ARALIN 39
Mabisang Konklusyon
MAAARING nakapagsaliksik ka nang mabuti at nakapag-organisa ng materyal para sa katawan ng iyong pahayag. Maaaring nakapaghanda ka na rin ng isang pumupukaw-interes na pambungad. Subalit, may isa pang bagay na kailangan—isang mabisang konklusyon. Huwag mong maliitin ang kahalagahan nito. Ang huling sasabihin mo ang karaniwang matatandaan nang pinakamatagal. Kung mahina ang konklusyon, kahit na ang sinabi bago nito ay maaaring halos mawawalan na ng bisa.
Isaalang-alang ang sumusunod: Sa pagtatapos ng kaniyang buhay, si Josue ay nagbigay ng isang di-malilimutang diskurso sa matatandang lalaki ng bansang Israel. Matapos isalaysay ang mga pakikitungo ni Jehova sa Israel mula pa noong kapanahunan ni Abraham, binanggit ba lamang ni Josue ang mga tampok na bahagi sa anyong sumaryo? Hindi. Sa halip, taglay ang matinding damdamin pinayuhan niya ang bayan: “Matakot kayo kay Jehova at paglingkuran ninyo siya sa kawalang-pagkukulang at sa katotohanan.” Basahin mo sa ganang sarili ang konklusyon ni Josue na nakaulat sa Josue 24:14, 15.
Ang isa pang kapansin-pansing pahayag, na masusumpungan sa Gawa 2:14-36, ay ibinigay ni apostol Pedro sa isang pulutong sa Jerusalem noong Kapistahan ng Pentecostes 33 C.E. Kaniya munang ipinaliwanag na kanilang nasasaksihan ang katuparan ng hula ni Joel hinggil sa pagbubuhos ng espiritu ng Diyos. Pagkatapos ay ipinakita niya kung paano iniugnay ito sa Mesiyanikong mga hula na nasa Mga Awit na patiunang nagsabi ng tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo at sa pagtataas sa kaniya sa kanang kamay ng Diyos. Pagkatapos, sa kaniyang konklusyon, maliwanag na binanggit ni Pedro ang isyu na kailangang harapin ng lahat ng kaniyang tagapakinig. Sinabi niya: “Kaya alamin nga nang may katiyakan ng buong sambahayan ng Israel na ginawa siya ng Diyos bilang kapuwa Panginoon at Kristo, ang Jesus na ito na inyong ibinayubay.” Ang mga naroroon ay nagtanong: “Mga lalaki, mga kapatid, ano ang gagawin namin?” Si Pedro ay sumagot: “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Kristo.” (Gawa 2:37, 38) Nang araw na iyon mga 3,000 katao sa kaniyang tagapakinig, dahil sa lubos na napakilos ng kanilang narinig, ay yumakap sa katotohanan hinggil kay Jesu-Kristo.
Mga Puntong Kailangang Tandaan. Kung ano ang babanggitin mo sa iyong konklusyon ay dapat na tuwirang kaugnay ng tema ng iyong pahayag. Dapat na ito’y maging isang lohikal na konklusyon sa iyong binuong mga pangunahing punto. Bagaman nanaisin mong ilakip ang ilang susing salita mula sa iyong tema, ang tuwirang pagbanggit nito ay opsyonal.
Karaniwan na, ang iyong layunin sa pagsasalita ay upang mapasigla ang iba na kumilos salig sa impormasyong iyong iniharap. Ang isa sa mga pangunahing layunin ng konklusyon ay upang ipakita sa kanila kung ano ang dapat gawin. Nang piliin mo ang iyong tema at mga pangunahing punto, maingat mo bang isinaalang-alang kung bakit ang materyal ay magiging mahalaga sa iyong tagapakinig at kung ano ang iyong magiging layunin sa pagpapahayag nito? Kung gayon, batid mo ang pagkilos na nais mong gawin nila. Ngayon ay kailangan mong ipaliwanag kung ano ang pagkilos na iyon at marahil ay kung paano isasagawa iyon.
Bukod pa sa pagpapakita sa iyong tagapakinig kung ano ang dapat gawin, ang iyong konklusyon ay dapat na may pangganyak. Kailangang ilakip dito ang makatuwirang mga dahilan ng pagkilos at kaipala’y ng mga kapakinabangan na maaaring idulot sa paggawa niyaon. Kapag ang huling pangungusap ay pinag-isipang mabuti at maingat na binanghay, ito ay magpapatindi sa datíng ng iyong buong pahayag.
Ingatan sa isipan na nagtatapos na ang pahayag. Kung ano ang sasabihin mo ay dapat na magpahiwatig nito. Ang bilis mo ay dapat ding maging angkop. Huwag magsasalita nang mabilis hanggang sa matapos at saka biglang titigil. Sa kabilang panig, huwag hayaang basta unti-unting mawala ang iyong boses. Dapat na may sapat na lakas ang iyong tinig subalit hindi sobra. Ang iyong huling mga pangungusap ay dapat na magpahiwatig ng pagtatapos. Ang iyong pagpapahayag ng mga ito ay dapat na magpakita ng init at pananalig. Kapag naghahanda sa iyong pagpapahayag, huwag kaliligtaang insayuhin ang iyong konklusyon.
Gaano ang dapat na maging haba ng konklusyon? Hindi ito isang bagay na sinusukat lamang ng orasan. Ang konklusyon ay hindi dapat tumagal. Ang pagiging angkop ng haba nito ay makikita sa epekto nito sa tagapakinig. Ang isang simple, tuwiran at positibong konklusyon ay laging pinahahalagahan. Ang isa na mahaba-haba na nagtataglay ng isang maikling ilustrasyon ay maaari ring maging mabisa kung ito ay maingat na isinaplano. Ihambing ang maikling konklusyon sa buong aklat ng Eclesiastes, na masusumpungan sa Eclesiastes 12:13, 14, sa mas maikling Sermon sa Bundok, na nakaulat sa Mateo 7:24-27.
Sa Ministeryo sa Larangan. Wala ka nang mas madalas pang pangangailangan para sa konklusyon kaysa sa ministeryo sa larangan. Sa pamamagitan ng paghahanda at maibiging interes sa mga tao, malaking kabutihan ang magagawa mo. Ang payo na ibinigay sa naunang mga pahina ay maaaring ikapit nang may kapakinabangan kahit na sa pakikipag-usap nang isahan.
Ang isang pakikipag-usap ay maaaring napakaikli. Ang tao ay maaaring abala. Ang iyong buong pagdalaw ay maaaring tumagal lamang ng isang minuto. Kung angkop, maaari mong sabihin ang katulad nito: “Nauunawaan ko. Subalit hayaan mong iwanan kita ng isang nakapagpapatibay na ideya. Ipinakikita ng Bibliya na ang ating Maylalang ay may kamangha-manghang layunin—upang gawin ang lupang ito na isang dako kung saan ang mga tao ay magtatamasa ng buhay magpakailanman. Maaari tayong mapasa-Paraisong iyon, subalit kailangang matutuhan natin ang mga kahilingan ng Diyos.” O maaari mong sabihin lamang na babalik ka sa isang higit na kombinyenteng panahon.
Kung ang pagdalaw ay naudlot dahil sa di-palakaibigan ang may-bahay—walang pitagan pa nga—malaking kabutihan pa rin ang maaaring matamo. Tandaan ang payong masusumpungan sa Mateo 10:12, 13 at Roma 12:17, 18. Ang iyong mahinahong tugon ay maaaring magpabago sa kaniyang pangmalas sa mga Saksi ni Jehova. Iyon ay isang mainam na resulta.
Sa kabilang panig, maaaring nagkaroon ka ng isang kasiya-siyang pakikipag-usap sa may-bahay. Bakit hindi muling banggitin ang pangunahing punto na nais mong matandaan niya? Ilakip ang pangganyak upang siya ay kumilos salig doon.
Kung nakikita mo na may posibilidad na ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa ibang panahon, bigyan ang tao ng ilang bagay na maaaring asam-asamin. Magharap ng isang tanong—marahil ay yaong tinalakay sa Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan o sa isang publikasyong dinisenyo para sa pagdaraos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ingatan sa isip ang iyong tunguhin, gaya ng itinakda ni Jesus at iniulat sa Mateo 28:19, 20.
Nagtatapos ka na ba sa isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya? Ang muling pagbanggit sa tema ay tutulong sa estudyante na matandaan kung ano ang tinalakay. Ang paggamit ng mga tanong sa repaso ay makatutulong upang maikintal sa isipan ng estudyante ang mga susing punto, lalo na kung hindi minamadali ang pagrerepasong iyon. Ang tanong kung paano makikinabang ang estudyante sa pinag-aralang materyal o kung paano niya ito maibabahagi sa iba ay makatutulong sa kaniya na mag-isip kung paano magagamit sa praktikal na paraan ang kaniyang natutuhan.—Kaw. 4:7.
Tandaan—ang iyong konklusyon ay makaaapekto sa bisa ng iyong buong pakikipag-usap.