayan ng Uganda—pangunahin na ang mga taga-India at Pakistan. Marami, kabilang na ang mga banyagang guro, ay lumilikas na rin dahil sa takot na sila na ang susunod na paaalisin. Sa kabila nito, tumuloy pa rin ang mga delegado. Ano kaya ang daratnan nila sa lunsod na punung-puno ng tensiyon?

Takang-taka ang mga delegado dahil mapayapa sa Kampala nang dumating sila, at inaabangan na sila ng mga interesado at mga kapatid sa lugar ng kombensiyon. Nagulat din sila nang malaman nilang pinayagan ng mga awtoridad na ikabit sa pinakamataong kalye sa Kampala ang malaking baner na nagpapakita ng petsa at lokasyon ng kombensiyon. Sa kabila ng napakatinding kaguluhan, kitang-kita sa baner ang pamagat ng pahayag pangmadla: “Pamamahala ng Diyos—Ang Tanging Pag-asa ng Sangkatauhan”!

Mapayapang naidaos ang kombensiyon at 937 ang pinakamataas na bilang ng dumalo. Isa itong di-malilimutang pangyayari sa kasaysayan ng dalisay na pagsamba sa Uganda. Bagaman nagkaproblema ang mga delegado sa pagtawid sa border, hindi nabawasan ang kanilang kagalakan at nakauwi sila nang ligtas. Sa kabila ng kaguluhan sa pulitika, buong-tapang na ipinakita ng bayan ni Jehova ang katapatan nila sa kanilang Soberanong Tagapamahala. At sa mapanganib na panahong iyon, ang bayan ni Jehova ay ‘pinatapang niya sa pamamagitan ng lakas.’—Awit 138:3.

Kasama sina George at Gertrude Ochola sa mga taga-Uganda na dumalo. “Iyon ang unang asambleang nadaluhan ko,” ang sabi ni Gertrude, “at doon din ako nabautismuhan!” Pero hindi pa Saksi noon si George. Mahilig siya sa soccer at mas interesado siyang pumunta sa istadyum kung may laro. Gayunman, dahil sa mabuting paggawi ng kaniyang asawa at sa pag-aaral niya mismo ng Bibliya, nagpabautismo rin siya sa Kenya noong 1975.

Sinabi ni Gertrude na isa siya sa mga unang taga-hilagang Uganda na natuto ng katotohanan. “Noong 1972, nang mabautismuhan ako,” ang sabi niya, “akala ko napakaliblib na ng lugar namin. Pero ngayon may Kingdom Hall na, tahanan ng misyonero, pati opisina para sa pagsasalin. Mas excited ako ngayon kaysa noong mga panahong nabautismuhan ako!”

“MALIGALIG NA KAPANAHUNAN”

Biglang-bigla na lang na ipinatalastas sa radyo at telebisyon noong Hunyo 8, 1973, na 12 relihiyon sa Uganda ang ipinagbabawal, kabilang na ang mga Saksi ni Jehova. Naghasik ng takot at paghihinala ang bagong rehimen, anupat pinalitaw na espiya ang mga banyaga. Napakahirap para sa mga misyonero na mangaral. Isang “maligalig na kapanahunan” ito para sa mga Saksi ni Jehova sa Uganda. (2 Tim. 4:2) Ano kaya ang mangyayari sa kanila?

Dalawang mag-asawang misyonero na ang umalis nang taóng iyon dahil hindi na sila pinayagan pang manatili sa bansa. Nang kalagitnaan ng Hulyo, ang natitirang 12 misyonero ay pinauwi na rin. Ang mga banyagang kapatid na naglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan ay nakapanatili pa nang kaunting panahon dahil sa kontrata nila sa trabaho. Pero nang sumunod na taon, lahat sila ay napilitang lumisan ng bansa.

‘MATATAG AT DI-NATITINAG’

Talagang ikinalungkot ng mga kapatid sa Uganda ang pag-alis ng mahal nilang mga kapatid. Pero sa tulong ni Jehova, nanatili silang ‘matatag at di-natitinag.’ (1 Cor. 15:58) Kitang-kita ang katapatan ng mga taga-Uganda sa reaksiyon ng may-edad nang kapatid na si Ernest Wamala. Nang malaman niyang ipinagbawal ang mga Saksi ni Jehova, sinabi niya, “Mapipigilan ba nila ang laman ng puso ko?”

Ano na ang gagawin ng mga elder sa Uganda, gaya nina George Kadu at Peter Gyabi, ngayong wala nang lahat ang mga banyagang elder? Nakatulong nang malaki ang kanilang mahusay na espirituwalidad at malawak na kaalaman sa kanilang kultura. Sinabi ni Brother Gyabi: “Para maging lingkod ni Jehova ang isang taga-Uganda, kailangan ng matinding disiplina sa sarili para matalikuran ang lahat ng kaugalian na salungat sa pamantayan ni Jehova. Lalong-lalo itong kailangan ng mga may-pananagutang brother dahil dedepende na lang sila sa mga nakasulat na tagubilin mula sa organisasyon ni Jehova.” Nakatulong sa mga elder na ito ang kanilang masinsinang personal na pag-aaral para hindi malinlang ng baluktot na pangangatuwiran ng tao. Bilang resulta, sa halip na manghina ang mga lingkod ni Jehova sa panahong iyon ng pagsubok, sumulong sila.

Samantala, lalong lumalalâ ang sitwasyon sa Uganda. Marami ang ginugulo, at takót na takót ang ilan sa militar. Laganap ang katiwalian kaya bumagsak ang ekonomiya. Naging kaawa-awa ang isang napakagandang bansa. Magiging maligaya pa rin kaya ang mga tapat na lingkod ni Jehova sa kabila ng lahat ng ito?

MASASAYANG PAGTITIPON

Sinisikap ng gobyerno na pigilan ang anumang pulitikal na pagtitipon na inaakala nilang banta sa liderato. Habang nananatiling neutral ang mga Saksi ni Jehova, patuloy silang nagtitipon para patibaying-loob ang isa’t isa bilang pagsunod sa tagubilin ng Bibliya. (Heb. 10:24, 25) Kailangan nilang maging matapang at mapamaraan para makapagpulong nang hindi napagsususpetsahan ng gobyerno. Paano nila ito magagawa?

Una, hinati nila sa maliliit na grupo ang mga kapatid para magpulong sa mga pribadong bahay. Kapag kailangang magsama-sama ang mga grupo, kunwari ay may piknik sila. Halimbawa, isang beses sa isang buwan, nagkikita-kita ang buong kongregasyon para sa isang pahayag at Pag-aaral sa Bantayan. Nag-iiskedyul sila ng piknik sa isang pampublikong parke o sa isang hardin. Naging epektibo ang taktikang ito kasi likas sa mga taga-Uganda na magsama-sama. Sanay silang makakita ng mga nagpipiknik na magkakaibigan o magkakamag-anak. Patagong dinadala ng mga kapatid ang kanilang mga Bibliya at aklat, kasama ng mga gamit sa pagpipiknik at pagluluto. Pakiramdam nila ay mga Israelita sila na nagdiriwang ng kapistahan.—Deut. 16:15.

Noong panahon ng pagbabawal, ganitong taktika rin ang ginawa sa pinaikling mga pansirkitong asamblea. Sa kabila ng pagsisikap ng gobyerno na pigilan sila, nagpatuloy ang mga kapatid sa pagpupulong at pangangaral. Ang ilan ay nakadalo pa nga sa mga pandistritong kombensiyon sa Nairobi at naibahagi nila ang kanilang nakapagpapatibay na mga karanasan pag-uwi nila.

‘MAINGAT NA GAYA NG MGA SERPIYENTE GAYUNMA’Y WALANG MUWANG NA GAYA NG MGA KALAPATI’

Naniniwala ang mga tagapangasiwa na kung sila ay magiging ‘maingat na gaya ng mga serpiyente at gayunma’y walang muwang na gaya ng mga kalapati,’ hindi gaanong ipagbabawal ang teokratikong mga gawain. (Mat. 10:16) Kaya maingat na nagpatuloy ang mga special pioneer sa kanilang atas, gayundin ang mga mamamahayag.

Siyempre, may mga hindi natutuwa sa pagkatok ng mga Saksi ni Jehova. Isang araw, noong kalagitnaan ng dekada ng 1970, kasama ni Peter Gyabi si Fred Nyende sa ministeryo. Sanggol pa lang si Fred nang matuto ng katotohanan ang kaniyang ina noong 1962. At bilang tin-edyer, masusubok ngayon ang kaniyang katapatan.

Isang galít na galít na may-bahay—isa palang pulis na hindi nakauniporme—ang nakakilala na sila ay mga Saksi ni Jehova. Inaresto niya sila at pilit na isinakay sa kaniyang sasakyan. Kinabahan sila kasi napakarami nang inaresto na hindi na ulit nakita. Marami rin ang naging biktima ng torture nang walang kadahi-dahilan. Habang papunta sa presinto, nanalangin sina Peter at Fred kay Jehova na sana ay makapanatili silang kalmado at tapat. Dinala sila ng pulis sa kaniyang hepe, inakusahan, at pinagtatanong. Pero naging totoo kina Peter at Fred ang Kawikaan 25:15: “Dahil sa pagkamatiisin ay nagaganyak ang kumandante, at ang mahinahong dila ay nakababali ng buto.” Wala namang literal na nabalian ng buto nang hapong iyon. Mahinahon at magalang na naipaliwanag ni Peter na masunurin tayo sa batas at namumuhay tayo ayon sa mga turo ng Bibliya, kaya naituwid ang maling akala ng hepe. Ano ang naging resulta?

Pinalaya ng hepe sina Peter at Fred at inutusan pa ang pulis na umaresto sa kanila na ihatid sila sa teritoryo. Pahiyang-pahiya ang pulis at walang nagawa kundi ihatid sila. Ang laki ng pasasalamat ng dalawang brother kay Jehova!

Hindi naman lahat ng engkuwentro sa pulis ay naging gayon kahirap. Halimbawa, si Emmanuel Kyamiza at ang kaniyang asawa ay patagong nagdaraos ng mga pulong sa kanilang bahay sa Entebbe kasama ang kanilang pamilya at ilang interesado. Binabagu-bago rin ni Emmanuel ang lugar kung saan siya nagba-Bible study para hindi sila masundan ng mga pulis. Akala ni Emmanuel ay naiisahan na niya ang mga pulis. Pero isang araw, pagkatapos niyang mag-Bible study sa Entebbe Botanical Gardens, may paparating na pulis kaya mabilis niyang itinago ang kaniyang mga aklat. “Huwag mo nang itago ’yan.” ang sabi ng pulis. “Bistado ka na namin. Alam naming Saksi ni Jehova ka, at alam din namin kung saan kayo nagmi-meeting. Kung gugustuhin namin, matagal na kayong arestado. Pero sige lang, tuloy n’yo lang ’yan.” At iyon mismo ang patuloy na ginawa ni Emmanuel!

Nang magretiro si Emmanuel sa trabaho at bumalik sa kanilang nayon, inusig siya at tinuya. Gaya ni Jesus, ‘winalang-dangal siya sa kaniyang sariling teritoryo.’ (Mar. 6:4) Gayunman, kahit noong mga 70 anyos na siya, patuloy pa rin siyang ‘umunlad sa panahon ng pagiging may-uban,’ at nakapagbibisikleta nang halos 60 kilometro balikan, papunta at pauwi galing sa pulong. (Awit 92:14) Ngayon, kahit malapit na siyang mag-90 at hindi na nakapagbibisikleta gaya nang dati, tapat pa rin siyang naglilingkod bilang isang ministeryal na lingkod.

MATIISING MGA PAYUNIR

Kahit na mahirap ang sitwasyon, may mga nakapagpapayunir pa rin. Isa sa masisigasig na payunir noon si James Luwerekera, isang surveyor ng gobyerno na nabautismuhan noong 1974. Di-nagtagal matapos siyang mabautismuhan, umuwi siya sa kanilang nayon para magsaka at makapangaral sa mga tagaroon. Nag-aral din ng Bibliya ang kaniyang asawa, pero nang maglaon, sinasalansang na nito si James.

Halimbawa, isang umaga habang madilim pa, bumiyahe si James kasama ng ilang brother para dumalo ng pandistritong kombensiyon sa Nairobi. Nang pahintuin sila sa isang checkpoint, napansin ng mga brother na may kakaiba sa suot ni James—hindi magkaterno at hindi sukát sa kaniya ang suot niya. Pabiro niyang sinabi na dahil madilim pa at sa kamamadali niya, basta na lang siya dumampot ng damit. Pero nang kulitin siya ng kaniyang mga kaibigan, inamin niyang itinago ng misis niya ang kaniyang mga damit na pampulong para hindi siya makadalo sa kombensiyon. Kaya kahit ano na lang ang isinuot niya. Pinahiram nila si James ng damit kaya okey na ang suot niya pagdating nila sa kombensiyon.

Hindi naman laging ganoon katindi ang pagsalansang ng pamilya at mga kapitbahay ni James, pero tumagal din ito nang ilang taon. Ang lahat ng iyon ay pinagtiisan ni James at nanatili siyang tapat hanggang sa mamatay siya noong 2005. Ang kaniyang tapat na halimbawa ay hindi malilimutan ng mga kapatid, lalo na ng Diyos na Jehova.

“ISANG KAPATID NA IPINANGANGANAK KAPAG MAY KABAGABAGAN”

“Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” (Kaw. 17:17) Pinatunayan iyan ng mga kapatid sa Kenya nang tulungan nila ang mga Saksi sa Uganda na naapektuhan ng hirap at kaguluhan noong dekada ng 1970. Matibay na pananampalataya ang kailangan ng mga naglalakbay na tagapangasiwa at mga kinatawan ng sangay para makatawid sa border patungong Uganda at masuportahan at mapatibay ang kanilang mga kapatid.

Sumiklab na naman ang gulo sa pulitika noong 1978 nang lusubin ng isang paksiyon ng hukbo ng Uganda ang Tanzania. Gumanti ang Tanzania at pinabagsak ang gobyerno ng Uganda noong Abril 1979. Napilitang tumakas ang kinatatakutang diktador ng Uganda na si Idi Amin at mula noon, maraming nagbago sa Uganda. “Nawala ang ban nang mawala si Amin,” ang sabi ng isang brother. Iniulat ng Uganda Times: “Mga Misyonero—Puwede Nang Bumalik.” Muli na namang nagkaroon ng kalayaan ang bayan ni Jehova!

“PATAYIN MAN NILA ’KO, PUPUNTA PA RIN AKO”

Bagaman nakalaya sila sa kuko ng diktador, nalimas naman ang kabuhayan ng Uganda. Palibhasa’y wala pang namamahala, naging talamak ang nakawan at karahasan. Pero ipinadala agad ng sangay sa Kenya sina Günter Reschke at Stanley Makumba sa Uganda at nagsaayos sila ng mga pansirkitong asamblea.

“Dalawang linggo bago ang nakaiskedyul naming pagdalaw, nagturo muna kami sa Pioneer Service School sa Meru, malapit sa Bundok Kenya,” ang sabi ni Günter. “Madalas madiyaryo noon ang mga patayan sa Kampala, lalo na kung gabi. Pagkabasa ko ng isang balita, nasabi ko: ‘At dito ako pupunta sa susunod na linggo!’ Pero naisip ko, ‘Gagayahin ko ba si Jonas na tinakasan ang kaniyang atas?’ Tinatagan ko ang aking loob at sinabi ko, ‘Patayin man nila ’ko, pupunta pa rin ako. Hindi ko gagayahin si Jonas.’”

Tumuloy sina Stanley at Günter. Bumisita si Stanley sa mga kongregasyon sa maliliit na nayon. Si Günter naman ay sa malalaking bayan. “Nang matapos ang digmaan, maraming kailangang iorganisa,” ang sabi nila. “Mga 113 lamang ang aktibong mamamahayag sa Uganda noon. Masaya ang mga kapatid dahil malaya na naman silang nakapag-asamblea at 241 ang dumalo.” Naapak-apakan man ang binhi ng katotohanan, tumubo pa rin ito at nagbunga.

MAPANGANIB NA PANAHON

Isang gabi sa Mbale, malapit sa silangang border ng Uganda, ipinarada nina Günter at Stanley ang kanilang kotse sa harap ng bahay na kanilang tinutuluyan. Nang gabing iyon, narinig nilang binabaklas ng mga magnanakaw ang kotse. Sisigawan na sana ni Günter ang mga magnanakaw pero naalaala niyang kailan lang, binaril at napatay ng mga magnanakaw ang nagtangkang pumigil sa kanila. Napag-isip-isip ni Günter na mas mahalaga ang buhay kaysa sa kotse kaya nanahimik na lang siya. Kinaumagahan, nakita nilang wala na ang dalawang gulong at windshield ng kotse. Inireport nila ito sa pulis at sinabihan silang, “Kunin n’yo na ’yung kotse n’yo dun, baka balikan pa ’yun ng mga magnanakaw!”

Para makarating sa Kampala, pinalitan nila ng reserba at ng isang hiniram na gulong, na may singaw, ang dalawang ninakaw na gulong. Ganoon na lang ang panalangin nila na huwag sanang bumigay ang mga ito sa biyahe. Pero may isa pang problema—kailangan nila itong isauli sa loob ng dalawang araw! At wala silang windshield kaya nagtalukbong na lang ng kumot si Günter at nagsumbrero si Stanley bilang proteksiyon sa hangin at ulan, habang binabagtas ang 250-kilometrong biyaheng iyon.

Sabihin pa, dadaan sila sa isang liblib na lugar na balitang-balita sa nakawan. Kaya ang bilin sa kanila ng tinuluyan nila, “Bilisan ninyo, at huwag kayong magpapa-overtake.” Nakahinga nang maluwag ang dalawang brother na ito nang ligtas silang makarating sa Kampala. Mas maaga pa nga sila kaysa inaasahan, kaya nakapaghanap pa sila ng magsasauli ng gulong sa Mbale.

MGA BAGONG HAMON AT OPORTUNIDAD

Noong 1980, habang bumibisita sa punong tanggapan sa Brooklyn, New York, inanyayahan si Günter na mag-ulat sa pamilyang Bethel tungkol sa pagsulong ng gawain sa Uganda. Pagkatapos, sinabi ng Lupong Tagapamahala na gusto nilang makapagpadala ulit ng mga misyonero sa Uganda. Sumang-ayon ang lahat na panahon na nga para muling pasiglahin ang gawain ng mga misyonero doon. Puwede na ulit magsaayos ng malalaking pagtitipon. At pagpasok ng 1981, mayroon nang 175 mamamahayag sa Uganda. Sa katunayan, noong Hulyo ng taóng iyon, laking tuwa ng mga kapatid na nagkaroon sila ng bagong peak na 206 na mamamahayag.

Samantala, ang mga natirang sandata na ginamit sa labanan sa nakaraang sampung taon ay napunta sa kamay ng masasamang tao. Kabi-kabila ang barilan at nakawan. Kaya talagang maingat ang mga kapatid at hindi sila nagpapaabot ng dilim sa kanilang pangangaral at iba pang gawain. Nakapamahagi sila ng nakaaaliw na mga literatura sa Bibliya sa buong teritoryo, at may average na 12.5 magasin ang naipasakamay nila noong Hulyo ng 1981. Kahit mapanganib, malaki pa rin ang potensiyal para sa pagsulong.

ANG PAGBABALIK NG MGA MISYONERO

Noong Setyembre 1982, dumating sa Kampala mula Kenya sina Jeffrey Welch at Ari Palviainen, mga nagsipagtapos sa Gilead. Kasisimula pa lang nina Jeff at Ari sa pangangaral, tuwang-tuwa na sila sa resulta. “Uháw na uháw ang mga tao sa espirituwal, at sa ganda ng mga paksa ng ating mga magasin, napakadaling ialok ng mga ito,” ang sabi ni Jeff.

Pagsapit ng Disyembre, dumating naman sina Heinz at Marianne Wertholz, nagsipagtapos sa Gilead Extension School sa Wiesbaden, Alemanya, para samahan sina Jeff at Ari. Humanga ang mag-asawang Wertholz sa kasigasigan ng mga kapatid sa Uganda sa kabila ng panganib at hirap na kanilang pinagdaraanan.

“Marami ang napinsala,” ang sabi ni Heinz, “gaya ng suplay ng tubig at sistema ng komunikasyon. Hindi pa rin humuhupa ang gulo sa pulitika. Hindi lang minsan nagkaroon ng banta ng kudeta, at maraming checkpoint. Karaniwan na lang ang barilan at nakawan, lalo na kung gabi. Pagkagat ng dilim, wala ka nang makikitang tao sa kalye. Nasa bahay na lang ang mga tao—umaasa at nananalangin na sana’y walang mangyaring masama sa kanila sa magdamag.”

Pinatuloy ni Sam Waiswa at ng kaniyang pamilya sina Heinz at Marianne habang naghahanap pa sila ng bahay na gagawing tirahan ng mga misyonero. Dahil bagsak ang ekonomiya, maliit lang ang kita ni Sam bilang propesor. Kaya talagang kahanga-hanga ang pagiging mapagpatuloy ng pamilya niya.

“Napakahirap makakita ng bahay sa ligtas na lugar,” ang sabi ni Heinz, “kaya limang buwan kaming nakitira kina Sam. Nagkakilala kaming mabuti. Minsan, isang beses lang sa isang araw kung kumain ang malaking pamilya ni Sam, pero lagi silang masaya; masunurin at magalang ang kaniyang mga anak. Dahil may problema sa suplay ng tubig, kailangang umigib ang mga bata at sunungin ang mga container na tig-lilimang galon. Pagkagaling sa bahay-bahay, may tubig na kaming magagamit. Siyempre, natuto rin kaming magtipid. Halimbawa, kaunting tubig lang ang ginagamit naming pampaligo at sinasahod pa namin ito sa isang palanggana para ipambuhos sa inidoro.”

Noong Abril 1983, mga sampung taon mula nang mapilitang umalis ang mga misyonero sa Uganda, nakakita rin ng bahay ang apat na bagong misyonero sa isang lugar na hindi naman ganoon kadelikado. Dahil sa pag-ibig at kabaitan ng mga kapatid, hindi naging hadlang sa mga misyonero ang hirap at kaguluhan.

“Ang sarap mangaral sa mga taga-Uganda,” ang sabi ni Marianne. “Relihiyoso sila. Marami ang may Bibliya at handang makipag-usap. Palakaibigan sila at magalang. At kahit mahirap ang buhay nila, lagi silang nakangiti.”

HINDI NAGPAPIGIL ANG MGA MAY-EDAD

Maraming may-edad, na iginagalang sa Uganda, ang tumugon sa mabuting balita at naglingkod kay Jehova. Halimbawa, si Paulo Mukasa, isang dating guro, ay 89 anyos na nang matuto ng katotohanan. Palibhasa’y nasaksihan niya ang dalawang digmaang pandaigdig, pananakop sa kanilang bansa, malupit na diktadura, at iba pang kaguluhan sa pulitika, naging interesado siya sa Kaharian ng Diyos. Tuwang-tuwa siya nang malaman niyang ‘ililigtas ni Jesu-Kristo ang dukha at ang napipighati mula sa paniniil at mula sa karahasan’ sa kaniyang Mesiyanikong paghahari.—Awit 72:12, 14.

Makalipas ang dalawang taon, nang maging kuwalipikado si Paulo sa bautismo, isang bagay ang pinroblema ng mga kapatid, ‘Kakayanin pa kaya ni Lolo kung ilulubog natin siya sa tubig?’ Pero wala naman pala silang dapat ikabahala. Habang takót na takót sa tubig ang isang kabataang kandidato, ang 91-anyos namang si Paulo ay ngiting-ngiti pa nang iahon sa tubig. Bagaman medyo nalilimitahan, masigasig pa ring nangaral si Paulo sa mga bumisita sa kaniya hanggang sa kaniyang kamatayan pagkalipas ng ilang taon.

May problema din sa kalusugan ang may-edad nang si Lovinca Nakayima. Manas ang kaniyang mga binti kaya hindi siya makapaglakad nang mag-isa. Pero nang magkaroon ng panawagan na mag-auxiliary pioneer sa buwan ng Memoryal, gustong sumubok ni Lovinca. Para maabot niya ang kahilingang oras, dinadala ng mga kapatid sa bahay niya ang mga interesado na gustong mag-Bible study. Tinuruan din siya ng mga misyonero na magpatotoo sa pamamagitan ng sulat para hindi siya mahirapan. At tuwing Sabado naman, inihahatid siya ng isang elder sa mataong lugar sa Kampala kung saan makakaupo siya nang maalwan at maghapong makapagpapatotoo sa mga dumaraan. Tuwang-tuwa si Lovinca nang matapos ang buwan at sinabi niya, “Kaya ko pala, at ang saya!” Hindi lang siya isang buwang nagpayunir. Sa tulong ng mga kapatid, nakapagpayunir siya nang tuluy-tuloy sa loob ng 11 buwan!

“PAANO SASABIHIN SA . . . ?”

Noong dekada ng 1980, sunud-sunod na ang dating ng masisigasig na misyonero sa Uganda. Ang ilan sa kanila ay mga bagong graduate ng Gilead, at ang iba naman ay mga misyonerong pinaalis sa Zaire (Demokratikong Republika ng Congo ngayon). Dahil sa pagdami ng mga misyonero sa Kampala at Jinja, nakubrehan nang husto ang mataong mga teritoryo. Tuwang-tuwa ang mga misyonero dahil hinog na ang bukirin sa Uganda. Kaya ang hamon ay kung paano palalaguin ang interes ng mga taong ito.

Katatapos pa lang ni Mats Holmkvist sa Gilead, at gusto na niyang matutuhan ang wika ng mga taga-Uganda para maabot niya ang puso ng mga tao. Nang panahong iyon, isa nang special pioneer si Fred Nyende sa Entebbe. Dahil sa kasanayan niya sa pagsasalin, siya ang nagturo sa mga bagong misyonero ng Luganda na karaniwang ginagamit ng mga tao. Nakakapilipit ng dila ang wikang ito. Sa katunayan, katakut-takot na hirap ang pinagdaanan ni Mats para matutuhan ang wikang ito.

“Paano sasabihin sa Luganda ang ‘Kaharian ng Diyos’?” ang tanong ni Mats sa unang araw ng kanilang klase.

“Obwakabaka bwa Katonda,” ang walang kagatul-gatol na sagot ni Fred.

‘Ano daw?’ ang bulong ni Mats sa sarili, na sising-sisi at nagtanong pa siya. Pero natuto rin si Mats. Ngayon matatas na siyang magsalita ng Luganda.

SAGANANG PAG-AANI

Sa kabila ng kahirapan sa Uganda noong dekada ng 1980, napakaganda ng tugon ng mga tao sa pangangaral. Lumobo ang bilang ng mamamahayag nang mahigit 130 porsiyento—mula 328 noong 1986, naging 766 ito noong 1990. Mabilis na dumami ang mga grupo sa iba’t ibang lugar. Sa Kampala, dumoble ang bilang ng mga kongregasyon. Mahigit triple naman ang isinulong ng bilang ng mamamahayag sa Jinja, at mabilis na naging kongregasyon ang grupo sa Iganga.

“Sa bilis ng pagsulong,” ang sabi ng isang elder sa Jinja, “nagtataka kami kung saan nanggagaling ang mga bagong mamamahayag na ito. May panahon nga noon na halos tuwing Linggo, may kinakausap kami na gustong maging di-bautisadong mamamahayag.”

PAG-AANI SA MAS MALAKING BUKIRIN

Malaki ang papel ng mga payunir sa napakagandang pagsulong sa Uganda. Gaya ng mga unang-siglong mángangarál na sina Pablo, Silas, at Timoteo, ang mga payunir sa Uganda ay nagsilbing halimbawa na magandang tularan. (2 Tes. 3:9) Dahil malaki pa ang gawain at dahil sa mahusay na mga halimbawang ito, naudyukan ang masisigasig na mamamahayag na palawakin pa ang kanilang ministeryo. Bata o matanda, may asawa o wala, lalaki o babae, at kahit yaong may binubuhay na pamilya ay nagpayunir. Sa katamtaman, mahigit 25 porsiyento ng lahat ng mamamahayag ay nakapagpayunir noong huling mga taon ng dekada ng 1980. Hanggang ngayon, payunir pa rin ang ilan sa kanila.

Sinuportahan ng mga payunir ang taunang espesyal na gawaing pangangaral na tinawag nilang kampanya sa “Macedonia.” (Gawa 16:9, 10) Maraming taon nilang ginawa ito. Nangangaral ang mga kongregasyon nang hanggang tatlong buwan sa mga teritoryong hindi pa napangangaralan o bihirang magawa. Inatasan din ang ilang regular payunir bilang mga pansamantalang special pioneer sa mga teritoryong malaki ang pangangailangan. Nakakatuwa ang naging resulta—maraming nabuong grupo at kongregasyon! Pinahalagahan ng marami ang mga kampanyang ito dahil dito sila natuto ng katotohanan.

Sa isa sa mga kampanyang ito, nangaral ang mga misyonerong sina Peter Abramow at Michael Reiss sa bayan ng Kabale. Nakausap nila si Margaret Tofayo. Dati siyang nag-aaral ng Bibliya at alam niyang iyon na ang katotohanan. Sa katunayan, ibinabahagi na niya ito sa iba. Ibinigay ng mga misyonero sa kaniya ang kaisa-isa nilang aklat na Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan para may magamit siya sa pangangaral. Noong huling dalaw ng mga brother kay Margaret bago sila umalis, sinorpresa niya sila ng isang masarap na pagkain. Hindi nila akalaing ipaghahanda sila ni Margaret nang ganoon. Nahiya sila dahil niluto niya ang kaisa-isa niyang manok. Alam nilang ang itlog ng manok na iyon ay pandagdag sa kakarampot na pagkain ng pamilya ni Margaret. “Huwag kayong mahiya, kain lang kayo,” ang sabi niya, “di-hamak na mas malaki ang naibigay ninyo sa akin kaysa diyan.” Nang maglaon, nabautismuhan si Margaret at masigasig na naglingkod hanggang noong mamatay siya.

Nakatulong din sa mabilis na pagsulong ang epektibong paggamit ng mga kapatid sa magaganda nating publikasyon. “Bagaman sinisikap naming maging mahuhusay na guro,” ang sabi ni Mats, binanggit kanina, “ang Bibliya at ang mga publikasyon ang talagang nakapagpakilos sa mga tao na magbagong-buhay. Palibhasa’y uhaw sa katotohanan, kahit nga ’yung mga hindi masyadong marunong bumasa ay natulungan ng ating mga brosyur.”

PAGDAIG SA MGA BALAKID

Ang sunud-sunod na pagsulong noong mga huling taon ng dekada ng 1980 ay may kasama ring mga hamon. Nagkaroon uli ng kudeta noong Hulyo 1985 at naagaw ng militar ang gobyerno. Tumindi na naman ang gulo pati ang labanan ng mga gerilya at ng mga sundalo. Binalingan ng mga talunang sundalo ang taong-bayan—pinagnakawan at basta na lang pinagbabaril ang mga ito. Panay ang nakawan at barilan. May panahon na naging mainit ang labanan sa Jinja, kung saan nakatira ang mga misyonero. Isang araw, pinasok ng mga sundalo ang kanilang bahay. Pero nang malaman ng mga ito na Saksi sila, walang sinira ang mga sundalo at kakaunti lang ang tinangay nila. At noong Enero 1986, isang bagong rehimen ang sumubok na isauli ang kapayapaan sa bansa.

Di-nagtagal, isang malupit na kalaban ang kailangang harapin ng bagong gobyerno—ang AIDS. Nang lumitaw ang AIDS noong dekada ng 1980, isa ang Uganda sa napuruhan. Tinatayang isang milyon ang namatay, malamang na mas marami kaysa sa mga namatay sa 15-taóng kaguluhan sa pulitika at gera sibil. Paano nakaapekto sa mga kapatid ang sakit na ito?

“Napakasigla at napakasigasig ng ilang bagong kapatid,” ang sabi ng regular pioneer na si Washington Ssentongo, “pero nakalulungkot at naging biktima sila ng AIDS. Positibo na sila sa HIV bago pa sila napunta sa katotohanan.” Nahawahan naman ang iba ng kanilang di-sumasampalatayang asawa.

“Halos buwan-buwan, may mababalitaan kaming kakilala o kaibigan naming namatay,” ang sabi ni Washington, “at walang pamilya na hindi namamatayan. Napakarami ring pamahiin tungkol sa AIDS. Marami ang naniniwala na ang mga nagka-AIDS ay kinulam o isinumpa. Natakot tuloy ang mga tao at nagkaroon ng kung anu-anong maling akala at pilipit na mga pangangatuwiran.” Gayunman, pinalakas ng mga kapatid ang isa’t isa sa pamamagitan ng pag-asang pagkabuhay-muli at ipinadama ang kanilang tunay na pag-ibig Kristiyano.

Sa pagtatapos ng dekada ng 1980, waring bumubuti ang sitwasyon sa Uganda. Medyo payapa na ang bansa at nakakabangon na ang ekonomiya. Sumulong ang imprastraktura. Ipinatupad ang mga dating programang panlipunan at binago naman ang ilan.

Habang bumabaling ang mga tao sa pulitika, napag-iinitan naman ang pagiging neutral ng mga Saksi ni Jehova. Minsan, basta-basta na lang ipinahinto ng mga awtoridad ang pagtatayo ng isang Kingdom Hall. Hindi pinayagan na maidaos ang ilang asamblea, at napilitang umalis ng bansa ang ilang misyonero nang mapasó ang kanilang permit. Sa pagtatapos ng 1991, dalawang misyonero na lang ang natira. Paano na kaya?

Nang maglaon, inatasan ang ilang kapatid na magpaliwanag sa mga awtoridad hinggil sa ating neutralidad. Nang maintindihan ng mga awtoridad ang ating panig, pinayagang makabalik sa Uganda ang mga misyonero. Sumulong ang gawain, at noong 1993, nakapag-ulat ang Uganda ng 1,000 mamamahayag. At makalipas lamang ang limang taon, may 2,000 nang tagapaghayag ng Kaharian. Sa kasalukuyan, mga 40 misyonero ang nasa bansa.

NAKATULONG NANG MALAKI ANG PAGSASALIN

Ginagamit ang wikang Ingles sa buong bansa. Pero Luganda ang salita ng karamihan, at mahigit 30 wika ang ginagamit ng iba’t ibang etnikong grupo. Kaya malaking tulong ang pagsasalin sa mabilis na pagsulong ng gawain.

“Bagaman aktibong Saksi si Nanay,” ang sabi ni Fred Nyende, “mas nakikinabang siya sa mga pulong kapag isinasalin ko sa Luganda ang mga araling artikulo sa Ingles. Wala akong kamalay-malay na praktis na pala iyon para sa mas totohanang pagsasalin.” Ano ang ibig sabihin ni Fred?

Di-nagtagal nang magpayunir si Fred noong 1984, inatasan siyang magturo ng Luganda sa mga misyonero. Nang sumunod na taon, inanyayahan siyang maging isa sa mga tagapagsalin sa wikang Luganda. Noong una, sa kani-kaniyang bahay nila ginagawa ang pagsasalin sa kanilang libreng panahon. Nang maglaon, buong panahon na silang nagsasalin at sama-sama na sa isang maliit na kuwartong nakadugtong sa bahay ng mga misyonero. Noon pa mang kalagitnaan ng dekada ng 1970, kahit may pagbabawal ay mayroon nang ilang isyu ng Ang Bantayan na naisalin sa Luganda at naimprenta sa mimyograp. Pero natigil ito. Taóng 1987 lang muling nailathala sa wikang Luganda Ang Bantayan. Mula noon, lumaki ang grupo ng mga tagapagsalin, at sinikap nilang maisalin ang mas marami pang publikasyon para sa dumaraming kongregasyon na gumagamit ng wikang Luganda. Sa ngayon, halos kalahati ng bilang ng kongregasyon sa bansa ay gumagamit ng Luganda.

Sa kalaunan, naisalin din sa iba pang wika sa Uganda ang ating mga publikasyon. Mayroon nang permanenteng buong-panahong grupo ng mga tagapagsalin sa wikang Acholi, Lhukonzo, at Runyankore. Bukod diyan, may mga publikasyon ding isinalin sa wikang Ateso, Lugbara, Madi, at Rutoro.

Ang mga tagapagsalin sa Acholi ay nasa isang opisina sa Gulu, at ang grupo naman para sa wikang Runyankore ay nasa Mbarara kung saan karaniwang ginagamit ang mga wikang ito. Bunga nito, mas natural at madaling maintindihan ang kanilang mga salin. Gayundin, nasusuportahan nila ang mga kongregasyon doon.

Siyempre, hindi madaling trabaho ang pagsasalin at kailangan din ng pondo. Ang masisipag na tagapagsalin sa Uganda, pati na ang iba pang grupo ng mga tagapagsalin sa buong mundo, ay natulungan ng pagsasanay sa pag-unawa sa wikang Ingles at sa mga teknik sa pagsasalin. Sulit ang pagod at gastos! Dumaraming taga-Uganda, mula sa “mga tribo at mga bayan at mga wika,” ang nakikinabang mula sa mga katotohanan sa Bibliya na nababasa nila sa kanilang sariling wika. (Apoc. 7:9, 10) Kaya naman noong 2003, mahigit nang 3,000 ang mángangarál ng Kaharian sa Uganda. At noong 2006, makalipas lamang ang tatlong taon, umabot na ito sa 4,005.

KAILANGAN NG MAS MARAMING KINGDOM HALL

Noon, ang mga kapatid ay nagpupulong lamang sa mga bahay, community center, at mga silid-aralan. Sa mga probinsiya ng Namaingo at Rusese, ang Kingdom Hall noon ay gawa sa adobe at pawid. Pinagpala ang pagsisikap ng mga kapatid sa mga lugar na ito, at naging masulong ang mga kongregasyon dito.

Gayunman, magastos magpagawa ng kahit na isang simpleng gusali sa kabayanan, at sa hirap ng buhay sa Uganda, tila imposibleng makapagtayo sila ng mga Kingdom Hall. Noon lang Marso 1988 nagkaroon ng unang permanente at inialay na Kingdom Hall sa Jinja. Napakalaking trabaho nito. Sila ang pumutol ng mga puno sa gubat, nagbiyahe ng mga ito sa mapuputik na daan, at nagtayo ng Kingdom Hall! Di-nagtagal, nagtayo rin ng Kingdom Hall ang mga kapatid sa Mbale, Kampala, at Tororo—sa sarili nilang sikap.

Bumilis nang husto ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall noong 1999. Isang grupo ng mga tagapagtayo ang binuo sa tulong ng Regional Engineering Office sa sangay sa Timog Aprika. Ang grupong ito ay binubuo ng siyam na kapatid, kabilang na ang dalawang mag-asawang international servant. Mabilis na natutuhan ng grupong ito ang trabaho, at sinanay rin nila ang mga kapatid na tagaroon. Kaya nakapagtayo sila ng 67 Kingdom Hall—bawat isa ay natatapos nila ng mga isa’t kalahating buwan. Kung tutuusin, napakabilis nito kasi kakaunti lang ang kanilang makabagong kagamitan at mahirap makakuha ng tubig at materyales sa pagtatayo.

Ngayon, karamihan sa mga kongregasyon sa Uganda ay may sarili nang Kingdom Hall. Maganda ang epekto nito sa mga interesado dahil mas gusto nilang pumunta sa isang bulwagan na sadyang para sa pagsamba. Bunga nito, parami nang parami ang dumadalo at mabilis na sumulong ang mga kongregasyon.

SUMASABAY SA MABILIS NA PAGSULONG

Sa bilis ng pagsulong, naging hamon ang paghanap ng pagdarausan ng mga asamblea at kombensiyon. Ano kaya ang magandang gawin para hindi na magbiyahe nang malayo ang mga kapatid na dadalo, lalo na ang mga tagaprobinsiya? Natuwa ang mga kapatid nang aprobahan ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall na may ekstensiyon. Kasinlaki rin ito ng karaniwang Kingdom Hall, pero may ekstensiyon ang bubong at sahig nito. Kapag may asamblea, binubuksan ang dingding sa likuran para lumaki ang bulwagan. May ganito nang bulwagan sa Kajansi, Rusese, at Lira, at ikaapat na ang itinatayo sa Seta.

Kailangan ding gumawa ng mga pagbabago sa paraan ng pag-oorganisa sa Uganda. Bago noong 1994, iisa lang ang sirkito sa buong bansa. Nang maglaon, dahil sa pagdami ng mga kongregasyon at grupo at dahil iba’t iba rin ang wikang ginagamit, nadagdagan ang mga sirkito. Sa ngayon, ang 111 kongregasyon at mga 50 grupo sa Uganda ay hinati sa walong sirkito, at tatlo sa mga ito ang gumagamit ng wikang Luganda.

Si Apollo Mukasa, isa sa mga tagapangasiwa ng sirkito sa Uganda, ay nabautismuhan noong 1972. Sa halip na magkolehiyo, pumasok siya sa buong-panahong paglilingkod noong 1980. Nagsisi ba siya?

“Wala akong pinagsisisihan,” ang sabi ni Apollo. “Nag-enjoy ako bilang special pioneer at bilang tagapangasiwa ng sirkito na dumadalaw sa mga kongregasyon at grupo noong araw. Gustung-gusto ko ang mahusay na pagsasanay na tinanggap ko sa Ministerial Training School.”

Bukod kay Apollo, mahigit 50 brother na sa Uganda ang nakapag-aral sa Ministerial Training School simula noong 1994, nang magsimula ang mga klase sa sangay sa Kenya. Malaki ang naitulong ng mga brother na ito na naglingkod bilang mga special pioneer sa maliliit na kongregasyon at mga grupo; ang iba naman ay naging mga naglalakbay na tagapangasiwa.

Noong 1995, nagkaroon ng Komite ng Bansa sa Uganda na pinangangasiwaan ng sangay sa Kenya. Ang isa sa mga bahay ng misyonero sa Kampala ay ginawang tahanan ng walong buong-panahong boluntaryo, kasama na rito ang grupo ng tagapagsalin sa Luganda. Noong Setyembre 2003, naging sangay ang Uganda.

“NASA PARAISO NA KAMI”

Nakikita ng Komite ng Bansa na lumalaki ang grupo ng mga tagapagsalin at dumarami ang trabaho. Kailangan nila ng karagdagang mga opisina. Dalawang gusali malapit sa opisina sa Kampala ang binili. Pero nang maglaon, mas malaki nang pasilidad ang kailangan. Taóng 2001 nang aprobahan ng Lupong Tagapamahala ang pagbili ng apat-na-ektaryang lupa sa Kampala, malapit sa Lawa ng Victoria, para pagtayuan ng mga bagong pasilidad ng sangay.

Noong una, tumanggi ang kompanya ng konstruksiyon na kinukuha sana ng sangay para magtayo ng ating mga gusali dahil marami silang trabaho. Pero biglang nagbago ang ihip ng hangin! Sila pa ngayon ang nag-alok ng pinakamababang presyo. Isang malaking kontrata kasi ang biglang nawala sa kanila, kaya pumayag na silang itayo kaagad ang mga pasilidad ng sangay.

Noong Enero 2006, tuwang-tuwa ang pamilyang Bethel nang lumipat sila sa kanilang bago at napakagandang tirahan na may dalawang palapag at 32 kuwarto. Nagtayo rin ng gusali para sa mga opisina, malaking dining room, kusina, at laundry. Mayroon ding planta ng wastewater treatment, bodega ng mga literatura, at mga gusali para sa pagmamantini, imbakan ng tubig, at isang generator. “Nasa paraiso na kami,” ang tuwang-tuwang sabi ng isang brother, “buhay na walang hanggan na lang ang kulang!” Inialay ang sangay noong Sabado, Enero 20, 2007, at si Anthony Morris ng Lupong Tagapamahala ang nagbigay ng pahayag.

NAGING SAGANA ANG TUNAY NA KAALAMAN

Sa nakalipas na mga dekada, mapayapa man o magulo ang sitwasyon, naranasan ng bayan ni Jehova sa Uganda kung paano ‘ipangaral ang salita sa kaayaayang kapanahunan at sa maligalig na kapanahunan.’ (2 Tim. 4:2) Noong 2008, ang 4,766 na mamamahayag ay nakapagdaos ng 11,564 na pag-aaral sa Bibliya, at 16,644 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Ipinapakita ng ulat na ito, at ng ratio na 1 mamamahayag sa bawat 6,276 na taga-Uganda, na ang bukirin ay “mapuputi na para sa pag-aani.”—Juan 4:35.

Natutuhan din ng mga kapatid natin sa Uganda na puwedeng sa isang iglap ay magbago ang mga kalagayan at dumating ang mga pagsubok. Gayunman, sa kabila ng kanilang pinagdaanan, natuto silang magtiwala kay Jehova gayundin sa kaniyang Salita pati na sa suporta ng ating pandaigdig na kapatiran.

Sinabi ng anghel sa tapat na propetang si Daniel na “sa panahon ng kawakasan . . . ang tunay na kaalaman ay sasagana.” (Dan. 12:4) Sa tulong ni Jehova, ang tunay na kaalaman ay talaga ngang nanagana sa Uganda. Walang alinlangan na sa rehiyong ito, kung saan nagmumula ang Ilog Nilo, patuloy na dadaloy nang sagana ang tubig ng katotohanan para pawiin ang pagkauhaw sa espirituwal na katotohanan. Habang patuloy na pinagpapala ni Jehova ang gawain sa buong lupa, nananabik tayo sa panahon na ang lahat ay sama-samang sisigaw ng papuri kay Jehova—magpakailanman!

[Mga talababa]

a Mababasa ang talambuhay ni Frank Smith sa Ang Bantayan ng Agosto 1, 1995, pahina 20-24. Ang ama ni Frank, si Frank W. Smith, pati na ang kaniyang tiyuhin at tiyahing sina Gray at Olga Smith ay kasama sa mga unang nangaral sa Silangang Aprika. Namatay sa malaria ang tatay ni Frank nang pauwi ito sa Cape Town, mga dalawang buwan bago isilang si Frank.

b Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na ngayon inililimbag.

[Blurb sa pahina 84]

“Medyo bago sa pandinig ang pag-uusap ng isang Amerikano at isang taga-Scotland sa isang programa sa radyo sa Aprika”

[Blurb sa pahina 92]

“Mapipigilan ba nila ang laman ng puso ko?”

[Blurb sa pahina 111]

“Paano sasabihin sa Luganda ang ‘Kaharian ng Diyos’?” “Obwakabaka bwa Katonda”

[Kahon/Larawan sa pahina 72]

Maikling Impormasyon Tungkol sa Uganda

Lupain

Sari-saring tanawin ang makikita rito—mga tropikal na kagubatan, malalawak na sabana, at sanga-sangang ilog at lawa. Narito rin ang pagkaganda-gandang Kabundukan ng Ruwenzori, na ang mga taluktok ay nababalutan ng niyebe. Ang Uganda ay may lawak na 241,551 kilometro kuwadrado. Sakop nito ang halos kalahati ng Lawa ng Victoria, ang pinakamalaking lawa sa Aprika.

Mamamayan

Mahigit 85 porsiyento ng populasyon, na binubuo ng mga 30 grupong etniko, ay nakatira sa mga lalawigan.

Wika

Luganda ang pinakakaraniwan sa 32 wika na sinasalita sa Uganda. Ingles at Swahili ang opisyal na mga wika.

Kabuhayan

Pagsasaka ang ikinabubuhay ng marami—pagtatanim ng kape, tsa, bulak, at iba pa. Ang iba naman ay nabubuhay sa pangingisda at turismo.

Pagkain

Sa timog ng bansa, karaniwang pagkain ang pinasingawang saging na saba, o matooke (nasa larawan). Nariyan din ang giniling na mais, kamote, at tinapay na gawa sa mijo o harinang kamoteng-kahoy, pati na ang iba’t ibang gulay.

Klima

Matatagpuan ang Uganda sa isang bahagi ng talampas na mga 1,500 metro ang taas sa gawing timog at mga 900 metro naman sa gawing hilaga. Ito ay tropikal na bansa na may katamtamang klima. Sa maraming lugar ay may tag-araw at tag-ulan.

[Kahon/Larawan sa pahina 77]

Naantig sa Tunay na Kristiyanong Pag-ibig

PETER GYABI

ISINILANG 1932

NABAUTISMUHAN 1965

MAIKLING TALAMBUHAY Isang elder na tumulong sa pagsasalin ng mga publikasyon noong panahon ng pagbabawal. Siya at ang kaniyang asawang si Esther ay may apat na anak.

◼ NANG dumating ang unang mga misyonerong Saksi ni Jehova sa Uganda, matindi ang pagtatangi ng lahi sa bansa, at karamihan sa mga puti ay umiiwas sa mga Aprikanong itim. Naantig kami sa tunay na Kristiyanong pag-ibig ng mga misyonero, at napamahal sila sa amin.

Noong dekada ng 1970, pumupunta kaming pamilya sa mga misyonero na nakatira sa Mbarara, mga 65 kilometro ang layo, at sumasama sa kanila sa pangangaral. Isang araw, habang nagbibiyahe papunta sa kanila, pinahinto ng mga sundalo ang aming sasakyan. “Kapag dumeretso kayo, baka mapahamak kayo,” ang sabi ng isang sundalo. Mukhang mas mabuti ngang umuwi na lang kami. Pero habang lumilipas ang mga araw, lalo kaming nag-aalala sa mga misyonero. Gusto na namin silang puntahan para malaman kung ano ang lagay nila. Napakahigpit ng seguridad, pero dahil sa posisyon ko sa ospital at sa stiker ng ospital na nakadikit sa sasakyan ko, nakalusot kami sa mga checkpoint. Tuwang-tuwa kaming malaman na ligtas ang mga misyonero! Dinalhan namin sila ng pagkain at nanatili roon nang ilang araw. Mula noon, linggu-linggo na namin silang dinadalaw hanggang sa makalipat sila sa Kampala. Habang humihirap ang sitwasyon, lalo naman kaming nabubuklod ng pag-ibig Kristiyano.

[Kahon/​Larawan sa pahina 82]

“Parang Hindi Ko Kayang Magsalita”

MARGARET NYENDE

ISINILANG 1926

NABAUTISMUHAN 1962

MAIKLING TALAMBUHAY Ang kauna-unahang sister sa Uganda. Mahigit 20 taóng regular pioneer. Aktibong mamamahayag pa rin ngayon.

◼ NAKIKIPAG-ARAL ng Bibliya ang asawa ko kay Brother Kilminster at sinabi niyang dapat din akong mag-aral dahil mahilig akong magbasa nito. Kaya ang misis ni John Bwali na si Eunice ang nag-study sa akin.

Natutuwa ako sa mga natututuhan ko, kaya lang takót akong mangaral, mahiyain kasi ako. Parang hindi ko kayang magsalita. Pero napakatiyaga ni Eunice. Tinuruan niya muna akong magbasa ng kahit isang teksto lang. Tapos, habang papunta kami sa susunod na bahay, tinuturuan niya ako kung paano ipapaliwanag ang teksto. Sa tulong ni Jehova, nagkaroon ako ng lakas ng loob.

Malapit na akong magpabautismo nang biglang umayaw ang asawa ko sa katotohanan. Wala akong nagawa nang iwan niya sa akin ang pito naming anak. Pero ang bait ng mga kapatid; binigyan nila kaming mag-iina ng praktikal at espirituwal na tulong. Sinusundo kami ng isang mag-asawang banyaga na bumibiyahe patungong Kampala para sa pulong. Laking pasasalamat ko na apat sa aking mga anak pati na ang kani-kanilang pamilya ay naglilingkod kay Jehova.

Di-nagtagal, nakapagpayunir ako. Nang pahirapan ako ng arthritis, naglagay ako ng mesa sa labas ng bahay para idispley ang mga literatura at makausap ang mga dumadaan. Kaya nakapagpatuloy pa rin ako sa buong-panahong paglilingkod.

[Kahon/​Mga Larawan sa pahina 98, 99]

Pinagpala ng Diyos ang Aming Espirituwal na Pag-aani

SAMUEL MUKWAYA

ISINILANG 1932

NABAUTISMUHAN 1974

MAIKLING TALAMBUHAY Sa loob ng maraming taon, naging kinatawan siya ng organisasyon sa legal na mga bagay at naglingkod din bilang elder at payunir.

◼ HINDI ko malilimutan ang pagpasyal sa tanggapang pansangay sa Kenya, sa lunsod ng Nairobi.

“Ano po ang ibig sabihin ng may-kulay na mga pin na ’to?” ang tanong ko habang tinitingnan ang mapa ng Uganda.

“Maraming interesado sa mga lugar na ’yan,” ang sagot ni Robert Hart, miyembro ng Komite ng Sangay sa Kenya.

“Kailan po kayo magpapadala ng mga payunir doon?” ang tanong ko habang itinuturo ang matingkad na pin sa Iganga, kung saan ako lumaki.

“Wala kaming ipapadala dun,” ang sabi niya. Tapos, tiningnan niya ako at sinabi, “Ikaw ang pupunta dun.”

Nagulat ako sa sinabi ni Brother Hart kasi hindi naman ako payunir, at hindi na ako nakatira doon. Pero hindi maalis-alis sa isip ko ang sinabi niya. Kaya nang magretiro ako sa gobyerno, umuwi ako sa amin at nagpayunir. Nakakatuwang makita na sa maikling panahon, ang iilang mamamahayag ay naging isang masulong na kongregasyon na may sariling Kingdom Hall!

Nang maatasan si Patrick Baligeya sa Iganga bilang special pioneer, sa bahay siya tumira at magkasama kaming nagpayunir. Nagtanim kami ng mais para may pansuporta kami. Umagang-umaga pa lang, tinatalakay na namin ang teksto at saka kami magtatrabaho sa maisan. Pagkaraan ng ilang oras, pupunta na kami sa teritoryo at maghapong mangangaral.

Nang lumaki na ang mga mais, pinagsabihan kami ng mga kapitbahay na napapabayaan na raw namin ang tanim dahil puro kami pangangaral. Alam naming delikado sa mga unggoy ang mais namin. Pero ayaw naman naming mapabayaan ang pangangaral para magtaboy lang ng mga unggoy.

Di-nagtagal, napansin naming may dalawang malalaking aso na pagala-gala sa aming maisan. Hindi namin alam kung kanino ang mga asong iyon o saan sila galing. Pero imbes na itaboy, binibigyan namin sila ng pagkain at tubig araw-araw. Kaya habang naroroon ang mga aso, walang unggoy na makalapit sa maisan. Pero pagkaraan ng apat na linggo, kung kailan aanihin na namin ang mais, bigla na lang nawala ang mga aso! Laking pasasalamat namin kay Jehova dahil marami kaming inaning mais, na naging pagkain namin at hindi ng mga unggoy. Higit sa lahat, tuwang-tuwa kami na pinagpala ng Diyos ang aming espirituwal na pag-aani!

[Kahon/​Larawan sa pahina 101, 102]

Nasa Bilangguan Pero Di-pinabayaan

PATRICK BALIGEYA

ISINILANG 1955

NABAUTISMUHAN 1983

MAIKLING TALAMBUHAY Nagpayunir pagkabautismo. Naglilingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa, kasama ang kaniyang asawang si Symphronia.

◼ NANG mapalitan ang gobyerno noong 1979, lahat ng nagkaroon ng koneksiyon sa dating rehimen ay ipinatawag at ikinulong. Sinumang hindi sumunod ay ituturing na kaaway ng bagong administrasyon. Musikero ako noon sa dating hukbong sandatahan kaya ikinulong ako.

Masaya ako kahit nasa bilangguan. Napanatili ko kasing aktibo ang isip ko sa tulong ng pagbabasa ng Bibliya. Bukod diyan, gusto kong malaman ang katotohanan, at mahilig akong makipag-usap sa mga kapuwa ko bilanggo tungkol sa Bibliya. May kasama kaming Saksi ni Jehova, si John Mundua, na nabilanggo dahil empleado siya ng dating gobyerno at kabilang sa tribo na sinasabing sumuporta rito.

Ibinahagi sa akin ni John ang mabuting balita, at tinanggap ko agad iyon. Mayroon lang kaming 16 na Bantayan at aklat na Good News—To Make You Happy,c pero agad kong natanto na ito ang katotohanan. Pagkatapos kong makipag-aral ng Bibliya sa loob ng tatlong buwan, sinabi ni John na puwede na akong maging mamamahayag. Di-nagtagal, napawalang-sala siya at pinalaya. Kaya wala na akong kasamang Saksi. Pero sinikap kong ipagpatuloy ang pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa mga bilanggong interesado.

Pinalaya ako noong Oktubre 1981 at bumalik sa nayon namin kung saan walang Saksi. Pinilit ako ng mga kamag-anak ko na sumali sa kanilang mga relihiyosong gawain. Pero alam ni Jehova na siya ang gusto kong paglingkuran, kaya hindi niya ako pinabayaan. Alam kong kailangan kong tularan ang halimbawa ni Jesus, kaya nagsimula akong mangaral nang mag-isa. Di-nagtagal, dumami ang mga inaaralan ko sa Bibliya. Isang araw, inilabas ng kausap ko ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan,d at sinabi, “Parang nabasa ko na sa aklat na ito ’yang sinasabi mo.” Gustung-gusto kong mabasa ang aklat niya pati na ang mga kopya niya ng Bantayan. Hindi siya masyadong interesado kaya ibinigay na lang niya ang mga iyon sa akin!

Pero kailangan ko pa ring hanapin ang mga Saksi. Sinabi ni Brother Mundua na may mga Saksi sa Jinja. Kaya hinanap ko sila roon. Halos magdamag akong nanalangin. Kinaumagahan, umalis ako kahit hindi pa nag-aalmusal. Ang unang nakasalubong ko ay isang lalaking may dalang plastic bag. Gulat na gulat ako nang makita kong may laman iyon na Gumising! Kapatid siya!

Noong 1984, tuwang-tuwa akong makadalo sa unang klase ng Pioneer Service School sa Uganda. At alam n’yo ba kung sino ang nakasama ko sa klase? Si Brother John Mundua! Kahit ngayon na 74 anyos na siya, regular pioneer pa rin siya.

[Mga talababa]

c Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na ngayon inililimbag.

d Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na ngayon inililimbag.

[Kahon/​Larawan sa pahina 113]

Sa Wakas, Natagpuan Niya ang Tunay na Relihiyon

Hiniling ng isang sister sa misyonerong si Mats Holmkvist na puntahan si Mutesaasira Yafesi, dating pastor ng Seventh-Day Adventist. Naging interesado siya sa mga Saksi ni Jehova. Nang makausap niya si Mats, ipinakita niya rito ang ginawa niyang listahan ng 20 tanong.

Matapos ang dalawang oras na talakayan sa Bibliya, sinabi ni Mutesaasira: “Sa wakas, natagpuan ko na ang tunay na relihiyon! Pumunta naman kayo sa nayon namin. Marami pang interesado roon sa mga Saksi ni Jehova.”

Pagkalipas ng limang araw, nagmotorsiklo si Mats at ang isa pang misyonero papunta kay Mutesaasira sa Kalangalo. Naglakbay sila nang 110 kilometro, sa maputik na daan na bumabagtas sa mga taniman ng tsaa. Nagulat sila nang dalhin sila ni Mutesaasira sa isang kubong may karatulang “Kingdom Hall.” Hindi na nila poproblemahin kung saan sila magpupulong at mag-aaral ng Bibliya!

Sampu pa ang naging interesado dahil sa pangangaral ni Mutesaasira. Napasimulan ang mga pag-aaral sa Bibliya, at kahit napakalayo nila, dalawang beses sa isang buwan pa rin silang pinupuntahan ni Mats. Mabilis silang sumulong. Mahigit 20 ang naging mamamahayag sa Kalangalo, at masulong din ang kongregasyon sa kalapit-bayang Mityana. Samantala, patuloy na sumulong si Mutesaasira at nabautismuhan. Mahigit 70 anyos na siya ngayon at naglilingkod bilang elder.

[Chart/​Graph sa pahina 108, 109]

TALÂ NG MAHAHALAGANG PANGYAYARI—Uganda

1930

1931 Nangaral sina Robert Nisbet at David Norman sa Silangang Aprika.

1940

1950

1950 Lumipat ang mga Kilminster sa Uganda.

1952 Itinatag ang unang kongregasyon.

1956 Unang pagbabautismo.

1959 Tumulong sa gawain ang mga banyagang kapatid.

1960

1963 Dumating ang mga misyonero mula sa Gilead.

1972 Ginanap ang kauna-unahang pandistritong kombensiyon.

1973 Ipinagbawal ang mga Saksi ni Jehova at pinauwi ang mga misyonero.

1979 Inalis ang pagbabawal.

1980

1982 Muling pinahintulutang makapasok sa bansa ang mga misyonero.

1987 Ang magasing Bantayan ay regular nang isinalin sa wikang Luganda.

1988 Inialay ang unang permanenteng Kingdom Hall.

1990

2000

2003 Nagkaroon ng tanggapang pansangay.

2007 Inialay ang mga bagong pasilidad ng sangay.

2010

[Graph]

(Tingnan ang publikasyon)

Bilang ng Mamamahayag

Bilang ng Payunir

5,000

3,000

1,000

1930 1940 1950 1960 1980 1990 2000 2010

[Mga mapa sa pahina 73]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

DEMOKRATIKONG REPUBLIKA NG CONGO

SUDAN

KENYA

UGANDA

KAMPALA

Arua

Gulu

Lira

Soroti

Lawa ng Kyoga

Masindi

Hoima

Mbale

Tororo

Namaingo

Iganga

Jinja

Seta

Kajansi

Entebbe

Mityana

Kalangalo

Fort Portal

Rusese

Lawa ng Albert

Kbdk. ng Ruwenzori

Ekwador

Lawa ng Edward

Masaka

Mbarara

Kabale

KENYA

LAWA NG VICTORIA

TANZANIA

BURUNDI

RWANDA

UGANDA

KAMPALA

KENYA

NAIROBI

Meru

Bdk. Kenya

Mombasa

TANZANIA

DAR ES SALAAM

Zanzibar

[Mapa/Larawan sa pahina 87]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

UGANDA

KAMPALA

Arua

Gulu

Lira

Soroti

Masindi

Hoima

Fort Portal

Masaka

Mbarara

Kabale

LAWA NG VICTORIA

[Larawan]

Nilakbay ni Brother Hardy at ng kaniyang asawa ang kalakhang bahagi ng Uganda sa loob ng anim na linggo

[Buong-pahinang larawan sa pahina 66]

[Larawan sa pahina 69]

Inihatid nina David Norman at Robert Nisbet ang mabuting balita sa Silangang Aprika

[Larawan sa pahina 71]

Sina George at Robert Nisbet, Gray at Olga Smith, at ang kanilang mga van, lulan ng isang balsa patawid ng ilog

[Larawan sa pahina 75]

Sina Mary at Frank Smith, bago sila ikasal noong 1956

[Larawan sa pahina 78]

Si Ann Cooke at ang kaniyang mga anak kasama sina Brother at Sister Makumba

[Larawan sa pahina 80]

Sina Tom at Bethel McLain na nagtapos sa Gilead ang kauna-unahang mga misyonero sa Uganda

[Larawan sa pahina 81]

Ang unang tahanan ng mga misyonero sa Jinja

[Larawan sa pahina 83]

Mga misyonero mula sa Gilead na sina Barbara at Stephen Hardy

[Larawan sa pahina 85]

Si Mary Nisbet (gitna) kasama ang mga anak niyang sina Robert (kaliwa), George (kanan), at William at asawa nitong si Muriel (likod)

[Larawan sa pahina 89]

Si Tom Cooke habang nagpapahayag sa “Pamamahala ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon sa Kampala

[Larawan sa pahina 90]

Sina George at Gertrude Ochola

[Mga larawan sa pahina 94]

Sa kabila ng pagbabawal, nagpatuloy sa pagtitipon ang ating mga kapatid

[Larawan sa pahina 95]

Fred Nyende

[Larawan sa pahina 96]

Emmanuel Kyamiza

[Larawan sa pahina 104]

Si Stanley Makumba at ang asawa niyang si Esinala noong 1998

[Larawan sa pahina 107]

Sina Heinz at Marianne Wertholz ay nag-aral sa unang klase ng Gilead Extension School sa Alemanya

[Mga larawan sa pahina 118]

Mga Grupo ng Tagapagsaling-Wika

Luganda

Acholi

Lhukonzo

Runyankore

[Mga larawan sa pahina 123]

Ibang-iba ang mga Kingdom Hall ngayon kumpara noon (kaliwa)

[Mga larawan sa pahina 124]

Sangay sa Uganda

Komite ng Sangay: Mats Holmkvist, Martin Lowum, Michael Reiss, at Fred Nyende; gusali para sa mga opisina (ibaba) at tirahan (kanan)

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share