ARALIN 40
Katumpakan ng Pananalita
BAKIT ang isang Kristiyano ay maaaring makapagsalita nang hindi totoo? Maaaring inuulit lamang niya ang isang bagay na kaniyang narinig, nang hindi na sinusuri ang katotohanan nito. O marahil ay napasobrahan niya ang isang bagay nang hindi namamalayan, sapagkat mali pala ang pagkabasa niya sa pinagmulang materyal. Kapag binibigyan natin nang maingat na pansin ang katumpakan maging sa maliliit na bagay, makikita ng ating tagapakinig na maaari silang magtiwala sa pagiging totoo ng higit na mahahalagang aspekto ng ating mensahe.
Sa Ministeryo sa Larangan. Sa pagkaalam na marami pa silang dapat matutuhan, marami ang natatakot na magpasimula sa ministeryo sa larangan. Subalit, agad na nasusumpungan ng mga ito na sila ay nakapagbibigay ng mabisang patotoo, kahit ang taglay lamang nila ay saligang kaalaman sa katotohanan. Paano? Ang susi ay ang paghahanda.
Bago lumabas sa paglilingkod sa larangan, maging pamilyar sa paksang nais mong talakayin. Subukin mong isaalang-alang nang patiuna ang mga tanong na maaaring ibangon ng iyong mga tagapakinig. Hanapin mo ang kasiya-siyang salig-Bibliyang mga sagot. Ito ay maghahanda sa iyo upang magbigay ng tumpak na mga sagot taglay ang mahinahong kaisipan. Magdaraos ka ba ng isang pag-aaral sa Bibliya? Maingat na repasuhin ang materyal na pinag-aaralan. Tiyaking nauunawaan mo ang maka-Kasulatang saligan para sa mga sagot sa nakalimbag na mga tanong.
Kumusta kung ang isang may-bahay o isang kamanggagawa ay nagharap ng tanong na hindi mo napaghandaan upang sagutin? Kung hindi mo tiyak ang mga bagay-bagay, huwag kang manghuhula. “Ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay upang makasagot.” (Kaw. 15:28) Masusumpungan mo ang tulong na kailangan mo sa aklat na Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan o sa “Mga Paksa sa Bibliya na Mapag-uusapan” kung ang mga ito ay makukuha sa iyong wika. Kung wala kang dalang alinman sa mga ito, sabihing magsasaliksik ka pa at saka magbabalik. Kung ang nagtanong ay taimtim, hindi niya mamasamaing maghintay para sa tamang sagot. Sa katunayan, maaaring humanga siya sa iyong kapakumbabaan.
Ang paggawa sa ministeryo sa larangan kasama ng makaranasang mga mamamahayag ay makatutulong sa iyo na magkaroon ng kakayahan sa wastong paggamit ng Salita ng Diyos. Pansinin kung aling mga kasulatan ang ginagamit nila at kung paano sila nangangatuwiran doon. Mapagpakumbabang tanggapin ang anumang mungkahi o pagtutuwid na ibinibigay nila. Ang masigasig na alagad na si Apolos ay nakinabang mula sa tulong na tinanggap sa iba. Si Apolos ay inilarawan ni Lucas bilang “mahusay magsalita,” “bihasa,” at ‘maningas sa espiritu,’ isang lalaking “nagsalita at nagturo nang may kawastuan ng mga bagay tungkol kay Jesus.” Subalit, kulang pa ang kaniyang kaunawaan. Nang mapansin ito nina Priscila at Aquila, “isinama nila siya at ipinaliwanag sa kaniya ang daan ng Diyos nang may higit na kawastuan.”—Gawa 18:24-28.
“Nanghahawakang Mahigpit sa Tapat na Salita.” Ang ating mga presentasyon sa mga pulong ay dapat na kakitaan ng mataas na pagtingin sa papel ng kongregasyon bilang “haligi at suhay ng katotohanan.” (1 Tim. 3:15) Upang maitaguyod ang katotohanan, mahalaga na maunawaan natin ang mga kasulatan na pinaplano nating gamitin sa mga pahayag. Isaalang-alang ang konteksto at layunin ng mga ito.
Kung ano ang iyong sinasabi sa isang pulong ng kongregasyon ay maaaring maulit. Sabihin pa, “tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit.” (Sant. 3:2) Subalit makikinabang ka kung pasusulungin mo ang mga kaugalian na nakatutulong sa tumpak na pagsasalita. Maraming kapatid na nakatala sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ang nagiging matatanda sa paglipas ng panahon. “Higit kaysa karaniwan” ang inaasahan sa mga pinagkatiwalaan ng gayong pananagutan. (Luc. 12:48) Kung ang isang matanda ay walang-ingat sa pagbibigay ng maling payo na nagbubunga ng malulubhang suliranin para sa mga miyembro ng kongregasyon, maaaring maiwala ng matanda ang pagkalugod ng Diyos. (Mat. 12:36, 37) Kaya, ang isang kapatid na lalaki na nagiging kuwalipikado bilang isang matanda ay kailangang makilala bilang “nanghahawakang mahigpit sa tapat na salita may kinalaman sa kaniyang sining ng pagtuturo.”—Tito 1:9.
Mag-ingat na ang iyong mga pangangatuwiran ay maging kaayon ng “parisan ng nakapagpapalusog na mga salita” na nakikita sa buong kalipunan ng maka-Kasulatang katotohanan. (2 Tim. 1:13) Ito ay hindi dapat makasindak sa iyo. Marahil ay hindi mo pa natatapos ang pagbabasa ng buong Bibliya. Patuloy mong gawin ito. Samantala, pansinin kung paanong ang sumusunod na mga mungkahi ay makatutulong sa iyo upang masuri ang materyal na binabalak mong gamitin sa iyong pagtuturo.
Una, tanungin ang iyong sarili: ‘Ang materyal bang ito ay kasuwato ng napag-aralan ko na mula sa Bibliya? Aakayin ba nito kay Jehova ang aking mga tagapakinig, o itatanghal ba nito ang karunungan ng sanlibutan, na pinasisigla ang mga tao na paakay dito?’ Sinabi ni Jesus: “Ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17; Deut. 13:1-5; 1 Cor. 1:19-21) Pagkatapos, gamiting mabuti ang mga pantulong sa pag-aaral na inilaan ng uring tapat at maingat na alipin. Ito ay tutulong sa iyo hindi lamang upang maunawaan nang wasto ang mga kasulatan kundi maikapit din ang mga ito nang timbang at makatuwiran. Kung isasalig mo ang iyong mga pahayag sa “parisan ng nakapagpapalusog na mga salita” at aasa ka sa alulod ni Jehova kapag nagpapaliwanag at nagkakapit ng mga kasulatan, ang iyong mga pananalita ay magiging tumpak.
Pagsusuri sa Katumpakan ng Impormasyon. Ang ulat ng kasalukuyang mga pangyayari, mga pagsipi, at mga karanasan ay maaaring makatulong kapag iyong inilalarawan at ikinakapit ang ilang punto. Paano mo matitiyak na ang mga ito ay tumpak? Ang isang paraan ay ang pagkuha ng mga ito mula sa mga mapagkakatiwalaang mga pinagmumulan ng impormasyon. Alalahaning suriin kung ang impormasyon ang siyang pinakabago. Ang mga estadistika ay lumilipas; ang mga siyentipikong tuklas ay dagling nahihigitan; at habang lumalaki ang pagkaunawa ng tao sa kasaysayan at sa sinaunang mga wika, ang mga konklusyong salig sa dating kaalaman ay kailangang baguhin. Lubusang mag-ingat kung binabalak mong gumamit ng impormasyon mula sa mga pahayagan, telebisyon, radyo, electronic mail, o sa Internet. Ang Kawikaan 14:15 ay nagpapayo: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.” Tanungin ang iyong sarili: ‘Ang pinagmulan ba ng impormasyon ay kilala sa pagiging tumpak? Ang impormasyon ba ay mapatutunayan sa iba pang paraan?’ Kung nag-aalinlangan ka sa pagiging totoo ng isang bagay, iwaksi iyon.
Bukod pa sa pagsusuri sa pagkamaaasahan ng mga pinagmumulan ng impormasyon, maingat na isaalang-alang kung paano mo pinaplanong gamitin ang impormasyon. Tiyaking ang paggamit mo ng mga pagsipi at mga estadistika ay kasuwato ng konteksto na pinagkunan ng mga iyon. Sa pagsisikap na idiin ang iyong punto, mag-ingat na ang “ilang tao” ay hindi maging “ang karamihang tao,” ang “maraming tao” ay hindi maging “lahat,” at ang “sa ilang kaso” ay hindi maging “sa lahat ng kaso.” Ang pagpapasobra ng mga bagay-bagay o pagpapalabis ng mga ulat hinggil sa bilang, laki, o kalubhaan ay nagbabangon ng mga pag-aalinlangan sa kredibilidad.
Kapag laging tumpak ang iyong sinasabi, ikaw ay makikilala bilang isang tao na gumagalang sa katotohanan. Ito ay nagdudulot ng mabuting impresyon hinggil sa mga Saksi ni Jehova bilang isang grupo. Higit na mahalaga, ito ay nagpaparangal kay “Jehova na Diyos ng katotohanan.”—Awit 31:5.